Episode 10

2109 Words
BABALA!!! *Ang mga susunod na eksena na inyong mababasa ay pawang mga likha lamang ng malikot na isipan.* “Tulong! Tulungan niyo ko! Kung may nakakarinig man sa akin ay tulungan niyo ako!” sigaw ko ng malakas hanggang sa makakaya ko pang ilakas ng todo para lang may makarinig nga sa akin kung may mga tao man sa labas kung saan ako nakalulong ngayon. Nang makabawi ako ng lakas ay naglakas-loob na akong sumigaw para manghingi ng saklolo kung may tao man na nakakarinig sa akin sa paligid. Nakapiring pa rin ang aking mga mata at nakatali pa rin ang buong katawan ko. Mabuti na nga lang at natangga ko ang busal sa bibig ko kaya nagagawa kong magsalita at makahingi nga ng tulong. Uhaw na uhaw na ako dahil walang dumadaloy na hangin sa kung nasaan man ako ngayon kaya ang resulta ay pinagpapawisan din ako ng matindi. Kumakalam ang sikmura ko ngunit tubig ang mas kailangan ko ngayon dahil talagang tuyong-tuyo na ang mga labi ko sa sobrang init. “Tulong! Parang awa niyo na tulungan niyo ko!” muli kong sigaw habang naiiyak na naman sa kalulunos-lunos na kalagayan ko. Mula nang iwan ako rito ng kung sinong lalaki na dumukot sa akin ay wala na akong naramdaman na baka may iba pa akong kasama sa kung nasa isang bahay ba ako o ano ngunit wala na talagang akong maramdaman na may iba pang tao sa paligid. Nakasandal ako sa pader ngunit bumabagsak na talaga ang katawan ko sa sobrang panghihina. “May tao ba riyan? Tulungan niyo ako parang awa niyo na. Hirap na hirap na ako,” bulong ko ng tuluyan na naman na nasubsob ang mukha ko matigas na sahig. Matay ko man na isipin kung sino sa mga naging kliyente ko ang maaaring gumawa sa akin nito ay hindi ko talaga maisip kung sino. Sigurado akong hindi si Mang Bato dahil sobra naman siya na wala namang limang-libo ang naging atraso ko sa kanya para gawin niya ang hindi makataong pagmamalupit na ito. At saka, nabayaran ko na siya ng sobra pa sa naibigay niyang pera sa akin kung kaya sino? Sinong walang puso ang gagawa nito? “Nay, tulungan niyo po ako. Kung nariyan po kayo sa langit ay pakisabi na po kay San Pedro na kunin niya na ang buhay ko. Hirap na hirap na po ako, nay,” ang lumuluha kong hiling. Baka nga wala na akong luha dahil naubusan na ako ng tubig sa katawan. Kung wala na talaga akong pag-asa na makawala sa kamay ng dumukot sa akin ay talagang mas gusto ko ng mamamatay na ngayon din para huwag ng humaba pa ang paghihirap ko. Ngunit dahil buhay pa ako at nakukuha pang sumigaw para makahingi ng tulong ay kakapit pa rin ako sa konting pag-asa na ito. Pero hanggang kailan? Hindi ko lubos na maisip talaga na darating ako ganitong sitwasyon. Napapanood ko lamang sa telebisyon ang ganitong mga marahas na pangyayari ngunit hindi ko kailanman naisip na mapupunta pa ako sa mas malalang sitwasyon. “Please, tulong. Tulungan niyo ako,” sabi ko pa at saka pilit na tumihaya dahil nangalay na ako ngunit kapag tumihaya ako ay maiipit ang mga kamay kong nakagapos sa likurang bahagi ko kaya agad din akong tumatagilid. Hindi ko na nga alam kung saan ba banda ang iindahin kong masakit a bahagi ng katawan ko dahil lahat ay masakit. Namamaga pa ang mukha ko dahil nga sa mga sampal na ginawa sa akin ng lalaking iyon. Naalala ko si Nanay Palo. Sigurado akong nag-aalala na siya sa akin sa mga oras na ito.. Hindi ko nga alan kung anong oras na ngunit dahil napakainit ay baka tanghali o kaya naman ay hapon kung saan tirik ang sikat ng araw. Ito rin yata ang kasagutan sa hiling ko na makaalis sa lugar namin na napapalibutan ako ng mga negatibong tao. Pero bakit? Bakit sobra naman? Hindi makataong parusa dahil wala naman akong sinaktan na tao na pisikal. Kung tungkol naman sa pagsagot ko kay Aling Matring ay masama na ba ang ipagtanggol ang sarili laban sa taong walang magawa sa buhay kung hindi ang manira ng kapwa? Kung anu-ano na ang pumapasok sa utak ko. Ganito pala talaga kapag nakakulong ka at walang magawa. Limitado ang galaw paano pa kaya sa tulad kong nakatali na ay nakapiring pa ang mga mata. Nagulat pa ako ng biglang may nagbukas. Napatingala ako ngunit hindi ko alam kung saan naman babaling ang mukha ko. “Buhay ka pa pala?” Ang lalaking dumukot sa akin. “Pakawalan mo na ako.” Ang sabi ko. “Bakit?” aniya sa akin. Tulad ng una ko siyang marinig na nagsalita ay para bang pilit niyang iniiba ang timbre ng kanyang boses. “Dahil inosente ako.” Sagot ko. “Kahit sinong kriminal ay hindi umaamin sa nagawa nilang kasalanan gaya ng ginagawa mo. Pero baka sige, pagbibigyan kita sa pilit mong pagsasabi na inosente ka. Pero sa oras na malaman kong nagsisinungaling ka ay ako na mismo ang magsasabit sayo habang nakatali ang leeg mo sa lubid na nakapulupot ngayon sa katawan mong babae ka.” Madiin niyang wika. Nabuhayan ako ng loob sa narinig. Malamang na naisip niya na totoo ang sinabi ko na hindi naman talaga ako ang hinahanap niyang scammer. Totoo naman. Sana lang ay nakuha niya ang cellphone ko na nasa loob lang naman ng bag ko na tiyak na naroroon lamang sa sasakyan niyang ginamit para dukutin ako. Naroon lahat ng ebidensya na nagsasabi ako ng totoo. Nakasaved lahat ng mga screen shots at conversation ko sa lahat ng mga naging kasamahan ko na biktima rin ng big time scammer na si Mamu Jo. “Pero huwag ka munang magsayang babae ka dahil ikaw pa rin ang puno ng lahat. Ikaw pa rin ang pinaniniwalaan kong may kagagawan ng lahat!” sabay hablot na naman niya sa buhok ko kaya dama ko na naman ang walang hanggang sakit na halos humiwalay na naman ang mga buhok ko sa anit ko. Napaluha na naman ako dahil talagang sumisigid ang sakit sa ulo ko. Sobrang sakit. “Masakit ano? Pwes! Dapat lang na danasin mo yan! Hindi ako naaawa sa mga tulad mo! Pero dahil gusto kitang makitang nahihirapan ay magdusa ka dahil kasalanan mo rin naman!” sabay balibag niya na sa ulo ko. Sa sobrang lakas nga ng pagwasiwas niya sa ulo ko ay tumama ang mukha ko sa sahig. Napaigik ako sa sobrang sakit at nahilo talaga ako. Naramdaman kong may umagos mula sa butas ng ilong ko na unang tumama sa matigas na sahig. Anong klaseng tao itong dumukot sa akin? Nasisiyahan ba talaga siya sa pananakit sa akin? Sadista ba talaga siya at ganito niya ako ka brutal kong tratuhin? “Kung hindi ka lang sana nanloko ng kapwa ay wala ka rito at hindi mo mararanasan yan. Ang kaso ay masyado kang naging gahaman na nakuha mo talagang utuin ang iba para maniwala upang bayaran ka ng kakarampot na halaga,” wika pa niya. “Oo! Kakarampot na halaga! Dahil sa kakarampot na halaga ay nakasira ka ng buhay, hayop ka!” sigaw ng lalaki sabay sipa na naman sa hita ko kaya namilipit na naman ako sa sakit. “Bakit ba kasi hindi kayo lumaban ng patas na nakuha niyong manloko ng kapwa! Hindi mo alam kung anong nagawa mo! Hindi mo alam kong paano rin ang dinanas ng isang inosenteng tao dahil napaniwala niyo!” patuloy niyang asik at saka parang may pinagsusuntok na kung hindi ako nagkakamali ay ang matigas na pader kung nasaan kami. Naawa na ba siya sa akin kaya hindi ako ang pinatamaan niya ng mga malalakas niyang suntok? Kung ako ang sinuntok niya ay baka nabasag na talaga ang bungo ko at tuluyan na akong sumuka ng dugo. “Hindi ko alam kung anong mga sinasabi mo,” ani ko sa kanya dahil wala naman talaga akong alam. Hinawakan niya ang dalawa kong balikat ng napakahigpit. “Hindi mo alam, ha? Hindi mo alam dahil wala kang pakialam! Hindi mo alam na sa ginawa mong panlilinlang ay may isang taong labis na nahirapan hanggang sa huli niyang hininga! Hindi mo alan dahil ang tanging alam mo lang ay manloko! Kaya kung anong paghihirap mo ngayon ay nararapat lang na kaparusahan! Hindi sapat ang batas pantao para litisin ka at parusahan ka! Hindi sapat ang ikulong ka lang dahil mas nararapat ang ganito! Ang ganito na nakikita kitang hinuhugot na ang huli mong hininga!” ang galit na galit na sigaw na naman niya. Dinig ko rin ang hingal niya. Nakahanda na nga ako sa muli niyang pananakit ngunit walang kamay o paa na dumapo sa katawan ko. Hanggang maya-maya ay may bumukas na naman at malakas din na isinara. Nasandig ko na naman ang aking ulo sa sahig. Iniwan na naman niya ako at hindi alam kung kailan niya ako babalikan o kung babalikan pa ba ay pakakawalan na ba niya ako? Panibagong sakit na naman ng katawan ang inabot ko. Ganito na lang ba ang mangyayari at aalalahanin ko hanggang sa huling hininga ko? Ngunit ang may bumukas na naman na pinto kaya napataas na naman ang mukha ko. “Gusto kong abutan mo pa ng buhay kapag lumabas ang tungkol sa imbestigasyon kaya heto! Kumain ka at uminom ka!” May kung ano siyang ibinagsak sa harap ng mukha ko na agad namang sumuot sa ilong ko ang amoy ng pagkain. “Bahala ka kung anong diskarte ang gagawin mo para makakain at makainom ka!” At saka na naman bumukas-sara ng malakas ang pinto at narinig ko ang kalansing na para bang bungkos ng mga susi. Gamit ang pang-amoy ay hinanap ko kung saan banda ang pagkain at ng masanggi na ng bibig ko ang kung anong panlamang sikmura na nasa harao ko ay agad ko na itong sinunggaban. Ngunit naisip ko na baka mabulunan ako kaya anuman na pananabik ko sa pagkain ay naghinay-hinay na muna ako sa pagngasab. Baka rin kasi matapon at hindi ko naman nakikita ay sayang naman. Para akong isang hayop na talaga na basta na lang inabutan ng pagkain at bahala na ako kung paano ako kakainin ang pagkain. May mga kamay ako ngunit nakatali ng lubid at hindi ko magawang magamit. Nang makaramdam na kailangan kong uminom ay bahagya kong kinakapa kong may tubig nga ba sa malapit sa akin. Sobrang ingat ng ginagawa kong pangangapa sa karimlan sapagkat nakapiring nga ang aking mga mata. Hanggang may masagi na naman ako at bahagyang gumalaw kaya may tila tumalsik sa mukha ko. Tubig! Kinapa muli ng mga labi ko at nakumpirma ko nga na isang baso na malamang na isang plastic cup ang lalagyan ng tubig. Kinagat ko ang labi ng plastic cup upang bahagyang itaas para maibsan na ang uhaw ko. Sa wakas! Nadaluyan na ng malamig na tubig ang tuyong-tuyo ko ng lalamunan. Binalikan kong kapain muli ang pagkain na kanin at ang ulam ay karne ng baboy na maliliit ang hiwa na may kasama rin na maliliit na piraso ng gulay na patatas, carrots, green peas. Menudo marahil. Naalala ko ang mga alaga kong aso at pusa. Parang ako na sila ngayon. Kumakain ako gamit lang ang bibig, ngipin at dila ko sa tulong na rin ng pang-amoy ko. Habang inuubos ang pagkain sa plato ay umaagos na naman ang mga luha ko. Ginawa talaga akong parang isang hayop. Mas masahol pa sa isang hayop kong ituring. Mabuti pa ang hayop na ang iba ay nakatali lamang para hindi maka-kagat o kaya ay hindi makagala pero hindi nakatali ang buong katawan. Walang piring ang mga mata na hindi kagaya ng kung anong kalagayan ko ngayon. Kinagat kong muli ang plastic cup para makainom ng tubig at talagang wala akong itinira kahit isang patak. “Bakit nararanasan ang lahat ng ito? Anong malaking kasalanan ang nagawa ko para ituring akong hayop?” mga tanong ko sabay hagulgol ng iyak. “Wala nga akong kasalanan. Inosente ako at biktima lang ako,” paliwanag ko na naman na para naman may nakakarinig sa akin? “Hindo ako manloloko at hindi ko scammer kaya paniwalaan niyo naman sana ako. Gusto ko lang naman ng pera pampagamot ni nanay. Hindi ko intensyon na manloko ng kapwa. Makapanakit ng kapwa at may mapahamak ng dahil sa kagustuhan ko lang kumita.” Mga salita ko pa. “Hindi ako ang totoong may sala. Kaya bakit niyo ako pinaparusahan ng ganito? Bakit?” hagulgol ko na naman at saka pilit na ibinabangon ang sarili ko mula sa pagkakadapa para makakain lang ng maayos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD