ILANG minuto ang lumipas nang may kumatok sa pinto. Si Dax ang nabungaran niya doon. Napanganga siya ng masilayan ang katawan nito na tanging swimming trunks lang ang suot. Naisip niyang magsi-swimming ito sa pool nila.
"Tara, swimming tayo!" Pagyaya sa kanya ni Dax. May ilang beses na siya nitong niyaya pero dahil hindi naman siya mahilig mag swimming ay tumatanggi siya, pero ngayon ay parang may nagbubuyo sa kanyang sumama.
"Ha, okay!" Sambit niya. Abot tenga naman ang ngiti ni Dax sa sinagot niya.
"Mauna na 'ko, sunod ka na lang!" Nakangiti nitong sabi.
Pagsara ni Macy ng pinto ay mabilis siyang tumungo sa closet niya at naghanap ng swimsuit. Yung white 2-piece swimsuit ang napili niya. Sexy iyon tignan kaya natuwa siya. Gusto niyang magmukhang kaakit akit ngayon. Naalala niya yung plano niyang akitin ito para malaman kung may gusto at kung bibigay ito sa kanya. Sobra na siyang naguguluhan sa kinikilos ni Dax pero wala naman itong sinasabi na kahit ano sa kanya. Feeling niya ay ito na ang pagkakataon para malaman niya kung ano ba talaga ang tingin nito sa kanya.
Nagsuot siya ng bathrobe at kumuha ng tuwalya saka siya bumaba na.
Malapit na siya sa swimming pool nang makita niya si Dax na nakasandal sa gilid ng pool at sinusuklay suklay ng daliri ang basang buhok.
Gosh he's freaking hot!
Hindi niya mapigilan ang kiligin habang nakatingin kay Dax at sa maskulado nitong pangangatawan.
Napatingin si Dax sa kanya pagdating niya sa pool. Bigla siyang nailang sa malagkit nitong tingin sa kanya. Naalangan tuloy siyang hubarin ang bathrobe niya. Parang gusto niya rin magsisi na yung sexy swimsuit pa ang napili niya. Parati na nga niyang napapansin ang kakaibang tingin sa kanya ni Dax at baka mas lumala pa pag nakita ang sexy niyang katawan.
"Come on, Macy!" Tawag sa kanya ni Dax. Nakatayo lang kasi siya suot ang bathrobe.
Lumapit siya sa lounger chair saka hinubad ang bathrobe niya. Nakatalikod siya kay Dax kaya hindi niya makita ang reaction nito. Matapos niyang ipatong sa upuan ang bathrobe ay tinungo na niya ang swimming pool. Kitang kita niya ang namumungay na mga mata ni Dax habang tulalang nakatitig sa kanya at naglalakad siya. Naisip niyang ngayon pa lang siya makikita ni Dax sa ganoong kasuotan kaya ganun na lang ang reaction nito.
Napanganga naman si Dax nang makita ang kaseksihan ni Macy na parang noon lang niya nakita. Kagabi lang ng masilayan niya kung gaano ito kaganda at ngayon ay parang ito ang unang beses na nakita niya ang katawan nito. Nandoon na naman siya sa pakiramdam na parang niyayanig ang mundo niya habang naglalakad papalapit sa kanya si Macy. Kung pwede lang na huwag nang matapos ang sandaling iyon ay okay lang sa kanya.
Sinalubong niya si Macy sa hagdan ng swimming pool para alalayan ito.
Tinanggap naman ni Macy ang kamay ni Dax nang ilahad iyon para alalayan siya. Hindi pa rin nagbabago ang tingin at ngiti nito sa kanya. Feeling niya tuloy ngayon pa lang ay alam na niya ang kasagutan sa lahat ng katanungan niya.
"You're so gorgeous, Macy!" Hindi napigilang purihin ni Dax ang kagandahang nakikita niya.
"Thanks!" Napangiti naman si Macy. Tumingin na siya sa ibang direction dahil feeling niya ay nagba-blush na naman siya. Namumula siya hindi lang dahil sa mga titig at papuri sa kanya ni Dax, kundi dahil na rin sa nakikita ng mga mata niya kay Dax. Napakagwapo kasi nito at feeling niya ay mas gumwapo at hot pa sa mga oras na iyon. Nararamdaman na naman tuloy uli niya ang mabilis na pagtibok ng puso niya at pakiramdam niya ay nagwawala na iyon sa sobrang bilis. Iyong gusto niya malaman ang nararamdaman ni Dax para sa kanya samantalang siya ay naguguluhan rin kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Kung dahil lang ba sa nakita niya sa hotel kaya siya nagkakaganito o dahil may iba pa.
Nilublob niya ang katawan sa pool at lumangoy para i-relax ang sarili. Malamig ang tubig na hinayaan niyang manalaytay sa kalamnan niya para mawala ang nararamdaman niya.
Nagulat siya nang sumaboy ang maraming tubig sa kanya nang unahan siya sa paglangoy ni Dax. Himinto siya sa paglalangoy at hinilamos ang palad sa mukha. Narinig niyang tumatawa si Dax.
"Uncle, ano ba!" Asik niya rito. Huminto naman sa paglalangoy si Dax at lumapit sa kanya.
"Macy, bakit mo ba ako tinatawag na Uncle?" Salubong ang kilay na sabi ni Dax. Alam ni Macy na ikagagalit nito ang patawag niya ng Uncle.
"Diba pinaliwanag ko na sa'yo!" Sagot niya lang nang maalala na nagpaliwanag na siya noon.
"Ngayon mo pa ko tatawaging Uncle, kulang na nga lang kainin kita eh!" Pabulong na usal ni Dax.
"Ano?" Kunot noong tanong ni Macy nung may sinabi si Dax at hindi niya naman malinaw na narinig.
"Macy, hindi mo na ko pwedeng tawagin na Uncle, okay! Huwag, ayoko!" May diin na sabi ni Dax.
"Why? Dati ko naman tawag sa'yo yan eh. Kung bakit kasi nabago yun."
Mas lalong nagkakahinala si Macy na may gusto nga talaga sa kanya si Dax dahil sa sinasabi nito.
"I remember you owe me something!" Napangisi si Dax. Nacurious naman si Macy sa sinasabi nito.
"Ha?"
"The kiss!" Namungay bigla ang mga mata ni Dax. Nahalikan na niya si Macy pero dahil nabaliw na siya ay gusto niyang matikman uli iyon, pero this time ay yung gising ito. Ayaw na rin niyang magpaligoy ligoy pa. Iniisip niyang baka matuloy na ipakasal ito sa iba kaya ngayon pa lang ay gusto na niyang gumawa ng aksyon, kahit malabo ay ilalaban niya ito.
"What? Kiss?" Bulalas ni Macy. Yung akala niya ay nakalimutan na iyon ni Dax pero ngayon ay binabanggit na naman sa kanya. Mas lalong tumindi tuloy ang hinala niya.
"Uncle, may gusto ka ba sa'kin?" Diretso niyang tanong. Gusto na niya iyon malaman ngayon.
Nakita niya ang pagsilay ng ngiti sa labi ni Dax. Yung umaasa siyang tatanggi ito sa tanong niya pero sa ngiti at mga mata nito ay nakikita na niya ang kasagutan. Hindi niya tuloy alam kung anong mararamdaman niya. Sobrang bilis ng kabog ng puso niya at hindi niya alam kung magugustuhan ba niya ito. Pakiramdam niya tuloy ay ayaw niya marinig ang isasagot ni Dax.
"Yes, I like you Macy. Iba na sa dati ang feelings ko para sa'yo! Gusto kita!" Namumungay ang mga mata na tugon ni Dax.
♡