“Andiyan na ang bruha. Mag-ingat ka.”
Kahit pabulong ang babalang iyon ng katulong nilang si Rowena sa nadaanang kasamahan, hindi pa rin iyon nakaligtas sa pandinig ni Ace. Halos dalawang dipa na nga ang pagitan sa paglalakad nila ngunit sadya nga yatang malakas ang sense of hearing niya kapag pinag-uusapan siya. Lalo lang tuloy kumulo ang dugo niya at nadagdagan ang inis niya.
Hindi na bago sa kanya ang makarinig ng sari-saring pangalan na ginagamit ng mga ito sa likod niya. Maldita, Sungit, Amazona, Medusa, Bruhilda, at minsan pa Demonyita. Pero kahit madalas na niyang naririnig ang mga palayaw na ganoon, hindi pa rin mapigilang magpanting ang tenga at lalo pang mag-init ang dugo niya tuwing nakakarinig ng ganoon. Nakakaasar, pero ano naman ang magagawa niya? Alangan namang kastiguhin niya ang mga ito? Hindi niya ata kayang itanong sa mga ito kung bakit Bruha ang tawag sa kanya. Parang ipinahiya na niya ang sarili noon. So, as always, she will just pretend not to hear it.
Hawak ang baso ng juice sa kanang kamay, nagmartsa siya sa harapan ng katulong na binalaan ni Rowena. Sigurado siyang bagong pasok pa lang ito sa kanila dahil hindi niya alam ang pangalan nito at wala rin siyang interes na alamin iyon. Iilang araw pa lang din niya itong nakikita sa kanila. Nahinto ang pagma-mop nito ng sahig sa kusina nang makalapit siya. Umalis din naman kaagad si Rowena. Bigla na lang itong nawala na parang bula. Marahil natatakot din na madamay sa inis niya.
“May diperensiya ba ang ulo mo o talagang bobo ka lang talaga?” naiinis na umpisa niya.
“B-bakit p-po M-ma’am?” nangangatal na tanong nito. Bahagya itong tumingin sa kanya kaya naman sinamaan niya ito ng tingin. Agad din itong yumuko.
Hindi nakakapagtaka ang pangangatal nito. Siguradong nawarning-an na ito ng iba pa nilang katulong nila sa kabagsikan niya. Kung ganoon pala, dapat niyang pasalamatan ang mga ito. Hindi na masyadong mahirap na ipaintindi dito kung sino ang boss doon.
“Nagtatanong ka pa?” Lalo pa niya itong pinagtaasan ng kilay. “Hindi ba sa poolside ko pinadadala ang juice na ipinakuha ko?”
“Ahmm… K-kasi po Ma’am, wala na po kayo doon sa may pool k-kaya naisipan ko pong –“
“Sumasagot ka pa!” putol niya sa pangangatwiran nito. Mas lalo pa siyang naasar dito. Ayaw kasi niya na pinangungunahan siya. Nasabi na nga na sa may pool dalhin, sa kwarto pa dinala. Malamang pupunta siya sa pool mayamaya lang kaya doon niya pinadala. Ang hina ng logic ng isang ito. Ineexpect ba nito na siya pa ang magbaba ng iinumin niya sa may pool? Paano na lang kung matapon iyon sa kanya pagbaba niya ng hagdanan?
“At sino din ang nagbigay sa iyo ng permisong pumasok sa kwarto ko? Hindi ba naisama sa briefing mo na off limit ka doon? Sino ba ang nagbriefing sa ‘yo? Sabihin mo at nang makastigo ko.”
Isa pa iyon sa kinaiinis niya. Piling tao lang ang nakakapasok doon sa kwarto niya. Ayaw niya din kasi na may maiiba ang pwesto sa gamit niya. Naiirita siya. Signs daw iyon na meron siyang Obsessive-Compulsive Personality Disorder, ayon na rin sa family doctor nila. The doctor said it can be cured but she refused on taking a therapy. Sa tingin niya kasi, ito ang may kailangan ng therapy dahil ito ang baliw.
“P-pasensiya na po, Ma’am. H-hindi na po mauulit.”
Ngunit hindi pa rin tapos ang pagpapakita niya dito kung sino siya sa bahay na iyon. “Bakit nga pala orange juice ito? Hindi ba pineapple juice ang pinakukuha ko? Ang hina mo namang pumick-up. Saang agency ka ba nanggaling?” Itinaas pa niya ang baso para i-emphasize iyon.
“Wala na po kasi tayong –“
“Sa tingin mo, problema ko ‘yon? Eh, di sana bumili ka! Kasehodang bumili ka ng pinya at ilagay mo sa juicer para may makuha ka. Ang hina mo talaga!” Lihim na nagdiriwang ang kanyang loob. Panalo na naman siya! At ang kaawa-awa nilang katulong ay hindi na nakaimik pa. Nanatili na lang itong nakipagtitigan lang sa sahig.
Nais na niyang bumunghalit ng tawa dahil sa kasayahang nadarama ngunit pinigilan niya ang sarili. Kailangan pa niyang ipakita kung gaano siya kamaldita. At para mas lalong maging dramatic ang eksena, itinapon niya ang juice sa harapan nito bago tuluyang binitiwan ang hawak na baso.
Narinig niya ang pagbagsak noon at ang pagdami ng mga iyon sa sahig. Tinalikuran na niya ang katulong at hindi na nag-abala pang tingnan ang nangyari sa baso. “Wag mong kakalimutang linisin ang mga kalat dito.” Tuluyan na niyang iniwan ito. Nawala na rin siya sa mood magswimming. Nagmamadaling tinahak niya ang daan pabalik sa kanyang silid ngunit hinarang siya ng pinsang si Alex pagdating sa may hagdanan.
“May kaaway ka na naman ba?” tanong nito na lalong ikinainis niya. “Naririnig ko ang boses mo kahit nasa taas ako eh. Ano bang problema?”
Pinili niya ang ngitian ito ng ubod ng tamis. Oo na, ikaw na ang Santa. Ipapadala ko na sa Vatican ang talambuhay mo. “It’s none of you business, cousin dear.” Kinindatan pa niya ito bago iniwan. May pagkausyosera din talaga itong pinsan niya.
She doesn’t like Alex. In fact, she hates her. She hates everything about her. Alex is the perfect girl. She is pretty, sexy, kind, smart and very popular. Isa itong commercial model at mahigit na sa bilang ng daliri ang dami ng mga commertials at iba pang ads nito. Lahat halos ng lalaki, si Alex ang dream girl. Ang mga babae naman, kinaiingitan ito. But the thing she hates most about Alex is the affection their grandfather is giving her. She really can’t stand it.
Pareho na silang ulila ni Alex. Atake sa puso ang ikinamatay ng papa niya bago pa man siya ipanganak. Namatay naman sa panganganak ang mama niya. Sa mansiyon na siya lumaki at nagkaisip. Wala na rin kasing kamag-anak na malapit ang mama niya at mga hindi na niya kilala.
Sa kabilang panig naman, namatay sa car accident ang magulang ni Alex. Magkakasama noon ang mga ito nang mawalan ng preno ang sinasakyang kotse at mahulog sa bangin. The car exploded but only two bodies were recovered. After three years pa bago natagpuan si Alex sa isang orphanage sa tulong ng mga detectives na inupahan ng lolo niya. Sa mansiyon na rin ito iniuwi.
They were both seven years old nang maiuwi si Alex sa mansiyon ni Don Alejandro Martinez. From then on, naramdaman na ni Ace ang biglaaang pag-iiba ng pagtingin ng lolo nila sa kanya. Ang dating bonding time nila ay nalipat lahat kay Alex. Noong una, ang akala niya ay dahil natuwa ito kay Alex. Mas madali kasi itong matuto at mas bibo kaysa kanya.
Doon na nagsimula ang pagpapapansin niya sa lolo niya. Palagi na lang kasing ipinapasa siya sa mga yaya at katulong kaya naman inaaway niya ang mga ito. Wala tuloy magtagal na mag-alaga sa kanya. Kaya naman natuto na siyang mamuhay ng ‘mag-isa’. Pagkalipas lang naman ng ilang buwan, wala na rin siyang naging reklamo at naintindihan na niya rin ang lahat. But she still hates Alex.
Pagdating sa kwarto, inilock niya ang pinto bago humiga sa kanyang kama. Sa totoo lang, matagal na niyang ginustong umalis doon. Alam niyang hindi naman siya nababagay na tumira pa doon. Kaya nga lang, ayaw patalo ng pride niya kay Alex. Isa pa, hindi yata siya makakapayag na matalo sa mga katulong nila. Alam niyang sobra ang magiging pagdiriwang ng mga ito kapag nawala siya. Naiinis siyang lalo kapag naiisip iyon.
Pumikit siya at napagpasyahang umidlip muna bago dumating ang lolo niya. Narinig niyang may kasama itong bisita mamaya kaya kailangan niyang magbeauty rest. Hindi siya makakapayag kung sobra siyang matatalbugan ni Alex. Kailangan, hindi siya magpahuli dito.