Maia’s POV
Binuksan ko na ang laptop ko at nagsimula nang mag-edit ng vlog namin ni Callahan. Walang pagbabago—ang dami pa ring clips, at siyempre, puro ngiti at tawa kami dito. Ang daming mali. Kahit pa nakailang editing na ako ng mga videos namin, ewan ko ba, parang hindi ako nawawalan ng gana. Ang dami niyang kalokohan, at ang saya niya kasama. Paano kasi, nakikisali rin ang makulit at cute na si Kuya Caloy.
Habang tinitingnan ko ang mga clips, may biglang pumasok na imahe sa isip ko… pero hindi si Callahan. “Ay, ano ba ‘yan…” bulong ko sa sarili ko.
Hindi ko naman inaasahan, pero bakit parang mas naaalala ko si Kuya Caloy, ‘yung kuya ni Callahan? Nakakainis isipin kasi hindi naman siya ang ka-vlog ko. Nagulat na lang din ako na seryoso pala siya na gagalain niya ako one time kapag may free time siya. Hinatid niya ako nung isang araw dito sa bahay ko kaya alam na niya kung saan ako nakatira. Tapos, sa dinami-rami ng araw na pupunta siya, ngayon pa talaga na may vlog kami ng kapatid niya. Pero sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit biglang siya ang naiisip ko habang nag-e-edit ng mga videos namin ni Callahan.
Naalala ko pa nung unang punta ko sa bahay nila ni Callahan. Nagulat ako nung nakita ko si Kuya Caloy—matangkad, maganda ang katawan, tapos may aura siya na mahirap ipaliwanag. Pakiramdam ko, noong unang tingin niya pa lang sa akin, parang may alam na siya tungkol sa akin. O baka naman nagfi-feeling lang ako? Pero hindi eh, ramdam ko talaga ‘yung titig niya na parang… interesado? Ang hirap isipin pero hindi ko rin maiwasang maalala. Ang hot niya, ewan ko ba!
Biglang tumunog ang phone ko. Nag-open ako ng gallery, tapos ayun, may picture kami ni Kuya Caloy na kuha nung una kaming nagkita. Tinitigan ko ‘yung picture namin, pilit kong ina-analyze ‘yung mga detalye sa mukha niya. “Bakit ba kasi ang guwapo nitong kuya ni Callahan?” Napapabuntong-hininga ako habang nag-iisip nang biglang may tumikhim sa likod ko.
“Hoy, sino ‘yan?” Boses ni Maeve. Napaigtad ako sa gulat, muntik ko nang mahulog ang phone ko.
“Grabe ka, Maeve!” sigaw ko habang tinitigan ko siya. Pero alam ko namang hindi siya titigil hangga’t hindi niya nalalaman ang lahat, lalo na’t nakita niyang may picture ako kasama si Kuya Caloy sa phone ko.
“Siya ba ‘yung kuya ni Callahan?” tanong niya na parang sinasadyang i-diin ang “kuya.”
Umiling ako pero obvious na hindi naman ako makapagsinungaling. “Oo…”
“Mas pogi pala yung kuya, no?” hirit niya, sabay kindat sa akin.
Napatakip ako ng mukha. “Tama na nga, baka kung ano pang isipin mo!”
Pero totoo, iba ‘yung appeal ni Kuya Caloy.
Napatingin ako kay Maeve at napabuntong-hininga. Alam ko nang hindi siya titigil hangga’t hindi niya napipiga ang lahat ng detalye. Kaya, kahit labag sa loob ko, binaba ko na rin ang phone at sinimulang ikuwento ang nangyari nung unang beses kong nakita si Kuya Caloy.
“Ganito kasi ‘yun,” simula ko, habang si Maeve naman ay nakahalukipkip at seryosong nakikinig. “Nung unang punta ko sa bahay nila ni Callahan, si Callahan ang dapat na kasama ko, oo, pupunta dapat kami sa kuwarto niya kasi ano, ano, uhm, may mini ayuda na raw siya sa akin, tapos bigla nalang sumulpot si Kuya Caloy, ayon nautol ang dapat na pagtanggap ko ng mini Ayuda kay Callahan.”
“At?” singit ni Maeve, halatang naiinip.
“Ayun, syempre, ‘di ko alam na may kuya siya, ‘di ba? So, nagulat ako kasi... ewan ko ba! Ang tangkad niya, parang ang composed. Tapos parang... parang alam mo yung mga lalaking confident pero hindi siya nagyayabang? Nakatingin siya sa akin, parang alam niyang mas balak gawin sa akin si Callahan kaya gumawa siya ng paraan para hindi matuloy ‘yun, hinunta niya ako nang hinunta.” Napakamot ako sa ulo ko, naiilang na ipagpatuloy pero sige lang, tuloy pa rin ako.
“So? Ano naman ang ginawa niya?” tanong ulit ni Maeve, halatang excited na malaman kung ano pa ang mga nangyari.
“Basta, parang may sinabi siya na, ‘Ah, ikaw pala si Maia.’ Hindi ko nga alam paano niya nalaman ang pangalan ko! Pero, hindi, siyempre, tiyak na napapanuod niya ako sa vlog. Ewan ko kung may sinabi na ba si Callahan o may kutob lang siya na tutulungan ko si Callahan sa kampanya niya. Ang ganda ko raw, ‘yung ang unang natatandaan ko. Pero ang weird, Maeve, kasi nung sinabi niya ‘yun, parang may kilig akong naramdaman.” Napangiwi ako sa sarili ko, nahihiya pa rin sa naging reaksyon ko sa simpleng bati ni Kuya Caloy.
“Aba! Hindi pa man nag-uumpisa, kilig agad? Saka, ano, lipat agad sa Kuya? Hindi ba’t si Callahan ang bet mo?” Pinalo ako ni Maeve sa braso. “Hala ka! May gusto ka na agad sa kuya niya?"
“Hindi ganon, noh!” sagot ko, kahit alam kong obvious na hindi rin ako masyadong kumbinsido sa sariling mga salita. “Basta, iba lang talaga ‘yung dating niya. Siguro kasi ‘di ko in-expect na magkakaroon ng kuya si Callahan na... alam mo na, ganon ka-hot?”
Tumawa si Maeve nang malakas, parang baliw, at halos hindi na makahinga. “Grabe ka, Maia! Ngayon ko lang nakita na natitipuhan mo ‘yung kuya ng taong bet mo. At bakit? Mas hot naman kasi talaga!”
“Bakit ba, hindi naman masama ‘yun, ‘di ba?” bulong ko habang pilya siyang tumatawa pa rin. “Kung hindi ako suwertihin kay Kapitan Callahan, eh ‘di doon tayo sa kuya,” pilya kong sabi kaya lalong natawa si Maeve.
Bumalik na ako sa pag-edit ng vlog, pilit inaalis sa isip ko ang mga sinabi ni Maeve. Pero habang paulit-ulit kong pinapanood ang mga clips ni Callahan, may lumilitaw at bumabalik na memories si Kuya Caloy sa isip ko. Parang may sariling isip ‘yung mga mata ko na gusto nang idikit kay Kuya Caloy sa kahit anong angle. Napapa-isip ako, ano kaya ang gagawin ko kung biglang pumunta si Kuya Caloy at makita niya akong nag-e-edit ng ganito?
Napaisip pa ako lalo nung naalala ko na nakatingin siya sa akin noong unang beses kaming nagkita. Hindi ‘yun basta-basta tingin lang. Parang… parang gusto niyang basahin kung sino ako, kung ano ako. Alam ko na si Callahan ang kasama ko madalas, pero may ibang kilig kapag si Kuya Caloy na ang nasa isip ko.
“Huy! Balik ka na sa realidad!” biglang sambit ni Maeve, kinurot pa ako sa tagiliran. “Masyado kang nag-iimagine d’yan!”
Napasimangot ako kay Maeve pero hindi ko rin maiwasan na mapangiti. Sa sobrang dami ng iniisip ko tungkol kay Kuya Caloy, hindi ko tuloy namalayan na halos wala na pala akong na-edit sa video.
“Alam mo, Maeve, ewan ko ba.” Huminga ako nang malalim bago ko ipinagtapat sa kanya ang buong iniisip ko. “Parang ang weird kasi. Si Callahan ‘yung kasama ko palagi, pero bakit parang laging bumabalik sa isip ko si Kuya Caloy?”
“Ahh, ganyan talaga kapag crush mo na,” hirit niya, sinadyang sabayan ng patawa para asarin ako. “Minsan ‘yung hindi mo inaasahan ang talagang bumibihag ng puso mo!"
Muntik na akong matawa sa sinabi niya. “Ang OA mo, Maeve. Hindi naman ganoon.”
“Sigurado ka? Alam ko na ‘yang ganyan, Maia. Isa lang ang sagot diyan—may gusto ka na kay Kuya Caloy!”
Nge, totoo ba, may gusto na ako sa kuya ni Callahan? Ganoon kabilis? OMG! Feeling ko ano lang ‘to, masyado lang akong nabaitan kay Kuya Caloy. Baka ganoon lang. Oo, ganoon nga lang siguro.