May sinasabi si Margaret kay Seatiel. Naka-pout ang mga labi nito. Hindi ganoon kataas o kalayo ang bintana pero hindi ko marinig kung ano ba ang pinag-uusapan nila maliban na lang kung medyo lalakasan nila ang boses na hindi naman nila ginagawa.
Nanatiling nakaupo si Marcus na nagsasagot sa isang notebook. Hinihintay ko na nga lang na siya ang magsalita dahil maririnig ko ‘yon sa lakas ng mapang-asar niyang boses, but he didn’t say anything. Sa halip, niyakap niya ang babaeng kasama ni Margaret na naupo sa mesang nasa harap niya at nakangising kinakausap ito.
Lahat na lang yata ng babae rito ay sweetheart ng lalaking ‘yon.
Nilipat ko na lang ang tingin kay Seatiel. Sinusubukan kong sundan ng tingin ang mga labi niya para malaman kung ano bang sinasagot niya roon kay Margaret na malungkot ang mukha at animo’y nagtatampo.
“This witch!” sigaw ni Louise mula sa kabilang linya na nakalimutan ko na.
“Tumahimik ka nga...” usal ko habang ang mga mata ay tutok pa rin doon sa baba.
Nagulat ako nang bahagyang tumingala sa direksyon ko si Seatiel para sumulyap, kausap niya pa rin si Margaret. Saglit na nagtama ang paningin namin at mabilis akong nag-iwas. Sinarado ko ang bintana at bumalik sa kama buhat ang telepono.
“Tatawag na lang ulit ako mamaya, Louisiana.” Hindi ko na alam kung anong sunod kong sasabihin sa kaniya.
“Wow, tingnan mo ang witch---” Hindi na natapos ang sinasabi niya dahil napatay ko na ang tawag. Binaba ko ang telepono at prenteng nilagay ang mga kamay sa kama. I pressed my head hard against the soft bed.
Parang um-echo sa isip ko ang boses ni Seatiel, ang mabibigat niyang paghinga, at ang bawat galaw ng kamay niya. Para akong pinagpapawisan just by thinking about it. Nalamukos ko ang kumot at tumagilid.
“Ah! You’re crazy, stupid girl!” sigaw ko sa sarili at pinanggigilan ang unan.
How am I suppose to move on from that? Hindi mawala sa isip ko ang naramdaman. For the first time in my twenty-three years in Earth, ngayon ko lang iyon naramdaman. Ni hindi pa nga iyon... oh, heaven, ikababaliw ko yata ito.
Naghintay akong maging tahimik sa baba. Si Ate Aly ang maghahatid kina Bom at Cindy sa eskwelahan ng elementarya. Kasabay nila ang ibang kapitbahay. Lalakad lang sila patungo sa kalsada sa kabilang gawi, taliwas sa daang tinahak namin ni Seatiel papuntang bayan. May sementadong kalsada roon at saka sila sasakay sa owner jeep kasabay ang iba pang mga bata na papasok.
‘Yong iba, maglalakad lang kung hindi kasya sa sasakyan. Iyon ang sabi ni Ate Aly. Mahal kasi ang tricycle at hindi rin ganoon kadalas dumaraan. May shortcut daw kung sakaling hindi gagamit ng sasakyan pero puro taniman na ang gawing iyon.
Nang narinig ko na ang pag-alis ng dalawang bata at ni Ate Aly ay bumaba ako. Maliligo ako saglit at pagkatapos ay maglilinis sa bahay. Pero kung nariyan si Seatiel, babalik na lang ako sa taas at hihintayin siyang makaalis.
Si Nay Issa lang ang nasa baba, naggagantsilyo gaya ng lagi nitong ginagawa.
Pagtapos maligo ay pasimple akong sumulyap sa bintana sa sala habang pinagtitimplahan ko ng kape si Nay Issa. Tumawa ang matanda dahil sa ginagawa ko. Natigilan tuloy ako sa pagtingin-tingin sa labas at bumalik sa pagtitimpla.
“Sino ba ang sinisilip mo riyan, hija? Si Seatiel ba? Hapon o gabi pa iyon bibisita rito.”
“B-Bibisita?” takang tanong ko, hindi sigurado sa narinig.
Tumango si Nay Issa habang nangingiti. Napaisip ako ngunit hindi na nagtanong. Bakit bisita? Dito naman siya nakatira.
Buong hapon ay wala ngang presensya ni Seatiel. Hindi ko alam kung bakit hinahanap ko siya. Ngayon ay walang ibang tumatakbo sa isipan ko kundi siya at ang ginawa niya. Ni walang space para sa ibang bagay. Kahit ang balita ni Lousiana tungkol sa biglaang pagkamatay ng kakilala niya ay walang puwang sa isip ko.
Lumulubog na ang araw, nasa taas pa rin ako. Naglinis na ako at lahat. Nakauwi na ang dalawang bata pero wala akong magawa. Nakatambay lang ako sa bintana at nakapangalumbabang pinagmamasdan ang tanawin. Paminsan-minsan ay nakakatulog ako at bumabagsak ang ulo sa antok dahil na rin sa malamig at sariwang hangin.
Napatayo ako at halos mawalan ng balanse sa gulat nang malakas na bumukas ang pinto ng kwarto. Napapunas ako sa gilid ng bibig.
“Ate Lauren! Ate Lauren! Pwede patulong po kami sa Math?”
Lumapit sina Bom at Cindy dala-dala ang kanilang notebooks. Doon lang ako nagising at napabalik sa sarili.
“H-Huh? Math? Sa ‘kin? Bakit?” tanong ko sabay tingin sa dalawang bata. Nakatingala sila sa ‘kin at kumurap-kurap.
“Sabi sa ‘yo, hindi siya marunong magwalis at hindi siya marunong sa Math,” bulong ni Bom na sinaway ni Cindy.
“Sige na po, Ate Lauren. Magaling daw po kayo sa Math, eh!” sabi ni Cindy at lumapit pa sa ‘kin para ipakita ang notebook.
Umarko ang kilay ko sa sinabi ng bata at bahagyang nailing-iling. Pakiramdam ko’y insulto ‘yon. “At sino namang may sabi?”
“Si Kuya Seatiel po.”
Natigilan ako sa sagot ni Cindy. At kailan niya naman iyon sinabi? Wala nga siya ngayon dito.
“Sinabi niya iyon?” kunot-noong tanong ko.
Tumango-tango si Cindy na ngayon ay nakaupo na sa inuupuan ko sa bintana. Hawak niya ang notebook habang nililibot ang tingin doon sa labas na parang may hinahanap. Tumigil ‘yon sa mesang nasa ilalim ng puno.
“Ayun po, oh,” turo ni Cindy sa baba. Nalipat doon ang tingin ko. Dinungaw ko ang bintana at sa baba nga sa ilalim ng puno kung saan nakatambay kanina si Marcus ay naroon si Seatiel, payapang kumakain ng mansanas habang nakatingala rito.
Nakataas ang mga paa niya sa mesa at pinaglalaruan ang prutas sa kamay. Kumagat siya roon at nang magtama ang tingin namin ay umangat ang dalawang kilay niya. He smirked a little, habang ang mga mata ay matamang nakatingin sa ‘kin.
Napatingin ako sa kalangitan at pinigilang mag-react. Kung wala lang ang dalawang bata ay nagtago na ako sa baba ng bintana o pinagsarhan ko siya kahit na bahay nila ito.
Kanina pa ba siya roon? Pinanood niya ba akong... nakakatulog sa bintana?
Anong oras siya dumating? At bakit hindi ko siya napansin doon?!
Tinuruan ko nga sila Cindy. Fraction ang topic nila sa Math. Madali lang iyon at hindi sa pagmamalaki pero grumaduate rin akong laude! I am a business student. I was a valedictorian when I finished elementary.
Kung inaasar ako ng Seatiel na iyon at hinahamon, anong akala niya... basic lang ako?
Matapos kong turuan sila Cindy ay bumaba ako. Dumating sina Marcus kasama ang ilan pang kaibigan nila na taga-rito din.
Hinila ako nina Margaret palabas ng bahay. Wala namang tutol sina Ate Aly at hinayaan ako.
“Ang ganda mo, ha! Hindi na ako natutuwa...” sabi ni Margaret habang hinahawakan ang buhok ko.
“Hala ka, Marga! Mas maganda ang mga legs niya kaysa sa ‘yo. Mas maputi. Tingnan mo, mas maganda rin ang kilay niya,” sabi ng isa pang babae habang ginigitgit nila ako sa gitna.
Hinila ni Margaret ang buhok ng babae na malakas na tumawa. “Ako ang kaibigan ninyo, dapat ako ang mas maganda sa paningin n’yo!”
Biro lang iyon ni Margaret. Nakakapit siya sa braso ko at medyo naninibago ako dahil si Louise lang ang gumagawa niyon.
Narating namin ang pwesto ng lamesa kung nasaan si Seatiel. Kasama niya sina Marcus at ilang lalaking hindi ko kilala.
“Tara na?” tanong ni Marcus.
Gulat akong nagpalipat-lipat sa kanila ng tingin. Saan pupunta at bakit kasama ako?
Tumayo lang si Seatiel sa kinauupuan. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin at kung may tumitingin sa kaniya, tiyak na mapapansin ang ginagawa niya.
“Oo. Marami pang natira sa handa kagabi! Pero nagluto kami ng panibagong pagkain para sa pulutan,” sagot ni Margaret at ngumiti. Maganda ang isang ‘to. Maganda rin si Tamsiah. Siguro silang dalawa ang pinakamagandang nakita ko rito.
“Saan kayo pupunta?” medyo alanganing pagsasalita ko, si Margaret ang kausap.
Umangat ang kilay niya sa ‘kin. “Anong kayo? Tayo! Kasama ka, ‘no!”
“Wala kasi kayo ni Seatiel kagabi kaya extended ang birthday celebration ni Margaret. Mag-iinuman tayo ngayong gabi. Tayo-tayo lang! Magkakaedad lang tayo rito, huwag kang mahiya!” sabi naman ng isa pang babae, ‘yong laging may hawak na pamaypay.
“Huwag mong sabihing hindi ka umiinom?” sabat ng isa pa.
Ngumiti lang ako ngunit hindi na sumagot. Umiinom ako pero sakto lang dahil mababa ang alcohol tolerance ko.
Panay lang ang hatak nila sa akin at pagkukwento na hindi ko namalayang nakarating na kami sa sinasabi nilang pupuntahan, sa tabi ng isang maliit na ilog. Nagulat ako sa linis ng ilog dito. Walang lumulutang na mga basura. Liblib at tago ang kinaroroonan ng ilog. Maraming puno sa magkabilang gilid.
Mahangin at palubog na ang araw. Ilang minuto na lang ay didilim na. Naglalatag pa lang ng telang mauupuan ang tatlong babae sa damuhan sa tabing ilog, nagsialisan na ng suot na t-shirt ang mga lalaki at nagsitalon sa tubig.
Napuno ng ingay at mga tawanan. Napapalatak sina Margaret nang matalsikan ng tubig.
“Bwisit kayo! ‘Yong damit ko, Marcus!” galit na sigaw ni Margaret dahil nabasa ang yellow dress niya.
“Okay lang ‘yan, darling! Huhubarin mo rin naman ‘yan,” nakangising sigaw nito mula sa tubig na binatukan ng mga kasamang lalaki.
Apat ang mga babae kasama na ako. At apat din ang mga lalaki kasama na sina Marcus at Seatiel.
Muli silang umahon para lang pagtulungang itulak si Seatiel na nagtatanggal ng t-shirt. Nag-iwas ako ng tingin at tumulong sa ginagawa nilang paglalatag.
“Hay, ang gwapo niya talaga...” kinikilig na bulong ni Margaret. Nang tingnan ko ang tinitingnan niya ay nakita kong na kay Seatiel ang kaniyang atensyon. Topless again, at balak itulak nina Marcus. Pero sa halip, si Seatiel ang tumulak dito kaya malakas na napamura si Marcus nang nahulog sa tubig.
Nagtatawanan sila. Hindi ko mapigilang mapatulala kay Seatiel.
“Lauren! Gusto mo na ring tumalon? Aayusin pa natin ito,” sabi ng isang babae, si Lara, at binaba ang kaniyang pamaypay.
Tumulong ako sa kabila at nilubayan ng atensyon ang lalaking ‘yon.
Marami silang dalang pagkain. Pork barbeque, isaw, calamares, at sisig. Maraming bote ng beer at dalawang bote ng mamahaling red wine.
“Kanino galing itong red wine?” tanong ni Lara.
“Kanino pa? Eh, ‘di kay Seatiel,” sagot ni Margaret at hinawi ang kaniyang buhok kasabay ng kinikilig na ngisi.
Humagikgik ang tatlo. Inakbayan ako ni Reign. “Pagpasensyahan mo na iyang si Margaret, Lauren. Head over heels talaga ‘yan kay Seatiel!”
Ngumiti na lang ako at nailing-iling.
“Itigil mo na nga ‘yan, Margaret. Hindi ka papatulan ni Seatiel! Bukod sa marami ‘yang dating girlfriends sa Maynila, ngayon ay malapit nang mag-asawa!”
“Bakit hindi, ha?” asik ni Margaret. Nakaupo na kami sa sapin at kumakain. Ang mga lalaki ay nagbababad sa tubig at kung ano-anong pakulo ang ginagawa. “Bagay naman kami! At saka hindi mo ba narinig ang tungkol sa bride niyang tinakbuhan siya? That only means we’re meant to marry each other instead!”
Inasar lang siya ng mga kaibigan sa sinabi kaya napabusangot siya.
“Oh, ikaw, Lauren? Kwentuhan mo naman kami! May boyfriend ka na ba, huh? ‘Di ba taga-Maynila ka? Please, kwentuhan mo kami! Ano, marami bang daks doon?”
Niyugyog nila ako na ikinatawa ko. “Isa pa lang ang nagiging boyfriend ko...” kwento ko habang kumakain ng isaw.
“Talaga? Gwapo ba? Saan kayo nagkakilala? At saka... daks ba? Magaling?” Naghagikgikan sila sa tanong.
Kung nanonood sila ng TV, malamang ay kilala nila ang pesteng Lucas Orcena na ‘yon.
“Gwapo naman, hindi ko alam kung... u-uh...” Hindi ko masabi. Hindi ko alam at ewan ko dahil hindi naman namin nagawa ang bagay na ‘yon.
Suminghap sila at mas nagsumiksik sa ‘kin para makiusyoso. “Huwag mong sabihing... virgin ka pa?!”
Ang lakas ng sigaw ni Reign na napatingin ‘yong mga lalaking nasa tubig. Halos magtago ako sa ilalim ng puting sapin. My goodness!
“Mga chismoso ba kayo?!” sigaw nila Margaret.
Nag-asaran lang ang mga naroon. Tumingin sa amin si Seatiel pero hindi ko na siya pinansin. Ang tatlong babae kasi ay naintriga sa mga ikukwento ko.
“Huwag ka nang mahiya sa amin. Bestfriends na tayo... sige na, magkuwento ka na! Totoo bang uso ang one-night stands? Ganoon kasi ang nababasa ko sa mga nobela!” tanong ni Lara.
“Hmm, marami akong kilalang gumagawa ng gano’n, lalo na ang mga nasa show business na bawal pumasok sa relationships.”
Tumango-tango sila. Kahit naghahanda na silang magbasa sa tubig ay nagkukwentuhan pa rin kami.
Sayang at wala akong baong panligo kaya hindi ako makakaligo. And getting in that water with my wounds isn’t the best idea...
Hinayaan na lang nila ako nang sabihin kong hindi ako maliligo.
“Sabi nila maraming clubs sa Maynila at uso palagi ang parties. Mahilig kaya sa ganoon si Seatiel noong nandoon siya? Doon siya nagkolehiyo, eh...” sabi ni Reign.
“Kapag mahilig sa clubbing, matik na mahilig sa babae at sa... alam mo na!” nangingising saad ni Lara.
Humagikgik si Margaret habang tinatanggal ang tali ng dress niya.
Hindi ko maiwasang mapalunok sa mga naririnig. Impure thoughts are starting to surface in my mind.
“Tumabi ka nga, Grayson!” bulyaw ni Reign habang naghahandang tumalon sa tubig.
“Hoy, Marcus, tabi! Tatalon kami!”
Mayroong rope na nakatali nang mahigpit sa mataas na puno. Gamit ‘yon ay tatalon sa gitna ng tubig kung saan may kalaliman.
Naka-shorts at bralette na lang sina Margaret. Tumitili sila habang nakakapit sa rope na iduduyan sila bago tuluyang magpakahulog sa gitna ng tubig.
“Argh! Ang lamig!” sigaw ni Margaret nang umahon. Bumibilang ang mga lalaki at chini-cheer silang tumalon doon sa tubig dahil natatakot silang lumambitin sa lubid at tumalon.
Panay ang tili nila at sigaw bago bumagsak sa tubig. Naroon na silang lahat at ako na lang ang nasa taas. Iniinggit nila ako sa tubig.
“Uubusin ni Lauren ang sisig!” bintang nila kaya tumawa ako.
Mabilis ko silang naging close. Mabait sina Margaret at mga kaibigan niya. Ganoon din ‘yong mga lalaki. May pagkaloko-loko sina Marcus pero masasaya silang kasamang lahat.
“Come on, Lauren! Hayaan mo na kahit naka-dress ka! Tara na!” aya nila.
Umiling-iling ako. “Hindi pwede! Next time!” sabi ko at nilantakan ang mga isaw. Ito na lang ang aabalahin ko.
“Malinis naman ang tubig, e! Tara na, please!” yaya nila Margaret. “Huwag kang matakot. Bubuhatin ka na lang ng boys para ‘di ka na sumabit diyan sa lubid!”
“W-What?”
Hindi pa ako nakakapalag ay umahon na ang dalawa sa mga lalaki, sina Grayson at Marcus. Si Seatiel ay nanatili sa tubig at nanonood.
“Hey!” gulat na sabi ko nang bigla nila akong buhatin. “Saglit!” Hindi ko maiwasang mapasigaw. Paano kasi, binuhat nila akong parang katawang ididespatsa sa ilog!
“Walang saglit, saglit dito!” tumatawang sabi nila at bumilang bago ako ihagis sa tubig. Nagtatawanan at nagtitilian ang mga babae.
Dumiretso ako sa ilalim ng tubig. Hindi ako makagalaw paitaas. Ilang sandali akong nanatili sa ilalim nito.
Panic took all over me. I tried to hold on to whatever but there’s nothing underwater. I ran out of breath!
May humawak sa kamay ko at humila sa braso ko paangat na kung hindi dahil doon ay hindi ako lilitaw sa tubig. Napasagap ako sa hangin nang lumutang sa ibabaw at napahilamos paalis ng tubig sa mukha.
Narinig ko agad ang mga tawanan nila at pang-aasar. Humampas ang malamig na hangin kaya halos magtaasan ang mga balahibo sa batok ko kasabay ng paghahabol ng hininga.
Nang magmulat ay nakita ko kung sino ang humila sa akin paangat. Si Seatiel. The trace of alarm and concern are written all over his eyes.
Mahina siyang nagmura na hindi narinig ng mga kasama namin.
“Are you alright?” tanong niya habang hawak ako sa braso. Halos lumubog ulit ako sa tubig kung hindi niya lang ako hinapit palapit. “Kumapit ka.”
Naglolokohan na ulit ang mga kasama namin at nagbabasaan. Walang nakapansin sa nangyari.
Hindi pa rin ako mapirmi sa tubig. Hinapit ni Seatiel ang bewang ko at idinikit ako lalo sa kaniya. Halos buhat niya na ako. Naramdaman ko ang palad niya sa ilalim ng tubig nang iangat niya ang isang hita ko at kinapit sa kaniyang bewang para hindi ako pumailalim, para bang wala nang ibang pagpipilian dahil nasa malalim kaming parte at kung hahayaan niya ako ay lulubog ako.
Natigil ako sa paggalaw sa tubig. Napakapit ako sa balikat niya at napatitig sa kaniya na mabibigat ang bawat paghinga.
Gumapang ang kamay niya sa ilalim ng tubig at dahil lumutang ang tela ng bestidang suot ko ay malayang sinakop ng palad niya ang hita ko. He pulled me closer until I can almost feel his maleness down there, lalo’t nakaangat ang isang hita ko at halos pumulupot sa bewang niya.
Napasinghap ako at nagpalipat-lipat ang tingin sa mga mata niya. His dark and cold eyes are staring at mine intently. Dumadausdos pababa ang mga butil ng tubig mula sa kaniyang basang buhok patungo sa kaniyang pisngi.
“Higpitan mo ang kapit, masiyadong maluwag,” utos niyang kaming dalawa lang ang nakakarinig pero hindi naman iyon nakabawas sa panginginig nitong mga kamay ko.