5. MALANDI.
NILINGON ni TJ si Yanna. Seryosong-seryoso ang mukha ni TJ. Mas natakot pa nga ata siya rito kaysa kila Drea, e. Bigla na lang tuloy siyang nagbawi ng tingin. At pagbaling niya kay Drea, napakunot-noo siya nang makitang tulala na ‘to.
Parang nahihipnotsimong binitiwan siya ni Drea. Natulala lang ‘to pati na rin ang dalawa pang kasamahan nito. Nakita na lang niyang napakamot ng ulo ang dalawang tibo.
Promise, gusto niyang matawa. Pa’no? Alam niya kung bakit nagkaganoon si Drea. Nawawala kasi tapang nito kapag nakakakita ng gwapo.
Gusto niya talagang matawa. Posible pala talaga ‘yon? Wow, ha. Gwapo ba si TJ? Sus. Parang hindi naman.
“’Walang gagalaw sa babaeng 'to. Tandaan niyo ‘yan. Tabi,” banta ni TJ sa mga ‘to bago siya sinama at hinilang maglakad. Hindi niya na nagawang lingunin pa sila Drea dahil sa tuling maglakad ni TJ. Hindi niya rin magawang magprotesta dahil sa…. hindi niya rin alam.
“Sakay,” utos nito sa kanya nang nasa tapat na sila ng isang tricycle. Sumakay siya pero sumakay din si TJ. “Kuya, sa Bakewell Village po,” sabi ni TJ sa tricycle driver.
Nagtaka siya. Pa’nong pati kung saan siya nakatira, alam nito? Hindi kaya stalker niya talaga ‘tong lalaking ‘to?
Tahimik lang sila sa loob ng tricycle. Awkward, wala man lang umiimik.
“Hoy. Bakit ka ba sumakay rin dito?” Siya na ang bumasag ng katahimikan nila dahil mukhang walang balak magpaliwanag si TJ.
“Walang anuman, ha?” sarkastikong sabi naman nito.
“A-ah… oo.” Bigla siyang nahiya. Oo nga, ‘di man lang siya nag-thank you.
Pero bigla na lang siyang nilingon ni TJ. “’Di ba binalaan na kita? Bakit ginawa mo pa rin? Pagpasok na pagpasok mo kanina sa room, inasar mo agad si Lexi. O, ano ka ngayon? Kung hindi pa ‘ko dumating, malamang pinagtutulungan ka na ng mga ‘yon ngayon.”
Bigla na lang pumasok sa isip niya ang banta nito kanina. At doon niya lang naintindihan ang ibig sabihin nito.
Ibig sabihin, ang muntik nang mangyaring away sa pagitan nila ni Drea ang tinutukoy nito sa sinabing kung ayaw niyang masaktan? At totoo ngang si Lexi ang may pakana no’n? What a loser. Hindi siya nito malabanan sa salitaan kaya ipapabugbog na lang siya, gano’n?
Seryoso, nakikipagbugbugan talaga sila Drea. Matatakot ba siya kung alam niyang wala naman talagang ibubuga ‘yung mga ‘yon? Hindi, e. Kaya nga kicked out sa school nila si Drea. Napanuod niya kaya ang video ng away nito noong 3rd year pa lang sila sa isang 4th year student.
“Bakit hindi mo kasi pinaliwanag kanina? Akala ko naman sasaktan mo ‘ko kapag hindi ko tinigilan si Lexi,” sisi niya pa kay TJ. At talagang nanisi pa siya, ‘no?
“Tanga ka ba? Tingin mo kaya kong saktan ka?”
Napa-awang ang mga labi niya. “H-huh?”
“Ang ibig kong sabihin…. hindi ako sanay manakit ng babae. Kaya…. Hindi ko kayang manakit ng babae…. physically,” paputol-putol na paliwanag ni TJ.
Her mouth formed an ooh. Physically, maybe. But emotionally, maybe yes.
“Teka nga… Pa’no mo pala nalamang kinausap ni Lexi si Drea?” nagtatakang tanong niya.
“Nakita ko lang sa text kanina sa cellphone niya,” simpleng sagot nito.
“Oohhh…” Oo nga pala, boyfriend. Napabuntong hininga na lang siya. “S—salamat…”
Biglang napalingon si TJ sa kanya. “Ano’ng sabi mo?”
“H-huh? S-sabi ko ang pangit ng apelyido mo! O-oo, iyon. Salamat? Baduy!” she stammered.
“Hoo.” Umiling na lang si TJ habang may ngiti ang sumilay sa mga labi.
Wow, alam pala ni TJ kung pa’no ngumiti?
Pumara na siya nang makarating na sila sa village niya. Hindi na niya pinapasok pa ang tricycle dahil nakasanayan niya na ang naglalakad papasok sa village nila dahil hindi naman kalayuan ang bahay nila.
“O, bakit hindi ka na sumakay? Stalker ka talaga? Umuwi ka na nga!” pagtataboy niya kay TJ nang paalisin na nito ang tricycle nang hindi ito kasama.
“Feeling mo naman,” bale-walang sabi nito at nilagpasan na siya. Tuloy-tuloy ‘tong pumasok sa village nila. Don’t tell her sa village din nila nakatira si TJ?
Kasunod siya nito habang naglalakad, at tama nga ang hinala niya!
“Hoy! Kayo ba ‘yung bagong lipat dyan?” tawag niya kay TJ nang akmang bubuksan na nito ang gate ng bahay.
“Hindi. Itong bag ko lang ata?”
“Wow. Masaya?” naniningkit ang mga matang balik niya.
“Ha?” takang tanong ni TJ.
“Hotdog.”
“E, cheesedog.”
Aba’t talagang ayaw paawat ng mokong? “Tae mo.”
“Bilog-bilog.”
“Yuck! Kadiri ‘to!”
“Ako pa’ng naging kadiri? Ano ba’ng sinabi ko? E, ikaw ‘tong may sabi ng tae dyan. Tss.” Tsaka tuloy-tuloy na pumasok na sa bahay ang walang’ya.
“Tsshhh... Pangeeeet!” pahabol na sigaw niya. Napahiya siya ro’n, ha. Buti na lang walang audience.
Humahaba ang ngusong pumasok na rin siya sa loob ng bahay nila. Wala pa ang mommy niya at ang kasamabahay nilang si Ate Lulu lang ang naabutan niya. Tuloy-tuloy na umakyat na lang siya sa kwarto niya.
Naman! Hanggang sa bahay ba naman…. Pader lang ang pagitan nila, e. School, room, club…. at pati ngayon, sa bahay? Ugh! Bakit hindi niya alam na ang pamilya ni TJ ang bagong lipat na kapit-bahay nila? So stupid of her.
**********
BAKIT ang sunga-sunga ni Yanna? Hindi alam na kami ang bagong lipat dito? Isang linggo na kami rito, jusko naman po, hindi makapaniwalang naisip ni TJ.
Kung sabagay, hindi naman sila nagkikita sa loob ng village. Ngayon lang. Pa’no naman kasi, late laging pumasok si Yanna tapos ‘pag uwian naman, hindi rin sila nagkakasabay.
Bumuntong-hiningang ibinagsak niya sa kama ang katawan niya at pumikit. Hindi siya makapaniwala. Napakalaki na talaga ng pinagbago ni Yanna. Dati, hindi man lang ‘yon makatingin ng diretso sa kanya. Pero ngayon, lahat binabara. Katulad na lang kanina, parang wala lang at parang kayang-kaya nito ang paghahamon nu’ng Drea na ‘yun.
Narinig niya kasi ang pakikipag-usap ni Lexi kay Drea kaya nga binalaan niya si Yanna. Pero tigas ng ulo, hindi pa rin nakinig. Buti na lang talaga’t sinundan niya… Kargo de konsensya ko pa ‘pag nagkataon, iiling-iling na naisip niya. Natawa pa siya. Kargo de konsensya? Sa’n ko napulot ‘yun? Napangiti na lang siya.
Kahit na nga ba hindi niya na dapat pakialaman si Yanna, hindi pa rin kaya ng konsensya niya. ‘Ba naman, kinakailang naging boyfriend siya, e.
Hindi niya alam kung may nagawa ba siyang mali kung bakit iniwan siya ni Yanna noon at ngayon naman, e, kinakaila siya. Mas lalo tuloy niyang gustong gantihan si Yanna.
***
“HELLO?” sinagot ni Lexi ang tawag ng kaibigang si Andrea.
“Sorry, Lexi. Hindi namin nagawa,” pagbibigay-alam agad ng kaibigan.
“What?! Why?!” hindi makapaniwalang bulalas ni Lexi.
“Kasi, ano… dumating ‘yung boyfriend niya. Gagu, ang gwapo!” At kinilig pa!
Biglang nangunot ang noo niya. Ano’ng pinagsasasabi ni Drea? E, alam niyang wala namang boyfriend si Yanna.
“Walang boyfriend si Yanna, Drea, alam mo ‘yan. Never pa siyang nagka-boyfriend.”
“Sira ka ba? Ano’ng malay ko sa buhay buhay niyo? Updated ba ‘ko? Malay ko kung meron na!” ganting bulyaw nito sa kabilang linya.
Alam niya naman ‘yon, dahil 3rd year pa lang, kicked out na si Drea.
“Pero wala siyang boyfriend!” pilit niya. Dahil kung meron, malamang na kalat na ‘yon sa buong year level nila.
“E, meron nga, e!”
“s**t, Drea. Sinabi nang wala!”
“s**t ka rin, Lexi. Sinabi nang meron, e! Gwapo nga! Gwapo!” and she heard another giggle from the other line.
“Shet talaga, Drea. Ang landi mo, basta gwapo! Manang-mana sa’kin!”
“Tigas ng mukha nito! Haha! Pabayaan mo na ‘yung si Yanna, friend. May boyfriend naman na pala, hindi mo na kaagaw sa boyfriend mo ‘yun.”
She gritted her teeth. “Sige na nga! Hmp! Thank you na lang. Bye!” She ended the call.
Pero pagkatapos na pagkatapos ng pakikipag-usap niya kay Drea, nakatanggap na agad siya ng text. Gano’n na lang ang tuwa niya nang mabasa kung sino ang sender ng text.
Si TJ! Kulang na lang mag-happy dance pa siya.
[From: Baby Ko
Lexi, agahan mo bukas. Kita tayo sa harap ng comp lab. 6:30]
Sobrang kinilig siya nang mabasa ang message galing kay TJ. Pinapaagahan nito ang pasok niya para lang magkita sila? Kung kanina, inis na inis siya sa balita ni Drea, nawala na ‘yon isang text lang ni TJ.
She hurriedly replied.
[To: Baby Ko
Kay, babe!]
**********
KINABUKASAN...
“No, TJ! Isang linggo pa lang tayo! No way!”
Kanina pa nakukuli ang tenga ni TJ sa paulit-ulit na sinasabi ni Lexi. Playboy siya tapos aasa si Lexi na magtatagal sila ng mahigit isang linggo? Naawa lang naman talaga siya kaya sila nagtagal ng isang linggo, e.
‘Yun ang dahilan kung bakit pinapunta niya ng maaga si Lexi sa harap ng computer laboratory. Ang makipag-break kahit hindi naman talaga official na naging sila.
“Lexi, hindi naman talaga naging tayo, di ba? You just assumed. Pinagkalat mo pa. Now, I want out.”
Natameme bigla si Lexi sa sinabi niya. “B-bakit, TJ? May bago ka na ba?”
Joke ba ‘yon? “Ano ba namang tanong ‘yan, Lexi? Alam mo namang nakikipag-date rin ako sa iba habang feeling mo tayo, di ba?” Kaunti na lang, maiirita na talaga siya.
“Y-yes….. But that’s because you’re not serious with them!”
“At sa tingin mo seryoso ako sa’yo?” Hihirit pa sana ulit si Lexi pero inunahan niya na dahil ayaw niya nang magtagal pa ang usapan. “Ipagkalat mo na lang din na ikaw ang nakipag-break at hindi ako. Gumawa ka na lang ng istroya. Malaki ka na, kaya mo na ‘yan. Tapos na tayo.” Iyon lang at iniwan na ni TJ si Lexi.
Bahala nang mag-isip ‘yung si Lexi. Du’n naman magaling ‘yun, e.
**********
“HELEN Arianna Santanaaaa!” Nagulat si Yanna nang pagdating nilang tatlo nila Bea at Julia sa tambayan nila, sabay sabay na sinigaw nila EJ at Kiray ang pangalan niya. Maliban kay Yen na iiling-iling lang habang seryoso ang tingin sa kanya.
“What? Kinakabahan ako sa mga mukha niyo, ha. May problema ba?” tanong niya.
Sila Bea at Julia kasi, kanina pa siya hindi pinapansin sa classroom pa lang. Para siyang kumakausap sa hangin. Ni hindi siya kinakausap. Parang mga galit na hindi niya maintindihan. Mabuti nga ngayon at pumayag ‘yung dalawa kahit na sumabay lang siya papunta sa tambayan, e. Pero ang dadatnan niya pala, mga mukhang galit din sa kanya.
Hindi niya alam kung ano’ng nagawa niya. Bakit ang tataray ng mga kaibigan niya sa kanya ngayon?
“Guys, may nagawa ba ‘kong mali? Galit ba kayo?” nag-aalalang tanong niya.
Pero hindi siya pinansin ng mga kaibigan niya. Sa halip, lantarang nagbilang si Bea. “One, two, three….”
“Helen Arianna Santana! Galit kami sa’yo! Malandi ka!”
— — — — — — — — — — — — — — —