CHAPTER 2: HIGANTATAY

1044 Words
Papalayong iyak ng isang sanggol ang gumising sa diwa ni Aeron. Mabilis siyang nagmulat ng mata. Iginala niya ang paningin sa paligid, wala na doon ang mga nakaitim na mga lalaki, maging ang sunog na katawan ng kanyang mga magulang ay wala na rin doon. Muling bumalik ang pinaghalong takot at lungkot sa dibdib ni Aeron pero muli niyang naalala ang kapatid ng marinig ulit ang palahaw ng iyak nito. Tumayo siya mula sa pagkakadapa sa damuhan at pinagpag ang damit. Kahit mahilo hilo pa ay pinilit niyang tumakbo patungo sa likod ng kanilang bahay. May kalayuan ang sinasabing abandonadong bahay ng kanyang Ina kung saan daw itinago ng daddy niya si Baby Aerin. Ilang sandali pa ay nasa bungad na siya ng sirang pintuan ng bahay na iyon. Kaagad niyang hinanap ang kapatid at sinundan ang mahinang iyak nito subalit habang tumatagal ay palayo ng palayo ang naririnig niyang pag-iyak ni Aerin. "B-baby Aerin." bulong niya sa sarili bago nagmamadaling tumakbo sa pinaka-kusina ng bahay pero wala ito doon. Nagtungo din siya sa palikuran at unang kwarto pero wala pa rin doon. May isang kwarto pa naman doon at ito lamang ang tanging may pintuan kaya hindi na siya nagdalawang-isip na pasukin iyon kaagad sa pag-aakalang naroon ang kanyang kapatid. Dagli niyang binuksan ang pinto, lumangitngit iyon. Marahan niyang sinilip ang kwarto, nagkalat sa lapag ang ilang piraso ng mga wasak wasak na damit at mga nagkalat na tuyong dahon. Wala na kasing bubong ang kalahati ng bahay na iyon kaya malayang nakakapasok ang mga nalalagas na dahon sa loob. Iginala niya ang paningin pero halos manlumo siya ng hindi makita ang bakas ng kanyang kapatid. Tuluyan na ring nawala sa pandinig niya ang iyak ni Aerin. Walang magawa si aeron kung hindi ang mapaupo sa lapag, umangat baba ang kanyang dibdib kasabay ang pag-alog ng kanyang balikat at saka nagsimulang tumulo ang luha sa kanyang mga mata. "Pati ba naman si Baby hindi ko nagawang mailigtas?" masama ang loob na himutok niya sa sarili. Niyakap niya ang sariling tuhod at yumukyok doon. Sobrang sama ng loob niya, wala siyang ideya kung bakit nangyari ang mga bagay na iyon. Muli niyang tinawag ang kanyang mga magulang sa isip pero hindi lingid sa kanya na wala na ang mga ito. Anuman ang gawin niya ay hindi na sila babalik pa upang aluhin siya at pagaanin ang kanyang dibdib. Umaasa lang siya na sana ay masamang panaginip lamang ang lahat at magigising siya sa bisig ng mga magulang habang masayang nakangiti ang mga ito sa kanya. Muli niyang mayayakap at malalaro si Aerin. Subalit ang pinakaa-asam niyang iyon ang lalo lamang nagpabigat sa dibdib niya. Ang tahimik at mahina niyang pagtangis ay nagsimula ng magkaroon ng ingay at boses. Nagsimula na rin siya sa pagtawag sa kanyang mga magulang. Bilang bata, wala siyang alam na gawin kung hindi ang umiyak at umasa na sana ay bumalik na ang kanyang Mommy at Daddy kasama ang kapatid niya. Ang mga mukha nila ang natatanaw niya sa kanyang balintataw kung kaya naman halos ayaw niya ng imulat ang mga mata sa katotohanan. "Mommy, Daddy, Baby Aerin. Isama niyo na ako, huwag niyo akong iiwan mag-isa dito. Huwag," mahinang kausap niya sa kanyang sarili. Nakayukyok pa rin siya sa kanyang dalawang tuhod. Nagkasyang yakapin ang sarili. Ngunit lingid sa kaalaman ni Aeron ay may isang nilalang na nakamasid sa kanya. Hindi na nito nagawang bumalik sa Spiritual World dahil sa nasaksihang kaganapan at lubos siyang naaawa sa kawawang bata. Kitang-kita niya kung paano wasakin ng masasamang tao na iyon ang pamilya ni Aeron at kung paano magdalamhati ang musmos na katawan niya. Naririnig niya din ang mabilis na t***k ng puso ni Aeron gayundin ang walang patid na pagtawag nito sa kanyang mga magulang habang umiiyak. Kanina pa rin siya nag-iisip kung tama ba ang desisyon na balak niyang gawin. Mabuti na lang at dumating ang lider ng mga nuno sa punso kaya napagkasunduan nilang paghatian ang magkapatid. Gaya niya, nasaksihan rin nila ang karumal-dumal na pagpatay sa mabubuting magulang ng dalawang bata. Ilang dekada nang binabantayan ng pamilya na iyon ang malawak na lupaing ito kung saan dito na ang nagiging portal o tawiran ng mga nilalang na gaya nila patungo sa kanilang tunay na mundo. Palibahasa ay naging matalik na kaibigan ng pinakalolo pa ng Ina ni Aeron ang Pinuno nilang si Amias. Ang lupaing iyon ay naging ligtas sa mapagsamantalang mundo magpasahanggang ngayon kung kaya may dalawang buhay nanaman ang naitaya. Nagsakripisyo ang mag-asawa upang huwag lang pasukin ng masasamang tao ang pinakatulay nila sa 3rd Dimensional Space. Naniniwala ang nilalang na obligasyon na nilang iligtas ang mga naiwang musmos ng mag-asawa at palakihin ang mga ito ng maayos. Hindi man sa mundong Kinabibilangan nila kung hindi sa Spiritual World na rin mismo. Isa na rin marahil iyon sa paraan upang iligtas ang mga ito sa masasamang tao na kumitil sa buhay ng kanilang mga magulang. Ilang sandali pa ay tila tahimik na si Aeron. Wala ng maririnig na iyak at pagtawag nito sa kanyang mga magulang. Mapa-salita man o isip. Mataman pang pinagmasdan ni Higantatay si Aeron bago siya nagdesisyong magpakita na sa bata. Tinanggal niya ang nakatali sa kanyang beywang, isa iyong pulang tela na pumuprotekta sa kanyang katauhan laban sa makasalanang mata ng mga tao. Kaagad namang nagbago ang kanyang anyo bilang isang matandang lalaki. Kaagad niyang nilapitan ang musmos at hinawakan ito sa balikat. Hindi kumibo ang bata kaya marahan niyang inalog ang balikat nito. Gaya kanina ay hindi man lang rumesponde ang bata kaya minabuti niya ng tingnan ito. Tila nakatulog na ito sa kaiiyak. Hindi lingid sa kanya na sandali lang nakapagpahinga ang katawan nito at dala marahil ng labis na pag-iyak ay napagod ito at tuluyang nakatulog. Kinandong niya ito at hinayaang lumungayngay ang ulo paharap sa kanya. Mababakas ang labis na lungkot at takot sa buong mukha ng kawawang bata. Gamit ang natatangi niyang kakayahan ay binugahan niya ng hangin ang mukha ng bata. Malungkot na nangiti si Higantatay ng agad magbago ang ekspresyon ng mukha ni Aeron. Tila ngumiti ito at umaliwalas ang hitsura.. "Matutupad ang tanging hiling mo kanina, Anak.." bulong niya sa munting bata bago itinali sa katawan nilang dalawa ang kulay pulang tela…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD