"12-20," sigaw ni Emman nang maka-shoot ako ng bola sa ring. Nag-aya kasi sila na mga tropa ko na maglaro ng basketball.
"Pre, ang galing ng three points mo kanina. Bilib ako sa 'yo," sabi ni Albert na kakampi ko at kami ang panalo.
"Siyempre, kailan ba ako natalo ng dalawang iyan? Kahit nga tatlo pa kayo, eh, talo pa rin kayo," mayabang na sabi ko kaya tumawa silang tatlo.
"Ang sabihin mo. Naka-tiyempo ka lang. Kung 'di rin naman magaling si Albert, eh, hindi ka rin naman mananalo, pre," sabi ni Dexter kasabay nang paghagis ng bote na may laman na tubig sa akin. Kaagad akong uminom dito at saka naupo sa semento kasama nila. Tagaktak ang mga pawis at amoy araw na kaming apat.
"Pre, balita ko kay Tita may bagong lipat daw sa dating bahay nila Aling Maria," sabi ni Emman na nasa kanan ko.
"Sa lahat talaga ikaw itong napaka-tsismoso," sagot ni Albert kay Emman.
"Tss. Magsitigil nga kayong dalawa. Balita ko nga maganda raw 'yong anak na babae. Hula ko target na naman 'yon ni Jihan," pagsingit naman ni Dexter sa dalawa. Kaagad na napatingin ang mga ito sa akin kaya binigyan ko sila ng isang nakakalokong ngiti.
"Sino ba naman ako para tumanggi?" sagot ko at naghiyawan silang tatlo kasabay nang pangangantiyaw nila sa akin.
"Wala ka pa rin pinagbago, buy!" sabi ni Albert na may kasama pa na suntok sa kaliwang braso ko.
"So, ano pre? Naka-score ka na ba?" tanong ni Dexter sa akin.
"Hindi pa. Suplada, eh. Baka paglaruan ko na lang. At saka ang liit-liit. Para akong babysitter," natatawa ko na sabi kaya natawa rin sila sa akin. Totoo naman ang sinabi ko. Walang-wala si Angelie sa mga babaeng napaiyak ko. Mapapaiyak ko man siya gaya ng iba pero sa ibang paraan.
"Umayos ka na pre. Baka iyan na ang katapat mo," nakangiting sabi ni Emman pero ramdam ko ang pagiging seryoso nito sa kaniyang mga sinasabi.
"Paano ko nga magiging katapat 'yon, eh, matangkad ako tapos siya ay pandak," pagbibiro ko na sinundan naman nila ng tawa.
"Kahit kailan talaga napaka-bully mo," sabi na lamang ni Albert.
*
"Jihan! Bumaba ka nga riyan!" pagsigaw ni Mama mula sa baba. Matapos akong magbihis ng damit ay bumaba na rin ako ng hagdan para harapin si Mama.
"Why, mother?" tanong ko habang naglalagay ng wax sa buhok ko.
"Si Tita Anne mo kasi nagbigay ng homemade garlic longganisa niya. Bigyan mo sila Amanda sa kabila," pag-utos nito sa akin kasabay nang pag-abot niya ng isang supot. Mukhang nagka-usap na rin sila ng bagong lipat sa kabila dahil kilala niya na kaagad ito sa pangalan.
"Ma! Baka naman inubos mo na lahat dahil sa kakabigay mo, ah? Paborito ko pa naman ito," nakasimangot ko na sabi habang binubuksan ang supot. Naramdaman ko naman ang pagtuktok niya nang mahina sa ulo ko gamit ang sandok at saka nagsalita.
"Alam ko. Pero, huwag kang masanay sa mga ganiyan kaya lumayas ka na nga! Istorbo ka sa lahat ng gawain ko rito sa bahay," pagtataboy niya sa akin.
"Kahit kailan ka talaga, eh. Sana hindi ka na lang nag-anak ng guwapo kung itatakwil mo lang!" ganting sabi ko sa kaniya.
"Aba! Sumasagot ka pa, ha!" Balak niya na sana akong hampasin muli pero mabilis akong tumakbo at tinakasan ang walang-awa niyang mga kamay na gusto na naman akong gantihan.
Naglalakad ako palapit sa bahay nila Tita Amanda, ang Mama ni Angelie nang marinig ko si Tita na may pinapagalitan.
"Maghuhugas na lang ng pinggan pinapabigat mo pa ang trabaho!" sigaw nito. Hindi ko alam at wala akong ka-clue-clue kung sino ang pinapagalitan niya pero nang marinig ko na may sumagot sa kaniya ay doon ko napagtanto kung sino ito.
"Si Mama, nagpahinga lang ako saglit, eh. Kapag si Ate buong magdamag magpahinga, eh, wala kang pakielam. Samantalang ako na maghapon kumilos magpahinga lang saglit galit ka na kaagad," umiiyak na sabi ni Angelie. Hindi ko tuloy alam kung kailan ako kakatok o tatawag sa kanila pero ayaw ko namang mabilad sa initan kaya nilakasan ko na ang loob ko na mang-istorbo.
"Tita Amanda!" pagtawag ko mula sa gate. Narinig kong natahimik sila sa loob at mayamaya lang ay nakita ko si Angelie na inaayos ang kaniyang mukha at masama akong tinapunan ng tingin habang lumalakad papalapit sa kinatatayuan ko.
"Ano na naman ang kailangan mo rito?" Masungit na sabi niya sa akin pagkabukas ng gate. Namumugto pa ang mga mata niya at may bakas pa ng luha sa kaniyang dalawang pisngi. Imbis na maawa ako sa itsura niya ay tinawanan ko lang siya. Wala na yata sa bokabularyo ko ang salitang awa.
"First time mo ba na mapagalitan? Pffft. Hahaha!" tumatawa ko na sabi habang tinuturo ko ang kaniyang mukha. Namumula ito sa pikon na nagsalita sa akin.
"Kasi love ako ng Mama ko. Hindi ka siguro love ng Mama mo kaya hindi ka pinapagalitan at lumaki ka na spoiled!" ganti na sabi niya sa akin pero hindi ako natinag sa mga sinabi niya at ngumisi lang nang pagkaloko-loko.
"Araw-araw kaya akong pinapagalitan. It means, love na love ako ng Mama ko. Ikaw ang hindi love ng Mama mo kasi ayaw ka niyang nagpapahinga, blehhh!" pang-aasar ko kasabay nang pag-make face.
"At talagang proud ka pa sa katigasan ng ulo mo, ah? Bahala ka nga diyan. I don't wanna waste my time to you, such a jerk!" pikon na nito na sabi. Tatalikod na sana ito pero binangga ko ang supot sa kaniyang likuran kaya dumadaing ito na humarap sa akin.
"Aray ko--" Hindi pa man natatapos ang kaniyang sasabihin ay binitiwan ko na ang supot dahilan para masalo niya ito kaagad at sinamaan na naman ako ng tingin.
"Hindi ako tumatanggap ng sarkastiko at pekeng thank you kaya welcome na lang ,huh!" pang-iinis ko sa kaniya.
"Ano ba ang problema mo sa akin?" Nagulat ako nang umiyak na ito ng tuluyan.
"Hoy! Huwag ka ngang umiyak. Ang pangit mo, oh," sabi ko sa kaniya habang tumitingin sa paligid.
"Huwag ka nang babalik dito!" sigaw niya sa akin.
"Hindi mo masasabi iyan. Palibhasa hindi ka love ng Mama mo!" sigaw ko rin pabalik sa kaniya. Nagmamartsa siyang tumalikod at pumasok sa loob ng bahay nila habang umiiyak pa rin.
"Patay! Napasobra yata ako," bulong ko sa sarili ko. Pero ito naman ang gusto ko, 'di ba? Ang magpaiyak at mang-asar ng mga babae. Hindi naman ako natatakot kahit pa magsumbong pa siya sa pamilya niya. Sanay naman na ako sa mga sermon na iyan.
*
Lumipas ang ilang araw at panay lang ako laro ng basketball kasama ang mga tropa ko. Palagi rin akong pinapagalitan ni Mama dahil layas daw ako nang layas. Kagaya na lamang ngayon. Kakarating ko pa lang pero ratatat na kaagad ni Mama ang sumalubong sa akin.
"Ikaw ba ang naglalaba ng mga marumi mong damit? Uuwi ka lang dito kapag kakain na o kaya matutulog? Wala ka nang nagagawang matino, Jihan!" galit na galit na sabi ni Mama sa akin.
"Dinaig mo pa ang Papa mo na sa office nagtatrabaho. Ikaw akala mo namamasukan ka sa construction site," dagdag pa niya sa unang sinabi. Naglilinis ito ng mga gamit sa stante habang sinisermunan ako. Ako naman ay wala lang imik na tinutulungan siyang mag-ayos at magpunas ng mga gamit.
"Naku, Jihan. Tigilan mo na rin ang pagpapaiyak sa mga babae. Dahil baka ikaw naman ang umiyak nang dahil sa kanila." Nagulat ako sa sinabi ni Mama. Nagsumbong kaya ang bulilit na 'yon kay Mama? Hinintay ko pa na magsalita si Mama pero nanahimik na siya. Napagod na siguro sa akin. Hindi siguro nagsumbong. Kasi kung nagsumbong binatukan na kaagad ako ni Mama. Eh, hindi naman.
"Humingi ka nga ulit malunggay kina Amanda. Magluluto ako ng munggo," sabi ni Mama nang matapos kaming maglinis. Hindi ako sumagot pa dahil baka tamaan na talaga ako ng tuluyan sa kaniya.
Pumunta na ako sa bahay nila Tita Amanda at nakita ko siyang nangunguha rin ng malunggay. Nang makita niya ako ay kaagad kaming nagpalitan ng mga ngiti at saka nagbatian.
"Hello po. Manghihingi po ako ng malunggay," nakangiti ko na sabi sa kaniya.
"Naku, pagkaguwapo-guwapo mo naman, hijo. Halika! Pasok ka!"pag-aya niya sa akin sabay bukas ng gate. Mabuti pa siya nagagawa akong papasukin pero kapag si bulinggit hindi. Speaking of. Nasaan kaya iyon? Luminga-linga ako sa paligid at napansin iyon ni Tita.
"Hinahanap mo ba si Angelie?" nakangiti nito na sabi habang pumipitas. Tatanggi sana ako sa sinabi niya pero nagsalita na naman siya.
"Nag-part-time job siya sa isang Ice Cream Shop sa bayan," sabi niya kaya napakunot ako ng noo.
"Part-time job po?" pag-uulit ko sa kaniyang sinabi.
"Oo, hijo. Kahapon lang siya nagsimula. Gusto niyang mag-ipon dahil malapit na ang pasukan," nakangiti pa rin na sabi ni Tita.
"Wow, mabuti naman po at pumayag kayo na mag-work siya?" tanong ko pa. Feeling ko tuloy certified tsismoso na ako.
"Ay, oo naman. Experience rin iyon. Ikaw ba? Gusto mo rin ba magtrabaho? Sabihan mo lang ako at ipapasok kita ro'n," nakangiti pa na ani niya.
"Po? Ako?"
"Oo naman. Eight hours lang naman ang shift niyo ro'n. 250 pesos ang sahod kada araw. Libre ang pagkain tapos linggo-linggo kayong sasahod. Huwag mong sayangin ang bakasyon mo, anak," sabi niya sa akin.
"Sige po, pag-iisipan ko po," sabi ko.
"Sige, ah? Ito na pala ang mga malunggay niyo," sabi niya sabay abot ng malunggay sa akin.
"Thanks po."
"Always welcome. Kahit buksan mo na lang ang gate at pumitas ka na lang diyan," pahabol pa niya.
"Haha. Sure po. Salamat ulit," paalam ko bago umuwi sa bahay.