"SAMARA, wala kang makukuha sa pag-ibig. Sa panahon ngayon dapat pairalin mo ang utak mo!" galit na sabi ng ina sa kaniya habang nagluluto ng bibingka na ibebenta nito sa bagong resort sa lugar nila.
"Nanay Nimfa matagal ko na pong kasintahan si Lance," giit ng dise otso anyos na dalaga. Binabalot niya ang mga nalutong paninda sa mesa. "At may plano po kaming magpakasal kapag naka graduate na siya sa kolehiyo."
"Aanhin niyo ang pag-ibig aber kung walang laman ang sikmura niyo?" tanong nito. "Huwag kang tumulad sa akin na walang narating sa buhay. Nakakapagod ang isang-kahig isang-tuka."
Hindi siya umimik.
"Alam kong simula pa lang noon ay nag-expect na ang lahat na magkakatuluyan kayo pero matagal-tagal pa rin ang asenso niya sa buhay." Naka ismid pa rin ang ina. "Ipapa-aral pa niya ang mga kapatid niya at ipapagamot ang tatay niyang may sakit. Anong tsansa mo o natin na umangat kung si Lance lang ang sa tingin mo ay para sa'yo?"
Napakagat-labi na lang si Samara sa turan ng ina. Ayaw niyang sagutin na okay lang sa kaniya ang kumain ng saging araw-araw basta makasama lang ang pinakamamahal na lalaki.
Childhood friends sila ni Lance at noong first year high school siya at third year ito ay nagsumpaan silang dalawa na kahit anong mangyari ay dapat sila ang magkakatuluyan. May singsing pa nga silang binili sa perya upang simbolo ng kanilang pangako.
Hindi naman gaano ka vocal ang ina niya noon sa relasyon nila ni Lance. Akala siguro nito na maghihiwalay rin silang dalawa lalo na noong tumuntong ang lalaki sa kolehiyo at nakapasok ito sa isa sa mga pinaka sikat na unibersidad sa Lanao del Norte. Pero simula noong bumukas ang bagong resort sa lugar nila ay halos araw-araw itong nagtatatalak sa relasyon niya kay Lance.
"Ihatid mo na ito sa resort," utos ng ina nang makitang puno na ang dalawang basket. "At kung makikita mo si Sir Nathanil ay bigyan mo siya ng tatlo at huwag mong pagbayarin."
"Ho?" nagtatakang tanong niya. "Baka malugi tayo Nay. Halos araw-araw na pong nakalibre 'yon sa inyo ah."
Pinandilatan siya ng ina. "Huwag mong isnabin si Sir Nathanil. Nasabihan ako ni Mareng Lusing kahapon na pinagtatarayan mo raw si Sir Nathanil kahit may mga guests sa resort."
Napakamot siya ng ulo. "Eh Nanay si Sir kasi – "
"Hindi kita pinalaking bastos bata ka." Tumaas na talaga ang boses ng kaniyang ina. "Kung makakarinig na naman ako ng reklamo na inisnab mo ang may-ari ng resort ay makakatikim ka sa akin mamaya."
"Eh tarantado naman talaga ang lalaking 'yon." Hindi mapigilan ni Samara na mainis. "Sinabi ko naman sa kaniya na may nobyo na ako pero pilit pa rin siyang nagpapapansin."
"Samara!" sigaw ng nanay niya.
Kinuha niya ang mga paninda at mabilis na umalis lalo na't nakita niyang namumutla na ang ina sa galit. Halos araw-araw na lang kasi na binabanggit nito ang may-ari ng resort.
Tumunog ang cellphone niya at kahit na nagkukumahog ay pilit niyang basahin ang mensahe. Kinilig bigla si Samara nang mapansin na mula ito sa nobyo. Magkikita raw sila sa kanilang bahay-kubo pagkatapos niyang maihatid ang mga paninda.
"Mabuti na lang at nakaligo ako ngayong umaga," pilyong bulong niya sa sarili.
Nagtatampisaw sa ulap ang utak niya habang inaasam-asam ang mga maiinit na mga eksenang mangyayari mamaya kasama ang nobyo kaya hindi niya namalayan ang paparating na sasakyan mula sa likura niya. Nang bumusina ito ay napalundag siya sa gulat at nabitawan ang dalawang basket at nahulog ang mga paninda.
"Gi atay*, patay ako kay Nanay nito." Dali-dali siyang lumuhod para kunin ang mga nagkalat na bibingka sa gitna ng daan. Nakatuon ang atensyon niya sa mga pinupulot kaya hindi niya napansin ang driver na lumabas mula sa kotse.
"Ara, sorry!" sambit ng lalaki.
Ang balahibo sa batok ni Samara ay nagsitayuan nang ma-realize kung sino ang may-ari ng boses. 'Kung mamalasin nga naman,' isip niya.
Ipinagdarasal pa naman niya na sana hindi sila magpang-abot nito sa resort. Pero nasa harapan niya na ito kaya wala na siyang magagawa pa.
Tumingala siya at pilit na ngiti ang ibinigay sa lalaki. "Sir Nathanil, pasensya na po at nakaharang ako sa daraanan niyo."
Medyo natigilan ng konti ang binata nang makita ang matamis niyang ngiti. Napatikhim pa ito, "Tutulungan na kita Ara." Yumuko ito at pinulot ang mga bibingkang nahulog.
Naiinis siya kasi kahit ilang beses na niyang sinabi rito na ang panglan niya ay Samara at ang palayaw niya ay Sam ay tinatawag pa rin siya nito ng 'Ara'.
"Sa resort ka pupunta?" tanong nito nang makatayo.
'Obvious ba? Isa lang naman ang daan papunta doon,' gusto niyang maging pilosopo pagdating sa lalaki. Pero pinipigilan niya ang sarili kaya "opo" lang ang isinagot niya.
"Tamang- tama kasi sa resort din ako patungo." Matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi nito. "Sabay na lang tayo Ara."
Ayaw sana niya pero matatagalan siya kung lalakarin pa niya. At hindi na siya mapakaling makita si Lance. Kaya tahimik na tumango siya sa offer nito.
Muntik na niyang mabitiwan ulit ang mga basket nang hinawakan nito ang brasao niya at iginiya siya papasok sa kotse. Ito ang kauna-unahang pagkakataong naglapat ang kanilang mga balat kaya nanayo ang mga balahibo niya at nanginig siya ng konti. Mabuti na lang at hindi ito napansin ni Sir Nathanil.
Kinakausap siya ng lalaki pero tipid lang ang mga sagot niya. Ang atensyon niya ay nasa labas ng bintana at tiningnan ang paligid hanggang nakita ang entrance ng Alegria's Beach Resort.
Hindi lumad ng Sandayong, Lanao del Norte ang mga Alegria pero a year ago ay dumating si Sir Nathanil kasama ang iilang negosyante at kilalang pamilya sa lugar nila. Nakita nito ang potential ng lugar kaya bumili ang lalaki ng mga lupain. Dahil isa sa mga pinakamahirap na municipality ang Sandayong ay parang hulog ng langit ang pagdating ng mga Alegria. Hindi lang kasi pinakamalaking resort sa lugar nila ang binuksan nito kung hindi pati rin ang farm at fisheries kaya marami-rami rin ang nagkaroon ng trabaho. At sa naririnig niyang feedback ay mabait na amo si Sir Nathanil at wais ito sa pamamalakad ng mga negosyo.
Hindi maiwasang mapasulyap si Samara sa lalaking nagmamaneho. May hitsura naman talaga si Sir Nathanil. Sa katunayan nga maraming mga staff at guests ang nagkakagusto sa mala Spanish mestizo looks nito. 'Yong tipong nakikita sa Latinovelang palabas noon. Pantay ang features ng mukha, matangos ang ilong, mapupulang labi at maganda ang set ng ngipin kapag ngumingiti ito. Medyo maputi si Sir at kahit na nakabilad ito sa araw ay namumula lang ang balat nito. Namamangha nga ang ibang empleyado ni Sir kasi kahit na ito ang may ari ng iba't-ibang negosyo sa Sandayong ay nangunguna ito sa manual labor kaya siguro matipino ang pangangatawan ng lalaki.
Inaamin naman niya hindi siya bulag para hindi mapansin ang kakisigan nito. Pero para sa kaniya ay si Lance pa rin ang pinaka guwapo sa lahat ng mga lalaki. Clean cut kasi ang nobyo at hindi tulad ni Sir Nathanil na may balbas. Feeling niya kasi manyakis ang dating ng mga lalaking may bigote at balbas.
"Idiretso mo na sa office ang dala mo," utos nito nang lumabas sila sa kotse.
"Ho?" nagtatakang tanong niya. "Hindi po sa canteen?"
"Doon ko ibibigay ang bayad," tipid na sagot ng lalaki. "May titingnan lang ako sa reception area sandali."
Hinintay niyang umalis si Sir Nathanil saka siya dumiretso sa opisina nito. Dahil minsan ay pumupunta siya sa resort para maghatid ng paninda ay may ideya siya kung saan ang opisina ng lalaki. Pero ito ang first time niyang makapasok sa lungga ng nito.
Kahit alam niyang walang tao sa loob ng office dahil glass ang door ay kumatok pa rin siya. "Hello," bati niya sa kwarto.
Umupo siya sa pinakamalapit na sofa at patingin-tingin sa paligid. Spacious ang room at simpleng mga kagamitang pang opisina ang makikita rito. Pakanta-kanta pa si Samara habang pinagmasdan ang mga photo frames na nakasablay sa dingding. Tumayo siya at itinuon ang atensyon sa mga larawan ng lalaki na kuha mula sa iba't-ibang bahagi ng mundo kasama ng mga kamag-anak siguro nito.
'May hitsura pala talaga ang pamilyang Alegria,' isip niya.
"Ara, o heto ang bayad ko." Bumukas ang pinto at bumungad si Sir Nathanil. Nakita nitong napatalon siya sa gulat kaya tumawa ito.
Medyo natigilan si Samara nang makitang humalakhak ang lalaki. Kahit noon ay panay ang pagpapa-cute nito, ito ang pinakaunang pagkakataong nakita niyang tumawa ito. Kahit ayaw niya ay nakaramdam siya ng pamumula sa naisip na guwapo pala talaga si Sir Nathanil.
Kinuha niya bigla ang pera mula sa kamay nito at pinilit na hindi magdaiti ang mga palad nila. "Sir salamat sa bayad. Aalis na po ako."
"Nagmamadali ka yata Ara." Umupo ito sa swivel chair. "Mag snacks sa ka muna."
"Ah sir may pupuntahan pa po ako," hindi mapakaling sagot niya.
"Nabalitaan ko mula sa kaibigan mong si Lili na dumating ang anak ni Tatay Isko." Matiim na tiningnan siya nito. "Diba boyfriend mo 'yon?"
Napigil ang hininga ni Samara nang marinig ang tungkol sa nobyo niya. My God, hindi trabahante ni Sir Nathanil si Tatay Isko pero parang alam na alam nito ang buhay ng mga Rumbaoa.
'Ang liit talaga ng Sandayong,' isip niya, 'Humanda ka talaga sa akin mamaya Lili.' Lihim na naiinis siya sa best friend niyang nagpa-part time sa resort.
"Opo," tanging nasambit niya.
"Graduating na ba siya?" pasimpleng tanong nito.
"Opo." Hindi niya alam kung saan patungo ang usapan nilang dalawa.
"Anong educational attainment mo Ara?" Hinagod nito ng tingin ang kabuoan niya.
Gusto niyang matakot sa mga tingin nito pero mas namula siya nang sagutin ito tungkol sa estado ng edukasyon niya. "High school po Sir Nathanil. Hindi rin po kasi ako nakakuha ng scholarship. At kailangan ko hong tulungan si Nanay sa araw-araw na gastusin at sa pagpapa-aral ng kapatid ko."
"Hindi ba may estante ka sa palengke?" tanong ng lalaki.
"Opo pero kasi Sabado ngayon, si Joseph, 'yong nakababatang kapatid ko po ang nagbabantay." Parang defensive ang dating ng sagot niya.
Napatingin ito sa kaniya ng malalim."Gusto mo bang mag-aral?"
"Opo," hindi siya nag-atubiling sumagot. "Sino naman po ang hindi pangarap ang makatapos ng pag-aaral?"
Sumandal ito sa swivel chair at tipid na ngumiti. Tila bang may gusto pang sabihin. Kahit na medyo kinakabahan si Samara ay nagkibit-balikat siya. Mas importante ang pakikipagkita niya sa katipan kaysa makipag-usap kay Sir Nathanil. Tutal natanggap na naman niya ang bayad kaya walang rason para manatili siya sa opisina ng lalaki.
"Sir, salamat po ulit rito." Pinakita niya ang bills sa mga kamay niya.
"Gusto mo bang pag-aralin kita?" biglang tanong ng lalaki.
Napalunok siya sa gulat at pilit niyang bumawi ng compsosure. Pero hindi maiwasang mautal ni Samara. "A-ano pong ko-kondisyon?"
Tiningan siya nito ng diretso sa mga mata at walang paligoy-ligoy na sumagot, "Maging akin ka."
********************************************************
A/N:
**Sandayong is a fictional municipality in Lanao del Norte. Characters and events are also fictional.
It's alright to diss the characters ha - - may pahintulot talaga mula sa akin hahaha! Actually, nag-expect ako na baka may hihinto at 'di matatapos ang story dahil sa takbo ng plot. Wow na talaga kung matatapos mo 'to hahaha.
And oh, ito ang masasabi ko.... lahat ng comments niyo regarding sa mga characters lalo na kay Samara? Na-feel ko rin 'yan hahaha!
Dedicated 'to sa mga kilala nating Samara at sa nakatagong Samara sa buhay/puso natin.