CHAPTER 3

1309 Words
MABILIS na lumipas ang anim na buwan at patuloy pa rin na nakikipaglaban sa buhay ang ina ni Sarah dahil hindi niya pa ito napapaopera magpa-hanggang sa ngayon. Muntik pang ma-ilit ang kanilang mansion pero nagawan niya ng paraan. Nagpatulong siya sa mga kaibigan na ibenta ang lahat ng branded collections niya para may maipambayad siya sa banko para hindi ito makuha sa kanila. Ito na lamang ang alaala ng ama at dito rin inilibing ng ina ang urn ng kanyang ama. Hanggang ngayon nasa ICU pa rin ang ina. Buti na lamang at kaibigan ng pamilya nila ang doktor na tumitingin dito kaya kahit hindi niya pa mabayaran ang lahat ng bills sa hospital ay ayos lang. Tinutulungan siya ng doktor na kahit paano mabili niya ang mga gamot. Kaibigan ito ng kanyang ina. Natulungan din kasi ito ng magulang niya noong nag-aaral pa lamang ito ng medisina. Bilang pagganti raw sa naging tulong ng mga ito, ang doktor na ang sumasagot sa ibang gamot ng ina. "Ma, gising ka na ho please. Miss na miss na kita. Ang payat na natin pareho, oh! Hindi rin kasi ako makakain nang maayos, dahil nag-aalala ako sa iyo. Ma, huwag mo akong iiwan, ha? Hindi ko kakayanin kung pati ikaw ay aalis sa buhay ko. Ikaw na lang ang natitira sa akin. Sorry, kung hindi ako nakinig sa inyo noon, kung hindi lang matigas ang ulo ko at may pangarap sa buhay hindi sana tayo maghihirap ng ganito. Siguro, ako ang nagpapatakbo sa dati nating negosyo. Kung marunong lamang ako noong magpahalaga at mangarap . . . ” iyak na usal ni Sarah sa kanyang ina na animo’y gising ito. “Pangako, susundin ko na ang lahat ng sasabihin mo. Pangako, magtatapos na ako ng pag-aaral. Pangako, Ma. Huwag mo lamang akong iwan, please?" kausap niya sa ina na naluluha ang mga mata. Isang taon na itong comatose. Nakaalalay lamang ang gamot sa ina niya kaya nilalabanan nito ang pagkalat ng blood clot. Kailangan na raw talaga maoperahan ang mama niya kaso wala na talaga siyang alam kung saan pa kukuha ng pera. Kinaumagahan, abala ang dalaga sa pagpupunas sa ina nang pumasok ang kaibigang si Jenny. Nakangiti ito sa kanya. "Kumusta, my friend? I have two good news for you!" bungad nito na masayang- masaya. Mukha ngang good news. Bihira ito magbigay ng good news at tiyak na positive nga ang balita nito kasi masaya ito. "Ano naman iyan, girl? Siguraduhin mo na maganda, ah? Kapag iyan palpak, sasabunutan ko iyang limang hibla ng buhok mo. Kunwari ka pang mahaba iyan pero manipis naman," biro niya rito. Ganito niya madalas kausapin ang kaibigan, sanay na rin naman ito sa kanya. Pareho kasi sila ng ugali— mahilig mang-okray ng tao. "Ikaw talaga! Sa rami na ng nangyari sa iyo, 'yang katarayan at pagkapilosopo mo ang hindi nagbago. Ewan ko talaga sa iyo! Magbago ka na, girl, matatapos na ang mundo ganyan ka pa rin. Anyway, ang good news ko ay . . . " tikhim muna ng kaibigan, tila binibitin siya sa balita nito. " . . . single na ulit ang crush mo!" napatili pa ito nang banggitin iyon. Alam ng mga kaibigan niya kung sino ang lalaking tinatangi niya, pero walang alam ang mga ito na updated siya. Kahit naman lugmok siya sa problema hindi niya kinakalimutan ang taong nagbibigay sa kanya ng ilaw para lumiwanag ang mundo niya. Hindi niya man kilala ng personal ang lalaki pero alam ng puso niya na mahal niya ito. At alam ng mga kaibigan niya iyon. "Tse! Panis na yang balita mo, girl. Ano ka ba, last year pa siya single, 'no! Ngayon mo lang nalaman?" sagot niya rito. "Naks! Updated pa rin pala kahit na dumaan sa bagyo ng problema. Oo na, ikaw na ang updated. Sige, iba na lang ang good news ko. Ito, mas makatutulong sa iyo for sure. Kaya lang hindi ako sigurado kung tatanggapin mo. Pero baka sakali, 'di ba?” litanya nito. “Ang good news is . . . may nakita akong advertisement sa Surrogate Mother website at may naghahanap doon ng babymaker. Tumataginting na thirty million pesos ang ibabayad. At ang kailangan ay virgin! Pasok ka roon, girl! Actually six months posted pa iyon, pero malay mo available pa. Mukhang hindi pa sila nakakahanap kasi posted pa rin doon sa website, e. Ano friend, subukan mo? Ito na ang sagot sa problema mo, mapapa-opera mo na si tita. Makababayad ka na rin dito sa hospital," mahabang imporma nito sa kanya at umaasa sa magiging reaksiyon niya. Dahil sa narinig tila bombilyang umilaw sa bunbunan niya ang balitang dala ng kanyang kaibigan kaya walang pasubali na pumayag siya rito. Hopeless na siya. Kahit anong trabaho basta malaki ang bayad ay papatusin na niya mapagamot lamang ang kanyang nag-iisang ina. "Sige, susubukan ko. Hindi na ako mamimili pa ng trabaho. Kailangan ni mama ng pampa-opera. Kahit ano, girl papasukin kong trabaho para kay mama," aniya na tuluyan nang naiyak. Niyakap naman siya ng kaibigan niya. "Sure ka na ba talaga? Walang regrets after nito, ah? For tita's extended life?" paniniguro nito sa kanya. "Yes, girl sure na ako. Hindi ko pagsisisihan kung para kay mama. Siya na lang ang mayro’n ako. Nangako ako sa kanya na magbabago na ako. Sorry, dahil napakatigas ng ulo ko kaya kahit kayo ay sumasakit din ang ulo nang dahil sa akin kapapayo. Pero pangako, pangako kay mama, sa iyo at kay Nica . . . magbabago na ako. Mahirap palang mayabang ka mas’yado, hindi pinagpapala. Pero masuwerte ako dahil kahit ganoon, hindi niyo ako iniwan ni Nica. Salamat, friend. Salamat," sinserong wika niya at niyakap ang kaibigan. Dahil sa desisyon niya, agad nilang kinontak na magkaibigan ang nakalagay sa website. Hindi nila akalain na sasagot agad ito. Mabilis ang naging proseso. Pinagpasa siya nito ng application form na kalakip ang kanyang litrato. Kailangan whole body. Pati full medical examination ay ginawa rin para malaman na healthy siya. Kausap nila lagi ang lalaking nagngangalang Niccolo. Hindi nito binigay ang buong pangalan dahil for safety purposes daw. At sa wakas, natapos ang lahat ng proseso sa pag-a-apply niya. Tatawagan siya ng mga ito kung kailan siya puwede i-inseminate ng sperm cells ng mystery sponsor. Ang sabi pa ng doctor, traditional surrogate ang tawag sa kanya kasi insemination process ang mangyayari. Hindi niya lubos na maintindihan iyon dahil kinakabahan siya sa mga mangyayari, pero tanging iniisip niya na lamang na para ito sa mama niya. Dumating ang araw ng inseminations niya. Mabilis na natapos ang pagturok nito sa kanya. Iba rin ang naging pakiramdam niya sa loob niya. Pero hindi niya na lamang pinansin iyon. Matapos niyon ay kinausap siya ni Niccolo. "Since you're done from the inseminations, your mystery sponsor wants to meet you—personally. Actually it's forbidden, but he wants to meet you so he can see if his baby will be in a good mother. Are you okay with that, Miss Sarah?" imporma ni Niccolo sa kanya. Kahit kabado ay tumango siya dahil bayad na rin nang kalahati ang pagiging babymaker niya. Napa-opera niya na rin ang kanyang ina. Hindi na siya aatras dito sa pinasok na trabaho. Dangan na lamang na sana hindi ito masungit at uugod-ugod. Dinala siya ni Niccolo sa isang private room ng isang exclusive hotel. Mukhang mayaman nga ang kanyang mystery sponsor, dahil ang lugar pala ng tagpuan nila ay napakamamahalin na. Kabado siyang pinapasok mag-isa ni Niccolo nang makarating sa private room kung nasaan ang sponsor niya. Nanginginig ang buong kalamnan niya sa nerbyos. Natatakot kasi siya na baka iba ang ugali at hindi kaguwapuhan ang sponsor. Mayaman lang, gano'n. Ngunit mali siya ng inakala dahil ang akala niyang pangit na sponsor ay walang iba kung hindi ang ultimate crush niya. Si Prince Harvey Scotland.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD