“Totoo nga ang balita. Buntis nga ang anak ni Choleng. Pinagmamalaki pa naman niya yan dahil responsableng anak tapos ngayon ay buntis na walang asawa,” bulong ng isang namimili sa tindahan ni nanay dito sa palengke.
Kasama niya na kasi akong nagtitinda dahil naiinip talaga sa bahay. At saka nag-aalala rin kasi si nanay kapag mag-isa lang ako na naiiwan sa bahay dahil baka raw may mangyari sa akin.
Kaya naman sumama na lang ako para na rin tulungan siyang magtinda. Maraming tao kapag umaga dahil nga para sa almusal kaya talagang hindi pala talaga magkandaugaga si nanay.
Iniisip ko nga kung paano niya nagagawa na nagbebenta mag-isa na maraming customers.
Paano niyang napagsisilbihan ang lahat ng mga nakapila?
Kaya mas lalong nadagdagan ang paghanga at pagmamahal ko kay nanay dahil lahat talaga ay kinakaya niyang gawin.
Pero heto ako at isang malaking kabiguan.
Sa halip na ako ang makatulong ay ako pa ngayon ang dahilan kung bakit nagdodoble kayod pa ang nanay ko.
Dati kasi ay hanggang tanghali lang siya nagtitinda ngunit ngayon ay maghapon na dahil marami pa rin naman daw ang namimili at sayang ang benta.
At dahil iyon sa akin at sa batang pinagbubuntis ko.
Gusto ni nanay na makaipon ng malaki dahil hindi raw namin alam kung anong mangyayari sa oras ng panganganak ko.
Mabuti na raw ang nakahanda kami sa anumang pwedeng mangyari lalo na sa usapin ng gastos.
Ayaw na ayaw ni nanay na lalapit sa kung saan para manghingi ng tulong dahil talagang hanggat kaya niya raw na gumawa ng paraan ay hindi siya mamalimos ng tulong sa kung saang mga ahensiya.
Hindi naman daw sa nagmamalaki siya o ma-pride na tao ang nanay ko pero ang panganganak daw kasi ay pinaghahandaan dahil ilang buwan pa naman ang bibilangin para magluwal ng sanggol. At hindi uri ng sakit na biglaan kung dumapo sa katawan ng tao.
“Alam niyang may girlfriend ang lalaki pero nagpabuntis? Ilalaban niya pa na kesyo break na raw kaya pala nagkaroon ng pagkakataon na makasingit,” dinig ko pang tanong ng isang babae sa kausap niya.
Wala si nanay dahila naubusan kami ng plastic bag na lalagyan kaya sumaglit muna sa loob ng palengke.
“Akala siguro makakasilo ng mayaman at gwapo. Balita ko ay nasa korea na raw iyong lalaki at anak pa raw ng isang mayamang negosyante na walang anak kung hindi si Lee lamang,” ani pa ng isang babae.
“Iyon din ang nakarating na kwento sa akin. At ang babaeng yan daw talaga ang lapit ng lapit kay Lee. Siyempre lalaki? Tutuka talaga.” Pang-iinsulto pa nila.
Tama nga rin marahil ang nakarating na balita sa akin.
Kaya pala hindi ko na nakita si Lee ng araw na nagpunta ako sa compound nila ay nauna na pala siyang nagpunta ng korea para magtagpo sila ng kanyang ama habang ang nanay niya ay naiwan naman sa kanila.
Gusto ko nga sanang sabihin kay nanay ang tungkol doon ngunit hindi ko na lang ginawa.
Sa dami ng nakakaalam na buntis ako at siya ang ama ay imposible naman na hindi niya malaman. Hindi ganun kalakihan ang bayan namin kaya naman halos magkakakilala ang lahat ng mga nakatira rito maliban na lang kung may nga dayo.
Patuloy lang ako sa paglalagay ng palabok sa styro para sa mga bumibili at hindi na lang masyadong pinapansin ang mga babaeng harapan kung ako ay pag-usapan.
Para bang alam nilang lahat ang kwento?
Hindi ba nila alam na ang bawat kwento ay hindi lang iisa ang mukha?
Ngunit wala akong magagawa kung ano na ang kanilang naging pananaw.
Malamang na sa mga paningin nila ay isa akong masamang babae.
“Ang kakapal naman ng mga mukha niyo para pag-usapan ang anak ki habang nasa harap kayo ng tindahan ko?”
Bigla akong nagtaas ng tingin ng marinig ang boses ni nanay na ngayon ay nakaharap sa tatlong babae na nagkukuwentuhan patungkol sa akin.
Lumapit ako agad para pigilan na siya dahil hindi rin maganda na nang-aaway siya ng mga customer.
“Totoo naman, hindi ba? Nagpabuntis ang anak mo dahil sa akala niya ay makakaahon na siya sa hirap dahil mayaman ang lalaking tinarget niya?” matapang na pagharap din ng isang babae kay nanay.
“Bakit kung makapagsalita kayo ay parang alam niyo kung ano talaga ang buong kwento? Nakita niyo na kung nasaan ang anak ko ngayon? Narito sa tabi ko at hindi naghahabol ng kung anong yaman na sinasabi niyo,” pagtatanggol sa akin ng ni nanay ngunit mas gusto ko na huwag niya na lang patulan para wala ng gulo.
“Nay, huwag niyo na po silang patulan,” awat ko na kay nanay.
“Tama! Makinig ka sa anak mong disgrasyada. Huwag ka ng makipag-away pa dahil totoo naman talaga na buntis siya. Hayan at ang laki-laki ng tiyan,” saad pa ng isang babae na para bang diring-diri sa pagbubuntis ko.
“Lumayas kayo sa tindahan ko dahil ayoko ng malas.” Mahinahon na pagtaboy ni nanay sa tatlong babae.
“Aba'y, huwag mo kaming pagtabuyan at kusa talaga kaming aalis! Akala mo naman ay pagkasarap-sarap ng mga paninda mo!” asik kay nanay ng isang babae.
“Mas mabuti nga ho na umalis na kayo ng matiwasay,” sabi ko na rin dahil marami ng nakakarinig sa kanila.
“Ang arte ng mag-inang to! Akala mo kung sinong malilinis gayong pareho lang naman na mga disgrasyada! Kung ano ang puno ay siya rin talaga ang bunga!” sabay tawanan ng tatlong babae habang sinipa pa ang mga bangko at lamesa sa tapat ng aming tindahan.
“Magsilayas kayong mga tsismosa kayo!” galit na galit na pahabol pa ni nanay.
Nang makaalis ang mga babae ay pinaupo ko na muna si nanay sa bangko at saka binigyan ng tubig.
“Nay, kalma. Huwag niyo na pong pinag-iintindi ang ganung mga tao,” wika ko kay nanay na nanginginig na sa galit.
Uminom naman si nanay ngunit nangingini ang kanyang kamay na pinang hawak ng baso.
“May mga tao talagang ubod ng mga tsismosa! Pati buhay ng may buhay ay pinapakialaman kahit wala naman silang kinalaman!” pagbubusa pa ni nanay na iniwan ko na muna habang nagpapahinga dahil humaba na ang pila sa aming tindahan.
Habang nagtatakal ako ng mga pagkain ay iniisip ko ang kahihiyan na naman na dinulot ko kay nanay.
Ako na naman ang dahilan kung bakit siya galit na galit ngayon.
Maya-maya ay nakarinig kami ng mga customer ng malakas na kalabog.
At ganun na lang ang pagkabigla na naramdaman ko ng makita na nakahandusay ang nanay ko sa maruming sahig ng palengke.
“Nay!” sigaw ko at saka lapit kay nanay na wala na yatang malay.
Mabuti na lang at hindi nag-atubili ang mga tao sa paligid para tulungan ako.
Sila ang nagtulong na buhatin si nanay para madala na sa ospital.
Hemorrhagic stroke raw ang nangyari sa nanay ko ayon sa finding ng doktor.
Mabuti na lang daw at nadala agad siya aa ospital dahil baka mas malala pa ang inabot niya kapag nagkataon.
Okay naman ang galaw ng katawan niya bagamat dapat nagpapahinga na muna siya.
Maswerte ang nanay ko dahil hindi siya tuluyan na stroke.
At nakakakilos pa rin naman. At nakakapagsalita pa ng tuwid
Nakahiga si nanay at tulog na tulog sa kanyang hospital bed.
Awang-awa ako sa nanay ko.
Dahil sa kagagahan ko ay umabot na siya sa pagka-stroke.
Galit na galit ako sa sarili ko na pati ang nanay ko ay nadadamay sa mga kung anong mali sa buhay na nagawa ko.
“Nay, sorry. Sorry po ng dahil sa akin ay na stroke ka pa. Patawarin niyo ako, nay,” ang umiiyak kong paghingi ng tawad kay nanay.
Sisising-sisi ako.
Hindi mangyayari ang lahat ng mga ito kung hindi ako naging tanga.
Kung hindi sana ako naging gaga.
“Paano na lang po ako kung tuluyan kayong nawala, nay? Paano ako lalaban kung wala na akong kakampi?” sabi ko pa.
“Anak, buhay pa ako,”
Biglang tigil ang pagluha ko sa narinig.
Gising na si nanay.
“Nak, ngayon pa ba kita iiwan na magkakaroon na ako ng apo?”
Napaluha ako lalo dahil hanggng kamatayan ay nilabanan ni nanay para huwag niya kaming iwan.
“Nay, patawad po na nilagay kita sa ganitong sobrang gulo na sitwasyon,” ani ko kay nanay.
Umiling si nanay.
“Ako ang dapat na humingi sayo ng tawad, anak. Kung sanang pinaglaban ko ang karapatan ko dati o iginiit ko ang sarili ko sa tatay mo ay baka hindi ako naging disgrasyada at hindi ka tampulan ng tukso ngayon,” wika ng nanay ko na hinawakan ang aking kanang kamay.
Ako naman ang umiling.
“Hindi po, nay. Tama lang po ang ginawa niyo. Kaya nga dapat ginaya talaga kita. Ginaya kita sa paraan na hindi dapat ipilit ang sarili sa taong hindi ka naman talaga gusto.”
Dapat talaga nagmana ako kay nanay.
Kung iyon ang ginawa ko ay hindi sana ako buntis ngayon at hindi ko nakakaladkad sa kahihiyan pati ang nanay ko.
“Hayaan mo, anak. Kahit anong mangyari. Kahit anong marinig mo na galing sa ibang tao ay huwag kang magpa-apekto. Intindihin mo lang ang apo ko hanggang sa makalabas na siya sayo. Ako ang nanay mo at ako ang magtatangol sayo.”
Kahit napahamak na siya sa pakikipag-awag dahil sa akin ay balewala lang sa nanay ko.
Kaya dapat talaga nagmana ako sa ugali niya.
Tipong walang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.
At kasalanan na naman ni Lee ang nangyari sa nanay ko.
Siya at ang kanyang matapobreng pamilya.