PATULOY si Chris sa pagkuha ng litrato habang pinapanood sina Seth at Czarina na nagsasayaw sa gitna ng pavilion. Naroon sila sa isang malaking hotel na pag-aari ng pamilya Alarcon dahil doon ginanap ang wedding celebration ng dalawa. Araw iyon ng kasal ng matalik niyang kaibigan at ng babaeng mahal na mahal niya subalit kinailangan niyang pakawalan sa huli dahil iyon ang tama.
He did it for Seth and Czarina to be happy. It was the least he could do. Marami nang pinagdaanan ang dalawa para mapatunayan ang pag-ibig nila sa isa't isa. Hindi na niya nais pang pahirapan ang mga ito.
Na-in love siya kay Czarina noong mga panahong wala itong maalala sa nakaraan nito. Hawak naman ni Seth ang katibayang minsang nag-exist ang dalaga sa buhay nito. He didn't know that fact until Seth told him so—na umiibig siya sa babaeng matagal nang iniibig ng kaibigan niya. There and then, he knew their friendship would be put to the test. Hindi nga siya nagkamali.
Muntik nang mapahamak noon si Czarina sa kagustuhang pasakitan si Seth. Hurt and broke upon realizing that Czarina loved Seth, nagkasagutan silang magkaibigan. But despite that, it was fate that brought those two back together.
In the end, he told her to find and chase after her happiness with the one she knew who could bring it to her. At alam niyang si Seth lang ang makapagbibigay niyon sa dalaga. He chose to be a noble friend for their sakes and more importantly, their happiness.
Though six months had already passed by, he still couldn't find it in his heart to let Czarina go completely. Kahit iyon ang sinabi niya kina Seth at Czarina, sa loob-loob ay hindi niya magawa iyon. Aminado siyang mahal pa rin niya ito. At ang pagmamahal na iyon ang nagbunsod sa kanya na magparaya. Alam naman niyana mas magiging masaya si Czarina sa piling ng kaibigan niya.
Isinilid na niya sa dalang backpack ang hawak na DSLR camera at isinukbit iyon sa balikat niya matapos makontento sa mga litratong kinunan niya sa bagong kasal. Ngunit bago pa man siya makahakbang paalis doon, narinig niya ang pagtawag ni Czarina sa kanya. Napalingon siya at napangiti nang makitang papalapit ito sa kanya.
"Huwag mong sabihing aalis ka na? Masyado pang maaga, ah," nakangiting sabi nito.
"Kailangan, eh. Aasikasuhin ko pa ang flower farm bago ako pupunta sa sementeryo."
Kumunot ang noo nito. "Sementeryo?"
Oo nga pala. Hindi nito alam ang tungkol doon. "My sister's there for five years now." Iyon lang sa ngayon ang kaya niyang sabihin dito.
"Oh..." Napatango na lang ito, tila naintindihan ang ibig niyang sabihin. Hindi na ito nag-usisa pa tungkol doon na ipinagpasalamat niya. Ngumiti ito nang harapin siya. "Okay. Hindi na kita pipigilan."
Matapos niyon ay tinitigan niya ito. Walang salitang lumapit siya dito makalipas ang ilang sandali at niyakap ito nang mahigpit. He wanted to be that close to her, even just for the last time.
Hindi ito nagsalita. Bagkus ay ginantihan lang nito ang yakap niya. Ngunit tila lalong bumigat ang pakiramdam niya dahil doon. Hindi na niya gustong pakawalan si Czarina sa mga bisig niya subalit hindi iyon maaari. Kailangan niyang pakawalan ito—literally and emotionally. Hindi na niya magagawa ang nais niya. Nagparaya na siya. Kailangan na niyang tapusin ang kahibangan niya kahit mahirap. It was the only way.
"Thanks, Chris," bulong nito nang kumawala ito sa yakap niya. "I won't forget this. Don't worry. I know you'll be able to find your own happiness. Huwag ka lang mapagod umasa."
He smiled before finally releasing her. "Dahil ikaw ang nagsabi niyan, paniniwalaan kita. I have to go."
"Mag-iingat ka."
Iyon lang at agad na siyang tumalikod. He had to before he cried in front of her. Kasabay ng pagtalikod niyang iyon ang pagkalat ng sakit at pait na unti-unting tumutupok sa kanya. He had to face his life and the reality. This time, hindi na kasama si Czarina sa buhay na kailangan niyang harapin—kahit sa panaginip.
= = = = = =
"KUMUSTA ka na, Ate? Sorry kung ngayon lang ako nakapunta uli dito. Maraming trabaho, eh," ani Chris matapos ilapag sa ibabaw ng nitso ang isang basket na puno ng daffodils. Galing ang mga iyon sa Angel's Meadow, ang flower farm na apat na taon na niyang pinamamahalaan. At ang daffodils ang paboritong bulaklak ng kapatid niyang nasa puntod na iyon—si Catherine del Mundo. Ang kanyang Ate Cathy.
His sister committed suicide five years ago. Hindi nito nakayanang tanggapin ang paglisan ng fiance nito ilang araw bago ang nakatakdang araw ng kasal nito dito. Nag-iwan lang ang lalaki ng isang sulat na nagsasabing hindi na nito kayang pakasalan ang ate niya. Wala itong sinabing konkretong dahilan kung bakit ito nagdesisyon nang ganoon. Ngunit sapat na iyon upang masaktan ang ate niya at ma-depressed ito. Walang gabing hindi ito umiyak. Batid niyang labis nitong dinamdam ang paglisan ng fiance nito na si Santi Novencido. Tila ba dito na umikot ang mundo nito kaya ganoon na lang ang pagdaramdam nito.
Hindi na nila nakausap nang maayos si Cathy ng mga sumunod na linggo. Wala itong kinakausap na kahit sino sa kanila. Sinadya nitong i-isolate ang sarili sa mundo. Hindi na rin ito kumakain nang maayos. Nagkukulong lang ito sa kuwarto. Walang araw na hindi niya ito narinig na umiiyak kahit pinakikinggan lang niya ito mula sa labas ng silid nito. Sa loob ng mahigit isang buwan ay ganoon ang nangyayari.
Ngunit isang umaga ay ginulantang sila ni Cathy. Gaya ng nakagawian niyang gawin, siya ang nagdala ng pagkain ng kapatid niya sa silid nito. Sa pagbukas niya ng pinto ay ganoon na lang ang gitlaniya nang matagpuanang nakabiting katawan ng ate niya. Nagbigti ito. Nagpakamatay ito dahil hindi na nito kayang mabuhay nang wala si Santi sa buhay nito. Tuluyan na itong nagpatalo sa depresyon at kalungkutan. Sa ibaba ng nakabiting katawan ni Cathy ay naroon ang isang ginupit na article mula sa dyaryo. Tungkol iyon sa isang car accident sa highway na ikinasawi ng isang tao at ikina-comatose naman ng kasama nito. Ang namatay na iyon ay walang iba kundi si Santi.
"I'm sorry, Ate. Wala akong nagawa noon para tulungan ka. Forgive me for being so weak," hirap na sambit niya.
After his sister's death, tinupad niya ang pangarap nito para sa kanya. He became a professional photographer. Nag-aral pa siya sa ibang bansa upang matupad lang iyon. He wanted his sister to be proud of him even though she was gone. Kaalinsabay ng pagtupad sa pangarap nito para sa kanya, nagbitiw siya ng pangako sa libingan nito.
He vowed to find the woman who became the reason why Santi left Cathy. Nalaman niya ang tungkol doon nang mabasa ang isang sulat na iniwan ng ate niya. It was her suicide note. Nakasaad sa sulat na nakipagkita umano si Santi sa isang babae noong araw bago nakipagkalas kay Cathy ang lalaki. Hindi siya sigurado kung paano iyon nalaman ni Cathy o kung ano ang naging basehan nito sa balitang iyon. Subalit ang tanging mahalaga sa kanya ng mga panahong iyon, magawa niya ang ipinangako niya dito. Ngunit hanggang ngayon, wala siyang ibang impormasyong maaari niyang mapagkunan tungkol sa babaeng tinutukoy nito. Walang iniwan ang ate niya na maaaring makapagturo sa kanya kung sino at nasaan ang babaeng dahilan ng pang-iiwan ni Santi sa una. Hindi niya alam kung saan magsisimula.
"Ate, tulungan mo ako. Hindi ko alam kung magagawa ko ba ang ipinangako ko sa iyo."
A lump formed in his throat. Kahit hirap ay pinilit niyang lumunok. Kailangang may gawin siya upang paluwagin ang nagsisikip niyang dibdib dahil sa pagragasa ng mapait na alaala. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang sinapit nito. Lagi na lang siyang nilalamon ng guilt sa tuwing naaalala niya iyon. Wala siyang nagawa upang tulungan ang ate niya na makaahon sa lungkot at depresyon.
"Please help me, Ate..."
Katahimikan ang bumalot sa kanya kasabay ng pag-ihip ng hangin. He closed his eyes and let himself feel the cold, gentle breeze.
= = = = = =
MALALIM na buntong-hininga ang isinalubong ni Aerin sa dagat na pinaghintuan niya at ngayon ay pinagmamasdan iyon. Kagagaling lang niya sa sementeryo matapos bisitahin ang puntod ng mga magulang at pinsan niya. Tila balsamo sa kanyang pakiramdam ang pag-ihip ng hanging-dagat. Kailangan niya iyon dahil sa pagnanais na paluwagin ang nagsisikip niyang dibdib sa dami ng alalahanin.
Sa sementeryo siya kaagad nagtungo matapos bumalikwas ng bangon dahil sa isang masamang panaginip. Tumatahip ang dibdib niya at humihingal pa siya nang magising dahil doon. Nais niyang umiyak subalit hindi niya hinayaan ang kanyang sarili. Lalo lamang sumasama ang pakiramdam niya kapag umiiyak siya dahil sa panaginip na iyon. Napanaginipan niya ang trahedyang kumitil sa buhay ng pinsan niya. Hindi niya alam kung paano nga ba siya nakaligtas gayong pareho sila ng pinsan niya na nakaupo sa harap. Ito ang nagmamaneho at siya naman ay nasa front seat.
It was raining when it all happened. Bumangga ang SUV na sinasakyan niya sa isang truck na hindi niya alam kung saan nagmula. Next thing she knew, she woke up in a hospital, unable to speak because of an injury in her throat that she got from the accident after being in a comatose state for more than a week. What shocked her was the news that her cousin ended up dead. Kung paano siya nakaligtas sa tindi ng pinsalang tinamo niya ay hindi niya alam.
Bumuntong-hininga na lamang uli siya. She watched the sea with a sad smile. Hindi niya alam kung paano paniya nagagawang gumising sa bawat umaga matapos ang trahedya. It had been five years and yet the pain seemed to have not faded at all—not even a bit.
Ibinaling niya ang tingin sa ibang direksiyon nang magsawa na siya sa pagmamasid sa dagat.Pero nasorpresa siya sa tanawing sumalubong sa kanya. Isang guwapong lalaki ang ngayon ay nakatingin sa kanya habang hawak nito ang isang DSLR camera.
Sa akin ba talaga nakatingin iyon?