Unang araw na walang pasok si Vanessa sa school kaya tinatamad siyang bumangon buhat sa kanyang kama. Feel na feel pa niya ang humiga dahil wala din naman siyang masyadong gagawin sa bahay. Linis at luto lang dahil kadalasan ay katulong lang siya ng kanyang ina sa mga gawaing-bahay. Nasa bahay lang din naman ito para alagaan ang kanyang pitong taong gulang na kapatid na babae.
Twelve years na ang mabilis na lumipas buhat nang lumipat sila sa Isla Montellano. At sa mga taong lumipas na iyon ay naging tahimik ang kanilang pamumuhay doon. Nagsimula sila bilang isang buong pamilya kasama ang kanyang Tito Ziggy na ngayon ay itinuturing niyang ama. Ito rin ang lalaking tumulong sa kanila para tumakas at kahit noon pa ay sadyang malapit na ang kanyang loob sa ginoo.
Mula noong bata pa siya ay ito na ang tumayong kanyang ama. Ito ang kasama ng mama niya sa pagpapalaki sa kanya at mas naging ama pa ito kumpara sa totoong papa niya. Mahal din naman siya ng kanyang papa pero mas ramdam niya ang pagmamahal ng kanyang Tito Ziggy. At sa ginoo niya mas naramdaman ang pagmamahal na hinahanap at hinahangad niya sa isang ama kaya madali lang sa para kanya ang ituring itong pangalawang ama niya.
Kasal na rin ang kanyang Mama Jessa at Tito Ziggy. At ang naging bunga ng pagmamahalan ng mga ito ay kanyang kapatid na babae. Nakahanap naman ng trabaho ang tito niya sa isla at sa tulong iyon ng kanyang Kuya Christian na anak ng may-ari ng Isla Montellano. Marami na rin silang kakilala doon at halos lahat naman ay kasundo ng pamilya niya. Naging matiwasay ang buhay nila buhat nang makalayo sila sa kanyang totoong ama na si Mark Clemenso.
Wala na silang naging balita sa kanyang tunay na ama mula noong makawala sila sa kamay nito. Wala na ring gumugulo sa kanila at naging normal ang kanilang pamumuhay sa isla. May munting tindahan din ang mama niya para hindi ito mainip sa bahay. At kadalasan ay siya ang nagiging tao doon.
kasama ang kapatid niya.
Kasalukuyan din siyang nag-aaral sa kolehiyo at isang taon na lang ang bubunuin niya para siya ay makapagtapos. Katatapos lang ng ikatlong taon niya sa kolehiyo at ngayon nga ang unang araw ng bakasyon niya. Sa wakas ay magagawa na ulit niya ang mga bagay na kadalasan niyang ginagawa kapag wala siyang pasok. At isa na doon ang maligo sa ilog na medyo may kalayuan sa pook nila pero sulit namang puntahan.
Pinalipas pa niya ang ilang minuto bago siya tuluyang bumangon sa kama. Umupo siya doon at kusang dumapo ang kanyang kamay sa kwintas na suot. Nakasanayan na niya iyong gawin lalo na kapag bumabalik sa alaala niya ang lalaking nagngangalang Carl Angelo. Ang lalaking halos nagpapatakbo ng buhay niya simula pa noong una niya itong makilala. Dito galing ang kanyang kwintas at hindi lang iyon basta kwintas. Dahil may pendant iyong singsing. Their wedding ring..
Napailing na lang siya at hindi napigilang balikan ang mga nangyari noon buhat nang makilala niya ang batang nagngangalang Carl Angelo.
Isang taon ang mabilis na lumipas buhat nang manirahan sila sa Isla Montellano at hindi niya inaasahan na makikita niya doon si Carl Angelo pagkalipas ng isang toaon buhat ng huli niya itong makita sa lungsod.
Halos araw-araw ay lagi itong nakasunod at nakasubaybay sa kanya lalo pa at kadalasan ay nandoon siya sa bahay ng Ate Caren nito. Tuwing walang pasok ay nandoon siya at tuwing bakasyon naman ay nandoon si Carl Angelo. Hindi naman siya makaiwas dito dahil kapag hindi siya pumupunta sa bahay ng Ate Caren nito ay pinupuntahan siya nito sa kanilang bahay at doon halos buong araw itong nakatambay.
Walang araw na hindi niya ito nakikita at lalong walang araw na hindi siya nito binabantayan kapag nasa isla ito. Nakakalaya lang siya sa mapang-angking si Carl Angelo kapag nagsisimula na ang school year dahil doon ito sa lungsod nag-aaral samantalang siya ay dito sa isla.
Habang lumalaki ay unti-unti siyang nasasanay sa presenya ni Carl Angelo hanggang sa nagdalaga at nagbinata sila pareho. At doon mas lalo itong naging madikit sa kanya at mas naramdaman niya ang pagiging possessive at mapang-angkin nito sa kanya. Halos walang ibang lalaking nakakalapit sa kanya lalo na kapag nasa tabi niya ito. Kaya sa school lang siya mayroong ilang kaibigang lalaki at hindi iyon alam ni Carl Angelo.
Hanggang sa naging ganap na dalaga na siya pero ang hindi niya inaasahan na sa eksaktong ikalabing-walong kaarawan ay nakasal siya dito. Sekreto lang iyon at sila lang dalawa ang nakakaalam dahil pinigilan niya itong ipaalam sa pamilya nila ang ginawa nito sa kanya. May pinapirmahan lang itong marriage contract sa kanya at mabilis na naiproseso iyon. Hindi man lang siya nakatutol dahil ito lagi ang nasusunod. Lalo pa at bago nangyari ang lahat ay may binitawan na siyang salita na pagbabayaran niya ang kasalanang ginawa ng ama niya sa pamilya nito. At iyon ay sa pamamagitan nang pagsisilbi at pagsunod niya kay Carl Angelo sa kahit na anong ipag-utos o ipagawa nito.
"Natatandaan mo pa ba ang mga binitawan mong salita noon? Na pagbabayaran mo ang kasalanang ginawa ng ama mo sa pamilya ko? Ngayon ay maniningil na ako at sisimulan ko iyon sa pagkuha ng kalayaan mo. We will get married at ang gusto ko lahat ang masusunod. Magiging pagmamay-ari kita at lahat ng mayroon ka ay magiging akin lang. Akin ka lang, Vanessa.. Always remember that."
Tandang-tanda pa niya noon ang mga sinabi nito noong mismong kaarawan niya. Ang akala niya ay nasa lungsod ito dahil may pasok noong araw na iyon pero nagulat na lang siya nang makita ang binata at mula noon ay naging pagmamay-ari na siya nito na tanging silang dalawa lang ang nakakakaalam.
Gusto nitong ipaalam iyon sa pamilya nila pero pinigilan niya ang binata dahil hindi pa siya handang malaman ng mga ito na kasal na siya sa murang edad. Lalo na ang katotohanang ginagawa niya lahat ng iyon dahil sa pinagbabayaran niya ang kasalanan ng ama niya.
Pero kahit kasal na sila at pagmamay-ari na siya nito ay wala pa naman siyang hindi nagustuhan na ginawa sa kanya ni Angelo. Masyado lang itong territorial at possessive pagdating sa kanya. At masyado lang itong bossy na kailangan na lagi ito ang masusunod. Hindi din naman siya makasalungat sa mga kung anong naisin nito dahil parte pa rin iyon nang pagbabayad niya ng kasalanan ng ama sa pamilya nito.
At kahit dalawang taon na silang kasal ay hindi nito ipinilit na halikan o angkinin ang katawan niya. Nirerespeto pa rin siya nito pagdating sa bagay na iyon kahit na alam niyang nagtitimpi lang itong hindi siya angkinin o kahit na ang halikan. Lalo na at wala ring filter ang bibig nito kapag silang dalawa lang ang magkasama. Sinasabi nito ang gusto nitong sabihin, maganda man o kahit masama iyon sa pandinig. At isa na doon ay kung gaano kalaki ang kagustuhan nitong maangkin at mamarkahan ang katawan niya.
Alam niyang malaki ang posibilidad na kasama ang katawan niya sa hingin nitong kabayaran lalo pa at may karapatan na itong angkinin siya dahil mag-asawa na sila. Kaya naman niyang ibigay iyon pero hindi pa lang siya handa sa ngayon. At malaki ang pasasalamat niya dahil hindi siya pinipilit ni Carl Angelo sa bagay na iyon. Hindi niya kasi maiwasan ang makaramdam ng takot lalo na at halos nakita na niya ang kabuuan ng katawan nito. At nangangamba siya na baka hindi niya kayanin ang binata. Lalo na ang bagay na nasa pagitan ng mga hita nito.
Hindi pa man niya nasisilayan ang walang saplot na 'kaibigan' nito sa ibaba pero nakita na niya si Carl Angelo na tanging underwear lang ang suot noon. Lagi niya itong kasama sa tuwing naliligo sila sa ilog at halos mag-alis na ito ng saplot sa katawan kapag silang dalawa lang ang magkasama kaya hindi maiiwasan ang masilayan niya ang katawan nito. Lalo na ang nagmamalaking bagay sa pagitan ng hita nito at masasabi niyang 'gifted' pagdating sa bagay na iyon ang binata. Pinagpala din ito sa hitsura at katawan. Maituturing na itong 'total package' ng mga kababaihan.
Napailing na lang siya dahil sa mga kahalayang naiisip. Daming-dami ng pwede niyang maisip tungkol sa binata pero bakit sa parteng iyon pa napunta ang malikot niyang isipan. Pilit na lang niya iyong iwinaglit sa kanyang isipan lalo na ang imahe ni Carl Angelo na pilit sumisiksik doon.
Naputol ang pagbabalik tanaw niya nang makarinig ng katok buhat sa pinto ng kanyang kwarto. Napatingin siya doon nang bumukas iyon at agad na napangiti nang pumasok doon ang kapatid niyang babae. Kadalasan ay ito ang nagiging alarm clock niya tuwing umaga dahil nauuna pa itong magising sa kanya at laging pumupunta sa kanyang kwarto.
"Gising ka na po, ate. Pupunta pa po tayo sa bahay ng kambal," wika ng maliit na boses ng kapatid at tinutukoy nito ay ang kambal na anak ng kanyang Ate Caren at Kuya CJ. Siyam na taon na ang kambal, matanda ng dalawang taon sa kapatid niya at parehong lalaki.
Sobrang kasundo ng kambal ang kapatid niya dahil kadalasan ay sumasama ito sa kanya papunta doon. Siya rin ang pansamantalang nagiging tagapag-alaga ng kambal kapag wala na siyang pasok. Kaya araw-araw ay nakakasama niya doon si Carl Angelo dahil doon ito tumutuloy sa Ate Caren nito kapag nagbabakasyon ito dito sa isla. Kaya ang ending ay hindi lang ang kambal ang kanyang inaalagaan dahil pati ang binata ay pinagsisilbihan din niya. At mas mahirap pa itong pakisamahan kumpara sa kambal.
"May gusto akong puntahan ngayong araw, baby. Kaya baka bukas na lang tayo pupunta sa bahay ng kambal," wika niya na ikinanguso nito.
"Okay po. Pero sasama po ako. Wala po kasi akong kalaro dito sa bahay," wika nito na ikinangiti niya.
"Sure, baby.. Mauna ka nang lumabas ng kwarto ni ate. Susunod na lang ako pagkatapos kong gawin ang morning routine ko." Tumango naman ito at mabilis na lumabas ng kwarto.
Umalis siya sa ibabaw ng kama at nagtungo sa maliit niyang banyo sa loob ng kwarto. Plano niyang pumunta muna sa ilog dahil medyo matagal na rin buhat nang huli siyang makaligo at makapunta doon. Hindi muna siya pupunta sa bahay ng kanyang Ate Caren at tatawagan na lang niya ito mamaya para ipaalam na bukas na lang siya pupunta doon.
Lumabas agad siya ng kwarto matapos niyang gawin ang kanyang morning rituals. Naabutan niya sa hapag-kainan ang mama at kapatid niya na nagsisimula nang kumain. Wala na doon ang tito Ziggy niya dahil maaga itong pumapasok sa trabaho.
"Good morning po, Mama," bati niya sa ina bago umupo sa hapag katabi nito. Sumabay siyang kumain sa dalawa at sabay-sabay lang din silang natapos.
"Ngayon na ba ang punta mo sa bahay ng Ate Caren mo, Vanessa?" wika ng mama niya habang tinutulungan niya itong magligpit ng mga platong ginamit nila.
"Bukas na po, Mama. Gusto ko po munang sulitin ang araw na ito at plano ko pong pumunta sa ilog. Tatawagan ko na lang po si Ate Caren para ipaalam na bukas na po ako pupunta sa bahay nila," wika niya.
"Pero paano si Angelo? Hindi mo ba ipapaalam sa kanya? I'm sure, hinihintay ka na ng binatang 'yon ngayon sa bahay ng kanyang Ate Caren. Ipaalam mo rin sa kanya kung ayaw mong sumugod na naman 'yon dito," natatawang wika ng mama niya dahil sobrang kilala na nito ang binata. Ang hindi lang alam ng mama niya ay kasal na silang dalawa ni Angelo. At ang kasunduan nilang pagbabayaran niya ang kasalanan ng kanyang ama dito.
"Hayaan niyo po siya, Mama. Baka po nasa lungsod pa siya ngayon dahil unang araw pa lang naman na walang pasok sa school."
Ipinagpatuloy na lang niya ang ginagawa at iwinaglit sa isipan ang binata. Halos ilang buwan na rin pala buhat nang huli niya itong makita at wala silang komunikasyon ni Angelo. Hindi din naman nito kinukuha ang phone number niya at hindi rin niya alam phone number nito. Mumurahin lang din ang cellphone niya at nagagamit lang iyon sa text and call na kadalasan ay dinadala lang niya pag pumupunta siya sa school kung sakaling kailanganin niya for emergency.
Bahala itong maghintay sa kanya kung sakaling nasa isla na ito. Basta susulitin muna niya ang araw na ito bago muling humarap sa pagiging dominant at bossy nito pagdating sa kanya. Ihahanda niya muna ang sarili sa dalawang buwan na makakasama niya ulit ang binata. Dalawang buwan na naman siyang magtitiis sa kakaibang ugaling mayroon ang isang Carl Angelo Aldover.