KIDNAP

1061 Words
Breaking News Dalawang dalaga na naman ang nawawala mula pa kahapon ng gabi at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita. Patuloy pa rin iniimbistagahan ng mga pulisya sa kaso ng mga nawawalang babae— Hindi ko na pinatapos pa at agad ko nang pinatay ang TV. Nitong mga nakaraang linggo ay palagi na lang laman ng balita ang mga nawawalang babae tuwing gabi, kaya doble ingat na ang mga tao dito sa lugar namin at wala na rin pagala-gala kapag sumapit na ang gabi, dahil kung meron man, siguradong hindi na mahanap pa kinabukasan, o kung mahanap man ay patay na at wala ng mga organs. “Hazel!” Agad akong napalingon nang marinig ang pagtawag sa pangalan ko. “Bakit po, Chang?” tanong ko sa aking tiyahin na siyang tumawag sa akin. “Bumili ka nga ng sigarilyo doon sa kanto, bilisan mo. Dalawang stick lang!” Napaawang ang labi ko sa narinig. “P-Pero, Chang, alas otso na po. Alam mo naman na nakakatakot nang lumabas ng gabi ngayon lalo na't babae po ako.” Isang masamang tingin binigay sa akin ng tiyahin ko at agad na pinalipad papunta sa mukha ko ang limang piso. “Huwag ka nga masyadong mareklamo, wala namang kikidnap sa 'yo dahil mukha ka namang tomboy at hindi ka rin naman kagandahan!” naanghang nitong sabi sa akin at namaywang pa sa harap ko. “Bilisan mo na, bumili ka na roon ng sigarilyo ko bago pa kita palayasin dito sa bahay ko!” Hindi na ako nagreklamo pa. Tumayo na lang ako mula sa pagkakaupo sa lumang sofa at lumabas na ng bahay para sundin ang kanyang utos. Ayoko namang mapalayas sa bahay na 'to dahil wala na akong matitirahan pa. Si Chang na lang aking natitirang pamilya dahil ang mga magulang ko ay parehong patay na. Hindi ko lang alam kung ano ang ikinamatay nila, tuwing tinatanong ko kasi sa tiyahin ko kung bakit sila namatay ay sermon lang ang abot ko dahil puro utang daw ang iniwan sa kanya ng mga magulang ko, kaya tumahimik na lang ako at hindi na nagtanong pa. “Eneng, gabi na ah, saan naman ang punta mo?” tanong sa akin ni Mang Edo na siyang kapitbahay namin nang makasalubong ko ito sa daan. “Diyan lang po sa kanto, bibili lang ng sigarilyo ng tiyahin ko,” walang buhay kong sagot habang hawak ang lighter na may flashlight para pang-ilaw sa madilim na daan. Sira kasi ang streetlight kaya sobrang dilim. “Naku, Eneng, masyado nang delikado lumabas ng gabi ngayon. Nanonood ka naman siguro ng balita?” Napakamot na lang ako sa aking ulo kahit wala namang makati. “Hayaan niyo na po, Mang Edo, saglit lang naman po ako, tsaka malapit lang naman.” “Hay naku, lintik talaga yang tiyahin mo na 'yan. Oh siya, sige mag-iingat ka na lang, Eneng.” Napatango na lang ako sa sinabi ni Mang Edo at pinagpatuloy ang paglalakad sa madilim na kalsada. Hindi ko pa mapigilan ang mapasimagot dahil patay-sindi ang flashlight light ng hawak kong lighter, mukhang sira na. “Kainis, bakit ba kasi napakamalas ko,” inis kong buong at napabuntong na lang. Ang hirap talaga ng walang magulang na tulad ko, walang kakampi at walang nagmamahal, tulad na lang ngayon na kahit na natatakot na ang iba maglabas sa kani-kanilang bahay ay heto pa rin ako't lumalabas dahil hindi ako puwedeng sumuway sa utos ng bungangera kong tiyahin, baka palayasin nga ako; mas lalo akong mapapahamak kung magiging palaboy ako lalo na't babae ako. Pero sabagay, wala namang malulungkot, mag-aalala at maghahanap kapag nawala ako, kasi wala naman akong maituturing na pamilya ko, tanging tiyahin lang na wala ng ibang ginawa kundi utusan ako at murahin, kinukuha pa ang mga pera na pinagtatrabahuhan ko. “Aray namn!” Napangiwi ako at napahinto sa paglalakad nang maramdaman ang pagtusok sa paa ko na parang natinik. Sobrang nipis na rin kasi ng tsinelas ko. Napahinga ako ng malalim at agad na binuhay ang flashlight para sana tingnan kung ano ang tumusok, pero sa kasamaang palad ay ayaw nang umilaw pa ng flashlight. Kaya kinapa ko na lang sa dilim ang talampakan ko para makuha ang tinik. Pero kahit anong kapa ko ay hindi ko pa rin maalis ang tumusok. Napabuga na lang ako sa hangin at akmang tatayo na ulit para sana ipagpatuloy na lang ang aking paglalakad kahit may tinik pa sa paa ko, pero hindi ko pa naihahakbang muli ang paa ko nang bigla na lang lumiwanag sa aking kinaroroonan at kasabay nito ang tunog ng isang paparating na sasakyan. Agad akong nakaramdam ng kaba nang biglang himinto sa harap ko ang isang kulay puting van, at mas lalong domuble ang kaba ko nang biglang bumukas ang pinto nito. Agad na pumasok sa isip ko ang laman ng balita, tungkol sa mga nawawalang babae tuwing gabi. Kaya kahit may masakit ang talampakan ko dahil sa tinik ay agad akong napaatras nang makita ang pagbaba ng tatlong lalaki mula sa van. Hindi ko makita ang kanilang mukha dahil sa madilim na paligid. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad na dinampot ang aking lumang tsinelas. Mabilis na akong kumaripas ng takbo. Pero ganon na lamang ang pagdambol ng aking kaba at panginginig ng aking katawan nang konti pa lang ang aking natatakbo ay naramdaman ko na ang paghuli sa dalawa kong braso. Kasabay ng paghawak ng dalawang lalaki sa aking mga braso ay ang pagtakip nila sa aking ilong gamit ang panyo na may kakaibang amoy, at pakiramdam ko para akong nahihilo sa klase ng amoy. “Hoy! Saan niyo dadalhin ang kaibigan ko!” rinig kong sigaw ng boses ni Jerry na bagong dating. “Hulihin niyo rin 'yan!” utos ng boses lalaki. Kitang-kita ko pa ang paghuli nila sa kaibigan ko. Pinilit ko pang magpumiglas, pero kahit anong pagpumiglas pa ang gawin ko ay hindi pa rin ako makawala sa mahigpit na pagkakahawak sa akin. Hanggang sa tuluyan na akong nanghina at unti-unti nang pumikit ang mga mata ko. Gusto ko mang sumigaw para humingi ng tulong ngunit hindi ko magawa, at sa kasamaang palad ay wala man lang dumaan na tao kahit isa. Bago pa ako mawalan ng malay ay naramdaman ko pa ang pagbuhat sa aking katawan at pagpasok sa loob ng sasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD