1895
Hapon na nang matapos ang klase ni Mariano sa Colegio de San Juan De Letran kung saan kaagad syang nilapitan ng kaniyang kaibigan na si Gregorio na kanina pa nag aantay sa kanya.
"Mariano! Mabuti't nakita kita. Tapos na ba ang iyong klase?" tugon nito.
"Katatapos lang." sagot niya. Napatingin siya sa suot ng kaniyang kaibigan na tila pormal at may pupuntahan, "Mukhang may pupuntahan ka dahil sa iyong kasuotan." biro nito.
Sabay silang naglakad sa daan kung saan madarama mo ang maaliwalas na simoy ng hangin. Matatanaw mo ang mga batang naglalaro sa ilalim ng malalaking puno na nakalapigid sa paaralan.
"Iyon nga ang ipinunta ko rito. Hindi ba't kaarawan ni Feliza ngayon at imbitado ka? Sabay na tayong magtungo sa kanilang tahanan." Agad na nag alinlangan si Mariano sa narinig.
" Oo nga't kaarawan niya ngayon ngunit...hindi ako makakadalo." mahinang sagot niya pero sapat na upang marinig ng kaibigan.
Feliza. Ang babaeng nagmamahal kay Mariano, ngunit kahit anong gawin ng binata ay alam niya sa sarili niyang hindi niya kayang ibalik ang nararamdaman nito dahil may iba siyang iniibig - na matagal na rin siyang iniwan.
"Ang gulo ng pag-ibig at umibig." nasa isip ni Mariano.
Kumunot ang noo ni Gregorio, "Ano? Ngunit paniguradong malulungkot si Feliza. Alam mo naman siguro na iniibig ka niya hindi ba? At tiyak akong inaasahan ka niya doon."
Huminto sila sa daan katapat ang isang bahay na matagal ding hindi nadalaw ni Mariano.
Tumango siya habang nakatitig sa bahay na nasa kanilang tapat, "Tama ka, ngunit hindi ako dadalo." Iniiwas niya ang tingin at nagbuntong hininga sabay kuha ng dalawang sulat mula sa kanyang dala dalang gamit. "Pakiabot na lamang itong sulat kay Feliza at ito namang isa ay para sa kaniyang mga magulang. Pakisabi na lamang ang aking paumanhin sa hindi pagpapakita sa kaarawan ng kanilang anak."
Nag aalangan man ay inabot ito ni Gregorio at inilagay sa bulsa, "Sigurado ka ba riyan? Siguro ay...iniiwasan mo si Feliza ano? Natatakot ka pa rin ba? Bakit hindi mo bigyan ng pagkakataon na mahalin si Feliza? Isa siyang maganda at mabuting binibini."
Ngumiti lamang ang binata at nagsimulang maglakad muli, "Ayaw ko nang lumalim pa ang nararamdaman niya para sa akin dahil hindi ko siya nais saktan. Sana ay maintindiahan mo ang nais kong iparating."
Rinig ang bawat yapak ng mga kalesa sa daan, at ang makulimlim na kalangitan na nagbibigay ng kapayapaan sa paligid. Sa bawat parte ng lugar ay wala kang makikitang problema, tanging ang damdamin lamang ng binata.
"Naiintindihan ko. Ayaw mong lumalim ang nararamdaman niya para sa iyo dahil alam mo sa sarili mong hindi mo ito masusuklian. Si Salome pa rin ba ng nasa isip at puso mo? Matagal na ang lumipas ng lumisan siya at iwan ka. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa pagmamahal na hindi ka naman sigurado kung saan patutungo."
Mapait na napangiti ang binata. Ang pangalang Salome pa rin ang alam niyang tinitibok ng puso nito. Ang dati niyang kasintahan ngunit iniwan siya ng walang paalam. Nalaman niya na lamang na sumakay itong barko patungong Espanya at simula noon ay wala na siyang narinig na balita mula rito.
Gaano nga ba kahirap na iwan ka ng walang dahilan? Walang kasiguraduhan kung ano pa ba ang mayroon kayo. Isang sitwasyon kung saan nakakapagbigay ng kaguluhan at katakutan sa puso ng isang taong nasaktan.
"Oo, minahal ko si Salome. Siya ang babaeng akala ko ay hiniling ko sa Maykapal upang makasama habang buhay…ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana---at iniwan niya ako. Huwag kang mag alala, hindi ko kinukulong ang sarili ko sa pagmamahal na iyan. Sadyang…ayaw ko lang umibig pa at muling sumubok. At hindi na rin ako umaasang babalik pa si Salome." Bago pa man lumiko ng daan ang magkaibigan. Muling tinanaw ng binata ang bahay na kanina nilang hinintuan. Malungkot siyang nagbuntong hininga bago tuluyang mawala sa tanaw niya ang bahay.
Nagkibit balikat si Gregorio sa sinabi ng kaibigan, alam niya ang sakit na pinagdaanan nito at nais niya rin ang kasiyahan nito balang araw. Bilang isang kaibigan, kahit na hindi sila pareho ng edad at magkalayo ng nais tahakin sa buhay, nagkakasundo ang kanilang kaisipan dahil matagal na silang magkakakilala.
"Mabuti kung ganoon, hinihiling kong tuluyan mo ng makalimutan si Salome at magkaroon ka muli ng dahilan upang muling magmahal. Asahan mong makaka-abot sa kanila ang mga sulat na ito."
Tinapik ni Mariano ang balikat nito, "Maaasahan ka talaga, Gregorio. Paano mauuna na ako sa iyo. Salamat, matalik kong kaibigan."
Naghiwalay ng landas ang dalawa at tinungo na ni Mariano ang bahay pauwi.
Dumiretso ang binata sa kaniyang kwarto. Wala ang mga magulang nito dahilan marahil ay nasa bukirin ang kaniyang ama samantalang matagal nang pumanaw ang kaniyang ina.
Mabilis na nagbihis ang binata upang pumunta sa kanilang bukirin at tumulong sa ama.
Bago pa man makalabas sa kaniyang silid ay napansin niya ang isang kasuutang hindi niya pa nakikita. Kulay rosas na tila isang mahabang dyaket ngunit walang butones na nakapatong sa kaniyang lamesa.
Kumunot ang noo niya at kinuha ito. Pinagmasdan niya habang nagtataka, "Kaninong pagmamay-ari ito? Wala akong maalalang may ganitong klase na ng kasuotan? Ito ba ang napapanahon ngayon?"
Binuklat niya ang kasuutang nakita. Panigurado siyang pagmamay ari ito ng isang babae, subalit hindi niya alam kung kanino. Nakita niyang may nahulog na sulat mula rito.
Kinuha niya ito at nag aalangang buksan.
"Paano ko nga naman malalaman kung kanino ito? Baka nakasambit sa liham na ito?" sa isip niya.
Nag aalangan man ay binuksan niya ang liham, napansin niya ring hindi ito nakaselyo at mukhang hindi rin nabubuksan pa. Sinimulan niya itong basahin.
Pebrero 11, 2018
Mahal kong Mariano,
Alam ko na sa mga oras na ito ay nakabalik ka na sa iyong panahon. Marahil din ay hindi mo na ako naaalala o kung oo man ay 'wag sana iyon mawala. Sa iyong paglayo ay nagkaroon ng malaking kulang sa aking buhay na noon ay akala ko'y kumpleto at wala ng hahanapin pa. Pero dumating ka... Dumating ka dala ang isang katanungan na hanggang ngayon ay walang kasagutan. At ang tanging tulay na lamang na mayroon tayo ay isang pagmamahal. Gusto ko lang sabihin at ipaalam sa iyo na hindi magbabago ang pagtingin ko. Magkalayo man tayo ay dudugtong pa rin ang isang sinulid para tayo ay magkatagpo. Isa lamang ang nais ko, mahal kong Mariano.
Mag ingat ka at sana ay sundin mo ang hiniling ko. Sundin mo ang tingin mo'y tama para sa kaligtasan ng mahal nating bansa. Sundin mo ang sinisigaw ng iyong puso. Alam kong isang malaking pagkakamali na tayo'y nagkakilala. Pero sa mga panahong kasama kita ay hindi ako nagsisi o nagduda. Alam ko na balang araw ay mapagbibigyan ang aking hiling, na darating ang pagkakataon na muling masusulat ang ating kwento at sa oras na iyon, lahat ng pagkakamali ay magiging tama. Lahat ng nasayang na oras ay mas hahaba. At sa huling pagkakataon ay pagbigyan ako ni Bathala. Salamat sa lahat ng iyong naitulong at naituro. Isasapuso ko ito hanggang sa muli nating pagtatagpo. Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal ko.
Nagmamahal,
Camille
"Camille" umihip ng malakas ang hangin kasabay ang narinig niyang malumanay na boses ng isang babae.
Napahawak si Mariano sa lamesa dahil sa matinding sakit sa ulo niya na bigla niyang naramdaman. Matapos banggitin ang pangalan ay halo halong imahe ang lumalabas sa kaniyang isipan. Nabitawan niya ang sulat at unti unti itong nagliwanag. Para siyang hinahatak papasok sa liham at wala siyang naggawa dahil sa malakas na pwersa nito.
Nawalan siya ng malay. At sa kaniyang paggising, nasa gilid siya ng kalsada ng napakaingay na paligid.
Umangat ang kaba sa kaniyang dibdib kasabay ang pagkunot ng noo dahil sa hindi niya makilalang lugar. Tila bago ang lahat sa kaniyang paningin. Iniikot niya ang kaniyang mga mata at nakita niya ang isang malaking senyales na nakatayo sa gilid ng kalsada.
"Maynila." bulong niya.