Kabanata I Stranger

1924 Words
Huminga muna ako nang malalim bago ako kumatok sa pinto ng bahay ng aking tiyahin. "Sino 'yan?" sigaw niya mula sa loob ng bahay. "Si Camilla po ito, Tita!" tugon ko. Ilang sandali pa ay nagbukas ang pintuan. Bumuntong hininga siya at nameywang. "Sinabi ko naman sa'yo na wala akong maibibigay na pera," seryosong usal ni Tita. Mukhang hindi maganda ang timing ko. "Hanapin mo ang mga kamag-anak ni Amanda, baka sakaling makahingi ka ng tulong sa kanila." Bumuntong hininga ako. Hindi na lang ako umimik pa. Nagbakasakali lang naman ako na baka may maibibigay siyang tulong. Pumalatak siya at umiling-iling. "Napakatanga kasi nang nanay mo! Hindi ko alam kung ano ba ang nakita niya sa tatay mo," yamot niyang sabi. "Alis na po ako, Tita," paalam ko dahil hindi ko na kaya pang makinig sa mga susunod niyang sasabihin. At saka ilang taon na ding patay sina nanay at tatay. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nilang sisihin ang taong patay na. Bumuntong hininga ako at sinimulan nang maglakad pabalik ng ospital. Maaga pa kaya hindi pa mainit sa balat ang sinag ng araw. Sayang kasi ang pera kung sasakay pa ako ng tricycle. Naka-confine sa ospital ang kapatid ko na si Amanda. Kailangan siyang operahan. Kaya naman problemado ako ngayon kung saan ako kukuha ng pera para sa operasyon niya. Ulilang lubos na kami. May mga kamag-anak naman kami pero walang may gustong tumulong. Ang dahilan nila ay hindi naman daw nila kadugo si Amanda na kapatid ko. Kapatid ko kasi si Amanda sa ama. Anak siya ng namayapa kong ama sa ibang babae. Namatay daw ang nanay ni Amanda pagkatapos siya nitong ipanganak. Kaya naman walang ibang choice ang tatay ko kung hindi ang iuwi siya sa bahay. Ilang araw pa lang din daw akong naipapanganak noon ni nanay nang iuwi ni tatay si Amanda. Hindi ko maunawaan kung bakit pumayag si nanay. Kapag naiisip ko ang sitwasyon ni nanay noon, parang sumasakit ang ulo ko. Pero dahil mabait ang aking ina at dakilang martir. Tinanggap niya si Amanda. Ang sabi niya ay walang kasalanan si Amanda. Tinuring pa niya itong parang tunay na anak. Pinalaki niya kami ng sabay. Samantalang ang tatay naman daw ay nagpatuloy pa din sa kaniyang pambababae. Isa siyang iresponsableng ama dahil pinabayaan niya si nanay na buhayin akong mag-isa. At ang masaklap ay dinagdagan pa niya ang responsibilidad ni nanay. Bilib ako sa kabutihang loob ni nanay dahil tinanggap niya at minahal si Amanda. Para buhayin kaming magkapatid, iniiwan daw kami nu'n ng aming ina sa kapitbahay para makadiskarte siya ng pera na pambili ng gatas at diaper namin. Sinolo niya ang responsibilidad sa aming magkapatid. Hanggang sa isang araw, nabalitaan na lang niya na patay na si tatay. Nabaril daw siya ng asawa ng bago niyang kinahuhumalingang babae. Nahuli daw sila habang may ginagawang milagro sa bahay ng babae. Marahil ay nagdilim na ang paningin ng asawa ng kalaguyo niya sa sobrang galit. Kaya walang pag-alinlangan na pinagbabaril nito sina tatay at ang babae. Sabi ni nanay, hindi naman daw siya nahirapang itaguyod kaming magkapatid. Sabi niya, kapag mahal mo ang mga anak mo bakit ka mahihirapan? Naging maayos din naman ang buhay namin. Nakakakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Naibibigay ni nanay ang mga pangangailangan namin. Higit sa lahat binusog niya kami sa pagmamahal. Pero pagtunton namin sa edad na kinse, nagkasakit ng malala si nanay. Dinapuan siya ng sakit na cancer. Ilang buwan siyang nanatili sa ospital dahil mahina na ang kaniyang katawan. Ang ilang mga gamit na naipundar ni nanay ay naibenta na din para lang makapagbayad sa ospital. Hanggang sa pati ang bahay namin ay naibenta na din ng mga kapatid niya para may ipantustos sa mga kailangan niyang gamot. Pero makalipas ang ilang buwan, binawian din siya ng buhay. Marahil ay napagod na siyang lumaban. Sobrang sakit ng pagkawala niya. Pero kailangan naming magpakatatag ni Amanda. Kailangan naming tanggapin na hanggang doon na lang si nanay. Na hindi na namin siya makakasama pa. Nasaksihan ko kung paano siya mamilipit sa sakit. Bumagsak din ang kaniyang timbang. Halos buto at balat na din siya. Ang putla ng kaniyang balat at ang mga labi ay nagbabalat na. Siguro mas mabuti nga na magpahinga na siya ng tuluyan para hindi na siya mahirapan pa. Kinupkop kami ni Tita Betsay, bunsong kapatid ni nanay. Dalaga pa ito sa edad na thirty two. Maayos naman ang kalagayan namin sa kaniya. Hindi ganoon kaganda ang trato niya sa amin, pero hindi naman niya kami minamaltrato gaya ng iba na mga bata na kinupkop ng mga kamag-anak. Iyon nga lang, kailangan naming magtrabaho para sa bawat butil ng kanin na aming isusubo. Kailangan naming magbanat ng buto para makapasok kami sa eskwelahan. Madaling araw pa lang ay nagpupunta na kami ni Amanda sa palengke para magtinda. Ito ang dating puwesto ni nanay na ngayon ay sinalo ni Tita Betsay. Kami muna ang magbebenta hangga't hindi pa dumadating si Tita Betsay. Sa gabi kasi, pagkatapos magtinda sa palengke ay dumidiretso siya sa pasugalan, may ilang kanto ang layo mula sa bahay. Uuwi siya ng alas-dos o alas tres ng madaling araw. Magigising siya bandang alas-nuebe ng tanghali. 'Tapos ay didiretso na siya agad sa palengke para palitan kami ni Amanda. May pasok kasi kami ni Amanda sa eskwelahan. Pagkatapos naman ng klase namin ni Amanda ay uuwi muna kami saglit sa bahay ni Tita para magpalit ng damit. Pagkatapos nu'n ay didiretso na kami agad sa palengke para tumulong kay Tita Betsay. Noong una ay nahihirapan kami, pero nasanay din kami kalaunan. Kahit paano masuwerte pa din kaming magkapatid. Pero nagbago ang lahat nang makapagtapos kami ni Amanda ng high school. May inuwing lalake si Tita Betsay sa bahay na pinakilala niyang nobyo niya. Sinabi niya na doon na din daw ito titira. Maayos naman ang lahat noong. Mabait ang nobyo ni Tita. Hanggang sa isang gabi, nagulat na lang ako nang pasukin niya ako sa banyo habang naliligo ako. Sa sobrang gulat ko ay nagtitili ako at pinaghahampas ko siya ng tabo. Nagsisigaw ako para magpasaklolo sa mga kapitbahay. Mabuti na lang at dikit-dikit ang mga bahay kaya naman kahit kaunting kaluskos ay maririnig nila. Nang marinig niya ang mga yabag ng mga parating na mga kapitbahay ay kumaripas siya ng takbo. Pagkaraan ng ilang oras ay umuwi si Tita Betsay. Laking gulat ko ng basta na lang niya akong sampalin at sinabing malandi ako. Nilandi ko daw ang kaniyang nobyo. Hindi ako makapaniwala na mas kinampihan pa niya ang kaniyang nobyo. Pagkatapos niya akong sigaw-sigawan at pagsabihan ng masasakit na salita ay pumasok siya sa silid namin ni Amanda. Paglabas niya ay bitbit na niya ang mga damit naming magkapatid. Pinalayas niya kami. Nakakasama ng loob na mas pinili niya ang kaniyang nobyo kaysa sa akin na pamangkin niya. Sa bahay ng isa pang kapatid ni nanay kami nagpunta ni Amanda. Hindi niya kami tinanggap. Ang sabi niya ay masikip na sa bahay niya, kaya hindi niya kami puwedeng kupkupin na dalawa ni Amanda. Ako lang daw ang puwede. Hindi kasi nila lubos matanggap si Amanda dahil anak siya ng tatay ko sa ibang babae. Hindi ko naman puwedeng pabayaan si Amanda. Kapatid ko siya. Kahit pa sabihing anak siya ni tatay sa pagkakasala. Hindi nu'n mababago ang katotohanang magkadugo pa din kami. Kung si nanay nga tinanggap at minahal siya. Ako pa kaya na kadugo niya. Mabuti na lang at mabait ang kaibigan ni nanay. Pinatira niya kami sa kanilang bahay. Maliit lang ito at masikip dahil madami siyang anak, pero kahit paano nagkakasiya pa naman kami. Mas maayos na kaysa sa magpalaboy-laboy kami sa lansangan ni Amanda. Dahil hindi naman na kami makapag-kolehiyo nagpasya kaming magtinda-tinda sa Divisoria. Umutang kami ng puhunan sa bumbay na nagpapautang. Hinuhulugan namin ito araw-araw. Kape, tinapay, cupnoodles, candy at sigarilyo ang tinitinda namin. Nagtitinda kami mula madaling araw hanggang gabi. Kahit paano maayos naman ang kita naming magkapatid. Ilang buwan pa ay wala na kaming utang na hinuhulugan. May naitabi din kami na maliit na halaga kaya naman nagpasya kaming umupa na lang ng maliit na kuwarto. Napagkasunduan naming magkapatid na mag-aral. Nag-apply kami ng scholarship sa city hall. Mag-eenroll na sana kami pero may nangyari. Bigla na lang nahimatay si Amanda. Sinugod ko siya sa pinakamalapit na ospital. Ang sabi ng doctor na sumuri sa kaniya, kailangan daw niyang maoperahan. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng malaking halaga para sa operasyon niya. Wala akong ibang malapitan. Sinubukan ko ng lumapit sa mga lending pero tinanggihan nila akong pautangin. Marahil alam nila na wala akong kakayahang magbayad. Huminga ako ng malalim at nagpunas ng pawis. Pagkarating ko sa ospital ay agad akong nagtungo sa ward kung saan naroroon ang aking kapatid. Tulog pa din ito. Naluluha akong pinagmasdan siya. Sa itsura niya ngayon ay hindi ko maiwasang maalala si nanay noong nakaratay siya sa kama ng ospital. Hindi ko kayang mawalan na naman ng mahal sa buhay. Si Amanda na lang ang natitirang pamilya ko. Huminga ako ng malalim. Nananakit ang aking lalamunan dahil sa pagpipigil ko ng aking emosyon. Suminghot ako nang may pumatak na luha. Bumuntong hininga ako. Ayaw kong makita ako ni Amanda na umiiyak, baka panghinaan lang siya lalo ng loob. Dahan-dahan akong humakbang palabas ng ward. Magpapahangin muna ako sa labas at pakakalmahin ang aking sarili. Diyos ko, tulungan mo po ang kapatid ko. Alam kong kaya mong gumawa ng milagro. Pagalingin siya, Diyos ko. Bumuhos ang aking mga luha at hindi ko na mapigilan pa ang paghikbi. Hinang-hina ang aking tuhod kaya halos mawalan ako ng balanse. Tumigil ako sa paglalakad at sumandal sa dingding. Mahina akong napahagulgol dahil sa bigat ng dinadala kong problema ngayon. Hindi ko kayang mawala sa akin si Amanda. Napatda ako ng may humawak sa aking balikat. Nagpunas ako ng luha bago ako tumingin sa may-ari ng kamay na nakapatong sa aking balikat. Isa itong matandang babae. Mayroon siyang nakakaintindi at tipid na ngiti sa mga labi. "Ayos ka lang ba?" tanong niya kahit na alam naman niyang hindi ako maayos. Umiling ako. "May kamag-anak ka bang nandito sa ospital?" tanong niya. Tumango ako. "Ang kapatid ko po. Kailangan po niyang maoperahan. Kaso wala po akong mapagkuhanan ng pera para sa operasyon niya." Muli na naman akong naiyak. Bumuntong hininga ang matandang babae. "May alam ako na puwedeng magbigay sa'yo ng kailangan mong pera," aniya. Nagulat ako sa sinabi niya, pero kahit paano ay nagkaroon ako ng pag-asa kahit pa hindi ko siya kilala. "Tara sa canteen para mapag-usapan natin," aya niya sa akin. Tumango ako at sumama sa kaniya. Kinakabahan ako tungkol dito, pero umaasa ako na sana siya na ang milagro na dinadasal ko. "Kumain ka na ba?" tanong niya pagkapasok namin ng canteen. Sakto namang tumunog ang tiyan ko kaya namumula ang mukha kong umiling. Ngumiti siya at tumango. Nag-order siya ng pagkain para sa akin. Sinabi niya na kumain muna ako bago namin pag-usapan ang sinasabi niya kanina. Binilisan ko ang pagkain. Nang matapos akong kumain ay muli akong nakaramdam ng kaba sa aking dibdib.. "Ako pala si Manang Myrna," pakilala niya ng kaniyang sarili. "Nagpapahanap ang amo ko ng babae na puwedeng magdala ng kaniyang anak," sambit niya na kinagulat ko. Bahagya akong napatulala at hindi agad maproseso sa aking utak ang kaniyang sinabi. Naghahanap siya ng bayarang babae, ganoon ba ang ibig niyang sabihin? Umiling-iling ako. "Isang milyon ang ibabayad niya kapalit ng bata na ipagbubuntis mo." Napalunok ako sa narinig ko. Totoo? Isang milyon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD