Kinabukasan, maagang nagising si Vanessa pero wala na si Angelo sa tabi niya. Hindi niya alam kung anong oras ito umalis dahil sa sobrang himbing ng kanyang tulog kagabi. Hindi na rin niya nagawang kumain ng hapunan dahil tuloy-tuloy na ang kanyang mahimbing na pagtulog dahil sa pagod sa ginawa niyang pagliligo sa ilog. Kaya hindi na siya nagtaka kung bakit kumukulo na ang kanyang tiyan dahil sa gutom na nararamdaman.
Umalis siya sa ibabaw ng kama at bahagyang kumunot ang noo nang magkita ng isang sticky note na nakadikit sa malaking salamin niya sa kwarto. Kinuha niya 'yon at may sumilay na ngiti sa labi niya nang mabasa ang nakasulat doon. Nakagat niya rin ang labi dahil sa kilig na nararamdaman dahil iyon ang unang beses na ginawa iyon ni Angelo.
'Good morning, honey.. How was your sleep? Did you dream of me last night? Dahil ako, lagi kang kasama sa mga panaginip ko. I'm sorry kung di na ako nakapagpaalam bago ako umalis kagabi. Ang himbing kasi ng tulog mo at hindi naman ako ganun kasama para gisingin ka pa. Anyway, don't forget to eat your breakfast bago ka pumunta sa bahay. Hihintayin kita..'
-C.A
Ilang beses pa niya 'yong paulit-ulit na binasa bago niya inilagay sa drawer ang maikli pero sweet na mensaheng galing dito. Minsan lang maging sweet sa kanya si Angelo kaya itatago niya 'yon para naman kahit papaano ay may remembrance siya sa pagiging sweet nito dahil minsan lang iyon mangyari. Hindi naman masama sigurong kiligin siya. Hindi naman niya kinakalimutan ang lugar niya sa buhay ni Angelo. Kikiligin lang siya pero hindi siya aasa.
Pagkatapos niyang gawin ang kanyang morning rituals ay lumabas siya agad ng kanyang kwarto. Iniwasan niya ang lumikha ng kahit na anong ingay dahil tulog pa ang kasama niya sa bahay. Maaga pa naman at nauna lang siyang nagising dahil maaga pa nang matulog siya kagabi.
Dumiretso siya sa kusina at naghanap ng pwedeng lutuin para sa almusal. Simpleng pagkain lang naman sa almusal ang mayroon sila dahil hindi naman sila mayaman. Ginawa niya lang fried rice ang natirang kanin sa dinner kagabi at ininit niya lang ang natira pang ulam. Nagprito lang din siya ng itlog at hotdog para sa kapatid niya. Nagprito din siya ng tuyo para sa kanya at sa magulang dahil isa iyon sa hindi pwedeng mawala sa almusal nila. Katuwang ng sukang mahalang/maanghang na mayroong sibuyas at bawang.
Mabilis lang siyang natapos sa pagluluto at kumain agad siya dahil maaga siyang pupunta sa bahay ng kanyang Ate Caren. Baka mainip si Angelo at puntahan na naman siya nito. Napaka-sumpungin pa naman ng lalaking 'yon.
Saktong tapos na siyang kumain nang pumasok sa kusina ang kanyang mama para sana magluto ng almusal. Kasama nito ang kanyang Tito Ziggy na pinaghanda na lang nito ng pagkain nang makitang nakapagluto na siya. May trabaho ang tito niya kaya maaga rin itong kumain ng breakfast samantalang mamaya pa kakain ang mama niya kasabay ng bunso niyang kapatid.
Nagpaalam lang siya sa mga ito at agad din siyang umalis ng bahay para puntahan si Angelo. Mabilis naman siyang nakasakay ng tricycle at pagkalipas ng ilang minuto ay nakarating siya sa harap ng bahay ng kanyang Ate Caren. Pinapasok agad siya ng guard doon at malaya siyang nakapasok sa loob ng bahay dahil gising na ang mag-asawa at kasalukuyang nagkakape sa teresa ng bahay.
"Good morning po, Ate Caren. Sa'yo din po, Kuya CJ. Gising na po ba ang kambal?" nakangiting wika niya at binati din naman siya ng mga ito pabalik habang parehong may ngiti sa labi.
"Tulog pa ang kambal. Puntahan mo na lang si Angelo at gisingin mo na rin siya dahil may sasabihin kami sa inyong dalawa. May hihingin kaming favor sa'yo pero kailangan muna naming makausap si Angelo," nakangiting wika ng kanyang Ate Caren at kahit naguguluhan ay tumango na lang siya. Bago niya iniwan ang mga ito sa teresa para puntahan si Angelo sa kwarto nito.
Malaya siyang nakapasok sa kwarto ni Angelo dahil hindi naman ito naglolock ng pinto lalo na kapag inaasahan siya nitong pupunta doon. Nakahiga pa ito sa kama at mahimbing na natutulog katulad nang sinabi ng kapatid nito. Wala itong suot na pang-itaas at natatakpan ng puting kumot ang ibabang bahagi ng katawan nito kaya hindi niya alam kung may suot itong pang-ibaba o wala. Pero sa ilang taon na pagkakakilala niya dito ay laging may suot itong pang-ibaba kapag natutulog at wala lang pang-itaas.
Lumapit siya sa malaking bintana at hinawi ang makapal na kurtina para makasapasok ang liwanag galing sa labas. Binuksan niya rin ang pinto patungo sa balcony ng kwarto nito para makapasok ang sariwang hangin. Doon lang unti-unting nagising si Angelo at agad na sa kanya tumuon ang mga mata nito. Ilang beses pa itong pumikit na tila inaantok pa at bahagyang kinusot ang mata na parang bata. At agad na sumilay ang matamis na ngiti sa labi nito bago bumukas ang bibig para batiin siya.
"Good morning, honey. Damn! Namiss ko ang magising sa umaga na ikaw ang unang nakikita," malawak ang ngiting anas nito at bahagyang nag-init ang kanyang mukha dahil sa hindi niya maiwasan ang kiligin sa sinabi nito. Papaano ba niya maiiwasang hindi mahulog dito, kung sa matatamis pa lang nitong salita ay sobra na siyang apektado. Hayy...
"Tigilan mo nga ako sa mga banat mong 'yan. Ang sabihin mo, namiss mong gawin akong alarm clock sa umaga, alilain at pahirapan araw-araw," pagsusungit niya dito para pagtakpan ang totoong nararamdaman.
"Grabe ka naman sa'kin. Hindi naman ako ganun kasama katulad nang sinasabi mong pinapahirapan at inaalila kita. Ugali ko lang naman ang sobra sa'kin pero minsan lang naman," nakangusong wika nito na inikutan niya lang ng mata. May katotohanan naman ang sinabi nito kaya hindi na lang siya nakipag-debate pa dito.
"Pinapunta ako dito ni Ate Caren para gisingin ka at may pag-uusapan daw kayo. Kaya bumangon ka na diyan dahil tanghali na," wika niya at lumapit dito para hilahin ito paalis sa kama.
Nakipaghilahan naman ito sa kanya at tinatawanan lang siya nito dahil hindi siya manalo. Hanggang sa hindi niya sinasadyang mahila ang kumot na nakabalot sa ibabang bahagi ng katawan nito at pareho silang natigilan dahil walang kahit na anong saplot sa katawan si Angelo. O-M-G!
Parehong namimilog ang kanilang mata at base sa ekspresyon ni Angelo ay hindi din nito inaasahan ang nangyari. Nagtaas-baba ang mata niya sa gulat na mukha nito at sa hubad nitong katawan lalo na sa pribadong parte nito. Agad naman nitong tinakpan ng unan ang private part nito nang makitang doon siya nakatingin. Sobrang nag-init ang kanyang mukha dahil sa sobrang hiya at pansin niya rin ang bahagyang pamumula ng mukha ni Angelo. Oh gosh!
"B-bakit mo hinila?" nauutal na anas nito at hindi makatingin ng diretso sa kanya. Hindi pa rin siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan dahil malinaw pa rin sa kanyang isipan ang nakita. He's really gifted sa lahat-lahat, lalo na sa parteng iyon.
"H-hindi ko naman sinasadya. Hindi ko rin naman alam na wala ka palang saplot sa katawan. H-hindi ko naman nakita. Tama, hindi ko nakita," wika niya habang namumula ang mukha at parang pareho silang nailang sa isa't-isa. Bakit ba naman kasi nakahubad ito habang natutulog? At bakit gising 'yong ano— oh gosh!
"Yeah, hindi mo nakita dahil hindi mo lang basta nakita. Tinitigan mo pa," may pang-aasar na wika nito na tila nakabawi na sa nangyari.
"A-anong tinitigan ka diyan? Nagulat lang ako pero di ko tinitigan," defensive na wika niya at narinig niya ang mahina nitong pagtawa.
"We're married, honey. Kaya normal na sa atin ang makita ang katawan ng isa't-isa. Hindi lang natin inaasahan kanina pero soon mangyayari din naman 'yon. At kung iniisip mo na sinadya kong maghubad, you're very wrong, honey. Dahil after kong maghalf-bath kagabi pagkauwi galing sa bahay niyo ay bagsak agad ako sa ibabaw ng kama ko. Mauna ka nang lumabas ng kwarto. Susunod na lang ako after kong mag-shower," saad nito at tahimik lang siyang tumango bago may pagmamadaling lumabas ng kwarto. Narinig pa niya ang pilyo nitong pagtawa bago siya tuluyang makalabas na lalong ikinapula ng kanyang mukha dahil sa hiyang nararamdaman.
Nagtungo na lang siya sa living room kung saan naghihintay ang mag-asawa. Hindi siya makatingin ng diretso sa mga ito dahil hindi pa rin siya nakakabawi sa nangyari sa loob ng kwarto ni Angelo. Nag-iinit pa rin ang tenga at mukha niya at ayaw niyang mapansin iyon ng kanyang Ate Caren dahil baka wala siyang maisagot kung sakaling magtanong ito. Hindi naman kasi niya pwedeng sabihin na nagkita siya ng 'angry bird' sa kwarto ni Angelo. Isang malaking 'angry bird'.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating din si Angelo sa living room at basa pa ang buhok nito. May pilyong ngiti ito sa labi at mabilis siyang nag-iwas ng tingin dito nang kindatan pa siya ng pilyo niyang asawa. At tila nananadya pa ito dahil sa tabi pa niya ito umupo kahit na sa pang-isahang sofa lang siya nakaupo. Kaya halos maipit siya ng malaki nitong katawan. Ipinatong pa nito ang mga braso sa sandalan ng sofa kaya parang naka-akbay na rin ito sa kanya.
"What? Dito ako mas kumportableng umupo," inosenteng wika nito nang makitang dito nakatuon ang atensyon ng kapatid.
"Okay. Ikaw na lang ang lumipat,Vanessa. Dito ka sa kabila," wika ng Ate Caren niya na ikinasimangot ng kanyang katabi. Tiningnan pa siya nito ng masama na tila tinatakot siyang huwag sumunod pero hindi siya nagpasindak dito. Lumipat siya sa kabilang sofa at wala na itong nagawa para pigilan siya.
"Mas kumportable pala ako dito sa kabila," wika pa nito at aktong tatayo para lumipat na naman sa tabi niya pero sinamaan ito ng tingin ng kapatid kaya nanatili na lang ito sa kinauupuan. Lihim na lang siyang napangiti nang irapan siya ni Angelo.
"Nag-request kahapon ang kambal at gusto daw nilang magbakasyon kasama ang kanilang lolo at lola. Kaya nagpasya kami na pagbigyan ang mga ito total naman ay nandoon na rin si Carla Jane. Magbabakasyon na rin kami at baka matagalan bago makabalik dito. Kaya gusto naming malaman kung sasama ka o dito ka lang sa isla? Hindi naman namin pwedeng isama si Vanessa dahil katulong din siya ng mama niya sa kanilang bahay at tindahan," wika ng Ate Caren niya kay Angelo at kita niya ang pagdaan ng emosyon sa mata nito. Tila nasiyahan ito sa sinabi ng kapatid at bakas din ang excitement sa mukha nito.
Nag-iwas na lang siya dito ng tingin dahil halata naman sa mukha nito na sasama ito sa bakasyon ng pamilya. Nakaramdam siya ng lungkot kahit na dapat ay magdiwang siya dahil sa wakas ay makakaiwas siya kay Angelo. Mas mabuti 'yon pero bakit parang bumigat bigla ang pakiramdam niya? Nalungkot siya sa ideyang hindi niya makakasama si Angelo sa dalawang buwan sana nitong bakasyon sa isla.
"I'll stay here," maiksing wika ni Angelo at agad na nagsalubong ang kanilang mga mata nang nagtaas siya ng tingin dito. Nandoon pa rin ang saya at excitement sa mukha nito. Pero bakit? Para saan ang excitement at sayang nakikita niya sa mukha ni Angelo? Hindi naman siguro dahil sa ideyang tumatakbo ngayon sa isipan niya.
"Okay. At 'yon ang hihingin naming favor sa'yo, Vanessa. Gusto kong samahan mo dito si Angelo at ikaw na ang bahala sa kanya. Ipagpapaalam na lang kita sa mama mo at pwede mo namang isama dito ang kapatid mo para wala na siyang ibang iintindihin sa bahay niyo kun'di ang tindahan. Pwedeng dito rin kayo matulog kung gusto niyo," wika ng kanyang Ate Caren na ikinatingin niya dito.
"Yes!" dinig naman niyang mahinang wika ni Angelo na hindi nakaligtas sa pandinig niya dahil malapit siya sa pwesto nito.
Malawak ang ngiti nito nang sulyapan niya at mas nagningning pa ang mata nito sa sobrang tuwa at excitement. At doon niya lang nakumpirma na tama ang kanina pang tumatakbong ideya sa kanyang isipan kung bakit ganoon ang emosyong nakikita niya kay Angelo. Masaya at excited ito dahil masosolo siya nito. At goodluck na lang sa kanya. Sana naman ay matagalan niya ang kakaibang ugali ang mayroon ang kanyang asawa.