NAGMULAT ako ng mga mata at ang una kong nakita ay puting kisame. Na-disorient ako. Hindi puti ang kisame ng kuwarto ko. Dahan-dahan kong ibinaba ang tingin kasabay ng marahang pagkilos. Nakita ko sa itaas ng kama ko ang nakasabit na suwero. Saka bumaba ang tingin ko sa braso ko kung saan nakatusok ang kabilang dulo niyon.
Nasa ospital ako.
Bigla akong nakaramdam ng panic at tinangkang bumangon pero agad ding napahiga dahil nahilo ako sa biglang pagkilos ko. Napapikit ako, hinihintay mapalis ang pagkahilo.
Anong ginagawa ko sa ospital?
Nakarinig ako ng mahinang pag-uusap na palapit sa pinto ng hospital room kung nasaan ako. Dahan-dahan akong dumilat at sumulyap sa pintong bumukas. Pumasok si Lizzy at isang nakaputi na malamang ay doktor. Natigil ang bulungan nila nang mapatingin sa akin. Halatang natuwa si Lizzy nang makitang gising ako, biglang naluha at mabilis na lumapit sa akin.
“Joy, sa wakas ay gising ka na,” garalgal na usal niya, paulit-ulit na hinalikan ang mukha ko. “Pinag-alala mo ako! Anong nangyayari sa iyo?”
Itinikom ko ang bibig at iniwas ang tingin.
“Tatlong linggo kang nagkulong sa apartment mo, hindi pumapasok sa trabaho, hindi nakikipag-usap kahit kanino at mukhang hindi rin kumakain! Ang payat mo na, Joy. Nang buksan namin ng landlady mo ang apartment mo dahil maging siya at ang mga kapitbahay mo nag-aalala nang hindi ka lulamabas nakita ka naming mahimbing na natutulog. Hindi ka magising kahit anong gawin namin. Akala namin kung ano na ang nangyari sa iyo. Nagpapakamatay ka ba?” singhal na ni Lizzy.
May pait akong nalasahan sa bibig ko. Ilang beses ba sa loob ng tatlong linggo sumagi sa isip kong gawin ang sinasabi niya? Kung alam lang niya kung gaano karami, baka hindi lang singhal ang gawin niya. Kaya muli, hindi ako nagsalita.
“Hindi ka namin matutulungan kung hindi ka magsasalita, miss Madrid.”
Napatingin ako sa may-edad na doktor. Malumanay ang boses niya pero seryoso ang mga mata. Habang nakatingin siya sa akin ay para bang inaarok niya ang pagkatao ko. Na para bang alam niya ang pinakatatago ko. Pinigilan ko ang udyok na yakapin ang sarili. “Wala akong dapat sabihin.” Ang intensiyon ko ay matatag iyong sabihin. Pero lumabas na paos at mahina ang tinig ko. Narealize ko na sa loob ng tatlong linggo ay iyon ang unang beses na talagang nasalita ako.
Bumuntong hininga ang doktor. “Miss Madrid. Base sa initial test na ginawa namin, bukod sa malnourishment at dehydration dahil sa hindi mo pagkain, walang mali sa katawan mo. Hinihintay ka naming magising para sumailalim sa mas masusing physical exam at interview para malaman ang medical history mo. Kapag napatunayan na wala kang pisikal na sakit o ano pa man, irerekomenda kita sa ibang doktor.”
“Akala ko ba wala siyang sakit? Bakit kailangan niya irekomenda sa ibang doktor?” takang tanong ni Lizzy.
“Walang mali sa kaniya physically. Pero naniniwala ako na kailangan niya ng psychiatrist.”
“Psychiatrist?” nausal ko, manghang tinitigan ang doktor. “Hindi ko kailangan ng psychiatrist. I’m perfectly fine, thank you.”
“Kailangan mo, miss Madrid,” malumanay na sabi ng doktor pero seryoso ang tono. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ko bago nagpatuloy sa pagsasalita, “You know you do.”
May bumikig sa lalamunan ko. Uminit ang mukha ko at sa pagkakataong iyon ay hindi ko na napigilang yakapin ang sarili ko. Baka sakaling sa paraang iyon ay maprotektahan ko ang mga lihim ko mula sa doktor. Muli ay pakiramdam ko alam ng may-edad na lalaki ang lahat ng tungkol sa akin. At muli, nakaramdam ako ng guilt at matinding kahihiyan.
Ilang segundo ang lumipas bago muling nagsalita ang doktor. “Maiwan ko na kayo. Magpahinga ka pa. Mamaya ay may pupuntang nurse para samahan ka sa physical exam mo.” Saka siya tumalikod at lumabas ng hospital room.
Namayani ang mahabang katahimikan. Umupo sa gilid ng kama ko si Lizzy, marahang ginagap ang kamay kong walang nakatusok na suwero at maingat iyong pinisil. Napatingin ako sa mukha niya at nakita ko ang simpatya at labis na pag-aalala sa mukha niya. “Si James ba ang dahilan kaya ka nagkakaganiyan?”
Nang marinig ang pangalan niya ay napahikbi ako at muling bumalong ang mga luha. Niyakap ako ni Lizzy at lalong lumakas ang iyak ko.
“I’m sorry. Oh, God, I’m sorry Joy,” paulit-ulit na usal niya habang umiiyak ako. Umiling ako para iparating na wala siyang dapat ihingi ng tawad pero umiling din si Lizzy. “Ako ang gumawa ng paraan para magkakilala kayo. I know his reputation. Pero pinaglapit ko pa rin kayo. May parte akong ginampanan kaya umiiyak ka ngayon.”
Muli akong umiling. Dahil iyon lang ang kaya kong gawin sa pagitan ng pag-iyak ko. Dahil iyon lang ang kaya kong iparating sa kaniya. Hindi ko kayang sabihin kahit kay Lizzy ang tunay na namagitan sa amin ni James.
What James and I had, normal people will never understand.