“Forgive me father for I have sinned…”
Bahagya akong nahinto, napayuko ako habang nilalaro ang mga daliri ko sa aking kamay. Nakaupo na ako sa loob ng confession room. Desidido na akong ikumpisal ang gagawing kasalanan ko ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan pero bahala na si San Pedro. Kung sakaling ‘di man ako makapasok sa gate sa itaas dahil sa gagawin ko, okay lang sa akin maging palaboy sa labas, silip-silip lang ganun. Kaway-kaway sa mga friends kong naroon. Tiga sana all. Sana all, mabait, ganun.
Kay bigat ng puso ko… Bakit naman kasi sa daming babae, sa kanya pa nahulog itong put*ng inang puso ko! Ay sorry, Bro! Pasensya ka na sa pagmumura ko, nadagdagan pa tuloy kasalanan ko.
“Nandyan ka pa ba, anak?” Untag sa’kin ni Father. .
Wala na po, Father, kaluluwa ko na lang po ‘to. Nais ko sanang idugtong ngunit naalala ko Pari ang kaharap ko.
“Yes, Father…” magalang na saad ko.
“Anong ikukumpisal mo?”
“Nahihiya po ako, Father…”
“Wag kang mahiya anak, lahat tayo ay makasalanan…”
“Nagkasala ka rin, Father?”
“Oo naman, anak. Tao lang rin tayo. Walang taong perpekto ang importante ay natuto tayong i accept na nagkasala tayo at pagsisisihan ang kasalanang nagawa. Higit sa lahat ay naniniwala tayo that Jesus saves us. He died on the cross to save us from our sins. Kaya wala kang dapat ikahiya anak. Sabihin mo at nang mabawasan ang bigat ng dibdib mo,” mahabang saad sa akin ni Father. I was moved. Nabigyan niya ako ng lakas ng loob. Malakas akong napabuga ng hangin sa dibdib upang maibsan ang bigat na nararamdaman ko.
“Kay laki ng kasalanan ko, Father… Nagmahal po ako ng alagad ng Diyos. Alam kong kasalanan pero kung piliin niya ang bokasyon kaysa sa akin ngayon pa lang po, humihingi na ako ng kapatawaran, pasensyahan na po tayo pero itatanan ko po siya...”