Isang matunog na sampal ang lumapat sa pisngi ko. Napayuko ako at mariing napapikit.
“Now, what are you going to do with your life?! Sinayang mo si Lucas! The Orcenas are now taking back their investment because of what you did!” galit na galit na sigaw ni Papa.
My mother just stood beside him, shaking her head in disappointment.
Gusto kong pagtawanan ang sarili. Stupid, Isla. Sa tingin mo ba talaga ay dedepensahan at ipagtatanggol ka ng sarili mong ina?
“Get out of my sight! Napakawalang kwenta mo! The Orcenas are our last resort, pero lahat ay nauwi sa wala dahil sa kagagawan mo!”
“H-He cheated on me, Pa—” Sinubukan kong sabihin ang totoo tungkol sa ex-boyfriend kong si Lucas. Niloko niya ako... kaya pinahiya ko siya sa art exhibit two weeks ago.
Siya ang nagsimula niyon. He provoked me and pushed me to my limits. Hindi ko kasalanan na napaka-f*ckboy niya at dapat lang sa kaniyang mapahiya nang araw na ‘yon.
Ngunit hindi ko alam na ganito kalala ang magiging epekto niyon kay Papa, pati na rin sa sarili kong career.
“Cheating is normal with men! You just created a big deal out of it,” bulyaw niya pa rin. Napatitig ako sa kaniya ngunit walang lumabas na salita sa ‘kin.
Bumuntonghininga si Mommy at inutusan na lamang akong lumabas. Nang sumara ang pinto ay saka lang tumulo ang luha ko.
Pagod akong napasandal sa pader at napahilamos sa mukha ko. Hindi ko magawang humakbang. Ilang sandali pa mula sa pagkakaawang ng pinto ng work room ay narinig ko ang usapan nina Papa na pinapakalma ni Mommy nang lumabas ako.
“Don’t do this to Isla, Frank... baka may magagawa pa tayo,” malalim ang buntonghininga na sabi ni Mommy.
“She ruined it. Sinira niya ang pinaghirapan natin! We worked hard on gaining the trust of Orcenas, Ruella. Siya ang sumira at siya rin ang magbabayad. Maiintindihan niya rin ito. Siguro naman ay natuto na siya sa nangyari at susunod sa atin.”
Napalunok ako sa narinig at nag-init ang sulok ng mga mata ko. I hate him... I hate my father. I hate all of them.
Okupado na ang utak ko at paalis na sana nang marinig ko ang sunod na sinabi ni Papa, dahilan para mapatigil ako at manlamig sa kinatatayuan.
“I have one last resort in mind, Ruella, ngunit kapag sinira pa ito ng anak mo, matatapos ang kompanya at pati ang pamilya natin. We’ll end up in ruins.”
“What is it?” tanong ni Mommy.
Mula sa awang ng pinto ay nagawa kong sumilip nang bahagya. Malalim ang pag-iisip ni Papa habang nasa swivel chair at nakaharap sa malaking bintana sa likod ng kaniyang table.
“We’ll arrange Isla in a marriage. Sa lalong madaling panahon. I’ve already talked to them. Makapangyarihan ang pamilyang iyon at natitiyak kong magugustuhan nila si Isla para sa anak nila. They’re more powerful and richer than the Orcenas,” seryosong pahayag ni Papa at kita ko sa mga mata niya ang determinasyon sa binitawang mga salita. “Sila ang sagot sa pagkalugi ng kompanya natin.”
Laglag panga akong hindi makapaniwala sa narinig.
“May napili na po ba kayo, Ma’am?”
Mariin akong pumikit sa masayang tanong ng babaeng staff ng bridal shop. Hindi ako makasagot.
“Isla, what is it? Mag-iisang oras na pero hindi ka pa rin nakakapili?” tanong ni Mommy at binaba ang hawak na magazine kung nasaan ang iba’t ibang wedding dresses.
Nagkatinginan kami ng babaeng staff at agad akong napaiwas. Pinagmasdan ko ang sarili sa tapat ng full body mirror. Kumikinang sa ganda ang gown. Kabaliktaran sa mga mata kong parang may pinaglalamayan.
“Pwede bang sumukat ng isa pa?”
Mabilis na tumango ang babaeng staff ng bridal shop at malawak na ngumiti. “Okay po, Ma’am. Naroon po ang huli n’yong napili.”
Nauna ito pabalik sa mga displays at nang medyo makalayo ito ay mas umismid si Mommy habang nakatingin sa ‘kin.
“I’m going to be late for my meeting, Isla Laurena. Why are you not choosing yet? Ilang araw na lang at kasal mo na, kailangan mo nang pumili ng susuotin!”
Hindi ako nag-react kahit gustong-gusto kong sagutin siya pabalik. Sinara niya ang magazine at hinablot ang braso ko.
“Kasalanan mo rin naman ito! Kung hindi dahil sa ginawa mo kay Lucas, hindi tayo mapipilitang ipakasal ka sa iba, a man that could help our family!” paliwanag niyang tila pagod na.
Ngayon ay hindi ako makapaniwalang pakakasal ako sa kung sino lamang para sa nagkandaletse-letseng negosyo. Para lang maisalba ang pamilya namin. Binawi lang naman ng mga Orcena ang lahat ng nakatakda nilang investment sa kompanya namin dahil sa kagagawan ko na kumalat na raw sa social media ayon sa kaibigan kong si Louisiana.
Galit na galit sa akin si Papa. Ayaw niya akong makita at sa sobrang galit ay ipamimigay niya na ako o mas tamang sabihing ibebenta niya ako. Ganoon din naman iyon. Ipapakasal kapalit ng kung ano.
Ang lahat ay biglaan at sa isang iglap ay narito ako sa isang bridal shop para sa isang wedding dress... at hanggang ngayon ay hindi ko kilala ang lalaking pakakasalan ko.
“Who is he?” muli kong tanong kay Mommy.
Umiling lang siya at binalik ang tingin sa magazine. “You don’t need to know his name yet... ang mahalaga ay maging handa ka para sa araw ng kasal n’yo.”
Nakaramdam ako ng inis. Ang patong-patong na inis ay nagiging galit. Kung matinong lalaki iyon, bakit niya tinatago ang pangalan?
“Why? Isa ba ‘yang matandang bilyonaryo? Iyong malapit nang mawala sa mundo at binabalak n’yong ariin lahat ng kayamanan niya?” Hindi ko napigilan ang pagngisi ko at ang pang-iinsulto.
“Isla,” may bantang sabi ni Mommy at napailing lang.
Pumasok ako sa fitting room at hinubad ang suot na dress imbes na makipagtalo pa. Sa labas niyon ay panay ang kaniyang salita tungkol sa tagal kong pumili.
“Alam mo namang ilang araw na lang at kasal na. Goodness, Isla. Mahiya ka sa pamilya ng mapapangasawa mo. You’re twenty-three and still acting like a brat!”
Bakit hindi na lang siya umalis? Importante ang work meeting niya kaysa sa... walang kwentang kasal na ‘to!
“Hindi po ako makapili. I think I need to resched this tomorrow,” sabi ko dahilan para manlaki ang mga mata ni Mommy sa gulat.
Sumunod ako patungo sa kung nasaan ang mga wedding dress na pwede pang pagpilian. Mabilis ang pagsunod sa akin ni Mommy at bakas sa mukha niya ang paghihisterya sa sinabi ko.
“Are you kidding me? Wala nang oras! We still have a lot to prepare for aside from the wedding dress!”
Hindi ako sumagot pero hinila pa rin niya ang braso ko at hinarap ako sa kaniya. Nagtama ang paningin namin at nakita ko agad ang pagiging seryoso ng mga mata niya.
“Don’t you dare do something stupid...” mariing sabi niya at hinawakan ang magkabilang balikat ko. Naging malumanay ang mga mata niya nang haplusin ang mukha ko. Sa pag-iwas ko ng tingin ay doon tumulo ang luhang kanina ko pa pinipigilan pero parang wala lang iyon sa kaniya.
“You look beautiful, darling. You’re going to marry and stay beside your husband. You’ll take care of your kids, and you’ll love him with everything you have. As a woman, you should be good towards him. Do you get me?” malambing na sabi niya.
Humakbang ako paatras at napailing-iling sa mga sinabi niya.
“Sa ganoon lang ba nababagay ang mga babae? Magpakasal at mag-alaga ng asawa’t mga anak?” mariing tanong ko. “Then, what about my dream? P-Paano naman po ako kung susundin ko ang gusto n’yo na magpakasal ako! Hin—”
Bago pa matapos ang sasabihin ko ay nahablot niya na ang braso ko. “Don’t start this conversation, Isla Laurena! Magpapakasal ka. Iyon lang ang iintindihin mo!” malamig na sabi niya at saka ako nilagpasan para umalis.
Napaangat ang tingin ko sa kisame nang sunod-sunod na tumulo ang luha sa mga mata ko. I feel so stupid. This is stupid!
Nang lumabas ako ay nakalabas na si Mommy sa bridal shop. Tumingin sa akin ang babaeng staff at malumanay na ngumiti. Sa mga mata niya ay nabasa ko ang awa.
I am getting married to someone I don’t know. If that’s normal! Kung sinong papakasalan ko ay wala akong ideya. Ni wala akong pakialam na makilala kung sino man iyon!
Kung mabuti siyang tao, hindi siya papayag sa kalokohang ‘to. Kung nasa tamang pag-iisip siya, hindi niya ako pakakasalan. Siguro may habol din siya sa ‘kin kaya niya nagawang pumayag! Nasisiguro ko na masama siyang tao! Na sasaktan niya ako... na may motibo siya kung bakit siya pumayag sa kalokohan na ‘to.
Akala niya ba ay mabibilog niya rin ang ulo ko? Na pumayag ikasal sa kaniya?
Pwes, nagkakamali siya...
“Sigurado ka ba sa plano mong ‘to, Isla? Baka magbago pa ang isip mo! Baka nagpapadalos-dalos ka lang!” puno ng pag-aalalang sabi ni Hera habang sinusubukan akong pigilan sa paglalagay ng mga gamit ko sa isang maleta.
Walang salita kong pinagkukuha lahat ng damit ko sa closet. Wala na akong pakialam kung lukot-lukot iyon na na-shoot sa maleta. Ang tanging gusto ko na lamang ay ang maabutan ang barko bago ito pumalaot bago ang paglubog ng araw.
“Buo na ang desisyon ko, Hera. No one can stop me right now,” desididong sabi ko.
“Anong gagawin mo kapag nakaalis ka na?! Saan ka pupunta? Paano kung mapahamak ka sa gagawin mong paglalayas?” Hindi pa rin tumitigil si Hera sa pagkumbinsing huwag akong umalis. “Magiging maayos din ang lahat kapag naresolba ang tungkol kay Lucas!”
Umiling ako at tiningnan siya. Si Hera ang pinakapinagkakatiwalaan ko sa lahat ng maids dito sa bahay. Ilang taon lang ang tanda niya sa ‘kin at para na kaming magkapatid, alam kong hindi niya ako bibiguin sa gusto kong mangyari.
“Hindi na maaayos ang bagay na ‘yon,” paliwanag ko. “Kapag hindi nabawi ni Lucas ang damage ng nangyari sa reputasyon niya, hindi niya ako mapapatawad! Kahit pa maging maayos siya ay hindi niya pa rin ako papatawarin. Nasira ko na ang imahe niya sa sarili niyang ama! Baka hindi na ako mabuhay kung magkita kami!”
“Hindi na ba talaga mapipigilan ang balak mo?” bagsak ang mga balikat na tanong ni Hera habang pinapanood akong isalpak ang painting materials ko sa lagayan.
“Hindi lang iyon ang dahilan kung bakit kailangan kong makaalis.”
“Anong ibig mong sabihin? May nangyari ba?”
Bumuntonghininga ako at saka tumayo bitbit ang sarado nang maleta. “Now that they’ve lost grip on Lucas and his father, plano nilang ipakasal ako sa kung sinong lalaking hindi ko naman kilala at lalong hindi ko mahal. Ni hindi nga yata personal na kilala ni Papa ang lalaking tinutukoy niya.”
I despise Lucas, yes, but I despise my parents more for doing this to me. Sino pa ang gumagawa ng ganoong kalokohan sa panahon ngayon? Arranged marriage, marriage for convenience. It sounds stupid!
Hindi makapaniwala si Hera sa sinabi ko. “Alam kong malupit sa ‘yo sina Madam Ruella at Sir Frank pero hindi ko alam na aabot sila sa ganitong punto...” Malungkot akong ngumiti. Pinagpatuloy ko ang pagkuha sa mga gamit ko. Wala na akong panahon para umiyak. Wala na akong oras. “Pero hindi mo pa naman nakikilala ang lalaking tinutukoy ng papa mo, Isla. Bakit hindi mo muna bigyan ng pagkakataon?”
Napailing ako sa sinabi niya. Kung tutuusin ay pwedeng-pwede kong gawin ‘yon. Kung matuloy man ang sinasabi nilang kasal at totoong maganda ang family name ng lalaking iyon, then it’ll be like hitting two birds in one stone!
Titigilan ako ni Lucas sa pakikipagbalikan sa kaniya at maipapamukha ko sa kaniyang hindi lang siya ang lalaki sa mundo, at masasalba ang negosyo namin.
But that’s not who I am. Hindi ko kayang magpakasal sa kung sino lang.
“I can’t, Hera... Hindi talaga pwede. Kalokohan ang mangyayaring ‘yon,” pinal na sagot ko.
Mali ang pag-alis nang walang pasabi, pero sa pagkakataong ‘to ay ‘yon ang kailangan ko. Kung hindi ko ‘to gagawin, then it’ll be over for my life! Malay ko ba kung isang sugar daddy ang lalaking pinag-iisipan nilang ipakasal sa akin.
Dinampot ko ang isang bag at ang maleta ko. Papalubog na ang araw at kailangan kong maabutan ang huling byahe ng barko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at wala pa akong maayos na plano. Pag-iisipan ko na lang ang lahat ng ‘yon sa dalawampung oras na byahe sa barko.
Nang madala ang lahat ng gamit ay napalingon ako sa buong kwarto ko at malalim na napahinga. I admit, nakinabang din naman ako sa pera ng mga magulang ko at tumira sa magarang bahay... but this all ends here.
Marrying someone for their benefit is too much... this is too much.
Nakasunod sa akin si Hera hanggang sa mailabas ko ang maleta at bag ko at mailagay ‘yon sa kotse. Nagmamasid lang si Kuya Nolan, ang driver ko. Alam niyang hindi ako mapipigilan sa binabalak.
“Bakit po biglaan ang pag-alis n’yo ngayon, Ma’am Isla? Hindi po ba pwedeng sa susunod na araw? B-Baka kasi... mahuli kayo ni Sir Frank at Madam Ruella,” alalang sabi ni Kuya Nolan.
Tiningnan ko sila ni Hera habang nagmamakaawa. “Hindi naman kayo magsasalita, hindi ba? Kung magtatanong sila, sabihin ninyong hindi n’yo alam dahil ‘yon naman ang totoo.”
“H-Hindi mo sasabihin kung saan ka pupunta?” gulat na tanong ni Hera at pati si Kuya Nolan ay natakot sa narinig.
Umiling ako at sinara ang backseat ng sasakyan. “Hindi ko pa alam. Babalitaan kita. Kayo lang ni Kuya Nolan ang nakakaalam tungkol dito. A-Alam kong... maaasahan ko kayo,” saad ko.
“Pero...”
“Pasensya na. Kailangan ko na talagang makaalis. Baka dumating na sila...” may kabang sabi ko at handa nang sumakay sa sasakyan.
Nagkatinginan kami ni Hera. Siya lang ang nag-iisang kakampi ko sa bahay na ‘to, at si Kuya Nolan na mula pa noong kolehiyo ako ay narito na. Para ko na silang guardian at sa kanila ko lang naramdaman ang pakiramdam na totoong may nagmamalasakit sa ‘yo.
Puno ng lungkot ang mga mata ni Hera. Tila may nakabara sa lalamunan ko nang bitawan ko ang pagkakahawak niya sa kamay ko at humakbang paatras.
“Paalam sa ngayon, Hera. Aasahan kong hindi nila malalaman kung nasaan ako hangga’t hindi ko naaayos ang lahat, aasahan kita...” puno ng pagtitiwalang sabi ko habang nakatingin sa mga mata niya bago tuluyang sumakay sa loob ng sasakyan.
Nanatili ang tingin ko sa kaniya habang umiikot si Kuya Nolan patungong driver’s seat. I rolled down the window... at sa unti-unting pag-andar ng sasakyan papalayo ay siyang paglayo ko kay Hera, sa mga magulang ko, sa magarang buhay, at sa mapait na sitwasyong muntik ko nang kasadlakan.
Lumayo nang lumayo ang tinatahak ng sasakyan, at unti-unting naglaho sa abot ng paningin ko ang mansion ng mga Medrano...