“Adriel, halika,” pabulong kong tawag sa aking kapatid na nakabantay sa labas ng bahay. Sinabihan ko kasi siya na magbantay sa labas at baka maabutan kami ni tita Carol.
Pagkatapos kumain ni tita Carol at tatay, lumabas sila ng bahay at hindi nagsabi kung saan sila pupunta. Niyaya kasi ni tita Carol si tatay na lumabas at hindi naman tumanggi ang itay. Mabuti na rin iyon upang makakuha ako ng ulam na dala ni tatay. Gusto ko rin kasing matikman iyon. Kung hindi lang ako pinandilatan ng mga mata ni tita Carol kanina, kumain na rin sana kaming dalawa ng kapatid ko.
Sa murang edad ko lamang ay alam ko na agad na ayaw sa amin ng bagong asawa ni papa. Lalong-lalo na sa akin dahil madalas ako kung mangatuwiran sa kaniya. Ngunit ano naman ang magagawa ko? Tinuruan ako ni nanay noong nabubuhay pa siya na kapag ikaw ang nasa tama, magsalita ka at ipaglaban mo kung ano iyong nararapat.
“Ate, ang sarap po nito!” excited na sabi ni Adriel at nagniningning pa ang kaniyang mga mata.
Tumango ako at ngumiti. “Bilisan mo na lang at baka maabutan tayo.”
Manok iyong dalang ulam ni tatay. Nagdadala siya ng ganoon kapag may pera siya at siguro, sumahod siya ngayon kaya may ulam kami. Sumubo rin ako roon sa ulam at binilisan lamang ang pagnguya at baka maabutan na nga talaga kaming dalawa ni Adriel.
“Ate Jessa, nasaan na po sina kuya Joseph at ate Essa?” kunot ang noong tanong ng kapatid ko habang ngumunguya ng manok.
Pinunasan ko iyong gilid ng bibig niya na may sarsa bago magsalita, “Hindi ko nga alam. Pero hayaan na muna natin sila, kumain na lang tayo!”
Tumango naman siya sa sinabi ko at hindi na nagsalita. Ipinagpatuloy namin ang ginagawa naming dalawa at nginuya nang mabuti ang bawat manok na sinusubo sa aming bibig. Ninamnam namin nang sobra ang bawat katas at lasa noong ulam dahil hindi naman kami nakakakain ng ganito araw-araw. Minsan lang ito sa isang taon.
“Hoy, ano ‘yan, Jessa?”
Nanlaki ang mga mata ko at napatalon sa gulat nang marinig ang boses ni kuya Joseph. Unti-unti akong lumingon sa aking likuran para lang makita na nakatayo na siya roon at nakangisi sa akin. Isinubo ko kaagad ang manok na hawak ko at nginuya iyon nang mabilis. Sinenyasan ko rin si Adriel na ganoon ang gawin.
“Kumakain kayo, Jessa?” Tumingin siya sa lamesa at kaagad na nanlaki ang mga mata. “Wow, ang sarap ng ulam!”
Sinunggaban agad ni kuya Joseph ang pagkain sa lamesa. Gusto ko sana siyang pigilan ngunit natatakot akong magsalita kapag si kuya ang kaharap ko. Hindi kami gaanong close ni kuya Joseph dahil hindi niya naman ako gaanong pinapansin. Madalas din siyang wala rito sa bahay at nasa bahay ng kaniyang mga kaibigan. Palagi siyang nakikipaglaro sa iba ngunit hindi sa aming dalawa ni Adriel. Feeling ko nga ay ayaw niya sa amin bilang mga kapatid niya.
Simula nang mamatay si nanay, nagkawatak-watak na rin kaming magkakapatid. Hindi ko alam kung anong nangyari ngunit naramdaman ko na lang ang biglang paglayo sa akin ni kuya Joseph pati na rin ni ate Essa. Ganoon din sila kay Adriel kaya ako na lamang ang nakikipaglaro sa bunso naming kapatid.
“Tumabi ka nga riyan, Adriel! Uupo ako!” sigaw ni kuya sa kapatid namin na hindi pa tapos kumain. Agad namang tumayo si Adriel at naramdaman ko ang takot niya dahil kitang-kita iyon sa panginginig ng kaniyang mga mata.
Sinenyasan ko na lang ang kapatid ko na lumapit sa akin at sundin si kuya. Baka kasi mangyari na naman iyong nangyari noong mga nakaraang buwan. Medyo matagal na ring nangyari iyon ngunit hindi ko pa rin makalimutan.
“Jessa, nasaan si Adriel?”
Bahagyang kumunot ang noo ko sa tanong ni kuya Joseph ngunit sinagot ko pa rin ang tanong niya. “Nasa loob po ng bahay, Kuya.”
Nasa labas ako ng bahay noon at nanonood sa mga batang babae na naglalaro sa may kalsada. Nakaupo lang ako sa labas at hindi sumasali dahil hindi ko naman sila kilala. Iniirapan din ako no’ng isang babae kanina noong nakita niya ako.
“Adriel! Nakapulot ka raw ng pera sabi ng kaibigan ko, ah? Nasaan na?”
Tumayo ako mula sa pagkakaupo nang marinig na sinisigawan ni kuya Joseph si Adriel. Wala si tatay dahil nasa trabaho siya at si tita Carol naman ay nakikipagkuwentuhan sa mga kapit bahay. Si Adriel lang ang mag-isa roon sa loob at nanonood sa maliit naming TV.
“Pambili ko po ‘yun ng kendi, Kuya Joseph,” sagot ni Adriel kay kuya sa maliit niyang boses. Halos hindi pa nga niya mabigkas nang maayos ang mga salita dahil ilang taon pa lamang siya.
“Anong kendi?! Akin na! Wala ka namang gagawin diyan! Bata ka pa, hindi mo kailangan niyan!” sigaw muli ni kuya Joseph.
Nakaupo si Adriel sa maliit na upuan habang nakatayo naman ang kuya namin sa harapan niya. Natatakpan na rin ni kuya ang TV na tumutunog pa ang isang palabas na cartoon. Hindi ko alam kung anong itsura ang pinakikita ni kuya Joseph ngayon kay Adriel ngunit napatakip ang kapatid ko sa kaniyang tenga at may mga luha na ring tumutulo mula sa kaniyang mga mata. Natatakot si Adriel kay kuya!
“Kuya Joseph!” tawag ko at patakbong lumapit sa kanila nang makitang halos hubarin na ni kuya ang shorts ni Adriel para lang kunin iyong napulot na pera ng kapatid namin.
Sinubukan ko siyang pigilan ngunit hindi siya nakikinig sa akin. Pilit niyang hinihila ang shorts ng kapatid namin kahit na nakaupo pa ito. Hinawakan ko ang braso niya ngunit dahil mas malakas at mas matanda siya sa akin ay mabilis niya lang akong naitulak.
“Akin na sabi!” sambit ni kuya Joseph at isang tunog ng pagpunit ang aming narinig. Ang manipis na kulay pulang shorts ni Adriel ay napunit na nang tuluyan dahil sa ginawa ni kuya Joseph. Mas lalong umiyak ang kapatid ko dahil sa nangyari ngunit parang wala man lang pakialam ang panganay naming kapatid. Ang pinakamahalaga sa kaniya ay iyong bente na nakuha niya sa bulsa ni Adriel.
Ginulo pa ni kuya Joseph ang buhok ni Adriel at nagsalita, “Salamat, bunso.”
Malaki ang ngiti niyang lumabas ng bahay. Habang si Adriel ay umiiyak at tinitignan iyong punit niyang shorts. Hindi ko na rin tuloy maiwasan ang umiyak din.
“A-Ate, wala na po akong pambiling kendi…” Naluluha at humihikbi na sabi ni Adriel sa akin.
Pinunasan ko ang mga luha niya. “H-Hayaan mo, k-kapag may pera ako, bibigyan kita. Bibili tayo ng maraming kendi!”
Niyakap ko lang nang mahigpit si Adriel hanggang sa tumahan siya sa pag-iyak.
Pagkatapos noon, lagi ng sinasabi sa akin ni Adriel na ayaw niya na kay kuya Joseph dahil baka awayin na naman daw siya ulit. Kaya ngayon ay alam kong natatakot siya kay kuya at wala kaming magagawa dahil mas matanda siya sa amin.
“Busog ka na ba?” bulong ko kay Adriel.
Tumango siya at suminghot. Hindi siya nagsalita ngunit ngumiti siya nang bahagya. Nakuntento na ako roon at hindi na siya pinilit pa.
“SINONG KUMAIN NG ULAM DITO?”
Sa kalagitnaan ng mahimbing na pagkakatulog ay nagising ako nang marinig ang boses ni tita Carol. Hindi ko alam kung anong oras na ngunit maririnig ang mga tunog ng kuliglig na sa madaling araw lang naririnig. Malamig din ang simoy ng hangin na pumapasok sa loob ng bahay kaya madaling araw pa talaga siguro.
“Si Jessa ‘yung kumain. Nakita ko silang dalawa kanina ni Adriel.”
Napatayo ako mula sa pagkakahiga nang marinig ang sinabi ni kuya Joseph. Nasa loob na ako ng kuwarto at katabi si Adriel na natutulog. Nang matulog kaming dalawa ay hindi pa bumabalik sina tita Carol at tatay, ngayon lang sila bumalik.
Ako na mismo ang lumabas ng kuwarto dahil alam kong papasok si tita Carol sa loob ng kuwarto at maaari pang magising si Adriel. At tama nga ako, dahil pagbukas ko pa lamang ng pinto ay nasa tapat na ng pintuan si tita Carol. Masama kaagad ang tingin niya sa akin.
Nagulat ako nang hilahin niya nang malakas ang buhok ko. Siya lang pala ang narito at si kuya Joseph, wala si tatay.
“A-Aray po,” daing ko na hindi naman pinansin ni tita Carol.
“BAKIT MO KINAIN ANG ULAM? SINABI KO BANG PWEDE KANG KUMAIN?” sigaw niya. Halos ingudngod niya rin ako sa lamesa.
“Pinipigilan ko nga siya kanina pero hindi naman siya nakikinig,” panggagatong pa ni kuya Joseph kay tita Carol.
Tahimik na tumutulo ang aking mga luha habang nagbabanggit si tita Carol ng kung ano-anong mga masasakit na salita. Sinubukan kong ipagtanggol ang sarili ko kahit pa hindi siya nakikinig sa akin.
“K-Kumain din po si Kuya no’ng ulam, h-hindi lang po ako ang k-kumain,” malakas kong sambit. Ngunit ano pa nga bang inaasahan ko? Mas matanda si kuya at hindi siya pagagalitan ni tita Carol. Hindi rin maniniwala sa akin ang asawang ito ni papa dahil sa akin lang naman siya galit.
“Ang tigas-tigas din talaga ng ulo mo, ano?! Ba’t ba may anak na kagaya mo si David?! Hindi ka marunong sumunod at hindi ka nakikinig! Tandan mo! Ako na ang asawa ng tatay mo kaya dapat ay sumunod ka sa mga utos ko! Ayaw mo naman sigurong mapalayas dito, ano?!”
Paulit-ulit akong umiling. Isang latigo mula sa sinturon ang malakas na tumama sa gilid ng aking hita. Napadaing ako dahil sa kirot na naramdaman. Si kuya Joseph naman ay hindi ko na nakita. Hindi ko napansin kung lumabas ba siya ng bahay.
“Uulitin mo pa ba ang ginawa mo?!”
Umiling ako. “H-Hindi na p-po. T-Tama na po, t-tita Carol...” sambit ko nang ulitin niya ang paghampas ng sinturon doon sa gilid ng hita ko.
“Hindi lang ito ang aabutin mo kapag sinuway mo pa ulit ako!”