Hindi biro ang nararamdamang kaba ni Nathalia habang papunta siya ngayon sa opisina ng mismong CEO ng kompanya. Totoo nga ang mga nababasa at napapanood niya. Kapag guwapo at batang may-ari ng kompanya ang haharapin mo ay talagang nakapanginginig ng tuhod. Idagdag pa ang istrikto umanong awra nito na lalong nagpalakas ng kabog sa kaniyang dibdib.
Pinaypayan niya ang sarili nang makapasok na siya sa loob ng elevator. Mag-isa lang siya at habang tumatakbo ang oras ay lalo siyang napi-pressure.
Biglang bumukas ang elevator noong huminto na sa pangalawang palapag ng building. Bumungad sa kaniya ang madilim na awra ng lalaking tagos ang paningin sa kaniya. Wala sa sariling napalunok siya ng laway.
This man is undescribable. Ibig niyang sabihin, mahirap itong ilarawan dahil sa pagkataranta niya. Ang tanging masasabi niya lamang ay napakadelikado kapag napatitig sa mga mata nito. Kulang ang salitang guwapo para ilarawan sa lalaking ito na halos sakupin na ang buong elevator ng kakaiba nitong awra. He is more than of an ideal man.
‘It's him!’ sigaw ng kaniyang isipan. Pumasok ito sa elevator na mukhang hindi siya nakikita at kasunod nito ang mga naka-suit na mga may edad na lalaki. Ito lang ang pinakabata at sa tantiya niya ay nasa mid-twenties pa lamang ito. Pakiramdam niya ay kay sikip sa loob at napagtanto niyang nakasiksik na pala siya sa sulok.
“Mr. Castelo, I think your phone is ringing.”
“Oh, sorry!”
Dinampot nito ang phone mula sa loob ng coat at sinagot ang nasa kabilang linya.
Oh! Ang ganda ng boses!
“Yes, Miss Roque? Not yet? Reckless! Go and fix it!”
Nahigit ni Nathalia ang kaniyang paghinga nang malakas itong magsalita. May pakiramdam siya na ang pinatutungkulan nitong tao ay siya na kasama nila ngayon. Siya lang naman ang inaasahang papunta ngayon sa opisina nito dahil sa mahalagang dokumento na dala niya.
Pagbukas ng elevator sa palapag kung nasaan ang opisina nito ay sumunod siya sa mga ito. Napako sa kaniya ang mukha ng sekretarya nito at bumuka ang bibig.
“Sir? I think she is right here beside you.”
Lahat ng tingin ay nabaling sa kaniya. Napahigpit ang paghawak niya ng bahagyang nanginginig na mga kamay sa folder. She was sweating all over.
“You were with us in the elevator?” tanong nito na halata ang gulat sa mukha. Matigas na rin ang anyo na parang anytime ay magiging leon na sa bagsik. Hindi nga talaga siya nito napansin kanina.
Ouch!
Napilitan siyang tumango at yumuko sa pagkapahiya. Hindi niya makontrol ang sarili at talagang nanginginig siya sa kaba. Para makaalis na sa sitwasyong iyon ay minabuti niyang ibigay na ang ipinag-utos sa kaniya.
“Pasensya na po at na-late ako. Heto na po ang dokumento.” Nakayukong ibinigay niya iyon kay Edam. Kaagad nito iyong inabot kaya naman ay hindi na siya nagsayang pa ng oras. Magalang siyang nagpaalam sa mga ito.
“Next time, please be guided that punctuality is a must,” pahabol nito sa matigas na tono.
“Noted, Sir!” wika niya at tumalilis na siya pabalik sa elevator. Doon pa lang siya nakahinga ng maluwag na hindi niya napansing kanina pa niya pinipigilan.
Pagkabalik niya sa kaniyang cubicle ay kaagad siyang umupo. Sa tingin niya ay mukhang istrikto at masungit ang kanilang CEO. Pero kahit ganoon ay hindi niya pa rin maiwasang mangarap ng gising. Wala namang masama roon dahil siya lang naman ang nakakaalam. Tiyak niya namang ganoon din ang ilang mga babaeng empleyado sa kompanyang iyon. Crush niya na ang kanilang boss.
“Hi, Nat!”
Nagtatakang nilingon ni Natalia ang panirang nagsalita sa kaniyang tabi. Nais niya sanang magkaroon ng katahimikan pansumandali pero may pangahas na sinira iyon at lalo pa siyang nainis nang mapagsino ito.
“Puwede ba, Trish? Huwag mo akong guluhin?” masungit na wika niya rito.
“It's Troy. Saka ang aga-aga mainit na kaagad ang bumbunan mo. Binati lang naman kita,” may himig hinampo sa boses nito. Inirapan niya ito ng palihim sa pagkainis. Hindi lingid sa kaniya ang pagkakagusto nito sa dahil hayagan iyon kaya lalo siyang naiirita kapag nasa paligid ito, at dahil isa rin itong tomboy. Nandidiri siya kapag ganoon. She wants a child and how could she gave her?
“Arte mo. I love you!” pahabol pa nito bago naglaho sa kaniyang paningin.
Napatiim-bagang siya nang marinig ang sinabi nito. Parang gusto niya itong sabunutan para matauhan na isa siyang tunay na babae at hindi pumapatol sa kapwa babae. Isa pa, may nagpapasigla na sa kaniya ngayon, si mister CEO.
MAALIWALAS ang anyo ni Nathalia nang pumasok siya kinabukasan sa opisina. Hindi niya pinansin ang mga bulung-bulungan at panunukso sa kanyang paligid. Wala namang alam ang mga ito kaya safe siyang magpantasya sa kanyang hinahangaang tao.
“Ang hirap pala kapag nananaginip ng gising, ano? Hindi mo talaga magising kasi gising na nga. Ang problema ay parang walang nakikita. Hoy! Nandito na ako sa harap mo, o! Huwag mo na akong pagpantasyahan.”
Biglang nagusot ang mukha ni Nathalia. Heto na naman ang epal at mahangin niyang admirer na tibo. Mabuti at walang gender discrimination sa kompanyang pinagtatrabahuhan nila kaya may mga bakla rin doon. Actually ay maganda si Trishia or Troy dahil iyon na raw ang bagong pangalan nito. Kaya ngayong bihis lalaki at nag-aastang lalaki ito ay mapagkakamalan na talagang lalaki kung hindi lang sa boses na may lambot pa rin. Wala naman kasi itong adams apple na nagpapalalim ng boses ng isang lalaki.
“Ano na? Ayaw mo pang aminin na gusto mo rin ako, eh!”
“Alam mo ikaw? Masyado kang mahangin. Ilang ulit ko bang sabihin sa 'yo at pinapranka na nga kita na basted ka na dahil straight ako. Lalaki ang gusto ko, okay?”
Sa sinabi niya ay nakita niya ang pagbalatay ng sakit sa mukha nito pero saglit lang naman at bumalik na ulit sa dating sigla.
‘Hanep! Ang tindi talaga ng tama nito sa akin. Ganito ba talaga kapag tomboy? Masigasig? Talo pa lalaki, eh!’
“Alam mo, Nat? Patience is virtue. At dahil tinamaan ako ng lintek na pag-ibig na 'yan ay wala akong magagawa kundi chase for my love. Magiging akin ka rin—”
“Hoy! Trabaho na! Ang aga-aga naghaharutan. Parating na ang CEO sa department natin kaya umayos kayo. Jusko! Makakalbo ko na 'tong tibo na 'to, eh!”
Kaagad na nagsipulasan ang mga tsismosa nilang mga katrabaho kasama si Troy o Trishia. Nagsibalikan na sa kanilang puwesto at kaagad nagtrabaho. Pero ang ilan ay nagkukunwari lang naman. May naglalagay na nga ng kolorete sa mukha at todo ayos ng damit. Naiinis tuloy si Nathalia sa isiping magpapapansin lang ang mga ito sa boss nila. And dami niya palang karibal sa kompanya. Baka nga sa labas ay mas marami pa.
Lahat sila ay mabilis na nagsitayuan nang makita ang senyas ng kanilang supervisor. Inaabangan nila ang pagbukas ng pinto at lahat sila ay roon nakatutok. Lalong-lalo na si Nathalia na halos hindi na humihinga sa matinding pag-asam na masilayan muli ang bagong hinahangaan na kanilang big boss.
Nang bumukas ang pinto ay halos hindi kumukurap si Nathalia nang makita ang CEO nila at kasunod ang tatlo pang empleyado. Seryoso ang anyo nito habang sinusuyod ng tingin ang loob ng kanilang department. Ngayon lamang ito nakapunta sa kanilang department sa loob ng anim na buwan niya bilang empleyada sa kompanya ng pamilya nito at kahapon lang din niya ito nakita ng personal. Noon kasi ay pokus siya sa kanyang trabaho at ngayon ay nagbago na iyon. Paano na siya makakapokus gayong nagulo na nito ng hindi nito alam?
Napayuko siya para maiwasang tingnan ito sa mga mata dahil nagsimula na sila nitong tingnan isa-isa na mga empleyado. May scanner kaya ang mga mata nito at nakakapaso ang mga titig.
Bakit kasi ako ang inutusan? Tuloy napalapit ako sa tentasyon. Ang hirap pa naman niyang kalimutan.
Nang muli siyang mag-angat ng tingin ay napatda siya nang magsalubong ang kanilang mga mata.
Geez! Maawa ka, Sir! Huwag mo akong titigan.
Wala sa sariling napalunok siya ng laway ngunit wala na siyang malunok dahil parang natuyo na ang kanyang lalamunan. Maging sa pagbati nila rito ay hindi siya nakasabay. Nakabuka lamang siya dahil pakiramdam niya ay nawalan na rin siya ng boses.
Anong nangyayari sa akin?
Pinanlamigan yata siya ng katawan nang makitang nakatitig pa rin sa kanya ang boss nila habang nakanganga siya.
Jusko po! Ang tanga ko!
“This is just a quarterly inspection of the upper management but this time ay kasama ang CEO natin. Alam n'yo ba ang surprise inspection? So, go back to your workplace now and do your tasks. But, just relax! Hindi naman kayo kakagatin ng boss natin.”
Lahat ay napatawa ngunit hindi kasama si Nathalia. Labis-labis ang kaba niya na para na siyang maiihi.
Umupo na siya at pinilit na hamigin ang sarili. Huminga siya ng malalim at sinubukang mag-concentrate sa kanyang gagawin ngayong umaga. Magre-record siya ng statement sa bagong files as fast as she can dahil sa hapon ay iba na naman ang gagawin niya.
Kailangan niya iyong reviewhin bago ipasok sa database ng kompanya para sa final report. Kung may mali, siya ang mananagot. Either it will be a loss or a false profit due to her negligence.
Napahinto siya sa ginagawa nang may maramdamang malakas na presensya mula sa kanyang likuran. Bigla ang pananayo ng mga balahibo niya sa katawan lalo na nang yumuko ito at pinanood ang kanyang ginagawa. Tumama ang mabango nitong hininga sa kanyang noo at napadasal siya ng wala sa oras. Maglaho na sana siya dahil baka hihimatayin na siya sa matinding kaba.
“I've notice that you worked precisely and accurately. Just don't be tensed. It may affect you. I like an employee like you.”
Hindi mapigilan ni Nathalia ang panginginig ng mga kamay. Sobra-sobra na siyang nati-tensed at kung hindi pa ito aalis ay siguradong magkakamali na siya. Hindi niya tuloy halos ma-appreciate ang pagpuri nito sa kanya dahil mas nauuna ang kanyang kaba. Bakit naman napaka-straight forward nitong magsalita?
Nakahinga siya nang maluwag nang maramdamang lumayo na ang CEO nila. Napatampal siya sa kanyang noo dahil hindi na siya nakapagpasalamat dito. Baka 'pag nagsalita kasi siya ay pumiyok pa. Nakakahiya naman at baka kung ano ang isipin nito. Humbly said but she is a good singer kaya hindi siya dapat napipiyok. Mahihiya siya sa kanyang sarili. Iyon lang naman ang tangi niyang maipagmamalaki sa kanyang pagkatao pero hindi niya naman ginamit para pagyamanin. Masyado kasi siyang mahiyain.
Mayamaya ay nakalma na niya ang kanyang sarili. Pasimple siyang sumilip sa kanyang paligid para hanapin kung saan na banda ang kanilang boss. Para siyang nanghina nang makitang nasa area na ito ngayon ng kinaiinisan niyang tao sa kanilang department– ang malandi at feeling maganda na si Darla.
‘Pangalan pa lang nakakairita na. Hindi na ako magtataka mamaya kung laman ng tsismis ang pantasya niya na kasama ang CEO. As if naman tinitigan ka ano!’
Napabalik na siya sa kanyang ginagawa. Nasisira ang araw niya at ayaw niyang mangyari 'yun dahil oras ng trabaho. Mahalaga ang trabaho niya para sa kanya dahil sumusuporta rin siya sa kanyang pamilya. Hindi sapat ang kita ng kanyang ama na isa lamang barbero sa kanilang lugar. Ang kanyang ina naman ay nagbebenta ng mga gulay sa palengke na galing sa kanilang bakuran.
Muli siyang lumingon ng palihim kay Edam Javier Castelo. Nakaramdam siya ng hiya at awa sa sarili. Kung titingnan, napakalaki ng agwat nila ng kanyang boss. Totally na langit at lupa. Idagdag pa ang physical appearance na hindi talaga maipagtatabi sa hinahangaang lalaki.
She is the total opposite of his ideal woman. Morena siya, katamtaman lamang ang height at pangangatawan, hindi masyadong makurba na parang pangmodelo dahil wala naman siyang pakialam sa hitsura niya. Maiksi ang kanyang buhok na hanggang balikat, simple ang mukha at walang make up, wala ring lipstick at tanging polbo lang ang nagpapalitaw sa kanyang natural na karikitan. 'Yun ang sabi ng mga tao.
Samantalang ang boss nila, higit pa sa guwapo kung mailalarawan. Nag-uumapaw ang kakisigan at karisma na kahit dumaan lang ay tila may magnet na mapapalingon ang sinuman. Maputi, matangkad, perpekto ang bawat anggulo ng mukha lalo na ang mga mata na nakakapanginig ng tuhod. Those cool grey eyes that seems hidden thousands of mysteries.
Edam Javier Castelo is a mystery!