PROLOGUE
“Marien, hindi ka pa papasok dito sa loob? Giginawin ka riyan.” Napalingon siya sa Lolo Jaime niya.
“Sandali na lang po, Lo.” Hinapit niya nang mabuti ang jacket sa katawan. Giniginaw na nga siya. Dala na rin marahil ng malamig na simoy ng hanging disyembre. Limang araw na lang kasi at pasko na.
Ngumiti ito sa kanya bago marahang lumapit at hinawakan ang kamay niya. “Huwag kang mag-alala, dadating din ‘yun. Baka na trapik lang.”
“Ngayon na po ang pinakahihintay kong araw, Lolo.”
“Tandang-tanda mo pa rin ang pangakong iyon? Sampung taon na rin ang nakalipas, hindi ba?”
Niyakap niya ang matanda. “Ang pangako ay pangako. Kapag hindi tinupad ng lalaking iyon ang pangako niya, hindi ko siya papansinin kahit kailan.” Nakaingos na sabi niya.
Tumawa ng malakas ang Lolo niya. Kumalas ito ng yakap at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Apo ka talaga ng Lola mo, mana ka sa kanya na sobra kung magtiwala sa isang pangako.”
“Wala naman po kasing masama kung magtitiwala.”
“At ayaw kitang nakikitang nasasaktan dahil doon.”
Tumingin siya ng tuwid dito. “Sa atin na nakatira si Kaloy mula pa noong bata pa siya kaya alam kong alam niyo ni Lola, na hindi niya ako kayang saktan. Tutuparin niya ang pangako niya, alam ko.”
“Paano kung hindi na niya naalala?” napalunok siya sa tanong ng Abuelo. Paano nga kung nakalimutan na nito? Ayaw niyang isipin. Natatakot siya sa ideyang baka umaasa lang siya sa wala.
“Tutuparin niya.” Kahit hindi sigurado ay matapang na wika niya.
“Malalaman natin mula mismo sa kanya.” sinundan niya kung saan nakatingin ang Lolo Jaime niya. Si Kaloy! Mula sa kinatatayuan nilang balkonahe ay kitang-kita niyang pumasok sa gate ng bahay ang Hi-lux nitong kulay gray.
“Susunduin ko po siya, Lo.” Excited na sabi niya bago bumaba. Halos matisod pa siya sa sobrang pagmamadali niya.
“Dahan-dahan lang, Marien!” pahabol pa nito.
Hindi niya pansin ang sobrang lamig. Agad niyang tinungo ang garahe. Nakitang palabas ito ng kotse at akmang bubuksan ang backseat door pero hindi nito naituloy nang makita siya.
Ngumiti ito sa kanya. “Ilang tigre ang humahabol sayo, Marie?” ginulo nito ang buhok niya.
Kunwaring sumimangot siya rito. “Ilang beses ko bang sasabihin sayo na ayaw kong tinatawag mo akong Marie. Hindi ako biscuit.”
Tumawa ito ng malakas. “Bahala ka, Marie.”
“Kaloy! Hindi talaga kita papansinin!” Nakasimangot na sabi niya.
Muli nitong ginulo ang buhok niya. “Stop acting like a kid. Act like a woman because it’s your 18th birthday today.”
“Kaloy…”
“Akala mo ba nakalimutan ko ang espesyal na araw na ito, ay para sa iyo? Happy Birthday Marien.” Bigla siyang napahawak sa dibdib. Dinig na dinig niya ang malakas na tambol niyon. She’s been waiting this moment for almost ten years. Tutuparin na nito ang pangakong papakasalan siya sa kanyang ika-labing walong taong kaarawan niya.
“A-Alam kong hindi mo nakakalimutan.” Napalunok siya ng laway sa sobrang kaba.
“Syempre naman and because of that, I have something to say.” kitang-kita niya sa mga mata nitong ang sobrang pagkagalak. “Alam mo bang ito na rin ang pinakamasayang araw sa buong buhay ko? Ang saya ko dahil makakasama ko na ang babaeng kahati ng buhay ko.”
Mas lalong lumakas ang dagundong ng puso niya. Gusto niyang maiyak sa sobrang saya, so sobrang kaba. Iniisip niya kung nasa loob ba ng suot nitong pantalon na ibibigay sa kanya o baka himatayin siya kapag lumuhod na ito.
“Ang tagal kong hinintay ang araw na ito, Marie. Ngayong araw ako mas naging kompleto bilang Carlos Miguel Formosa.”
“K-Kaloy…” hinawakan niya ang pisngi nito. Marahan niya iyong hinaplos.
“I’ve been waiting for her all my life at ngayong dumating na siya, I will make her happy for the rest of her life.”
Kumunot ang noo niya. Bakit parang iba? Ang labo bigla ng mga sinasabi nito? Sinong babae? May iba pa bang babae bukod sa kanya?
“A-Anong pinagsasabi mo, Kaloy? Hindi kita maintindihan.” napaatras siya mula rito.
“Marie,” tumungo ito sa likurang bahagi ng sasakyan. Halos madurog ang puso niya nang mula roon ay bumaba ang isang babae. She’s so pretty, so classy with her long blond hair na lagpas balikat. Simple lang ang suot nito pero ang gandang tingnan. Ngumiti ito ng makita siya. Napatingin siya kay Kaloy na inalalayang makababa ang babae. Ingat na ingat ito na para bang isang babasaging kristal ang hawak nito. Hinaplos pa nito ang mukha ng babae bago humarap sa kanya. “I want you to meet, Kara, ang kalahating bubuo sa pagkatao ko.”