CHAPTER ONE
"Chantal! Late ka na! Inabot ka na naman ng siyam-siyam d'yan!" rinig kong sigaw ni Mama mula sa labas ng kwarto ko.
"Ma, 'wag mo naman akong tawaging 'Chantal'. Please lang, utang na loob," pakiusap ko sa kanya habang isinisiksik ko ang mga notebooks sa shoulder bag ko. Isinabit ko na lang sa buhok ko ang hairbrush na hawak ko dahil sa pagmamadali.
"Ay, nako! Dalian mo na nga lang d'yan at nandito na si Kaylee. Pababaunan na lang kita ng sandwich para hindi ka magutom," sabi pa ni Mama at lumabas na ako ng kwarto.
"Ito na po, pababa na," sagot ko habang nagmamadaling bumaba sa hagdan dahil alam kong bukod sa sermon ni Mama, makakarinig pa ako ng sermon galing sa best friend ko kapag hindi ko binilisan.
Ang totoo n'yan, ayos lang naman sa akin kung male-late ako. Kakatapos lang ng exam week namin kaya siguradong mag-co-compute lang ng grades ang mga teachers namin para sa first grading. Ang tanging inaalala ko lang talaga ay itong si Kaylee, ang best friend ko na ayaw nale-late dahil hassle raw kumuha ng late slip sa Guidance Office.
"Akala ko wala ka nang balak bumaba," salubong agad ni Kaylee nang huminto ako sa harap niya. Umirap pa siya sa akin at pabirong inirapan ko rin siya.
"Alam mo, halika na nga," aya ko sa kanya at tumayo na siya mula sa pagkaka-upo niya sa sofa namin.
"Let's go," sabi niya pa at kumapit na siya sa braso ko. Ang clingy talaga!
"Mama! Aalis na kami," sigaw ko mula sa sala para marinig ako ni Mama na nasa kusina.
"Sandali," pigil niya sa amin. "Ito oh, chicken sandwich. Kainin niyo 'yan ni Kaylee para hindi kayo magutom," bilin niya sabay abot ng dalawang sandwich na nakalagay sa plastic. Hahalik na sana ako sa pisngi niya pero hinila niya agad ang suklay sa buhok ko. "Prianne! May suklay ka na naman sa buhok mo, mag-ayos ka nga!"
"Oo nga, Tita. Ewan ko ba r'yan kay Pri kung bakit ayaw man lang mag-ayos," dagdag pa ni Kaylee kaya umirap na naman ako.
"Pinagkakampihan niyo na naman ako, ha? At least kahit hindi ako nag-a-ayos, maganda pa rin ako," proud kong sabi at binatukan agad ako ni Mama.
"Aanhin mo ang ganda kung hindi ka naman marunong mag-ayos," sabi niya pa at bago pa man din siya makapagsermon, nagpaalam na ako para umalis.
"Bye na, Ma!" sabi pa at mabilis akong humalik sa pisngi niya sabay hila kay Kaylee palabas ng bahay. Narinig ko na lang ang pahabol na bilin ni Mama na mag-ingat daw kami. Hindi na ako nakapagpaalam kay Papa dahil tulog pa siya. Pagod pa siguro dahil kakauwi niya lang galing sa isang construction project.
Mabilis naman kaming nakasakay ni Kaylee ng tricycle kaya umabot kami sa school bago pa isarado ang gate para sa mga latecomers. Pagkatapos pa kasi ng flag ceremony pinapapasok ang mga late students para hindi maka-abala ang maya't mayang pagsingit sa pila.
"Walang tatalo sa'yo pagdating sa kabagalan, Pri. Muntik na tayong ma-late!" sermon sa akin ni Kaylee pagkatapos kong ibaba ang bag ko sa katabi niyang upuan.
"Ito naman! May iniisip lang kasi ako kanina," paliwanag ko sa kanya sabay upo. Originally, hindi talaga kami seatmates pero nakipagpalit ako sa katabi niya dahil boring sa pwesto ko at mas malamig dito dahil malapit ang aircon sa amin.
"Si Pierre na naman, 'no?" tanong niya. Umiling na lang siya nang wala siyang nakuhang reponse mula sa akin. "Sinasabi ko na nga ba, eh. Uso umusad, Pri! Halos dalawang taon ka na kayang stuck sa kanya na wala namang ibang ginawa kung hindi ang saktan ka."
Si Pierre Yohann Alvarez ang tinutukoy ng best friend ko. I have been in love with him for the past two years... and still counting.
Hindi ko alam kung dapat ba akong maging proud sa pagiging tanga o martyr ko. Ang dami na ngang nagsasabi na tama na, tigilan ko na raw dahil wala namang mangyayari. Pero wala, eh. Matigas ang ulo ko. Ayokong tumigil dahil lang sinasabi ng iba na dapat ko nang itigil ito.
Isa pa, bakit ako makikinig sa kanila? Hindi naman sila ang masasaktan, hindi naman sila ang mapapagod... hindi naman sila ang magiging masaya sa dulo kung magiging worth it man ito.
"Kaylee naman, alam mong gusto ko na ring kumawala sa sarili kong nararamdaman, 'di ba? Pero ang hirap. Para kasing lagi na lang akong nagkakaro'n ng dahilan para piliin siya nang paulit-ulit kahit hindi ako ang gusto niya. Ngayon siguro, nasasaktan ako kasi hindi niya pa rin ako makita-kita. Pero malay natin, baka sa susunod, ako naman."
"Magpapagawa na talaga ako ng sash at trophy para sa'yo. Dinaig mo pa 'yung mga sikat na martyrs na lumaban para sa mas makabuluhang bagay, eh. Pag-ibig lang 'yan, Pri. It is not even worth fighting for."
"Kapag naman nagmahal ka, maiintindihan mo rin siguro ako," mahina kong sabi sabay yuko dahil alam ko na kahit ayaw kong tanggapin, may punto pa rin siya.
"Kung magmamahal lang din naman ako, hindi sa ganyang paraan. I want someone who will see my worth, Pri. 'Yung hindi ako kayang tiisin at balewalain, 'yung taong hindi kayang makita na nalulungkot ako. 'Yung tao na hindi katulad ni Pierre."
Matagal ko nang best friend si Kaylee. Kung tutuusin, dapat sanay na sanay na ako sa mga pangaral niya pero nasasaktan pa rin ako. Siguro masakit lang talagang marinig ang katotohanan na madalas namang isampal sa'yo pero hindi mo iniintindi dahil sarado ang isipan mo.
Ganito yata kapag may gusto ka. Nagiging bulag ka sa mga pagkakamali niya, nagiging bingi ka sa opinion ng ibang tao tungkol sa kanya, nagiging manhid ka sa sakit... tinatanggap mo lahat dahil gusto mo pa rin siya kahit anong kagaguhan ang gawin niya sa'yo.
"Uy, Pri... don't get me wrong, ha?" pasintabi ni Kaylee sabay yakap sa akin dahil napansin niya siguro ang pagiging tahimik ko. "Sorry kung umandar na naman ang bibig ko. Alam mo namang ayaw lang kitang nakikita na nasasaktan lalo na pagdating kay Pierre," sabi niya pa. "Oo, alam ko namang ikaw pa rin ang masusunod, na feelings mo pa rin ang mangingibabaw kahit ano pang sabihin ko rito. Pero sana, matutunan mo ring tanggapin na kailangan mo siyang pakawalan lalo na kung nahihirapan ka na. May mga tao kasing hindi inilaan para sa atin."
"I know that," sagot ko sa kanya at yumakap na lang din ako. "I promise, last na 'to. Malapit na rin naman tayong maka-graduate. Siguro kung wala talaga, makaka-move on din naman ako pagdating natin sa college."
"Ang aga namang drama n'yan," tatawa-tawa pa si Gian nang lingunin namin siya ni Kaylee. Umupo siya sa desk ko at pinaglaruan ang stress ball na hawak niya. "Free cut, ah? Tara! Kain?"
Giovanni Anthony Navarro, Gian for short. Parte siya ng barkadahan namin nina Kaylee at Pierre ever since second year high school kaya komportable kami sa isa't isa.
"Talaga?" tanong ko sa kanya.
"Kaka-announce lang ni Faye," sagot sa akin ni Gian. "Hindi niyo siguro narinig dahil nagda-dramahan kayo r'yan," asar niya pa sa amin ni Kaylee kaya sabay kaming umirap.
"Hindi ba natin hihintayin si Pierre?" tanong ko na lang. Madalas kasi kaming kumain nang sabay-sabay.
"Kasama niya pa si Maica," sabi naman ni Kaylee sabay turo sa direksyon kung nasaan si Pierre.
Lumingon ako at nakita ko agad ang kamay nila ni Maica na magkahawak habang nasa bungad sila ng pintuan kahit na bawal ang public display of affection dito sa school. Nag-iwas na lang ako ng tingin.
"Uy! Ano bang mayro'n do'n sa dalawa?" rinig kong tanong ni Kaylee kay Gian kahit na sinubukan niya ‘yong ibulong. "Subukan mong sabihing wala kang alam, makakatikim ka! Best friend mo ‘yang si Pierre kaya alam kong may alam ka," banta pa ni Kaylee.
Halatang nag-a-alinlangan si Gian kaya sumingit na ako sa usapan nila.
"Wala kang kailangang sabihin o ipaliwanag, Gian. Okay lang naman, naiintindihan ko."
Nag-iwas ng tingin sa amin si Gian. Alam kong nahihiya siya dahil naglihim siya sa amin ni Kaylee. Pero naiintindihan ko naman dahil minsan, may mga bagay na kami lang din naman ng best friend ko ang nakakaalam. It is just fair.
"Hindi Pri, okay lang. Sasabihin ko na," hinawakan pa ako ni Gian sa magkabilang balikat ko. "Prianne... inhale, exhale."
Hinampas agad siya ni Kaylee sa braso niya kaya natigilan siya sa ipinapagawa niya sa akin.
"Ano ba Gian! Parang pinaglalaruan mo naman ang best friend ko. Get straight to the point, will you?!" naiinip na sabi ni Kaylee at si Gian naman ang huminga nang malalim.
"Okay, uh..." Natigilan siya at napakamot sa batok niya. Tinaasan siya ng kilay ni Kaylee kaya wala siyang nagawa kung hindi ang magpatuloy. "Pri, sila na kasi, eh. Just this morning."
"What? Paano nangyari ‘yon? Wala namang nababanggit si Pierre na may bago siyang nililigawan!" gulat na sabi agad ni Kaylee at napatingin pa sa kanya ang iba naming kaklase kaya sumenyas siya na 'wag na lang siyang pansinin.
"Nagulat din ako no'ng ibinalita sa akin ni Pierre kanina. Last week lang kasi siya nanligaw pero sinagot agad siya ni Maica. Sorry kung hindi ko nasabi agad, ha? Sabi niya kasi, siya na ang magsasabi sa inyong dalawa," paliwanag niya.
"It's okay, Gian. Wala ka namang kasalanan, hindi mo kailangang mag-sorry. Isa pa, baka gusto lang talaga ni Maica si Pierre kaya sinagot niya kaagad. Pwede namang mangyari ‘yon, 'di ba?"
Alam kong wala akong karapatan na magalit kay Gian, Maica, Pierre o kahit kanino man. Hindi ko sila kontrolado kaya kahit nasasaktan ako ngayon, alam kong wala akong magagawa kung hindi itago na lang ang nararamdaman ko dahil ako naman ang may kasalanan nito. Ako ang may kasalanan kung bakit ako nasasaktan ngayon at wala akong ibang dapat sisihin kung hindi ang sarili ko dahil ito ang pinili ko.
"Uh, guys? I think I need to go to the comfort room first," I lied. Nagsinungaling na agad ako bago pa man din sila makapagtanong kung ayos lang ako. I know that they will ask, and I know I will only breakdown if I answer them. "Parang sumama bigla ang tiyan ko," duktong ko pa.
Ayaw kong magsinungaling sa kanilang dalawa pero kailangan kong umalis, alam kong kailangan kong mapag-isa. Ayaw kong makita na naman ako ng mga kaibigan ko na umiiyak dahil kay Pierre. Alam kong pagod na sila, nakakasawa rin naman kasi talagang makita ako na paulit-ulit na nagkakaganito.
"Okay ka lang ba talaga?" sabay pa nilang tanong sa akin at umiling naman ako kaya napansin ko na lalo silang nag-alala.
"Hindi nga, eh. Sobrang sakit na kasi ng tiyan ko. Kailangan ko na talagang magmadali papunta sa comfort room. Sige na, I'll go ahead," mabilis kong sabi at dire-diretso akong naglakad palayo sa kanila pagkatapos kong magpaalam. Nadaanan ko pa sina Maica at Pierre kaya naiyak na lang ako nang malagpasan ko sila. Daig ko pa ang nasa drama dahil iyak ako nang iyak habang naglalakad papunta sa comfort room.
Pangalawang girlfriend pa lang ni Pierre si Maica. First year high school pa kami nang magkaro'n siya ng una niyang girlfriend at naghiwalay rin naman sila bago kami mag-second year high school kaya matagal-tagal na rin siyang single. This is really a shock for us, especially for me.
Why now? Why her? Why not me?
"Pri, si Kaylee 'to. Please open the door," rinig kong sabi ng best friend ko habang kinakalampag niya ang pinto ng cubicle. "Pag-usapan naman natin 'to, please. Come on, alam kong hindi tiyan ang masakit sa'yo, 'wag kang magsinungaling sa akin."
"Kaylee, please... just go. Ano ka ba! Parang kaunting sakit lang ng tiyan, pag-uusapan pa natin? Ikaw talaga," nangingnig pa ang boses ko habang pinipilit kong tumawa kaya alam kong lalo siyang nakahalata. Bakit ba kasi ang hirap? Ang hirap magpanggap na okay ka kahit hindi naman talaga.
"Prianne Chantal Velasco, buksan mo ang pinto na 'to. Hindi na ako nakikiusap this time, utos na 'to. Best friend mo ako, 'di ba? Kaya ano na? Are you going to open this door o tatawag pa ako ng maintenance para sirain ang lock nito?" pagbabanta niya at alam kong seryoso na siya kaya binuksan ko na ang pinto ng cubicle at agad akong yumakap sa kanya. Iyak lang ako nang iyak sa balikat niya. Para akong bata na inagawan ng paborito niyang laruan.
"Ayoko na... ang sakit..." paulit-ulit ko pang sabi habang humihikbi ako.
Mabuti na lang at kami lang ang tao rito ngayon dahil oras pa ng klase, walang masyadong lumalabas sa rooms nila. Ni-lock din muna ni Kaylee ang pinto ng comfort room para walang makakita sa akin.
"Shhh... iiyak mo lang 'yan, Pri. Talagang ganyan, hindi naman everyday okay ka kaya hindi ka na dapat nagtatago sa akin. Best friend mo ako, 'di ba? Sesermonan kita pero handa rin naman akong makinig at pwede mo rin akong iyakan," hinimas-himas niya ang likod ko habang sinusubukan niyang pagaanin ang loob ko. "Hindi naman ikaw ang nawalan, trust me."
"Kung hindi ako ang nawalan, bakit ako ang nasasaktan? Bakit siya 'yung masaya?" umiiyak kong sabi. "Siguro ayaw sa akin ni Pierre kasi hindi ako marunong mag-ayos, kasi hindi ako gano'n kaganda para pormahan niya."
Everything is eating me up. My insecurities, sadness, pain... lahat. Ang tanga-tanga ko kasi. Dalawang taon na akong naghihintay, dalawang taon nang isinasampal sa akin ng realidad na wala talaga pero nagmamatigas ako. I never listen.
"Pri... don't say that. You are beautiful and you are better than this," pagpapatahan sa akin ni Kaylee habang pinupunasan niya ng panyo ang pisngi ko. "Someday, everything will fall into its place. May darating din at magiging worth it din ang sakit na nararanasan mo ngayon. Be patient, Pri. Kung para sa'yo, magiging sa'yo naman talaga, 'di ba?"
I nodded while still sobbing.
"One day, just one day... he'll realize my worth," I whispered to myself before letting my tears fall once again.