DILIM NG ALAALA

6115 Words
~KABABALAGHAN~ "AAAHHH!" SIGAW NI Roy nang magising siya mula sa masamang panaginip. "Sino ba talaga ang babaeng 'yon?" tanong niya sa kanyang sarili nang mahimasmasan na siya. Halos gabi-gabi pauilit-ulit siyang nananaginip ng masama mula nang masangkot siya sa isang car accident, tatlong buwan na ang nakakalipas. At sa kanyang panaginip, may babaeng duguan ang buong katawan na hinahabol siya at pinagbabantaang papatayin. Bakas ang galit ng dalaga sa kanya, ngunit hindi niya naman matandaan kung sino iyon at sigurado siyang hindi niya kilala kung sino man ang babaeng iyon na pinagtatangkaan siyang patayin. Pantaas at pang-ibabang underwear lang suot ng babae. Duguan ang buo nitong katawan at may mga tama ng bala. Nanlilisik ang mga mata nito at sadyang nakakatakot ang duguan nitong mukha. Ang babae sa kanyang panaginip ang halos laman ng isip niya sa buong araw. Kaya naman kahit gising siya pakiramdam niya ay pinagmamasdan siya ng duguang dalaga at sinusundan siya nito kahit saan man siya magpunta. Minsan may mga nakikita na rin siya na di niya maipaliwanag. Tulad ng anino niyang nag-aanyong babae at may biglang dadaan na lang sa kanyang harapan. At minsan, sa tuwing mapapatingin siya sa salamin, makikita niya ang babae na nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya. May pagkakataon rin na bigla na lamang siyang kakabahan at manlalamig ang buo niyang katawan na para bang may susugod sa kanya at gusto siyang saktan. Bagama't natatakot sa mga kababalaghang iyon, iniisip niyang guni-guni lamang ang mga iyon at nasa isip niya lamang. At ang babae sa kanyang panaginip, ay panaginip lamang na hindi dapat paniwalaan. "ANAK, NANAGINIP KA na naman ba?" tanong ng kanyang ina nang mapansin nitong nakatulala na naman siya habang kumakain sila ng almusal. "Opo, ma," sagot niya sa nag-aalalang ina. "Roy, tama ang doctor mo. Dala lamang ng naranasan mong trauma at stress mula sa aksidente, kaya kung ano-ano ang nakikita mo. Marahil ay hindi ka pa tuluyang nakaka-recover mula sa aksidenteng 'yon, at sana 'wag mong pilitin ang sarili mo na alalahanin ang mga nangyari no'ng gabing iyon. O baka kailangan mo na sigurong makalanghap man lang ng sariwang hangin. Ano kaya kung ituloy na natin ang plano natin na magbakasyon sa Batangas? Tutal naman wala nang pasok itong kapatid mo," suwestyon ng kanyang ama. "Oo nga, Kuya. Lagi ka na lang kasing nakakulong dito sa bahay. Paglabas mo naman, usok ng tambutso ng sasakyan ang malalanghap mo." sabat ng kanyang bunsong kapatid na si Ryan. Tumango lamang siya bilang pagpayag sa alok ng ama at kapatid. "Bukas na bukas din, aalis tayo. Ibibilin ko na muna sa Tito Carlo ninyo ang negosyo," masayang anunsiyo ng kanyang ama. Mayaman ang pamilya nina Roy. May mga negosyo sila na kilala sa buong bansa. Dalawa lamang silang magkapatid at siya ang panganay. Sa edad niyang twenty-nine, wala pa siyang asawa dahil masyado siyang babaero at wala pa siyang sineryosong babae sa dami ng kanyang naging karelasyon. At dahil sa sobra siyang mahal ng kanyang magulang, kaya naman sunod siya sa layaw at maging ang pambababae niya ay kinukonsente ng mga ito. KINABUKASAN, HABANG NASA biyahe sila, labis na kaba ang nararamdaman ni Roy at pilit niya itong itinatago sa kanyang pamilya upang hindi na mag-alala pa ang mga ito. Pakiramdam niya papalapit na papalapit siya sa kinaroroonan ng duguang babae sa kanyang panaginip habang papalapit sila sa bahay nila sa Batangas. May babae rin na paulit-ulit niyang nakikita sa labas ng sasakyan habang binabagtas nila ang daan. At ang babaeng iyon ay ang dalagang kanyang kinatatakutan. GABI NA NANG makarating sila sa kanilang bahay sa Batangas. Agad siyang nagpahinga sa kanyang kwarto. At habang nagpapahinga ay may mga pumapasok sa kanyang alaala na may dinala na siyang isang dalaga sa kuwartong iyon at nagkaroon sila ng pagtatalo. Ngunit hindi niya matandaan kung ano ang pinagtatalunan nila. Nabuo sa isip niya na ang dalagang iyon at ang babae sa kanyang panaginip ay iisa. Biglang sumakit ang ulo niya at pinagpawisan siya ng husto nang pilit niyang inaalala ang lahat. "Aaaaaaggg..." biglang may naramdaman si Roy na sumakal sa kanyang leeg nang patayo na siya ng kama at nahirapan siya sa paghinga. Nararamdaman niya rin na may kukong bumabaon sa kanyang leeg. Napaluha siya sa sakit at takot na nararamdaman. Naririnig niya ang nakakahilakbot na paghinga ng taong sumasakal sa kanya o kung ano'ng nilalang man iyon, ngunit wala naman siyang makita. "Kuya?!" gulat na sigaw ni Ryan nang maabutan siya nitong sakal ang kanyang sarili pagpasok nito sa kanyang kuwarto. Agad siya nitong nilapitan at inawat sa kanyang ginagawa. "Ano ba'ng ginagawa mo, kuya?" pagtataka ng kanyang kapatid. "W-Wala," sagot niya na naguguluhan din sa kung ano'ng nangyari. Tumayo siya at tinalikuran ang kanyang kapatid para lumabas ng kuwarto. "Roy..." narinig niyang mahinang pagtawag ng isang babae. Para itong bulong sa hangin na nagtayuan kanyang mga balahibo. Dahan-dahan niyang nilingon ang boses na nagmula sa kanyang likuran at tumambad sa kanya ang babaeng duguan. Nanlaki ang mga mata niya at lalo siyang nangilabot sa takot. Nanginig ang buo niyang katawan. At napaatras siya nang makitang papalapit ito sa kanya. "Kuya, okay ka lang? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?" boses ng kanyang kapatid ang lumabas na tinig mula sa babaeng duguan sa kanyang harapan. Natauhan siya sa boses na iyon at ang kapatid na niya ang kanyang nakita. "Ayos ka lang? Kakain na raw sabi ni mama." Tumango na lamang siya sa sinabi ni Ryan, at pinilit ipakita sa kanyang kapatid na ayos lang siya. "Napagod lang siguro ako sa biyahe?" palusot ni Roy. Napailing na lang ang kanyang kapatid. Alam nitong nagsisinungaling siya. ~~~ ~KATANUNGAN~ "KAILAN PO BA tayo huling pumunta rito?" tanong ni Roy sa kanyang mga magulang habang kumakain sila ng hapunan. "Halos isang taon din," sagot ng kanyang ina. "Bakit, anak?" tanong ng kanyang ama. "Para kasing kagagaling ko lang dito - at may kasama akong babae?" naguguluhang sagot niya. "Imposible 'yan, anak. Kasi sabi mo sa 'min ng papa mo, ang babaeng dadalhin mo sa bahay na ito ay ang babaeng pakakasalan mo. At bago mo siya madala rito, ipapakilala mo muna siya sa 'min ng papa mo," pahayag ng kanyang ina. Nakangiting tumango na lang si Roy. "Siguro nga po. Baka nalilito lang ako sa mga naaalala ko." At itinuloy niya na lang ang pagkain. MALALIM PA RIN ang iniisip ni Roy. Nakatingin lang siya sa kisame habang nakahiga sa kama niya. Ayaw niyang matulog. Natatakot siyang muling mapanaginipan ang babaeng duguan. Pero 'di naman mawaglit sa isip niya ang dalagang iyon. Sinusubukan niyang maalala kung sino man ang babaeng iyon o kung kilala nga ba talaga niya at 'di lang gawa-gawa ng isip niya. Sinusubukan niyang pagtagpi-tagpiin ang mga nabubuong palaisipan sa utak niya at ang mga kapiranggot na alaalang bumabalik sa kanyang sa tuwing pipikit siya. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Walang mabuong kongkritong alaala sa kanyang isipan kundi mga hakahaka lamang na sa tingin niya ay isang malaking kalokohan. Naiisip niyang baka kasama niya sa aksidente ang babaeng iyon o nadamay sa aksidente at namatay. At ngayon, sinisingil siya nito. Pero sabi naman sa kanyang ng mga magulang niya ay wala namang nasawi sa aksidenteng kinasangkutan niya at naariglo na ang lahat. Tumagilid ng pagkakahiga si Roy, posisyong nakasanayan niya upang makatulog siya. Nanlaki ang mga mata niya - tumambad sa kanya sa tabi niya ang babaeng duguan na kanina pang laman ng isipan niya. Nakatagilid itong nakaharap sa kanya - walang imik na nakatitig lang sa kanya. Pumikit si Roy at inisip na hindi totoo ang nakikita niya. Pero pagdilat niya, nandoon pa rin ang babae. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata sa pag-aakalang guni-guni lamang talaga ito o isang masamang panaginip na lagi niyang nararanasan. Ngunit sa muling pagdilat niya, nandoon pa rin ito. Unti-unting inaangat ng babae ang kamay nito at bigla siya nitong sinampal. Napatayo si Roy hawak ang nasaktang mukha at lumayo siya sa kama. Paglingon niya sa kinahihigaan, walang duguang babae siyang nakita. Nalilito siya kung totoo ba'ng nangyari iyon - kung may babae nga ba sa tabi niya kanina lang. Sa kabila ng duda niya, nararamdaman niya ang sakit ng pagkakasampal sa kanya. Napaupo na lamang si Roy sa sahig sa sulok ng kuwarto. Napaiyak na lamang siya sa mga nararanasan niya. Palala na nang palala ang pagpapakita sa kanyang ng misteryosang dalaga. At mas dumarami ang katanungan na nabubuo sa kanyang isipan. DOON NA NAKATULOG si Roy sa sahig, at umaga na pagdilat niya. Nang maghihilamos na sana siya pagpunta niya ng banyo, nakita niya sa salamin na may tuyong dugo sa mukha niya at bakas ang palad sa marka ng dugo. Mabilis niyang hinugasan ang kanyang mukha at agad siyang lumabas ng kuwarto. "MAY PROBLEMA BA, anak?" tanong ng kanyang ina pagkatapos nilang mag-almusal. "Wala po, ma," Matipid na sagot ni Roy. "Nanaginip ka na naman ba?" "Hindi po. Ayos lang po ako, ma." Ngumiti ang kanyang ina at hinawakan nito ang kanyang kamay. "Mamaya magsi-swimming tayo. Mamangka tayo ng papa mo." Tumango siya at tipid na ngiti lamang ang naging tugon niya. Pag-alis ng kanyang ina, kusa na lamang pumatak ang luha mula sa mga mata ni Roy at napatulala na lamang siya. Para siya ngayong nakakulong sa kadiliman. Nabablangko na lang utak niya sa dami ng mga katanungan niya - walang nararating ang iniisip niya. PINILIT MAGING MASAYA ni Roy kasama ang pamilya niya. Namangka sila at in-enjoy ang paliligo sa malinis na dagat. Pero habang nagkakasiyahan sila may umagaw ng pansin ni Roy at napatigil siya, isang babaeng nakatanaw sa kanila na bigla na lamang nawala. Na noong una'y inakala niyang maliligo lamang sa dagat tulad nila. Nang sumisid si Roy, sa paglubog niya, nakita niya ang duguang babae sa kanyang panaginip na lumalangoy papalapit sa kanya. Agad siyang umahon at nabalot ng takot ang kanyang dibdib. Hinanap niya ang babae at naghintay siya sa pag-ahon nito, ngunit wala siyang nakita. Hindi na lang talaga sa panaginip nagpapakita ang babae, at wala na itong pinipiling oras para gambalain siya. Pero ang mas inaalala niya, na baka gawa-gawa niya lamang ang nakikita niya - na baka nawawala na siya sa kanyang tamang pag-iisip, at siya mismo ang gumagawa ng halimaw para takutin ang sarili niya. Hindi imposible 'yon, naisip niya. Dahil dati siyang gumagamit ng bawal na gamot. "Bakit, Roy?" tanong ng kanyang ama nang mapansin nito ang pagkabahala sa kanyang mukha. "W-Wala po, pa," pilit na nakangiting sagot niya. Dahil sa nagkakasiyahan ang mga magulang niya at kanyang kapatid kaya naman hindi na niya sinabi pa ang tungkol sa kanyang nakita, at hindi rin naman siya sigurado kung totoo iyon o guni-guni niya lamang. Agad siyang umahon at nagpaalam na may kukunin lang sa bahay. Mistulan siyang wala sa sariling naglakad pabalik sa kanilang bahay. Pagdating sa bahay agad pumunta si Roy sa shower room sa loob ng banyo at doon umiiyak siyang nagsisigaw. "Ano na ba'ng nangyayari sa 'kin?! Ba't kung ano-ano na ang nakikita ko?! Sino ka baaaa?! Ba't ayaw mo akong tigilaaaaan?! Ano ba'ng kasalanan ko sa 'yooooo?!" mga katanungang paulit-ulit niyang isinisigaw at halos iuntog na rin niya ang kanyang ulo sa pader. Nanginginig ang kanyang mga kamay na nakasabunot sa kanyang ulo - parang gusto na lamang niyang biyakin ang ulo niya. Napahagulhol na lamang siya. Paglabas ni Roy ng shower room, narinig niya ang pagbukas ng shower. Dinig niya ang buhos ng tubig mula rito. Alam niyang hindi niya ito iniwang bukas, kaya naman bumilis na naman ang t***k ng puso niya sa kaba. Nanginginig niyang hinawi ang kurtina ngunit wala siyang nakita. Nanlaki ang kanyang mga mata ng mapatingin siya sa sahig - nagkalat doon ang mga pinagsamang dugo at putik. Napaatras siya. At nang mapatapat siya sa salamin, nakita niya ang kanyang sarili na balot ng putik at dugo ang buo niyang katawan. Naramdaman niya ang lapot at lamig ng dugo at putik sa kanyang katawan. Natigilan siya at nanlaki na lamang ang kanyang mga mata. Biglang nagbukas ang pinto ng banyo at napalingon siya rito. "Anak, may problema ba?" tanong ng kanyang ama na nagbukas ng pinto. Muli niyang tiningnan ang kanyang sarili sa salamin ngunit malinis na ang buo niyang katawan. "Wala po, pa," nanginginig niyang sagot na nakatitig lang sa kanyang sarili sa salamin. MATAPOS NILANG MANANGHALIAN, habang nagpapahinga ang kanyang mga magulang at kapatid, nagpasya si Roy na maglakad-lakad muna. Sa kanyang paglalakad, may kung ano'ng puwersang humuhila kay Roy at dinadala siya nito sa kagubatan. Habang naglalakad, may narinig siya sa kanyang utak na putok ng baril. At pakiramdam niyang nanggaling na siya sa lugar na iyon. Nagpatuloy sa paglalakad si Roy, hanggang sa may nakita siyang luma at abandunadong bahay na may dalawang palapag. Masukal ang lugar at malayong-malayo ito sa mga kabahayan. Nang mapagmasdan niya ang bahay, sumakit ng bahagya ang kanyang ulo at may mga pangyayari siyang naaalala. Sa kanyang alaala, may babae siyang hinahabol na pumasok sa lumang bahay na nasa kanyang harapan. Bagama't kinakabahan, pumasok si Roy sa abandunadong bahay. Medyo madilim sa loob ng bahay dahil halos nasa gitna ito ng kagubatan. Nang makapasok na siya, biglang nagsara ang pinto at nayanig ang buong bahay sa lakas ng pagsara ng pinto. Ikinagulat niya iyon, ngunit hindi siya lumabas dahil pakiramdam niya naroon ang kasagutan sa mga katanungang bumabagabag sa kanya. Dahil nang makapasok siya sa bahay, naramdaman niyang nanggaling na siya roon kasama ang babae sa kanyang panaginip. Nang may makita siyang kwarto ay pinuntahan niya iyon dahil may kung ano'ng tinig na tumatawag sa kanya. Naririnig niya ang pagtawag ng isang babae, ngunit hindi niya matukoy kung totoo ito o nasa isip niya lamang. At nang makapasok na siya sa kuwarto, nanlaki ang kanyang mga mata nang makita roon ang babae sa kanyang panaginip na tadtad ng tama ng bala at duguan ang buong katawan. Nakadapa ang babae, at tanging bra at panty lamang ang suot nito. At gumagapang ito papalapit sa kanya. "Roy, akala ko 'di mo na ako babalikan?" nakangiting wika ng babae habang inaabot ang kamay kay Roy. Malamig ang tinig ng dalaga na nagpanginig sa buong katawan niya. Napaatras siya. "S-sino ka?" takot na takot na tanong niya. Nanlisik ang mga mata ng babae at tumayo ito mula sa pagkakadapa, at dahan-dahang naglakad papalapit sa kanya. "Ano'ng sinabi mo? Sino ako? Napakasama mo Roy! Pa'nong gano'n mo na lamang akong kinalimutan? Sabi mo mahal mo ako, 'di ba? Ang sabi mo, 'di ka mabubuhay nang wala ako. Sabi mo, ibibigay mo ang lahat sa 'kin. Sabi mo, pakakasalan mo ako!" galit na sumbat ng dalaga. Nang malapitan siya nito, hinihimas-himas nito ang kanyang mukha at katawan na may maalindog na kilos. At sa bawat himas ng duguang dalaga, napapahiran siya ng malansang dugo nito na may nakakasukang amoy. Hindi makakilos si Roy. Ni 'di niya makuhang magsalita. "Hindi mo ba ako na-miss? Halikan mo ako, Roy. Halikan mo ako ng mainit mong labi. Ipadama mo sa 'kin ang init ng iyong pagmamahal. Paliguan mo ako ng matamis mong halik, Roy. Balutin mo ako ng iyong pag-ibig..." Mapang-akit ang tinig ng dalaga. Nakatulala lang si Roy at 'di pa rin makakilos. Hinalikan siya nito, at naiwan sa labi niya ang dugo na mula sa labi nito. Ipinasok pa ng dalaga ang mahabang dila nito sa kanyang bibig, habang haplos nito ang kanyang katawan na ipinasok pa ang kamay sa kanyang damit habang haplos naman ng isa pang kamay nito ang kanyang mukha. "Masarap ba? 'Di ba, sabi mo noon, pinagpapantasyahan mo ang lasa ng labi ko?" malambing na wika nito. "Ba't ang tahimik mo? Natatakot ka ba sa 'kin, Roy?" may lambing pa rin sa tinig nito. "Nasaan na ang tapang mo! Siguro 'di mo na ako maalala dahil sa dami ng babae mo, 'no! O dahil sa aksidenteng nangyari sa 'yo?!" galit na sigaw ng dalaga. Hindi pa rin makaimik si Roy. Gustuhin man niyang magsalita ay 'di niya magawa. Nanigas na siya sa sobrang takot. Gusto niyang isiping panaginip lamang ang lahat. Ngunit alam niyang hindi panaginip ang nangyayaring iyon, at sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang malamig na katawan ng duguang babae sa kanyang panaginip. Kinausap siya nito at tinawag ang kanyang pangalan. At nalasahan niya ang nakakasukang halik nito at naamoy ang nabubulok nitong katawan. Sinakal si Roy ng dalaga - sakal na tila gusto na nitong ihiwalay ang ulo niya sa kanyang katawan. "Gusto mo ba'ng ipaalala ko sa 'yo kung sino ako, Roy?! At kung pa'no mo ako binaboy at pinataaaay?!" bakas ang matingding galit sa sigaw nito. Lalong nanlaki ang mga mata ni Roy sa mga narinig. Habang pinoproseso niya sa kanyang utak ang sinabi ng dalaga, bigla na lamang siyang inihagis nito ng malakas at tumama ang ulo niya sa pader na bagama't kahoy ay matigas. At doon ay napasigaw na si Roy dahil sa sakit ng pagkakauntog ng ulo niya. Hilo siyang tumayo at tinangkang tumakas. Agad namang lumapit ang babae sa kanya at muli siya nitong sinakal. "Naaalala mo na ba ako?! Sabihin mo kung sino ako! Sabihin mo ang pangalan kooo!" Hindi siya sumagot dahil hindi pa rin niya maalala kung sino ba talaga ang babaeng iyon sa buhay niya. At nalilito pa rin siya kung totoo ba ang nangyayaring iyon sa kanya o masamang panaginip lang na lagi niyang nararanasan. At kung ano ang babaeng iyon na sinasaktan siya? At kung bakit sinasabi nitong binaboy niya ito at pinatay gayung 'di niya ito kilala? "Aaaaaaahhh!" nakakakilabot na sigaw ng dalaga. "Hayop kaaa!" at muli siya nitong hinagis. Napatilapon si Roy sa labas ng kuwarto. Habang nakadapa siya sa sahig at pinipilit bumangon, biglang malakas na sipa sa ulo ang nagpatihaya sa kanya. At madiin siyang tinapakan sa mukha ng duguang dalaga, at ipinasok pa ang maputik nitong mga daliri sa paa sa kanyang bibig. Matapos siyang apakan, pumatong ito sa kanya at niyakap siya nito na animo'y dinadama ang init ng kanyang katawan. At dinilaan pa ang kanyang leeg hanggang sa kanyang mukha. Ngumiti ang babae nang makita ang kanyang takot at muli siya nitong sinakal. Napagmasdan niya ang mukha ng dalaga. At habang pinipilit niyang alalahanin kung sino ito, bigla na lamang nitong iniuntog ang kanyang ulo sa sahig nang paulit-ulit. "S-Sino ka ba? Halimaw ka!" sa wakas ay nagawang makapagsalita ni Roy. "Halimaw?! Aaaaaaaaahhh!" galit na galit na sigaw ng dalaga. "Alalahanin mo ako! Alalahanin mo akooo!" at paulit-ulit nitong muling inuntog sa sahig ang ulo ni Roy na noo'y duguan na. Tumayo ang babae at itinayo siya nito hawak ang kanyang leeg, at sinakal siya ng mahigpit. At muli ay napagmasdan niya ang mukha ng dalaga. At doo'y nasambit ni Roy ang pangalan nito. ~~~ ~KASAGUTAN~ "M-Mara?" hirap na sambit ni Roy dahil sa pagkakasakal sa kanya ng dalaga nang makilala niya ito. Hindi siya makapaniwala. Wala siya sa isang masamang panaginip. At tuluyan na niyang naaalala ang lahat. At kilalang-kilala na niya ang babaeng duguang ginagambala siya. Bumalik sa kanyang alaala ang mga nangyari noong gabi ng aksidente – nasagot na ang kanyang mga katanungan. Si Mara ay girlfriend ng isa sa mga kaibigan niya na si Luis. Maganda si Mara at mabait. Lahat ng katangiang hinahanap ni Roy sa isang babae ay nakita niya sa dalaga. Sa unang pagkikita pa lamang nila, nagkagusto na ni Roy si Mara Ngunit huli na, dahil labis na nagmamahalan sina Mara at Luis. Hindi sumuko si Roy. Naging stalker siya ng dalaga. At minsan kapag may iba siyang kasamang babae, iniisip niyang si Mara ang kanyang kasama. Tuluyan siyang naging obsessed dito. At nang malaman niyang malapit na itong ikasal sa kaibigan, nag-utos siya ng mga tao upang ipadukot ito. At dinala ito sa bahay nila sa Batangas at ikinulong sa kuwarto niya roon. ~~~ "ROY, PAKIUSAP, PAKAWALAN mo na ako. Bakit mo ba ginagawa 'to?" umiiyak na pagmamakaawa ni Mara. "Mahal kita, Mara. Mahal na mahal. Ikaw lang ang babaeng minahal ko. Hindi ako mabubuhay nang wala ka." panunuyo ni Roy habang pilit yumayakap sa nagpupumiglas na dalaga. "Sa bahay na 'to tayo titira. 'Di ba, gustong-gusto mo ang tabing-dagat?" "Pero si Luis ang mahal ko! Ikakasal na kami, Roy." "Pakakasalan din kita! Sa 'kin ka magpakasal, Mara. Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo. Mayaman kami. Mas mayaman sa Luis na 'yon. May utang pa nga ang pamilya nila sa 'min, eh. Mara, mahal na mahal kita! Hindi ako mabubuhay nang wala ka. Maniwala ka." At pilit niyang hinalikan sa labi ang iniibig na dalaga. Ngunit pilit iniiwas ni Mara ang sarili sa mapusok na binata. At nang mabigyan ito ng pagkakataon, sinampal nito Roy. Nanlisik ang mga mata ni Roy sa pagsampal sa kanya, at paulit-ulit niya itong ginantihan ng malakas na sampal. "Matagal ko nang pinagpapantasyahan ang mga labi mo, Mara. Sa ayaw at sa gusto mo, akin ka lang! Mamamatay ka muna bago ka maangkin ng iba! Sa 'kin lang ang katawan mo! Ako lang ang iibigin mo!" sigaw na pahayag ni Roy habang sakal-sakal sa leeg ang luhaan at takot na takot na si Mara, na napatango-tango na lamang. Minarkahan na niya ang pagkatao nito para maging pag-aari niya. Hawak ang forty-five caliber na baril, pinilit ni Roy angkinin ang katawan ni Mara. Pikit-matang lumuluha na pinaubaya ng dalaga ang sarili sa kanya. Inisip nitong pagbigyan siya upang 'di niya ito saktan. At natakot itong ituloy niya ang bantang papatayin ito at ang buo nitong pamilya maging si Luis. "Napakasaya ko, Mara. Napakasarap mo. Virgin ka pa pala? Sinadya mo ba 'yon para sa 'kin?" nakangiti't may pananabik na usal ni Roy nang maangkin ang p********e ni Mara. Nakatulala lang ang dalaga na walang patid ang pagpatak ng luha. "Sabihin mong masaya ka, Mara." Pakiusap niya at hinalik-halikan ang leeg nito. Hindi ito umiimik. Luhaan pa rin ito at tulalang nakatitig lang sa kisame. Uminit ang ulo ni Roy nang hindi ito kumibo sa muli niya pang pakiusap rito at sa 'di nito pagganti sa mapusok niyang mga halik. "Sabihin mong masaya ka! Sabihin mong nagustuhan mo! Sabihin mong gusto mong ulitin! Sabihin mong nanabik ka sa halik ko!" sigaw niya kay Mara at paulit-ulit niya itong sinampal at mahigpit pang sinakal. Humagulhol ang dalaga sa sakit at takot. "Masaya ako. Nagustuhan ko... Gusto kong ulitin natin... nanabik ako... nanabik ako sa halik mo..." Iyak nito. "Sabihin mong mahal mo ako," mala-demonyong bulong ni Roy habang dinidila-dilaan ang pisngi at labi ni Mara. "M-Mahal kita..." hagulhol nito. Naisip ng dalaga ang lalaking mahal nito – at nagdarasal itong humihingi ng tulong. "Talaga? Mahal din kita, Mara," masayang tugon ni Roy at tuwang-tuwang mahigpit na niyakap ang dalaga. PAGSAPIT NG GABI, muling inangkin ni Roy si Mara. Ibinigay naman ng buong-buo ng dalaga ang sarili sa hayuk sa laman na binata. Inisip nitong pagbigyan muli si Roy at kunin ang kanyang loob. At kapag nabigyan ng pagkakataon ay tatakasan nito ang hibang na si Roy. Nang makatulog na si Roy, dahan-dahang bumangon si Mara upang tumakas. Inisip nitong pukpukin siya sa ulo habang natutulog, ngunit wala itong nakitang bagay na puwedeng gamitin. Inisip din nitong kunin ang baril niya, ngunit nasa ilalim ito ng kanyang unan. Kaya naman dali-dali at maingat na lamang itong bumaba ng hagdan upang tumakas. Ngunit 'di pa man ito tuluyang nakakababa ng hagdan, nagising si Roy at agad hinanap ang bihag na dalaga. Habang binubuksan ng takot na takot na dalaga ang pinto palabas ng bahay, narinig nito ang galit na pagtawag ni Roy. "Mara! Saan ka pupunta?! Lalabas kang 'yan lang ang suot mo?! Nababaliw ka na ba?!" Hindi pinansin ni Mara ang pagsigaw niya. Ang nasa isip lang nito ay makalabas sa impiyernong bahay na iyon. Nang mabuksan nito ang pinto, agad itong lumabas ng bahay. Hindi na nito inisip pa na tanging bra at panty lamang ang kanyang saplot. Basta ang mahalaga para kay Mara ay makatakas at mailigtas ang buhay sa kamay ng baliw na binata. Agad namang bumalik sa kuwarto niya si Roy nang makalabas na si Mara para kunin ang kanyang baril. At dali-dali niyang sinundan ang dalaga. Dahil sa walang mga dumadaang sasakyan at walang mga bahay na malapit sa lugar na iyon, tumakbo si Mara papuntang kagubatan upang magtago. At dahil naman sa mabilis na pagkilos ni Roy, nakita niya kung saan tumungo ang dalaga kaya nasundan niya ito. Naghabulan silang dalawa at nagbigay si Roy ng warning shot upang tumigil si Mara. Ngunit lalo lamang binilisan nito ang pagtakbo kahit pa masakit na ang mga paa nito dahil sa wala itong sapin paa. Mabilis na mabilis na tumakbo si Mara at nawala ito sa paningin ni Roy. Nang may makitang bahay si Mara, agad nitong tinungo – nakakita siya ng pag-asa. Bagama't walang ilaw ang lumang bahay ay nagbakasali pa rin ito na may tao roon na puwedeng tumulong. Kaya naman nagsisigaw ito. "Tulong! Tulungan niyo ako!" umiiyak na paulit-ulit na sigaw ni Mara. Ngunit walang taong sumagot. Kaya naman pinasya na nitong pumasok sa dalawang palapag na lumang bahay. At nang makapasok ay napahagulhol na lamang ang dalaga nang malamang abandunado na at walang tao sa bahay na pinasukan. Nang may makita itong matigas na kahoy na puwedeng magamit upang maipagtanggol ang sarili, agad nitong kinuha at nagtago sa isa sa mga kuwarto ng bahay. Nasundan ni Roy sa lumang bahay si Mara. Nang nasa loob na siya ng bahay, agad niya itong hinanap. "Mara! Lumabas ka na! 'Wag mo na akong pahirapan pa! 'Wag mong painitin ang ulo ko!" galit na sigaw niya nang 'di ito nagpakita sa kanya. "Isa! Dalawa! Tatlo! Mara! Lumabas ka na!" pagbibigay niya ng ultimatum sa dalaga. Hindi pa rin lumabas si Mara kaya lalong uminit ang ulo niya. At sunod-sunod na nagpaputok siya ng baril sa kabuuan ng bahay dahil sa galit. Isang malakas na kalabog ang narinig ni Roy mula sa isang kuwarto ng lumang bahay. At nang puntahan niya ito, dahil sa liwanag na nagmumula sa bilog na buwan, nakita niyang nakahandusay sa sahig ang duguang si Mara. Tumagos ang bala sa kahoy na dingding kung saan nagtatago ito at tinamaan ito sa likod. Hindi makapaniwala si Roy sa tumambad sa kanya. Agad niyakap ni Roy ang duguang dalaga. "M-Mara? Hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako. Gumising ka. Gumising ka. Pakiusap – " iyak niya habang pilit na ginigisingn ito. "Mara! Mara! Maraaaa! Mara, mahal na mahal kita! 'Wag mo akong iiwan! Gumising ka! Mahal na mahal kita... Ba't ka kasi nagtago?" at napahagulhol na siya. Dumilat si Mara – napangiti si Roy. Bago ito tuluyang bawian ng buhay, napagbantaan pa nito ang buhay niya. "Magbabayad ka. Hindi kita patatahimikin. Papatayin kita!" madiing usal ni Mara bago ito namatay habang nasa bisig ni Roy. Nakaramdam si Roy ng matinding takot sa sinambit ng dalaga. Tumayo siya at tinadtad pa ng bala ang wala nang buhay na katawan ni Mara habang nagsisisigaw. Bagama't tuliro, naisip pa rin ni Roy na ilibing ang katawan ng dalaga. Habang inililibing niya ang katawan nito sa likod ng bahay ay unti-unting nagdilim nang matakpan ng makapal na ulap ang bilog na buwan at bumuhos ang napakalakas na ulan. Nagsisigaw si Roy at mistulan siyang nawala sa kanyang sarili. Tumakbo siyang wala sa katinuan pabalik ng bahay. At nang marating niya ang bahay, agad siyang sumakay sa kanyang kotse at pinaharurot ito pabalik ng Maynila. Habang wala sa sariling nagmamaneho siya, nakita niya sa kanyang tabi ang duguang si Mara. Nawalan siya ng control sa manubela at bumangga sa kasalubong na kotse. At sa paggising ni Roy ay wala na siyang maalala sa mga nangyari. At 'di na niya matandaan pa ang ginawa niya kay Mara. Maging mismong si Mara ay nawala sa kanyang alaala. ~~~ ~KATAPUSAN~ MULING inihagis ni Mara si Roy. Sa muling pagtilapon ni Roy, agad siyang nakabangon at nang may makita siyang kahoy ay agad niya itong kinuha para panlaban sa multo ng dalaga. Tumakbo siya at tinangka niyang lumabas ng lumang bahay, ngunit bigla na lang siyang nauunahan ni Mara, napunta ito bigla sa harapan niya. Pinaghahampas niya ito ng hawak na kahoy, ngunit hindi niya ito matamaan. Tumatagos lamang sa katawan ng dalaga ang kahoy na pinampapalo niya. Hinang-hinang binitawan na lamang ni Roy ang kahoy. Luhaan siyang lumuhod at nagmakaawa sa dalaga at humingi ng tawad sa mga nagawa niyang kasalanan. "Ngayong naaalala mo na, sino sa 'tin ngayon ang halimaw?!" galit na sigaw ni Mara. At muling nagmakaawa si Roy. Pagmamakaawang tila pagdarasal sa isang Diyos. Pagsusumamong patawarin siya at iligtas ang buhay. Pinagbigyan si Roy na makalabas ng bahay ng multo ng dalagang puno ng hinagpis at puot. At mabilis siyang tumakbong naghihingalo na wari mo'y nakikipag-unahan sa kabayo at tinatakasan ang isang mabangis na hayop na hangad na lapain siya ng buhay. Ngunit hindi pa man siya lubusang nakakalayo, nakita niyang nasa harapan na niya ang dalaga. Nakakatakot ang mga ngiti nitong may nanlilisik na mga matang nagkukulay abo, napakaputla na ng kulay nito at makikita ang mga ugat sa buong katawan na nagkukulay asul. At tila naging sariwang muli ang sugat at dugong nagkalat sa buo nitong katawan. Maalindog itong naglakad palapit kay Roy na animo'y nang-aakit na dalagang gustong magpaangkin ng kanyang katawan – na gustong mapunan ang pagnanasang matagal nang nararamdaman. "Wala ka nang kawala," malambing na saad nito habang himas ang hinaharap at inilabas ang mahabang dila na pinaikot sa mga labi nito. Agad humanap ng bagong daan si Roy at muling tumakbo bago pa man tuluyang makapalit sa kanya si Mara. Narinig niya ang malakas na tawa ng dalaga. Naramdaman niyang ang halakhak na iyon ay tila pag-anyaya sa kanya na pasukin niya ang sarili niyang hukay. Na wala na siyang magagawa para matakasan ang kanyang kamatayan. Pinaglalaruan siya ng dalagang minahal niya – isang bawal na pagmamahal. Napagtantu niya nang mga sandaling iyon ang mga pagkakamali niya – ang hindi niya napigilang pagnanasa sa dalaga, na nauwi sa krimeng planado niya – na humantong sa pagkamatay ni Mara. Hangos na hangos si Roy, at patuloy niya pa ring naririnig ang boses ni Mara. Sa isang-kisapmata, biglang nasa harapan na naman niya ang multo ng dalaga, at sa pagkakataong iyon mahigpit siyang sinakal nito. Pinabagsak siya nito na tila isang laruang manika lang na inayawan na at hinila siya sa paa pabalik ng lumang bahay. Humihiyaw si Roy sa sakit at hagulhol na humuhingi ng tulong. Nang makapasok sila sa bahay, binitawan siya ni Mara. Nanghihina siyang pilit na tumayo at muling nagmakaawa. "Roy, saktan mo ako. Saktan mo ako tulad ng ginawa mo dati. Gusto ko ulit maranasan 'yon. Sampalin mo ako. Angkinin mo ako. Sige na, Roy. Please..." mapang-akit pa rin ang tinig ni Mara at naging maamo ang mukha nito. Nawala ang mga sugat at dugong nagkalat sa katawan nito. Kung pagmamasdan, tila buhay ito at bra at panty lang ang kasuotan. Mas lalong natakot si Roy sa ikinilos ng multo. Pero hindi niya maiwasang pagmasdan ang kagandahan nito. Napaatras siya sa paghakbang ni Mara palapit sa kanya. Nasagi ng paa niya ang kahoy na hawak niya kanina. Agad niya itong kinuha at hinampas sa dalaga. 'Di tulad kanina, hindi tumagos sa multo ang pagpalo niya. Nasugatan ito at nagtalsikan ang dugo. Napapasigaw ito sa bawat pagtama ng kahoy sa katawan nito, ngunit nakangiti pa rin ito. Na tila nasasarapan sa kanyang pananakit. Nahawakan nito ang kahoy at naagaw mula sa kanya. Gigil itong nakangiting gumanti at paulit-ulit siya nitong hinampas sa mukha. Nagtalsikan ang dugo mula sa mga putok ng sugat na dulot ng malakas na pagpalo ni Mara sa mukha ni Roy. Napasigaw na lang siya sa sakit at sinalag ang mga palo. Ngunit pinaghahampas naman nito ang kanyang katawan hanggang bumagsak siya sa sahig. Gusto niyang mamatay na lamang dahil sa pahirap na nararanasan, ngunit 'di pa siya mabawian ng buhay. "Buhay ka pa, Roy? Masamang damo ka nga!" natatawang saad ni Mara at malakas na inihagis ang pamalo palayo. Napunta ang kahoy sa likod ng bahay sakto sa pinaglibingan ni Roy sa katawan nito tatlong buwan na ang nakakalipas. Hinila ni Mara ang buhok ni Roy at ipinatayo – panay hiyaw na lamang ang nagawa niya. "Maawa ka," ngawa ni Roy. "Tahan na, mahal ko. Ang gusto ko lang, saktan mo ako gamit ang mga kamay mo, Roy," muling lambing ni Mara. Hinawakan nito ang kanang kamay ni Roy. Hinalikan ito ng dalaga at sinipsip ang mga daliri. Ipinahimas pa ang palad ni Roy sa muling naging duguang katawan nito at muling naging amoy naaagnas. At isinampal-sampal pa ang kamay niya sa nakakadiri na nitong mukha. "Sampalin mo ako, Roy, tulad ng ginawa mo dati..." Muli sinipsip ng dalaga ang mga daliri ni Roy, at napasigaw siya sa sakit nang kagatin ito hanggang sa magdugo. Pakiramdam niya ay mapuputol na ang mga ito. Nabalot na rin siya ng galit at sa kagustuhan na ring mailigtas ang buhay nang maisip niya ang kanyang pamilya. Gamit ang buo niyang lakas at isa niyang kamay, sinampal niya nang paulit-ulit si Mara. Ngunit balewala iyon, hindi pa rin nito pinapakawalan ang kanyang daliri, at nakangiti lang ito. Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Roy na tumama sa mukha ng multo, at bumulagta ito sa sahig. Sinunggaban niya ito. Pumatong siya rito at sinakal ito ng mahigpit. Pero nanatiling nakangiti pa rin ito. "Mamatay ka! Mamatay ka!" nawala na sa katinuang sigaw ni Roy. Pinagtawan lang siya ni Mara. "Matagal na akong patay, Roy! Pinatay mo ako!" sigaw nito. Napatayo si Roy at nangilabot sa narinig niyang boses na nagmula kay Mara. Pinagsama-samang boses ng lalaki, babae, matanda at bata ang narinig niya. At may nakakakilabot pang tinig na 'di niya mawari kung ano? Tumayo ang duguang si Mara na parang itinayong poste. Galit na ang hitsura nito at nanlilisik ang mga mata tulad nang nakikita ni Roy sa kanyang panaginip – mala-halimaw na lalapa ng buhay na tao ang anyo nito. Pakiramdam ni Roy ay nasa impiyerno na siya ng mga sandaling iyon, at wala na siyang kawala sa kamatayan. Pero pinilit niya pa rin lumabas ng bahay at tumakas. Hangos siyang tumakbo at nakasunod sa kanya ang dalaga na naglalakad lamang. Bumuka ang lupa na tinatakbuhan ni Roy. Lumusot ang isa niyang paa at nabali ang buto nito. Napasigaw siya sa sakit. Wala na siyang ibang nagawa kundi gumapang upang makalayo. Ngunit sa paggapang niya, nasa harapan niya na ang duguang dalaga. May mga halamang baging na sumakal sa kanya at pumulupot sa kanyang buong katawan, at itinayo siya nito. "M-Mara, pakiusap. Minahal lang kita kaya nagawa ko ang bagay na 'yon! Patawarin mo ako," iyak niya at muli niyang pagmamakaawa. "Minahal? O Kamunduhan?! Iba ang pag-ibig sa pagnanasa!" galit at madiing sumbat ni Mara. At paulit-ulit nitong sinampal si Roy. Nang magsawa na ito sa pagsampal sa mukha sa mukha ni Roy, sinakal naman siya nito nang mahigpit gamit ang dalawang kamay at bumaon pa ang matatalim nitong kuko sa kanyang leeg. "Katapusan mo naaaaa!" luhaang sigaw ng multong puno ng galit at hinagpis, puot at pagkasuklam. Lalo pang hinigpitan ang pagkakasakal sa leeg ni Roy ng duguang babae na noo'y nasa panaginip niya lamang, at ngayo'y totoo na. Halos maghiwalay na ang ulo niya sa 'di na gumagalaw niyang katawan, at bumubulwak ang dugo mula sa kanyang bibig – hanggang sa malagutan na siya ng hininga. Naalis ang mga baging na nakapulupot sa katawan ni Roy, at inihagis ng multo ang kanyang bangkay sa loob ng bahay. Madilim ang kalangitan, at unti-unting bumuhos ang malakas na ulan. Napatingala ang multong si Mara – na bakas sa mukha ang labis na kalungkutan. MAKALIPAS ANG DALAWANG araw, natagpuang nakabigti ang wala nang buhay na si Roy sa lumang bahay. At ayon sa mga pulis, pagpapakamatay ang ikinasawi ni Roy. Dahil wala namang nangyaring foul play batay sa kanilang imbestigasyon. At dahil sa masusing pag-iimbestiga sa pinangyarihan ng krimen, natagpuan ang naaagnas nang katawan ni Mara. Isa sa mga inutusan ni Roy na dukutin si Mara ang lumitaw upang malutas ang kaso tungkol sa pagkamatay ng dalaga. May mga ebidensyang ipinakita ang testigo. At ayon testigo, palagi nitong napapanaginipan ang duguang dalaga at umiiyak. Kaya naman nagpasya na itong sumuko at ilahad ang katotohanan. Nahuli rin ang dalawa pang kasabwat. At isa sa mga ito ang nakakita ng pagkamatay ni Mara sa kamay ni Roy. At inilahad nito ang krimeng nasaksihan. Dahil sa mga sumukong suspek at sa mga sinumpaan nitong mga salaysay, isinara ang kaso sa pagkamatay ng dalawa. Hindi naman makapaniwala ang magulang at kapatid ni Roy sa nagawa niyang krimen. May pagsisising naramdaman ang kanyang mga magula, ngunit unti-unti na ring tinanggap ang katotohan. At pagpapakumbabang humingi ng tawad ang mga ito sa pamilya ni Mara at kay Luis na dapat ay ikakasal na sa dalaga. Lahat ng malapit na kakilala ni Roy ay inisip na marahil dahil sa hindi makayanang matinding konsensiyang umuusig sa kanya sa pagpatay niya kay Mara, kaya brutal niyang sinaktan ang kanyang sarili at nagpasya siyang tapusin ang kanyang sariling buhay, upang wakasan ang kanyang paghihirap. Sadyang walang lihim na hindi na bubunyag – at walang kasalanang hindi pagbabayaran. MAKALIPAS ANG ILANG araw ng kamatayan ni Roy, natagpuang patay sa loob ng silda ang tatlong lalaking kasabwat niya sa pagdukot kay Mara. At ayun sa autopsy, bangungot ang ikinamatay ng mga ito. HINDI PA TAPOS ANG PAGHIHIGANTI NI MARA. MAY ISANG TAO PA SIYANG PAPATAYIN NA BAHAGI NG KANYANG MADILIM NA ALAALA... MAARING IKAW? ...wakas?

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD