Kabanata 21

2223 Words
Tilaok ng mga manok ang nakapagpagising sa akin. Napagalaw ako sa kama. Parang pumipintig ang ulo ko sa sakit dahil sa lahat ng nainom namin kahapon. Bumangon ako at napahawak sa ulo. Nang lingunin ko ang bintana ay mukhang kanina pa sumikat ang araw. Hindi naman ako ginigising nina Ate Aly at hinahayaan lang ako kung kailan ako bababa. Kahit gano’n, maaga akong gumigising kasabay nila. Hindi ko lang nagawa ngayon dahil anong oras na akong nakatulog kakahintay na parang asawang hindi mapakali hangga’t hindi umuuwi ang isa. Nagtungo ako sa bintana para buksan ito. Sinalubong agad ako ng araw. Dumungaw ako sa bintana at unang hinanap ng mga mata ko si Cruise sa tabi ng puno, ngunit gaya nang huli ko itong silipin kagabi, naroon pa rin ang kabayo at nakatali. Napalunok ako at natigilan. Ibig sabihin... hindi talaga umuwi si Seatiel? Hanggang sa mga oras na ito? Bumagsak ang mga mata ko sa bintana. Napaalis ako rito at parang wala sa sariling bumaba sa sala. Ano naman kung hindi siya umuwi? It’s not like I need to know whatever he’s doing. It’s none of my business. Kung anuman ang ginawa nila, labas na ako roon. Hindi niya ako kapamilya. Wala akong karapatan sa kahit anong gawin niya. No one needs my opinion. He can f*ck everyone, and I don’t have the rights to say anything about it. Idinaan ko na lamang ‘yon sa buntonghininga. Pagbaba sa sala ay naroon sina Nay Issa at Ate Aly, nanonood ng TV dahil katatapos lang mag-almusal. “Oh, Lauren, mag-almusal ka na,” yaya ni Ate Aly. “Nagluto ako ng sinangag, itlog na maalat na may kamatis at sibuyas, at saka gumawa ako ng sabaw.” Napangiti ako at tumango. “Salamat po.” Naupo ako sa upuan at kumuha ng kaunting pagkain. Tinulungan pa ako ni Ate Aly. Ang swerte ng mga bata at nina Tamsiah kay Ate Aly. Napakamaalaga. “Si... Seatiel po?” tanong kong pilit ginawang kaswal ang boses. Humalakhak si Ate Aly at nilapag sa harap ko lahat ng pagkain. “Ay, hayaan mo ‘yon! Ubusin mo na iyan. May pambili ‘yon ng pagkain niya!” natatawang sabi ni Ate Aly, iniisip na kaya ako nagtanong ay dahil sa pagtitira ng pagkaing nandito sa mesa. Tumango na lang ako kahit hindi nakuha ang sagot na gustong marinig. Si Tamsiah kaya? Alam kaya nina Ate Aly at Nay Issa na umuwi ito rito sa baryo kagabi? Alam kaya nilang magkasama ang dalawa? Akala ko noong una ay magkapamilya sila. Kung hindi ko lang agad napansin na gusto ni Tamsiah si Seatiel. Sa bahay na ito, sina Tamsiah at Seatiel ang hindi kamag-anak nina Ate Aly, at si Bom na rin na inampon nila noon. Kung paanong magkakasama sila sa iisang bahay ay lagpas sa nalalaman at naoobserbahan ko. Iyan ka na naman, Lauren. Ibang tao na naman ang iniisip mo! Nagpatuloy na lang ako sa pagkain. Hindi na ako nagsalita pa tungkol sa mga nangyari kagabi. Iba na lang ang pinagkwentuhan namin ni Ate Aly. “Maliligo ka na ba? Nasira kasi kanina itong gripo ng banyo natin. Pinatay ko muna ang linya kaya sa labas na naligo ang mga bata kanina. Doon ka na lang sa poso, ha? O kaya makibanyo ka na lang kina Margaret?” tanong ni Ate Aly. Alanganin akong napakamot sa likod ng ulo. “Ah... sa poso na lang po siguro.” Nakakahiya makaabala kina Margaret. At isa pa, badtrip siguro iyon dahil sa nangyari kagabi. “Oh, sige, papatulungan kita kay Marcus mag-ipon ng tubig,” sabi ni Ate Aly na ikinailing ko agad. “Hindi na po. A-Ako na po. Nakakahiya naman, baka po masama ang pakiramdam ni Marcus.” Umiling-iling si Ate Aly sabay lakad patungong pinto habang yakap ko ang damit na isusuot ko sana pagtapos maligo. “Ay, hayaan mo siya! Pinili nila na maglasing. Halika, maghanap tayo ng mag-iipon sa iyo ng tubig. Medyo mabigat kasi iyon.” “Sige na, hija. Magsisipilahan pa ang mga binata diyan para ipagkuha ka ng tubig,” tumatawang sabi ni Nay Issa. Napakamot na lang ako sa ulo at sumunod kay Ate Aly na nagmartsa palabas ng bahay. Sana pala ‘di na lang muna ako nagsabi. Siguro maaayos din naman agad ang gripo! “Ate Aly, ‘wag na po kaya?” tanong kong nilunod lang ng malakas nitong boses. “Marcus! Ipagbomba mo nga ng tubig itong si Lauren. Wala na kasi si Lucio. Nasa rancho na!” Kakalabas pa lang ni Marcus sa bahay nila, iyon agad ang bungad ni Ate Aly. Parang kagigising lang yata nito! Hiyang-hiya ako na gusto ko na lang tumakbo pabalik sa bahay at magkulong sa taas. “Ate Aly?” tanong ni Marcus. “Teka po, kakagising ko lang!” ilag nitong hinampas ni Ate Aly ang braso. “Dalian mo na. Sige na! Huwag mo lang hahawakan at ipababaranggay kita. Ipagbomba mo ng tubig saka tulungan mo magbuhos kasi medyo masakit pa ang palad niyan,” utos ni Ate Aly. Magsasalita pa sana kami ni Marcus pero dumating na ang isang kaibigan nitong dumaan at parang hangin siyang tinangay. “Ay, kumare! Anong bagong balita natin diyan?” Bigla na lang silang nawalang parang bula. Napakamot ako sa ulo. “Balik na ako. Ako na lang mag-isa ang maliligo. Pasensya na sa abala,” naiinitang saad ko at tinalikuran si Marcus. “Uy, sandali lang! Mabigat ‘yon. ‘Di pa kasi napapalitan. Luma na, eh,” sabi niya at sinundan ako. Narating namin ‘yong sinasabi nilang poso. Nilapag ko ang damit ko sa gilid na sana pala ay hindi ko muna dinala. Hindi rin naman ako makakapagbihis dito. Nilapitan ko agad ang hand water pump at sinubukan. Agad namang may lumabas na tubig. Mabigat pero kaya naman pala! Akala ko naman sobrang bigat. “See? Kaya ko na, Marcus,” sabi ko at tinapat ang balde roon sa labasan ng tubig. “Hindi. Ako na. Para namang ‘di kaibigan ‘to,” tawa niya at pinaalis ako sa handle. “Sige, maligo ka na diyan. Ako bahala sa ‘yo! Gusto mo pumikit pa ako.” Iyon nga ang ginawa niya. Binomba ang tubig nang nakapikit. “Crazy. Buksan mo nga ‘yang mga mata mo. Parang ewan.” Hindi ko na napigilang matawa. Mukha siyang baliw kung nakapikit siya habang nagpa-pump ng tubig. Natawa rin siya. Nagbuhos na lang ako ng tubig gaya ng sabi niya. Medyo makapal ang suot kong damit ngayon kaya ayos lang kahit may mga dumadaan at napapansin kami. Hindi ko na inabala iyon. “Naku, Lauren, ‘di ganiyan. Sayang ang tubig! Magagalit sa ‘yo ang diwata ng balon sa ginagawa mo, eh.” Napangiwi si Marcus dahil kada buhos ko ng tubig gamit ang kaliwang kamay ay medyo tumatapon ‘yon. Hindi ako kaliwete. At ganito talaga dahil medyo mahina pa ang kamay ko para bumuhat. Kinontian ko na lang ang sinasalok na tubig. “Okay na?” medyo paasik na sabi ko. “Sige, aabutan tayo ng dilim sa konti mong magbuhos,” kontra niya na naman. Kung si Seatiel ito, wala akong maririnig kahit isang reklamo! Nagsabon ako. Sandali siyang tumigil dahil puno na ang balde. Wala nang pumapansin sa amin. Siguro sanay na sanay na sila sa mga gawain nitong si Marcus na parating may kasama. Tumukod siya sa poso bago nagsalita. “Nakakapagtaka ka, Lauren, ‘yang mga natamo mong sugat noong nanakawan ka. Para kang nagpagulong-gulong sa bangin.” Natawa ako ngunit natahimik din. Medyo naging ilag ako sa pagsagot. Bumuntonghininga siya at mukhang may naalala. “Tungkol nga pala sa kotse mo. Tumawag ako sa kabilang bayan tungkol sa naiwang kotse sa sinasabi mong road. Nahanap daw ‘yong kotse madaling araw na. Kinuha ng tow truck. Hindi naman nadala sa syudad dahil within two days ay may kumuha na raw. Na-contact daw ang number mo at may sumagot... ano kayang nangyari?” napapaisip na tanong ni Marcus. Napaisip din ako habang nagbubuhos. May kumuha sa kotse ko? Sino naman kaya? “Siguro binalikan ng mga nagnakaw sa ‘yo. Tinanggap ang tawag gamit ang cellphone mo. Alam mo naman, lahat ng transakyon, nababayaran ng pera,” naiiling na dagdag nito. That’s probably what happened. Kung may tumatawag sa phone ko, malamang sila ang nakakasagot kung nasa kanila ito. Nanghingi kaya sila ng ransom sa mga magulang ko? Paano kung nakabukas ang phone ko? What if there are datas that they can use against me? “Huwag mo nang isipin ‘yon. Pagaling ka muna. Ligtas ka naman dito sa Esperanza,” sabi ni Marcus at nagpatuloy sa pag-iipon ng tubig dahil magbabanlaw na ako. “Ayos din itong si Ate Aly. Hindi naman kita asawa, ako pinagbobomba ng panligo mo,” natatawang sabi niya. “Kailangan ba asawa para pagbombahan?” naiiling na tanong ko. “Sige na, ako na... patapos naman na ako. Salamat.” Humalakhak siya sa sinabi ko pero sumunod din. Hinayaan niya na ako. Puno ang balde nang iwan niya para hindi ko na raw kailanganin pang lagyan ulit. Nang umalis si Marcus ay naiwan akong mag-isa. Bumagal ang kilos ko sa kakabuntonghininga at pagiging tulala na hindi ko namalayan ang pagdating ng kung sino. Nagsilabasan ang ilan para salubungin ang ilang dumating. Tinutuyo ko na ang buhok ko nang mapatingin doon. Nakaharang sila kaya hindi ko agad nakita. “Mayor!” gulat at tuwang bati ng mga ale sa dumating. Tawanan at usapan ang namutawi mula sa gawing ‘yon. “Nabisita po kayo rito?! Tuloy po!” Puno ng galak ang pagtanggap nila sa mga ito. Sino ba ang dumating? Parang sobrang importanteng tao. Kunsabagay, mayor daw... Pinagkibit-balikat ko na lang ‘yon at nagtuloy sa pagtutuyo sa buhok at sa ilang parte ng katawan. I didn’t take my clothes off. Sa kwarto na ako magbibihis dahil hindi naman pwede rito. Naunang lumakad ang tuwang-tuwa mga kapitbahay nina Ate Aly at bahagyang naiwan sa likod ang dalawa sa bagong dating. “You better not bring shame to my name,” dinig kong pabulong ngunit mariing sabi ng may katandaang lalaki roon sa katabi niya. The man next to him is probably in his mid-20’s. Nakasuot ng formal jeans at long sleeves. Maayos ang buhok nito at malinis ang gupit. Fair skin. Isang tingin pa lang, halatang anak-mayaman at malalaman agad ang katayuan sa buhay. Nilagpasan siya ng matandang lalaki nang hindi tinitingnan. Sumunod ang dalawa pang kasama rin nila. Naiwan ang lalaki na salubong ang mga kilay. Nilabas nito ang kamay na nasa bulsa at saka napakamot sa sentido, napapangiwi. Sabay kaming natigilan nang bigla siyang mapatingin sa gawi ko. Hindi ko namalayang nakikimasid ako sa nangyari at nakatingin ako sa kanila! Medyo nagsalubong ang mga kilay ko nang may sumilay na ngiti sa labi nito sabay kindat sa ‘kin. Sumunod din siya sa mga kasama kalaunan. Napalingon ako sa paligid at sa likod ko. Wala namang ibang tao rito kundi ako lang! Hindi ko na ‘yon pinansin. Pagtapos ay tumayo na ako at madaling bumalik kina Ate Aly. Tiningala ko ang bintana roon sa kwarto kung saan ako umuukopa nang madaanan sa tapat ng bahay nang mapansing nakabukas ang bintana nito. Sa pagkakatanda ko ay sinara ko iyon! Lagi ‘yong nakasara unless mayroon akong titingnan sa baba. Hindi naman din pumapasok doon sina Ate Aly. Napailing-iling ako nang maisip na siguro ay binuksan ng dalawang bata kaso naalala ko nasa school nga pala sina Bom at Cindy! Nagiging makakalimutin na yata ako! Pagpasok ko sa sala ay nakita ko si Nay Issa sa kaniyang paboritong upuan sa sulok kung saan ito laging naggagantsilyo. Mukhang nakatulugan nito ang ginagawa dahil medyo humihilik pa ito. Bukas ang TV pero wala si Ate Aly. Kasama pa rin yata ang kumare niya. Tumuloy na ako sa taas. Sinadya kong pigaan ang dress ko sa laylayan para hindi ito tumulo sa sahig ng bahay at sa hagdan. Sinusuklay ko ang buhok at hawak ang pamalit na damit. Ang lamig! Nakakapresko sa katawan ang tubig matapos lahat ng ininom namin kagabi. Tinulak ko ang pinto at humakbang papasok sa kwarto. Malaking nakabukas ang bintana. Binuksan ko ba talaga ‘yon? Napakagat ako sa labi at malalim na huminga. Hindi ko na muna ‘yon pinansin at sa halip ay nilapag ko ang hawak na mga damit sa mesa at inipon ang buhok para ipitin sa hair clamp. Umangat ‘yon mula sa batok ko. Kinuha ko ang bra sa mga nakahandang damit at tinanggal ang isang strap ng dress nang may maamoy akong tila usok sa paligid. Napalingon ako sa buong kwarto. Imposibleng makaabot pa rito ang usok kung may naninigarilyo sa labas dahil mataas ang bintana! Nang magawi ang tingin ko sa pinto ay ganoon na lang ang gulat ko nang makita si Seatiel na nakasandal sa tabi ng pintuan! He’s leaning against the wall and smoking. Nakasuksok ang kamay niya sa isang bulsa at ang isa ay may hawak na sigarilyo habang nakatingin sa ‘kin! Kanina pa ba siya diyan?! A-Anong ginagawa niya rito? Hindi naman siya nagtutungo rito! “Maliligo ka na lang, kung kani-kanino pa tumitingin ‘yang mga mata mo,” inip na saad niya habang matamang nakatingin sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD