SIMULA
Lahat tayo ay dumadaan sa mga pagsubok. Iba't ibang klase ng mga pagsubok. Ang palaging sinasabi ng mga tao sa paligid ko noon, ibinibigay daw iyon sa atin ng Diyos para matuto tayong maging matatag. Matuto tayong tingalain at tawagin s'ya.
Pero saan ba ako nagkulang? Lahat naman ipinagpapasalamat ko palagi sa kanya. Lahat ng dumadating na blessings sa buhay ko maliit man o malaki ay siya agad ang unang unang pinasasalamatan ko.
Pero bakit?...
Bakit ng mga panahong kailangan ko s’ya at tinatawag ko s’ya, pakiramdam ko iniwan n'ya ako. Hindi n'ya dininig ang pakiusap ko na 'wag bawiin ang anak ko.
Nakikinig nga ba s'ya?
Pinakikinggan nga ba talaga niya ang mga hiling at dalangin natin?
Nakikita n'ya nga kaya ang bawat paghihirap natin?
Mga tanong na paulit ulit kong itinatanong sa aking sarili ngunit wala rin akong makuhang sagot. Maraming tanong na 'bakit' sa isipan ko na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan. Minsan tuloy napapagod na rin akong magtanong.
Napaungol ako at agad nagtalukbong ng kumot nang masilaw sa liwanag na nagmumula sa bintana na kabubukas lang ni mama.
Sobrang sakit ng ulo ko at bigat na bigat pa ang talukap ng aking mga mata na ayaw pang dumilat dahil sa pinaghalong antok at hang over dahil sa nagdaang gabi.
"It's almost lunch time. Wala ka bang balak bumangon para kumain?" tanong ni mama sa akin.
"Wala po akong gana," walang kagana ganang sagot ko.
"Kailan ka ba nagkaroon ng gana?" Bakas sa boses ni mama ang inis at lungkot. "Ganyan ka na lang ba palagi, Monnette? It's been a year! Can you please, try to move on!"
Inalis ko ang kumot na nakabalot sa aking buong katawan at kahit nahihilo pa ay tumayo na ako dahil nag uumpisa na naman ang mama kong manermon at magdrama.
Sa tuwing sisermunan niya ako ay lagi na lang niyang pinapaalala ang lahat lahat sa akin. Para bang wala s'yang pakialam sa nararamdaman ko. Parang wala s'yang pakiramdam at hindi n'ya maramdamang nasasaktan ako sa tuwing inuungkat niya palagi ang mga nangyari noon.
Sabagay, may pakialam nga ba siya sa feelings ko? Ni hindi ko nga naramdaman na nasa tabi ko siya sa mga panahong sukung suko na ako.
Iniwan niya akong mag isa. Sa mga panahong dapat kaming dalawa ang magkasama. Mas nauna pa siyang sumuko kaysa sa akin.
"Monnette, I'm talking to you-"
Isinara ko ang pintuan ng banyo at ini-lock ko pa iyon para hindi ko na s'ya marinig pa. Natulala ako sa harap ng salamin at pinakatitigan kong mabuti ang aking sarili. Napabuntong hininga ako at nakamot na lang ang aking ulo. Isa isa kong tinanggal ang aking saplot at tumapat sa malamig na tubig ng shower.
Guminhawa ang aking pakiramdam matapos kong maligo. Nagtagal ako sa loob ng banyo para iwasan si mama at paglabas ko nga ay wala na siya.
Linggo naman ngayon at walang pasok sa trabaho kaya gusto ko sanang matulog lang maghapon pero ayaw ng makisama ng aking mga mata. Ibinalik ko na lang sa closet ang hawak hawak kong pambahay at kumuha ng panlakad kong damit. Aalis na lang pala ako dahil kapag nandito ako ay kukulitin lang ako nang kukulitin ni mama tungkol sa mga bagay na ayaw kong pinag uusapan.
Habang nag aayos sa harap ng salamin ay nahagip ng aking mga mata ang invitation card na ibinigay ni Lorren sa akin kagabi para sa kasal nila ni Micko. Engagement party nila kagabi at ang saya saya ng kaibigan ko. Surprise proposal kasi iyon ni Micko para kay Lorren at ready-ng ready na ang lahat para sa kasal nilang dalawa. Si Lorren na nga lang yata ang kulang.
Kompleto kaming lahat kagabi at naroon din ang mga taong ayaw kong makita sa buong buhay ko. Pero wala naman akong magagawa dahil iisang circle lang naman kami ng friends. Mas lalo pa akong nawalan ng interes sa event dahil nakita kong kasama nito ang babaeng ipinalit niya sa akin.
Nagkasagutan rin kami ni Tita Sarah ng gabing iyon kaya imbes na bumalik sa lamesa kung nasaan ang mga kaibigan ko ay nagpunta ako sa isang sulok at doon uminom nang uminom ng alak ng mag isa.
Napatingin ako sa cellphone ko nang tumunog iyon. Agad ko iyong dinampot nang makitang si Kristha ang tumatawag.
"Where are you na?" Bungad niya sa akin.
"Nasa bahay. Bakit?" kunut noong tanong ko.
"Gosh!" anito pa sa kabilang linya.
Malamang ko umiikot na naman ang mga mata nito. Ganoon kasi ang palaging expression ng isang 'to.
"May usapan tayo kagabi na pupunta tayo sa bahay nina Lorren ngayon 'di ba?" Pagpapaalala pa niya sa akin.
"Meron ba?" muli kong tanong at nahilot pa ang aking sentido.
"Napapala ng panay inom kagabi!" singhal nito sa akin. "Sumunod ka na, okay. We'll wait for you here."
"Okay," tugon ko at ibinaba ko na ang tawag.
Tinapos ko na ang pag aayos at bumaba dala ang invitation card para kina mama at Tito Ryan. Ninong at ninang kasi sila sa wedding nina Lorren. Hindi rin sila naka-attend kagabi dahil may out of town trip si Tito Ryan at isinama niya si mama at kagabi lang din sila umuwi.
"Where are you going?" tanong ni mama pagbaba ko. "Kumain ka muna."
"Late na po ako sa pupuntahan ko, ma. Doon na lang po ako kakain. By the way here's the invitation card for Lorren and Micko's wedding," sabi ko at inilapag iyon sa ibabaw ng lamesa.
"Monnette," tawag ni mama sa akin.
"Po?" sagot kong pinangunutan pa siya ng noo.
"Are you really okay?"
Napabuntong hininga ako. "Here we go again!" naiinis na saad ko. "I'm fine, ma. Don't worry about me. I know how to handle my self."
"Hindi mo maiaalis sa akin na mag alala palagi sa 'yo. Anak, it's been a year."
"Yeah! It's been a year so stop always mentioning about the past. Gusto mo akong maging okay 'di ba? So, please, ma, patahimikin mo 'ko," turan ko at tinalikuran na siya.
Simula ng mawala ang anak ko hindi lang sarili ko ang sinisisi ko sa mga nangyari. Pati ang mga tao sa paligid ko ay sinisisi ko dahil pakiramdam ko pinagkaisahan nila akong lahat. Iniwan nila ako sa ere.
Anim na taon na ang lumipas pero hanggang ngayon ramdam na ramdam ko pa rin ang sakit. Sariwang sariwa pa rin iyon sa puso at isipan ko.
Huminga ako nang malalim at pinaandar na ang sasakyan ko. Kinalma ko ang aking sarili at nang bumukas ang gate ay pinaharurot ko na ang aking kotse paalis.
"Hay naku! Kahit kailan talaga ang traffic na 'to!" naiiritang ani ko dahil naipit na naman ako sa traffic.
Usad pagong ang mga sasakyan. At nakabisa ko na yata lahat ng mga pangalan ng mga establishments na nadadaanan ko.
Natulala ako at namangha nang makita ko ang isang napaka gandang wedding gown na nakasuot sa isang mannequin. Naka-display iyon sa salaming dingding ng isang botique.
Nakaramdam ako ng lungkot at panghihinayang. Buong akala ko noon ay ako ang unang unang ikakasal sa aming lahat. Pero akala ko lang pala iyon dahil kahit buong pamilya man lang sana ay hindi ko naibigay sa anak ko noon.
Kung maibabalik ko lang ang panahon sana hindi ganito ang buhay ko ngayon. Marami akong pangarap na hindi natupad. Mga pangarap hindi lang para sa akin kundi pati sa mga taong mahal ko.
Natupad naman ang pangarap kong makapagtapos ng pag aaral at magkaroon ng trabaho. Hindi naman ako pinabayaan nina mama sa parteng iyon.
Ngunit ang pangarap kong pamilya ay hindi ko nakuha. Iniwan ako ni Jared sa ere, lumayo s'ya at iniwan n'ya ako. Iniwan niya kami ng anak ko. Walang pasabi.
Maraming 'sana' at 'bakit' sa akin noon. Pinagsisihan ko ang mga panahong nasayang sa buhay ko. Pinagsisihan kong nakilala at minahal ko s'ya. Pinagsisihan ko na hinayaan kong maging tanga sa pag-ibig ang sarili ko.
Kung may bagay man akong hindi pinagsisihan iyon ang pagdating ni Jannet sa buhay ko. Pero binawi rin agad ang kasiyahan ko dahil pinahiram lang s'ya sa akin ng anim na taon.
“Mommy, I want to see papa,”
Paulit ulit na hiling ng anak ko noon habang nasa hospital kami. At wala akong magawa dahil hindi ko alam kung saan pupuntahan o tatawagan ang papa n'ya.
At hinding hindi ko mapapatawad si Jared sa mga nangyari sa buhay ko. Sa pagkawala ng buhay ng anak ko. Sukdulan hanggang langit ang galit ko sa kanya. At sa kanyang buong pamilya!