Chapter 1
“Ma’am Zoe! Ma’am! Gumising na raw kayo kung sasabay kayo sa Daddy ninyo!” kasabay iyon ng malakas na katok ng yaya ko sa pinto.
“Opo Ya! Gising na ako!” sagot ko saka ako humikab at uminat.
Kanina pa ako gising pero tinatamad akong bumangon. Unang araw ko ito sa bago kong school ngunit kung kailan maayos na ang lahat at ito na ang pagkakataong hinihintay ko ay saka naman ako nakaramdam ng pagkabalisa. Kontra sina Mommy sa paglipat ko ng bagong school pero iyon ang gusto ko, iyon ang matagal ko nang pinaghandaan at aking plano. Matagal ko nang gusting balikan ang isang taong naging dahilan ng kagustuhan kong matuto at magaling sa lahat ng bagay. Lalaking sumira sa self-esteem at self-worth. Lalaking naiisip ko pa lamang ay kumukulo na ang dugo ko.
Tinignan ko ang oras sa cellphone ko. Maaga pa naman pero kung makagising si Yaya akala mo sobrang late ko na. Naisip kong bumalik na muna muli sa aking higaan. Tumingin ako sa kisame. Nakita ko ang kulay asul na kulay ng aking ceiling, parang kulay ng langit. Sky-blue. Dahil doon ibinabalik ako nito sa nakaraan. Tandang-tanda ko pa ang mukha at ginawa sa akin ng lalaking iyon noong elementary pa lang kami.
Grade 6 na ako nang napagdesisyunan ng mga magulang kong ilipat na ako at dalhin sa Manila mula sa probinsiya. Lumaki kasi ako sa pangangalaga ng Lolo at Lola ko sa Cagayan habang ang mga magulang ko noon ay nakikipagsapalaran sa Manila. Nang lumago at lumaki ang kanilang sinimulang Negosyo, saka nila ako kinuha at doon na ako nagpatuloy ng aking pag-aaral.
Sa probinsiya, kahit pa payat ako at maitim dahil sa panay ang ligo namin ng mga pinsan ko sa ilog kahit katanghaliang tapat ay walang nangutya o nam-bully na bata sa akin. Kahit may mga galis ako sa katawan at sa ulo dahil sa allergy na nakokontra ko sa pagkain ng bawal ay hindi ako pinandidirihan. Sikat pa nga ako noon doon kasi lagi akong may mga pagkain na walang nabibili sa mga sari-sari store sa amin. Sa akin lang kasi nakakatikim ang mga kalaro ko nang mga pagkaing galing Manila na pinadadala pa nina Mommy at Daddy.
Masaya ako nang sa wakas, dinala na ako nina Mommy at Daddy sa Manila. Dinala muna ako sa isang dermatologist para sa pagpapagamot sa aking mga galis na sanhi ng skin allergies ko. Marami iyon sa aking mukha at lalo na sa ulo. Para magamot iyon, kailangan akong kalbuhin. Kumokontra yung loob ko no’n dahil nakakahiya ang babaeng walang buhok pero sabi naman nina Mommy at Daddy, mas nakakahiya raw kung hindi magamot ang mga nangangamoy na sa kalansaan kong galis sa ulo. Mahirap kasi malagyan ng ointment iyon kung may mga buhok. Kaya kahit pa ayaw ko, kinalbo nga ako.
Nahihiya akong pumasok noon sa aking bagong lilipatang school pero ayaw ko namang tumigil sa pag-aaral. Inisip ko na lang, hindi naman siguro ako pagtatawanan kasi naranasan ko na rin naman noon. Nagpakalbo na rin kasi ako noong Grade 2 ako at wala namang nang-asar sa akin. Wala rin naman tumawa dahil sa hitsura ko. Maiintindihan naman siguro ng mga kaklase ko kung bakit ko kailangang ipakalbo ang buhok ko lalo pa’t medyo natutuyo na rin naman ang galis ko. Iyon nga lamang, kahit pa gumagaling na ang mga iyon, nag-iiwan naman ng itim na marka sa aking balat.
Dahil ako ang pinakamatalino sa aming klase noon sa probinsiya, kumpiyansa ako na ako pa rin ang pinakamatalino sa lilipatan kong school. Actually, hindi lang sa aming school. Pwede kong ipagyabang na kahit sa buo naming probinsiya at ilang beses ko na ring pinatunayan na kahit sa buong bansa. Wala pa noon nakakatalo sa akin lalo na sa Science at Math. Dahil sa katalinuhan ko, mataas pa rin ang kumpiyansa ko sa aking sarili. Ako yung batang hindi natatakot magtaas ng kamay. Yung batang laging may sagot sa lahat ng tanong. Batang bibo, masayahin at palakaibigan.
Bago kami umalis noon ni Daddy, tinignan ko muna ang hitsura ko sa salamin. Maitim ako, payat, pandak at maraming mga peklat sa aking balat idagdag pa ang aking pagkakalbo. Para akong lalaking dinamitan ng pambabae. Kahit anong gara ng sapatos, bag at bagong uniform ko, hindi maitago ang aking kapangitan. Pero okey lang kasi matalino naman ako. Okey lang kasi masayahin at palakaibigan naman ako. Magugustuhan din ako ng aking mga kaklase katulad sa probinsiya. Sabi nga ni Mommy, wala sa panlabas na anyo ang kagandahan ng isang tao kundi nasa loob, nasa puso. Ang sabi naman ni Daddy, huwag husgahan ang prutas sa panlabas na balat. Kung minsan yung pangit ang balat, sila pa yung matatamis kagaya ng isang saging, may batik-batik man daw na itim pero ito ang mga matatamis at healthy na kainin.
“Excited ka na ba anak sa bago mong school?” tanong ni Daddy noon nang malapit na kami sa lilipatan kong school.
Huminga ako nang malalim. Medyo kinakabahan ako pero hindi dapat maramdaman iyon ni Daddy. “Opo, Dad.”
“Mga mayayaman ang mga bago mong kaklase, anak. Sigurado marami sa kanila ang magaganda, gwapo, malilinis, mapuputi at matatalino. Sigurado, marami kang magiging kaibigan.”
“Sana po, Dad. Sa probinsiya nga, buong school gustung-gusto ako. Lagi silang nakabuntot sa akin. Laging ako ang kanilang lider-lideran. Lahat sila, hinahangaan ako. Sana Dad, ganito rin sila rito.”
“Sa umpisa, maaring hindi muna. Kilalanin ka muna nila at ikaw rin sa kanila. Ngayon, kung hindi ka magustuhan sa una, okey lang ‘yon kasi hindi pa nila nakikilala kung sino talaga si Zoe Paz. Hindi pa nila malalaman agad kung gaano ka katalino. Hindi pa nila alam kung gaano kabait at kamasayahing bata. You need to maybe adjust first and be true to yourself at the same time. Okey?”
“Okey po Dad.”
“Kung may bully, hayaan mo lang. Iiwas ka lang. Magsasawa rin.”
“Bully? Ano ‘yon Daddy?”
“Hindi mo alam kung ano ang bully?”
“Nabasa ko na noon siguro pero nakalimutan ko hong i-research o tanungin kung ano pong bully.”
“Bully ang tawag sa mga taong nakagawian na o naghahangad na saktan o takutin ang mga itinuturing nilang mahina. Kapag makita ka nilang mahina, ikaw ang kanilang puntirya.”
“May ganoon hong mga bata rito?”
“Hindi natin alam anak. Bullies everywhere. Kahit sa workplace. Kaya nga inihahanda kita na kung may mam-bully sa’yo, ignore mo na lang and walk away. Kapag kasi pinapatulan mo sila, lalo kang aasarin.”
“Ang bad naman nila, Daddy. Sana walang bully sa school.”
“Sana anak. Sana. Pero always remember kapag meron, try to stay calm, don’t let hurtful words beat you down and say nothing and walk away…if you need to, run away!”
“Sige ho Dad. Tatandaan ko ho ‘yan.”
“Hayan! Nandito na rin pala tayo. Ihahatid pa ba kita?”
“Alam ko na po ang classroom namin. Itinuro na ho sa akin ni Mommy nang dinalaw namin ang school. Big girl na ako, Dad. Kaya ko na ho.”
“Very good girl. Sunduin na lang kita mamayang hapon ha? May baon ka naman at may mga matatambayan sa library at canteen ninyo. See you na lang sa uwian anak ha?”
“Opo. Bye Dad.”
“Bye anak. Make us proud.”
“I will po, Dad.”
Pagbaba ko sa aming sasakyan. Nakaharap ako sa isang magandang private school. Lahat bago sa akin. Ang magandang paaralan, ang mga mayayamang masasayang mga bata na mukhang lahat sosyal at ang pakiramdam na hindi ako belong. Unang pagkakataon na nakaramdam ako ng ganoon. Nakita ko na kasi agad ang sinasabi ni Daddy sa akin, magaganda, gwapo, mapuputi at mukhang lahat sosyalin.
Nilingon ko si Daddy.
Nagging biglang wala nang assurance ang ngiti ko.
Parang gusto ko na agad umatras.
Parang nahihiya ako sa aking hitsura.
Tumango si Daddy. Sinesenyasan niya ako na kaya ko at laban lang.
Huminga ako nang malalim.
Kumaway ako kay Daddy nang paalis na siya.
Naglakad ako papasok sa school sabay bulong sa aking sarili ng… “Kaya ko ‘to.”