Napaismid si Aqua nang matanawan niyang inihatid ng isang magarang kotse ang kanyang Ina. Sumandal ang dalaga sa pader at hinintay na makaalis ang kinaiinisan niyang sasakyan.
"Ingat ka mahal!" narinig pa ng dalaga na sabi ng Mama niya.
Aqua rolled her eyes, nakaka-irita lang sa kanyang pandinig ang tila pabebeng boses ng Mama niya.
"Date again?" malamig na sabi ni Aqua nang makalapit na ito sa kanyang Ina.
Agad na humarap ang Ginang.
"Kanina ka pa ba, anak?"
"Hindi naman, sakto lang ang dating ko."
Bumuntonghininga naman si Alona, ang dakilang ina ni Aqua.
"Anak, alam kong naiinis ka na naman. Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na mabait si George." Ani ng Ginang.
"Oo na, mabait na kung mabait. Basta ayokong mag- asawa ka ulit 'Ma." Nauumay na sagot ng dalaga.
Natigilan naman si Alona. Tinitigan naman ni Aqua nang mataman ang mukha ng Ina nito.
"May sinabi po ba akong hindi niyo nagustuhan? Hindi po ba noon pa man ayoko nang mag- asawa kayo ulit? Ano na lang ang sasabihin ni Papa?"
Hindi naman makatingin nang diretso si Alona sa anak. Tahimik itong naglakad papunta sa loob ng kanilang bahay. Nagtatrabaho si Aling Alona sa isang restaurant bilang cashier doon. At doon nito nakilala ang mayamang lalaki na si George. Hindi alam ni Aqua kung ano ang apelyido ng lalaki dahil hindi naman ito interesadong malaman.
"Mama, hindi niyo pa po ako sinagot," tawag ni Aqua sa Ina.
Umupo naman si Alona sa maliit nilang sofa at hinilot ang mga binti nito. Habang si Aqua ay agad na hinubad ang suot nitong sapatos at isinabit ang kanyang bag sa isang hanging cabinet. Naupo rin ito sa tabi ng kanyang Ina.
"Bakit tila umiiwas ka sa tanong ko 'Ma?" tanong ulit ng dalaga.
"Hindi naman sa umiiwas ako, Aqua. Ayoko lang na magbangayan na naman tayong dalawa. Kapwa nating alam na palaki na nang palaki ang mga bayarin mo sa school, kailangan ko ng katuwang sa buhay anak." Saad ng Ginang.
Pagak na natawa si Aqua.
"Seriously 'Ma? Kung kailan malaki na ako saka ka maghahanap ng katuwang mo sa buhay? Bakit, hindi mo ba ako katuwang sa buhay?" sagot nito.
"Hindi ganoon ang ibig kong sabihin anak. Oo, aaminin ko ngayon ko lang ito napagtanto kailangan ko ng katuwang sa buhay. Iyong may pagsasabihan ako ng lahat na aking dalahin sa buhay. At natagpuan ko iyon sa Tiyo George mo, mahal ko siya Aqua. Alam kong nakakatawa pero, ngayon ko lang ulit naramdaman na magmahal sa isang tao kagaya ng sa Papa mo noon."
Saglit na katahimikan ang namayani sa mag- ina. Nag- iwas ng tingin si Aqua naiiyak ito sa totoo lang.
"Ayaw mo ba akong maging masaya Aqua? Ayaw mo bang muling mabuo ang ating pamilya 'yong may tatawagin ka ulit na Papa?"
Umiling naman si Aqua.
"No. I don't need another father, because there's only one father that I know and that is my Papa Alfred." kusang nalaglag ang mga luha ng dalaga pagkasabi no'n.
"Aqua listen to me, hindi lang kaligayahan ko ang gusto kong mangyari kundi upang mabuo ang kulang sa iyong pagkatao." Muling paliwanag ng Ginang.
"I said, no! Hindi ako papayag na maikasal ka sa iba, Mama!" tutol ng dalaga.
"Anak, mataas ang pangarap mo hindi ba? At alam mong hindi ko iyon maibibigay nang basta-basta sa'yo pero makakamit natin pareho iyon sa tulong ni George." Saad ng Ginang.
"Stop it Mama! Mas mahal mo ba talaga ang pera niya kaysa sa ala-ala ni Papa? Makakatapos ako nang walang sinumang hihingian natin ng tulong, and I will prove that to you!" may hinanakit na ang boses ng dalaga.
Hindi nakaimik si Alona dahil ayaw niyang mauwi na naman sa tampuhan ang usapan nila ni Aqua. Very sensitive si Aqua kapag iyon ang paksa ng kanilang usapan. Ang hindi lang maintindihan ng dalaga, ay kailangan din ni Alona ang magpapasaya sa kanya aside sa kanyang anak. Padabog na tinungo ni Aqua ang maliit nitong kwarto, sila ay matagal nang nangungupahan. Padapa itong humiga sa kanyang kama at doon ay umiyak nang umiyak.
Nauntag naman si Alona sa tunog ng selpon nito. Napangiti ang Ginang nang makita nitong si George ang tumatawag.
"Hi! Nakausap mo na ba ang anak mo?" tanong agad ng lalaki.
Bumuntonghininga si Alona.
"Uumpisahan ko pa lamang, nagbabangayan na kami. Hindi ko na alam kung paano ipaintindi sa anak ko ang ating planong pagpapakasal." Malungkot na sagot nito.
"Mahal, sa una lang 'yan okay? Ako nga shocked ang tatlo kong binata, at alam kong nagtampo ang panganay ko dahil walang imik na umalis."
"Ha?! Sinabi mo na sa mga anak mo?" gulat na bulalas ni Alona.
Tumawa naman su George sa kabilang linya.
"Ganoon ako kaseryoso sa'yo Alona. Huwag na natin itong patagalin pa, hindi na tayo bumabata."
Namula naman ang pisngi ni Alona kahit na hindi nito kaharap si George. Nag- proposed na kasi ito sa kanya noong isang araw pa at doon pa mismo sa restaurant. Walang nagawa si Alona kung hindi tanggapin ang proposal ni George after all, mahal naman niya talaga ang lalaki. Ang problema lang talaga nila ngayon ay si Aqua, alam niyang sarado ang isipan ng kanyang anak. Subalit ginagawa lamang niya iyon upang makamit din nito ang mga pinapangarap niya sa buhay. Gusto ring mabigyan ni Alona nang magandang kinabukasan si Aqua bagay na hindi niya tuluyang maibibigay dahil konti lang din ang sahod nito sa restaurant. Matalino ang kanyang anak, may scholarship din ito subalit hindi sapat kung tutuusin lalo na sa mga kailangan nito sa school.
"Alona, nag- iisang anak kasi si Aqua siyempre sasama talaga ang loob niyan. Papasaan ba't maiintindihan din niya ito balang araw," narinig muli ni Alona si George na nagsalita.
Muling bumuntonhininga si Alona.
"Sana nga, George! Dahil hindi ako sanay na, hindi kami nagkikibuan ng anak ko." sagot nito.
"Calm down okay? Dalawa tayong magpapa- intindi sa kanya, believe me mahal!"
Sukat doon ay napangiti si Alona.
"Thank you for always there for me, George." Masiglang sagot nito.
"You're welcome mahal ko! Sige, na at baka naistorbo na kita. See you tomorrow," pagpapaalam ni George.
"Sige, bye!" at ibinaba na ni Alona ang selpon nito.
Humugot ito nang isang hininga at saka tumayo na. Tinungo nito ang kusina upang magkapagluto na ito ng kanilang dinner. Sasarapan niya ang kanyang luto upanv mawala ang tampo ni Aqua sa kanya. At umaasa si Alona na maiintindihan din siya ni Aqua hindi man ngayon ay sa mga susunod na araw.