Huminto ang sasakyan ni Seatiel sa rancho nang makarating kami. Mabilis niya ‘yong tinigil sa sementadong daan. Halos mahilo ako sa bilis ng pagpapatakbo niya pero nginisian lang ako ng loko.
Nang silipin ko ang bintana ng sasakyan ay natanaw ko ang malawak na field kung nasaan kami. Sa hindi kalayuan ay mayroong barn at malawak na parte ng lupa na napapalibutan ng fence. Mayroon ding maliit na farmhouse.
Bumaba si Seatiel sa sasakyan. Dala niya ‘yon kanina nang sadyain niya ako kina Ate Aly ngunit gaya ng laging ginagawa, sa bungad ng baryo niya ako hinintay. Nasabi niya na rin daw kay Ate Aly na isasama niya ako sa rancho kaya kahit wala ito ay umalis na ako.
“Thanks,” pasalamat ko nang buksan niya ang pinto ng passenger seat. Paglabas pa lang ng sasakyan ay sinalubong na ako ng malakas na hangin dahilan para sabugin ang buhok ko.
Hinawi ko ito at tinanaw ang malawak na rancho. Sobrang lawak at sa ilang parte ay may mga kabayo, some are unguided and some are tied into the fence. May nakita akong ilang tauhan na nagpapakain at nagpapainom sa mga kabayo.
Nang tuluyang makababa ay inisang tingin ko pa ang sasakyan ni Seatiel. Iba iyon sa sasakyang dala niya noong pumunta kami sa bayan. Jeep Wrangler ang dala niya noon at ngayon ay isang Range Rover na 1970 model.
‘Yong totoo, ilan kaya ang sasakyang meron siya?
“Oh, Seatiel! Akala ko bukas ka pa?” tanong ng isang may katandaang lalaki nang makalapit kami sa fence. Pa-square ang loob n’on at naroon ang mga kabayo.
Tumingin ito sa akin sabay balik ng mga mata kay Seatiel, may makahulugang tingin. Sumilay lang ang ngisi sa mga labi ni Seatiel bago ako iginiya papasok sa loob ng fence.
“May tuturuan lang ako, Mang Lucio. Sana hindi kami nakakaabala...” pagkausap ni Seatiel sa tingin ko’y namamahala nitong ranch.
“Aba, oo naman! Sasabihan ko si Linda na magluto ng meryenda para sa inyo.”
Tumango si Seatiel bago nagpasalamat dito. Ngumiti naman ako nang gumawi sa akin ang tingin nito. Sinuklian nito iyon at sinabing maiwan na muna kami.
Saktong patapos na rin ang pagpapakain sa ibang mga kabayo. Inilalabas na ang iba at ibinabalik sa mga kuwadra. Medyo mataas pa ang araw ngunit hindi naman ganoon kainit. Mahangin din kaya hindi ako masiyadong pinagpapawisan.
“Tara?” yaya ni Seatiel nang tingnan ako.
Tumango ako at sinabayan siya patungo sa isang mataas at maputing kabayo. Hinaplos niya iyon sa mga tamang parte na hindi ito magugulat. Isa ‘yon sa mga binanggit niya sa ‘kin, hindi kasi pwedeng basta-basta na lang haplusin ang mga kabayo lalo na ang hindi trained dahil pwede silang maalarma.
“You should be gentle around horses or they will see you as a threat,” turo ni Seatiel. Seryoso siya sa ginagawang mga paalala at nangungunot pa nang bahagya ang noo. Hindi ko mapigilang mapatingin sa kaniya habang tinuturuan niya ako ng tungkol sa mga kabayo.
Nadi-distract ako. Pati ang paggalaw ng mga labi niya habang nagsasalita ay napupuna ko. Kahit gano’n, natutunan ko pa rin naman ang mga dapat maalala tungkol sa tamang horse riding.
Nagpalit muna ako ng damit dahil naka-dress ako. Iyong Linda ang tumulong sa ‘kin sa pagpapalit.
I changed into a fitted black jeans at isang kulay itim ding pang-itaas na sakto lang ang manggas. Parehas na hapit iyon kaya bakat ang kurba ng katawan ko. I let my hair down. Nagsuot na rin ako ng itim na boots gaya ng sabi ni Linda.
“Huwag kang mag-alala, trained ang pinili ni Kuya Seatiel para sa ‘yo. Saka ‘di naman n’on hinahayaang mahulog ang tinuturuan niya.”
Pumukaw iyon sa atensyon ko. Ibig sabihin... may tinuturuan pa siyang iba?
“Sino pang tinuturuan niya?” kaswal na tanong ko. Napaisip naman ang dalagita. Ang dating tuloy niyon ay parang sobrang dami!
“Si Tamsiah, at saka meron pa, eh, mga babae... minsan mga kaibigan ni Kuya Seatiel. Sina Marcus,” sabay kibit-balikat nito.
Sana lang sina Margaret ang tinutukoy nitong mga babae. Napailing-iling ako.
Sabay na kaming lumabas ni Linda at nagtungo sa fence. Pinupuri nito ang katawan ko. Hindi ko tuloy maiwasang ma-conscious dahil mula nang mapunta ako rito, ngayon na lang ulit ako nakapagsuot ng ganito kahapit na damit. Parati na lang kasi akong nakabestida.
Nag-usap sila ni Seatiel saglit habang abala ako sa pagsusuot ng gloves. Nagkatinginan kami ni Seatiel nang mapansin ko ang pagsulyap-sulyap niya sa gawi ko habang kausap siya ni Linda.
Nang magpaalam ito at bumalik sa farmhouse ay naiwan kaming dalawa ni Seatiel. Huling-huli ko ang mga mata niyang nakatingin sa katawan ko.
This is the first time he saw me wearing something like this. Bakas naman ang kurba ng katawan ko sa mga dress na kadalasang isinusuot ko ngunit ngayon ay talagang hapit ang jeans at itim na top. It’s hugging my skin perfectly. Sana pala ay tinanong ko si Linda nang mas maluwag na damit.
“Ayos na?” tanong niya nang magtama ang paningin namin.
Tumango lang ako at lumapit sa kabayong mukhang napili niya habang sinusuot ko ang isang itim na riding hat.
“P-Paano kung biglang tumakbo palayo?” nag-aalalang tanong ko habang inaayos na ni Seatiel ang tali ng kabayo. Hindi ito si Cruise kaya nag-aalangan akong sumakay dahil baka bigla na lang itong kumaripas ng takbo!
“Ako ang magga-guide. Huwag kang mag-alala, hindi ko patatakbuhin.” Sinabayan niya iyon ng ngisi kaya mas lalo lang akong nag-alangan.
“N-Natatakot ako, Seatiel. Baka tumakbo, eh!”
“Kabayo iyan, Lauren. Talagang tatakbo ‘yan,” sagot niya na ikinasimangot ko.
Napatingin ako sa babaeng kabayo. Gumalaw ang buntot nito. Nag-aalangan talaga akong sumakay!
“Paano kung mahulog ako? S-Sasaluhin mo ba ako?” tanong ko pa pero kinuha niya na ang kamay ko at inihawak sa ibabaw ng kabayo.
“Bakit ko hahayaang mahulog ka?”
Tiningnan ko siya nang matagal para lang masigurado kung magtitiwala ba talaga ako sa kaniya! Natatakot lang akong mahulog dahil hindi naman ako marunong kahit sa pagbabalanse!
“Trust me, Lauren. Ako ang bahala,” paninigurado niya. Inalalayan niya ako paangat sa ibabaw ng kabayo. Mahigpit akong napakapit sa tali. Nakakalula sa taas. Mas lalong nilipad ang mga hibla ng buhok ko palikod.
Hinawakan niya ang bandang baba ng likod ko bilang suporta dahil gumalaw ang kabayo. Hindi ko tuloy napigilang mapakapit nang mahigpit sa braso niya sa kabang mahulog!
“Move your hips forward. Iyon ang hudyat ng kabayo para umabante,” turo niya. “Don’t pull it too hard,” dagdag niya at hinawakan ang kamay ko para itama ang pagkakahawak ko sa tali ng kabayo.
Buong hapon akong tinuruan ni Seatiel. Ilang beses akong halos ma-out-of-balance pero natutunan ko namang bawiin ang balanse ko. I learned how to follow the rhythm of the horse. Itinuro niya rin sa akin kung paano pahihintuin ang kabayo at ang tamang postura sa ibabaw nito para mabalanse ko nang maayos ang sarili.
Napagod ako sa mga itinuro niya kaya hindi rin kami nagtagal. Nanghina ang mga tuhod ko sa kaba pero na-enjoy ko naman ang taas ng kabayo. Iyon nga lang ay mabilis na napagod ang mga binti ko. Ganoon pala iyon!
“Ayos ka lang?” tanong ni Seatiel nang makababa ako. Binigyan kami ng isa sa mga tauhan ng tubig. Tumungga ako para mapawi ang uhaw. Nagulat pa ako nang hawiin ni Seatiel ang buhok ko palikod kaya dumampi ang malamig na hangin sa leeg at batok ko. “Pawis ka. Magpalit ka na.”
Tiningnan ko ang sarili. Kanina pa iyang mga mata niya, humahagod sa katawan ko!
Buong hapon kami sa rancho at pagkatapos ay inihatid niya ako kina Ate Aly. Ganoon ang sumunod na mga araw. Sa tuwing wala siya ay tumutulong ako kay Ate Aly sa bayan. Hindi ako masiyadong nabuburyo dahil sa daming pwedeng gawin sa kanila.
Nang turuan niya ako sa paglangoy, isinama na namin sina Margaret. Suhestiyon ko ‘yon dahil baka magtaka na sina Ate Aly at ang ibang nakakapansin na lagi kaming umaalis na kaming dalawa lang. Ayaw kong pag-isipan nila kami. Iniiwasan ko iyon higit sa lahat.
“Relax lang,” bulong niya habang nasa likod ko at iginigiya ang mga braso ko sa tubig. Tumama ang mainit niyang paghinga sa likod ng tenga ko at para bang gumapang ang init niyon hanggang sa batok ko.
Paano ako magre-relax kung ganito siya kalapit?! Halos yakapin niya na ako mula sa likod!
“O-Okay...”
Pilit akong nag-focus sa tamang pagkawag ng mga paa sa tubig. Sina Marcus ay abala sa malalim na parte ng ilog dahil magagaling na silang lumangoy. Doon sila nagda-dive habang kami ay malapit lang sa batuhan.
“Relax, Lauren,” ulit niya. Paulit-ulit na pumapatak ang butil ng tubig mula sa basa niyang buhok patungo sa balikat ko. “Damhin mo lang ang tubig. Kung masiyado kang tensyonado, lulubog ka sa ilalim,” utos niya at hinawakan ang bewang ko. Napasinghap ako at nilingon siya sa likod ko.
“P-Paano ako magre-relax? K-Kanina ka pa hawak nang hawak!”
Umangat ang mga kilay niya sabay baba pa sa palad patungo sa balakang ko. Napabuga ako sa hangin nang mag-iwas ng tingin.
“Paanong hindi kita hahawakan? Tuwing binibitawan kita, parang may humihila sa ‘yo pailalim.”
“Iniinsulto mo ba ako, Seatiel?” Masama ko siyang tiningnan. Malalim siyang napahinga at sumuko rin. Binitawan niya ang bewang ko at hinayaan ako.
Hinarap ko siya at ipinakitang kaya ko namang lumutang sa tubig nang walang tulong niya! Kaya ko naman talaga, ayaw niya lang akong binibitawan!
Kaso saglit lang pala iyon dahil lumulubog na ulit ako sa tubig. Hindi ko alam kung paano ko ba pananatilihin ang sarili sa ibabaw.
Hindi na siya nakatiis at hinapit ang katawan ko sa ilalim ng tubig. Halos manlaki ang mga mata ko nang buhatin niya ako at ipinulupot ang mga hita ko sa bewang niya!
“S-Seatiel!” tawag ko at sinulyapan ang mga kasama namin ngunit hindi ko sila matanaw dahil sa malaking batong nakausli malapit sa kinaroroonan namin sa tabi ng batuhan. Hindi rin nila kami natatanaw dahil may kalayuan sila, ngunit naririnig ko pa rin ang bawat talsik ng tubig tuwing may nagda-dive sa kanila.
Gumapang ang mga kamay niya patungo sa likod ko paakyat. Sinandal niya ako sa batuhan. Bumaba ang tingin niya sa mga labi ko na ikinalunok ko.
“S-Seatiel...” I called him. Baka nakakalimutan niyang hindi lang kaming dalawa ang nandito!
Hindi siya sumagot. Sa halip ay inangat niya ang braso at ipinatong sa batuhang nasa likod ko. He cornered me. Sa lahat ng lugar, dito niya pa napili... really?
Bahagya akong napaatras nang akmang aabutin niya ang labi ko. Itinulak ko ang balikat niya. “Akala ko ba ay tuturuan mo akong lumangoy? I-Iba yata ‘to, eh...”
Seatiel chuckled. “Isa lang...”
Loko talaga! Anong isa lang?
“Please?” Ginamitan pa ako ng namumungay na mga mata! Alam ko namang halik lang ang tinutukoy niya pero baka makita pa kami nina Marga gayong ang alam ng mga ito ay tinuturuan niya akong lumangoy!
Napatingin ako sa basa niyang mga labi dahil sa paglangoy. Binasa niya pa ‘yon lalo when he licked it with his hot tongue, nananadya. Napalunok ako at parang pinanuyuan ang lalamunan. Umihip ang malamig na hangin dahilan para ginawin ang batok at mga balikat ko.
“Why don’t you allow me to court you? Ilang araw na akong nagbabaka sakali, wala kang pinansin sa mga sinabi ko.”
Nakagat ko ang sariling labi sa sinabi niya. Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaba dahil sa biglaan niyang pagbubukas ulit sa usaping iyon.
“Ano bang sinasabi mo? Ako? L-Liligawan mo? Naririnig mo ba ang sarili mo, Seatiel?”
Malalim siyang huminga at inangat ang kamay sa gilid ng ulo ko. Hinawi niya ang basa kong buhok at inipit sa likod ng aking tainga. Para akong napaso sa haplos niya.
“Hindi ako magiging paulit-ulit kung hindi ako seryoso. Kung ayaw mong magpaligaw, mapipilitan akong angkinin ka sa sarili kong paraan.”
Napasimangot ako sa sinabi niya.
“Hindi naman pwede ‘yang sinasabi mong liligawan mo ako. Ano na lang ang sasabihin sa ‘kin nina Ate Aly? Nina Margaret?” kunot-noong tanong ko.
Ilang araw niya nang binabanggit ang tungkol dito at pilit kong hindi pinapansin ang mga iyon, pero ngayon ay seryoso na siya sa pakikipag-usap tungkol sa panliligaw!
“Sinong may pakialam kung anong sasabihin nila? Hindi ang sagot nila ang kailangan ko,” salubong ang mga kilay na saad niya. Iniwas ko ang tingin at pilit binawi ang sarili sa kaniya ngunit mas hinigpitan niya ang hawak sa bewang ko mula sa ilalim ng tubig.
Hindi ko na alam ang isasagot ko. I know he wished for me to stay longer here, pero ni hindi ko na nga iyon sigurado dahil balak kong magtungo sa Maynila sa susunod na linggo! Paano kung hindi na ako makabalik, hindi ba?
Inilapit niya ako lalo sa kaniyang katawan. Niyuko niya ang balikat ko at dinampian ng mga halik habang ang isang braso niya’y kinukulong ako sa batuhan.
“Anong iniisip mo? Ayaw mo na?” madilim ang mga matang tanong niya.
Hindi ako makasagot. Kahit isang salita ay nawalan ako.
“Ano bang gumugulo sa isip mo? Gagawan ko ng paraan, Lauren. Kahit ano. Hmm?” Inangat niya pa lalo ang mga labi patungo sa collar bone ko. Rinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa nakausling bato at ang mga tawanan nina Margaret mula sa unahan.
Alam niyang may iniisip ako at alam niya ring wala akong balak sabihin kung ano ‘yon. Hinuhuli niya ako kaya niya sinabi iyon, na gagawan niya ng paraan, na kahit ano.
“Lauren?” tawag niya. Napaangat siya ng tingin sa ‘kin at napatigil sa paghalik sa aking leeg. Bumigat ang kaniyang paghinga. “May problema ba?”
Mabilis akong umiling habang napapalunok. Kahit anong hagilap ko sa aking isipan ay hindi ko mapagtanto roon ang kagustuhang sabihin sa kaniya na aalis ako.
Kapag umalis ako patungong Maynila nang hindi niya alam, hindi niya na ako makikita pa ulit. Hindi niya alam kung saan ako nakatira, kung sino ang mga magulang ko. Ni hindi niya alam ang buong totoo kong pangalan. Ibang apelyido ang sinabi ko sa kaniya noon nang minsan siyang magtanong.
He won’t be able to find me again. Sa lawak ng sentro, hindi niya na ako mahahanap pa ulit... I’ll disappear from their lives like I was never here in the first place.
Ibinuka ko ang mga labi para subukang iparating ang gusto kong mangyari, na kailangan ko nang umalis, na kailangan kong balikan si Mommy, kailangan ko ring ayusin ang gusot na iniwan ni Papa.
“S-Seatiel, kasi... k-kailangan kong...”
“Uy, tingnan n’yo ang dalawang ito, nagsosolo!”
Parehas kaming natigilan ni Seatiel nang biglang lumitaw si Grayson. Hindi ko napansin ang paglapit niya sa gawi namin na mukhang aahon na!
Napabitaw ako kay Seatiel. Dahil lumuwag ang hawak niya ay nabitawan niya rin ako at dumulas ako mula sa kamay niya.
Nanatili ang tingin namin sa isa’t isa. Sa huli ay ako na ang nagbawi ng tingin at lumapit kina Margaret...