Episode 7

1749 Words
Pag-alis ng mga tanga ay balewala niyang dinampot ulit ang kape na hawak niya kanina at sinimsim iyon kahit kasinglamig na ito ng bangkay. Masyadong pakialamero ang mga kaibigan niya kaya hindi siya makakuha ng ebidensya laban kay Hope. May mga utak naman pero hindi ginagamit. Kung may killer lang siguro sa paligid malamang napatay na ang tatlong baliw dahil sa mga ginagawa nito ngayon. Sana pala hindi na lang niya isinama ang Hope na iyon dito sa bahay niya. Mas lalo lang tuloy na nagulo ang lahat. Habang naglalakad siya pabalik sa bahay niya ay nakita niya ang bulto ni Hope na nasa hamba ng pintuan na halatang hinihintay siya. "Sir, pinapatanong po ni Sir Francis kung ano raw po ang gusto niyong ulamin ngayon. Baka raw po kasi hindi niyo magustuhan ang lulutuin niya kaya po inutusan niya ako na tanungin po ulit kayo." Hindi naman siya maarte sa pagkain kaya kahit ano'ng lutuin ni Evangelista ay kakainin pa rin naman niya. Pero, dahil iniinis siya ng mga ito ay gusto niyang parusahan ang mga baliw na iyon kabilang na ang babaeng nasa harapan niya. "Gusto ko 'yong may sabaw…." "Sige po. 'Yon lang po ba?" "Sinigang na bangus ang gusto ko," dugtong niya. "At bunga ng mangga ang gawin niyong pang-asim." "Po? Saan po kami kukuha ng bunga ng mangga?" tanong nito habang iginagala nito ang paningin sa bakuran ng bahay niya. Lihim siyang napangisi nang huminto ang mga mata nito sa puno ng mangga na maraming hantik ilang hakbang lang mula dito sa bahay niya. "Bawal niyong sungkitin ang bunga niyan dahil ang gusto ko akyatin niyo mismo ang punong iyan para makakuha kayo ng isasangkap niyo sa lulutuin niyo. Maliwanag ba?" "Mahirap pong akyatin iyan, Sir Kazimir. Sigurado po ako na hindi pa man kami nakakarating sa itaas ay tadtad na po kami ng kagat," katuwiran nito. "Puwede po bang sampalok na lang ang gawin naming pang-asim?" "Eh, 'di ba sa probinsya ka lumaki? Hindi ka ba tinuruan ng inang at amang mo kung paano akyatin ang puno na maraming hantik ng hindi nakakagat? Bangus at mangga ang gusto ko. Kombinasyon ng dalawang ang gusto kong kainin ngayon kaya iyon ang lutuin niyong dalawa ni Evangelista. May itatanong ka pa?" Titingnan niya kung hanggang saan aabot ang kapangyarihan ng babaeng 'to. Lagi nitong ipinagmamalaki sa kaniya na laking probinsya ito kaya nito nagagawa ang mga bagay na kahit sa hinagap niya ay hindi kayang gawin ng normal na babae lang. Sa susunod, 'yong puno na may mga bubuyog naman ang ipapaakyat niya rito. "Seryoso po ba kayo?" Tinaasan niya ito ng kilay. "Mukha ba akong nagbibiro, babae?" "Hindi po." "Sabihin mo sa kaibigan ko, 'yon ang gusto kong ulamin ngayon kaya magluto na siya. 'Di ba sabi mo magaling ka ring magluto? Tulungan mo na siya para mapabilis ang pagluluto niya dahil gutom na ako." Ibinigay niya rito ang tasa. "Pakilagay na lang din 'to sa lababo dahil may gagawin na ako." "Sige po," malungkot nitong tugon pero wala siyang balak bawiin ang sinabi niya dahil tinalikuran na niya ito at tinumbok niya ang kinaroroonan ng duyan niya. Panonoorin niya ito at ang mga lintik niyang kaibigan kung susundin nito ang gusto niya o hindi. Hindi puwedeng hindi siya sundin ng mga ito dahil mapipilitan siyang pauwiin ang mga ito nang sa ganoon ay mawalan ng kakampi ang sekretarya niya. Mayamaya pa ay sunod-sunod na lumabas ang mga kaibigan niya at ngayon ay nakatingala na nga ang mga tanga sa puno at halatang nag-iisip kung ano ang mga hakbang na dapat gawin. "Nasaan ba si Alonzo?" tanong ni Samaniego sa sekretarya niya. "Hindi ko alam kung dati bang tanga o baliw ang lalaking 'yon, eh. Ang dami ng puwedeng ulamin kung bakit bangus pa ang napili niya. Daig niya pa ang naglilihi, ah." "Siguro po dahil bangus ang pambansang isda, Sir," sagot ng sekretarya niya rito. "Eh, 'di ba po mangga ang pambansang prutas? Baka po mahal lang talaga ni Sir ang ating bansa." "Ang sabihin mo, dating baliw ang lalaking 'yon," sambit ni Genesis. "Sige na, umakyat na kayong dalawa. Ako na lang ang mamumulot dito sa ibaba." "Naku, mga Sir! Baka po malaglag kayo! Ako na lang po ang aakyat at kayong tatlo na lang po ang maiwan dito sa ibaba," wika ng pabida niyang sekretarya. "Saluhin niyo pong maigi para po hindi bumagsak sa lupa, ha? Pare-pareho po tayong malilintikan ng kaibigan niyo kapag po nahulog sa lupa ang mangga. Galingan niyo po ang pagsalo, ah?" "No! I will not let you climb in the mango tree full of weaver ants!" agap ni Samaniego at hinawakan pa ito sa braso. "Naku, Sir. Ayos lang po talaga. Sanay po ako sa mga ganitong gawain," nakangiti nitong sambit. "Kaming dalawa na lang ni Genesis ang aakyat at kayong dalawa ni Francis ang maiwan dito sa ibaba para saluhin ang mga pipitasin namin." "Bakit ako, Samaniego? 'Di ako marunong umakyat," angal ni Genesis pero hindi ito binigyan ni Samaniego ng pagkakataon na makatanggi dahil hinila na nito ang kaibigan nila papunta sa puno ng mangga. "Kaya mo iyan. 'Wag mo kasing sabihin na hindi mo kaya! Kaya mo iyan, magtiwala ka lang sa sarili mo!" "Fine!" inis na sambit ni Genesis. "Mauna ka na." "Oo na!" At nagsimula na ngang umakyat ang dalawang tanga. Muntik pang madulas si Genesis dahil pinagmamadali ito ni Samaniego. "Dalian mo naman, Genesis! Hayop ka naman! Hindi pa nga ako nakakarating sa itaas pero nasa katawan ko na ang mga hantik. Bilisan mo naman kasing kumilos!" "Putangina! Aray ko! Ang sakit!" sambit ni Genesis habang nakayakap ito sa puno at balak na lang yatang magpakagat. "Huwag mo kasing pansinin ang mga langgam na iyan!" "Ayoko na! Tangina! 'Di ko kaya!" bulalas ni Genesis at tumalon na nga ito pababa at iniwan si Samaniego sa itaas habang nakikipagsapalaran sa mga hantik. Kahit talaga saan dalhin ang hayop na 'to lagi na lang nakikialam. Kulang na lang maging bayani ito sa sobrang pakikialam sa mga plano niya. Nang makababa si Genesis ay sumunod din kaagad si Samaniego kaya napangisi siya. Ang pagiging bida-bida ay inilalagay sa lugar hindi iyong pipilitin mo ang sarili mo na magpakitang gilas kahit hindi naman kaya. Mga inutil talaga. "Umuwi na lang tayo," aya ni Evangelista sa dalawa. That's right. 'Yon ang tamang desisyon na gagawin ng tatlo kung sakali para maisagawa niya ang mga plano niya sa sekretarya niya. "Hindi tayo puwedeng umuwi ngayon dahil sigurado ako na sa sandaling umalis tayo sa bahay ni Kazimir ay pahihirapan niya ng husto si Hope. Mananatili tayo rito sa bahay na 'to hangga't nandito si Hope sa poder ni Kazimir," pagkausap ni Samaniego kay Genesis at Francis. Feeling superhero talaga ang lintik na 'to! Siguro kung alam nito na mangkukulam ang ipinagtatanggol nito ay baka umurong ang itlog nito sa takot. "Salamat po sa inyong tatlo, Sir," wika ng sekretarya niya. "Aakyat na po ako para makapagluto na tayo." "Kaya mo bang akyatin iyan, Hope? Hindi kaya malaglag ka?" tanong ni Francis dito. "Hindi po, Sir. Sanay po ako sa akyatan kaya po malabo na malaglag ako. Kakaiba po ang isang 'to dahil first-time kong umakyat sa ganitong uri ng puno na maraming hantik pero kakayanin ko naman po siguro." Napabuntong-hininga ang mga kaibigan niya sa kadramahan ng sekretarya niya pero siya kahit kaunting awa ay wala siyang nararamdaman. "Mag-iingat ka Hope, ah?" bilin ni Samaniego rito. Minasahe naman ni Genesis ang balikat ni Hope. "Kumapit ka ng mahigpit para hindi ka malaglag, okay?" "Take care, Hope," usal naman ni Francis na akala mo susuong sa panganib ang sekretarya niya. Easy lang sa babae ang ipinapagawa niya at kahit malaglag ito ay siguradong nakatayo itong babagsak. Nang mag-umpisa itong umakyat, lahat sila ay nakatingala. Daig pa nito ang unggoy sa sobrang bilis ng pagkilos nito. Ni hindi masundan ng mga mata niya ang ginagawa nito sa itaas. Wala pa yatang fifteen minutes ay bumaba na ito. Ang akala niya ay wala itong napitas pero nagulat siya nang marami itong hawak-hawak na bunga nang bumaba ito sa puno habang malapad na nakangiti. Halata ang pagkamangha sa mukha ng mga tanga nang makita nito si Hope na ligtas at tila wala man lang kagat na natamo. "Wow! Ang galing mo naman! Hindi ka man lang ba kinagat ng mga hantik? Para kang superhero, Miss Hope!" nanlalaki ang mga mata na puri ni Evangelista rito. Ang chef na kaibigan niya na uto-uto na rin ngayon. "Ang galing mo, Hope!" puri naman dito ni Genesis at bahagya pang pinagpagan ang suot nitong bestida. "Talented ka pala talaga? Easy lang sa iyo ang pag-akyat samantalang kami ni Nicholai ay hirap na hirap." Paanong hindi mahihirapan, eh, wala namang kaalaman ang mga ito sa pag-akyat? Nagpabida lang pero hindi naman umubra. Tsk! Dahil doon ay mas lalong tumingkad ang pagdududa niya na isa itong alagad ng kadiliman. Nang hindi siya makatiis ay lumapit siya sa kinaroroonan nang apat. "Nice!" aniya habang pumapalakpak pa. "Magpahinga ka muna dahil mamaya isasama kita sa batis para manghuli ng isda." "At ano na naman ang balak mo? Balak mo bang gawing pamingwit si Hope?" tanong ni Samaniego sa kaniya na halata ang pagkainis sa mukha nito. "Mali ka kaibigan! Gagawin ko siyang uod para makahuli agad ako ng isda!" sarkastiko niyang tugon dito dahil masyado na agad itong attached sa sekretarya niya samantalang siya ang kaibigan nito. "Magluto na nga kayo sa loob! Ang aga-aga pero pinapainit niyo ang ulo ko!" Nakaismid na pumasok ang tatlo niyang kaibigan samantalang ang sekretarya niya ay nakayuko pero lihim na kumakamot sa bandang puwet kaya natawa siya. Siguradong nakagat ito pero tinitiis lang nito dahil nga ang gusto nito ay humanga ang mga kaibigan niyang patapon na yata ang buhay. Nang lumakas pa ang tawa niya ay napalingon sa kaniya ang apat na halatang nagtataka. Marahil ay iniisip na ng mga ito na nababaliw na siya pero wala na siyang pakialam pa—at least, naparusahan niya kahit papaano ang sekretarya niya. "Ang galing mo!" aniya sabay tingala sa puno ng mangga para puriin ito. "Ang dami mong bunga! Isa ka talagang kayamanan at pambansang prutas ng bansang ito!" "Hoy, tanga! Pumasok ka na rin dito sa loob dahil baka mabati ka diyan! 'Yang kabaliwan mo, 'yan ang magdadala sa iyo sa kapahamakan!" sigaw ni Samaniego pero hindi niya ito pinansin dahil masyado siyang natutuwa sa mga hantik na pabalik-balik sa pag-akyat sa puno ng mangga na nasa harapan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD