Iniwan ko muna ang sasakyan ko sa HQ at umangkas sa service vehicle na gamit ni Donnel, kasunod ang dalawang police car angkas ang iba pang team members ni Hannah ng PCU.
Sa passenger's side nakaupo si Hannah at sa back seat ako. Katabi ko ang maskuladong nasa conference kanina. Bago lang din pala siya, si PO1 Victor Salameda. 'Yon ang nakasulat sa name patch niya sa dibdib.
"Pare, ako nga pala si PO1 Victor." Inilahad nito ang palad. Inabot ko naman.
"Wesley." Tipid kong sabi.
"May third eye siya. He can see ghosts. The real ones. He can talk to them, too." Segunda ni Hannah.
Wow. Bakit hindi ako nagkaroon ng gano'ng ability? Cool siguro ang makipag-usap sa mga multo.
Hinampas ako sa braso. Medyo malakas, sadya yata eh. "Ikaw, pare, bakit confidential pa ang ability mo? Ibulong mo sa akin, 'di ko ipagkakalat."
"Saka na. Undetermined pa." Nilingon ko ang labas ng kotse at tiningnan ang paligid. Pababa ang sasakyan, patungo sa parang masukal na kakahuyan. Maya-maya ay nakita ko na ang lawa, may mga ilang nagkakagulong miron na nakikiusyoso, at ilang pulis na naka-antabay sa gilid ng katawan ng biktima. Kita ko ang paa mula sa posisyon ng kotse namin. Bumaba na kami at lumapit sa crime scene. Nilagpasan ang Barricade Yellow Tape saka lumapit sa officer na may kausap sa radio.
"Excuse me, I'm Inspector Hannah Delgado of San Jose District PCU-UCIPG division." Pakilala ni Hannah dito.
Ibinaba ng pulis ang radio niya at sumaludo kay Hannah. "PO2 San Juan, reporting, Ma'am! A local found this teenager's body 30 minutes ago, Ma'am!" Parang robot na sagot nito habang nakasaludo. Muntik na akong matawa.
"May nakita na kayong pagkakakilanlan sa kanya?" Lumapit si Hannah sa bangkay at nag-squat sa tabi nito. Bata pa ang lalaking biktima, mukhang nasa 16 years old lang. Naka-maong pants ito, checkered na pulang polo at may tattoo ng anchor sa ibabaw ng kamao.
"Mayro'n po, sandali." Tinawag ng PO2 ang kasamahang PO1, at iniabot nito ang wallet ng biktima na naka-resealable plastic.
Hinarap ni Hannah ang iba pang team members niya na sumunod sa amin kanina. "Paalisin n'yo na ang mga tao. We need to do a thorough inspection sa area. Makakagulo sila sa investigation. They might accidentally tamper evidences and traces left by the killer." Ginawa naman 'yon ng mga kasama namin. Isa-isang pinaalis ang mga miron.
Nagsuot ng gloves si Hannah saka binuksan ang wallet na basa pa. Dinukot ang laman ng wallet saka binuksan, may school ID sa kaliwa at wallet-sized picture ng biktima sa kanan. "Jerome Rosales, grade 10."
Tama nga ako, nasa 16 lang 'to. Kawawa naman. Napalingon ako sa paligid, at napansin ko si Victor na nakatingin sa 'di kalayuan. Lumakad ito at pumunta sa tabi ng puno. Napalingon si Hannah at si Donnel sa tinitingnan ko.
"He's talking to the victim's spirit." Sagot ni Donnel. Napatingin ako sa kanya na nagtatanong ang mga mata. "We have the same ability. Karamihan naman sa department ay mga nakakakita ng ghosts, but they can't hear them. May dalawang may ESP, at dalawang Empath. Si Hannah ang Clairvoyant, si Doc ang Clairaudience. May dalawang may imperfect precognition kasi on and off ang ability nila at isang may postcognition ability, but he's on medical leave."
Pinilit kong tandaan ang abilities ng mga naroon. Ako lang talaga ang may psychometric ability?
"Kung tama ang naiisip kong itinatanong mo sa sarili mo, yes, ikaw lang ang nag-iisang may psychometric ability. I'm sure our bosses would be very glad to meet you personally." Tinapik ako ni Donnel bago ito pumunta kay Victor.
Nagkibit-balikat na lang ako saka sinamahan si Hannah sa pag-inspect sa bangkay. Wala naman akong maitutulong sa pagkausap sa multo. Nag-squat ako sa kabilang side ng bangkay, isinuot ang gloves na iniabot ni Hannah saka tiningnan ang bawat bahagi ng biktima. Puro pasa ito, bugbog sa katawan. Kita sa pangingitim ng iba't ibang bahagi ng braso at mukha.
Sinipat ko ang parang nagdidikit-dikit na buhok nito dahil sa natuyong dugo, mukhang kalahati lang ng katawan nito ang nalublob sa gilid ng lawa kaya hindi nabasa ang taas na bahagi ng katawan. Hinawakan ko ang ulo at sinalat. May tama sa ulo, parang hinampas ng kung ano.
Lumapit sa amin sina Victor at Donnel. "Inspector, ayaw magsalita nung multo. Kahit anong piga ang gawin namin, ayaw magsalita."
"What? Ayaw ba niyang maresolba ang kaso niya? Ayaw niyang makulong ang may gawa nito?" Napailing si Hannah.
Tiningnan ko ng mabuti ang mukha ng biktima. May bahid ng dugo sa gilid ng bibig nito. Ibinuka ko ang medyo matigas na panga at sinilip ang loob. There I saw the victim's tongue, putol. "Kaya pala ayaw magsalita no'ng multo, hindi makakapagsalita. Pinutol ang dila." Nilingon ko si Donnel. "Gano'n ba talaga 'yon?"
Tumango si Donnel. "Apparently, yes." Saka 'to napabuga ng hangin. "Mahihirapan na naman tayo sa kaso. Wala pa naman si Bruce para alamin ang past nito."
Pinasadahan ko ulit ng tingin ang katawan nang makita ko ang nakausling kapirasong bahagi ng papel. Basang basa na 'to at kumalat na ang tinta ng mga nakasulat dito. Dinukot ko ang papel. Mukhang information ng tao ang nakasulat, pero hindi ko na mabasa. "Inspector Hannah, okay lang ba?" Paalam ko sa kanya.
"Go. You are now on official duty. Sorry kung agad-agad ay nasa mission ka na." Pagbibigay permission ni Hannah.
"It's fine. At least may pakinabang ang ability ko." Hinubad ko ang kanang glove na suot ko, saka ko hinawakan ang papel at pumikit.
Nakikita ko ang isang lalakeng nagsusulat ng pangalan, address at contact number niya, kaharap ang biktima. Iniabot nito sa biktima ang isiinulat niya. "Kung kailangan mo ng protection, sabihan mo ako. Ako ang bahala sa'yo."
Inabot 'yon ng biktima pero tumanggi sa alok ng lalake. "Wala akong tiwala kahit kanino. Marami silang kapit. Walang makakatulong sa akin." Ibinulsa nito ang inabot na papel sa kanya. Tumayo ito at lumabas ng cafeteria. Naglakad ang binatilyo patungo sa isang madilim na eskinita, habang naglalakad ay may sumalubong sa kanyang apat na lalakeng may mask na may design ng bungo ang mukha-- face mask na katulad ng mask na suot no'ng pumatay sa babae last week. Tumakbo ang biktima pero matulin siyang hinabol ng apat na lalake. Nahablot siya ng dalawa saka binugbog. Walang nagawa ang kawawang biktima, hinila siya ng dalawang lalake patungo sa itim na van na walang plaka. Nanghihinang nagpupumilit kumawala ang biktima pero wala siyang laban sa apat na lalaking kumuha sa kanya.
Dinala siya malapit sa lawa kung nasaan kami ngayon, ibinaba ang biktima at dito binugbog. Sapat ang liwanag ng headlight ng van para makita ang mga nangyayari. Hindi nakuntento ang isang naka-face mask na mataba kaya pinahawakan ang bibig ng biktima sa dalawang kasama, saka pilit pinabuka 'to. Sapilitang dinukot ang dila at pinutol gamit ang swiss knife. "Aaaaaaahhhh!" Hiyaw ng biktima.
"Bagay sa'yo 'yan. Madaldal ka kasi." Saka ito dumura at itinapon ang bahagi ng dilang naputol.
Nakakuha ng malaking bato ang pangatlong lalakeng may mahabang peklat sa noo. Nakita ko ang anchor na tattoo nito sa ibabaw ng kamao, katulad ng sa biktima. Hinampas ng hinampas ito sa ulo hanggang sa mamatay. Itinapon lang ng lalakeng pumukpok sa ulo niya ang bato sa gilid na maraming d**o, sinipa-sipa ang biktima para tiyaking patay na 'to. "Itapon n'yo na 'yan sa lawa." Binuhat ng dalawang kasama nito ang biktima saka binuhat patungong lawa. Iniwan na siya do'n saka umalis ang apat.
Napaupo ako dahil sa nakita ko. Nakakapagod pala kapag gano'n ka-intense ang eksenang makikita ko. Parang nagbalik ang nangyari kina mama 10 years ago...
"What did you see?" Curious na tanong ni Hannah.
"Wait..." tumayo ako saka lumakad patungo sa punong nilapitan ni Victor kanina. Nilapitan ko ang damuhan na nasa 'di kalayuan, at hinanap ang bato na itinapon ng lalakeng may peklat sa noo. Nahanap ko ang murder weapon. May dugo pa ang bahagi ng malaking bato na ginamit pangpukpok sa ulo ng biktima. Isinuot ko ulit ang glove na hinubad ko at dinampot ang bato. Nasa 'di kalayuan din ang kapirasong dila ng biktima. Kinuha ko na rin kahit nandidiri ako. Kinilig pa ako pagdampot ko sa dila.
"Inspector Hannah, heto ang murder weapon. Walang suot na hand gloves ang killer kaya may fingerprints 'yan. Pwede tayong makipag-coordinate sa NBI para ipa-trace ang fingerprints." Iniabot ko kay Hannah ang bato. "Heto rin ang kapirasong dila ng biktima."
Kinuha niya 'to at nanghingi ng dalawang resealable plastic sa tauhan saka isinilid ang bato sa isa, at kapirasong dila sa isa pa.
Tinapik ako ni Donnel. "Good job! Hulog ka ng langit sa department namin."
Napanganga si Victor, gulat na gulat. "How did you do that? Ano ang ability mo?"
"Ahhh..." tiningnan ko si Hannah.
"Mamaya na namin ipapaliwanag." Sagot niya kay Victor, saka tumingin sa akin. "Ano ang nakita mo?"
"I'm not sure if this crime is connected to the serial killing of women, iyong may long-stemmed rose na hawak."
Hindi makapaniwalang napatingin sila sa akin, pati ang iba pang team members ni Hannah na nakikinig na pala sa akin. Napakamot ako ng ulo. 'Di ko na maitatago na may psychometric ability ako.
"Nakita ko ang killers, apat silang humabol sa kanya sa isang eskinita, isinakay siya sa itim na van na walang plate number, binugbog dito, pinutol ang dila saka pinalo ng bato sa ulo. Itinapon doon yang bato at ang dilang 'yan saka sila umalis. Lahat sila ay may face mask na may markang bungo, at ang isa na pumukpok ng bato sa ulo niya ay may anchor tattoo sa kamao, katulad ng sa biktima. May peklat din siyang mahaba sa noo."
Lahat sila ay tulala at mukhang hindi makapaniwala sa mga pinagsasabi ko.