"Hoy, Ena! Lumabas ka diyan! Magbayad ka na ng renta! Limang buwan ka nang hindi nakakabayad, ah!" Walang humpay na kinakalampag ni Aling Lusita ang pinto ng maliit na bahay na nirerentahan namin ng pamilya ko.
Ngunit naalala kong wala na nga pala akong pamilya. Ako'y ulila na.
Napahikbi ako dahil naalala ko na naman ang masaklap na nangyari sa aking pamilya. Tumulo ang mga luha ko habang nakaupo sa sahig at nakasandal sa gilid ng papag. Nakatitig lamang ako sa family picture na hawak ko habang tahimik na umiiyak.
"Ena, ano ba!" Sigaw ni Aling Lusita sa labas. Naisipan kong tumayo at sumilip sa bintana na inaanay na. Naka-standby sa mga kani-kanilang pinto iyong mga kapitbahay at hindi man lang nahihiyang makipagtsismisan sa ginagawang eskandalo ni Aling Lusita. "Kung hindi ka pa rin magbabayad ngayong araw, iempake mo na ang mga gamit mo! Lumayas ka na bukas sa bahay ko! Bwisit kayo ng pamilya mo! Bakit ba kasi pinarenta ko sa inyo ang bahay ko mga hindi naman kayo marunong magbayad ng upa!"
Bumalik ako sa pwesto ko kanina at tiningnan iyong malaking backpack ko na nakapatong sa papag. Tumayo ako at saka ko hinablot at isinukbit iyong backpack ko sa aking balikat. Pinunasan ko ng marahas ang mukha ko at saka lumabas ng bahay.
Nagulat si Aling Lusita sa biglaang pagbukas ng pinto dahil walang tigil siya sa pagkabog nito kanina pang alas syete ng umaga.
"Lalayas na ho ako, Aling Lusita. Sa inyo na ang mga gamit na naiwan. Iyon na ang bayad ko sa limang buwan na hindi ako nakabayad." Walang mababakas na emosyon nang sabihin ko iyon kay Aling Lusita. Umismid naman siya at sinungitan ako.
"Aba, Ena, dapat lang! Akin na lahat ng nandiyan sa bahay ko! Bakit ba kasi namatay ang pamilya mo. Ako tuloy ang nahihirapan nang dahil sa inyo! At ito ang baunin mo sa paglayas mo, Ena. Huwag ka nang babalik dito!"
Pinalaki ako ng magulang ko na may galang sa mga matatanda. Nais ko man gumanti kay Aling Lusita ay hindi ko na ginawa. Patuloy siya sa pag-degrade sa mga magulang ko habang ako naman ay nagsimula nang lumakad palayo sa kanya. Hindi ko na ininda iyong mga kapitbahay na nagtsi-tsismisan sa tapat ng kani-kanilang mga bahay. Nilisan ko ang lugar na iyon at hindi na lumingon pa.
Gamit ang isang libong piso na natira sa bulsa ko ay ginamit ko iyon para lumuwas pa-Maynila. Hindi ko rin alam kung paano ko nagawa ito. Para bang may sariling utak ang mga paa ko. Nakarating ako sa siyudad ng Maynila galing norte. Mahigit sampung oras rin ang byahe ko at magkano na lamang ang natira sa isang libo ko.
Ilang araw akong nagpalaboy-laboy sa Maynila. Namamasukan bilang waitress sa mga maliliit na restaurant okaya naman ay katiwala sa maliliit na shops. Sinubukan ko ring pumasok bilang labandera ngunit walang may gustong kumuha sa akin dahil sa aking hitsura. Malaki raw ang posibilidad na akitin ko ang mga mister nila o kaya naman ay maakit sila sa akin.
Mas lalo akong nawalan ng pag-asa at araw-araw na umiiyak sa gilid ng kalsada dahil walang lugar na pwede kong silungan o pwedeng tulugan.
Kinakain na rin ako ng matinding lungkot at pangungulila sa aking pamilya. Hanggang sa hindi ko na nakayanan pa.
Ngayon, mahigit dalawang taon na akong palaboy-laboy sa lansangan at kumakain ng tirang pagkain sa mga fastfood chains at restaurants. Ilang beses na rin akong nagbalak na kitilin ang aking buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay o ang magpasagasa sa mga mabibilis na sasakyan. Sa tuwing gagawin ko iyon ay palagi akong napapatingin sa bracelet na suot ko. Iyon lamang ang tanging pag-aari ng nakababata kong kapatid na nasawi rin kasama ng aming mga magulang.
Tila ba sinasabi sa akin ng kapatid ko na magpatuloy sa buhay. Ngunit papaano ko pa iyon gagawin ngayon? Wala na akong rason para mabuhay pa.
Bumuhos ang malakas na ulan habang nakaupo ako sa gilid ng kalsada. Nagsisitakbuhan ang mga taong walang masilungan at walang dalang payong habang ako, heto, hinahayaang mabasa ng ulan. Nais ko na lamang magkasakit hanggang sa mawala na lamang ako sa mundo. Kasabay ng pagpatak ng mga malalaking bitak ng ulan ay siya ring pagpatal ng mga luha ko.
Naaawa ako sa sarili ko dahil nagkaganito ako. Wala akong ibang masisi kung hindi ang sarili ko. Gusto ko mang umahon ngunit paano? Kinain ako ng lungkot at pagngungulila sa aking pamilya. Sila lamang ang mayroon ako. Ano pang silbi ng buhay ko kung wala na akong rason para mabuhay? Marami akong ipinangako sa kapatid ko na hindi ko na matutupad kahit na kailan. Ang gusto ko na lamang ngayon ay sumunod na sa kanila. Napayakap ako ng mahigpit sa aking maruming backpack.
"Miss na miss ko na kayo..." nanginginig kong sambit sa kawalan habang ako ay nakayuko at umiiyak sa ilalim ng malakas na ulan.
Ngunit sa aking pagtatangis ay tumigil ang isang lalaki na nakasuot ng pormal na itim na sapatos. Dahan-dahan akong napatingala sa kanya. Nakasuot ito ng pormal na black suit at mayroong gamit na payong. Walang emosyon ang kanyang mukha na tila ba trained na ito sa pagiging ganoon.
Natigil ako sa aking pagluluksa at pag-iyak nang mag-abot ito ng isang card. Natulala ako sa kanyang kamay dahil hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Nanginginig ang aking kamay nang abutin iyong card. Pagkakuha ay saka naman tuluyang lumakad iyong lalaki na tila ba walang nangyari. Sinundan ng mga mata ko ang kanyang nilalandas at napansing lumapit ito sa isang mamahaling sasakyan na kulay itim. Pumasok siya sa passenger's seat at doon ko rin napansin iyong lalaki na nakaupo sa back seat.
Tila kanina pa nakatitig sa akin.
Umandar iyong mamahaling sasakyan at sinundan ko rin ng tingin hanggang sa hindi ko na ito makita pa. Bumalik ang aking atensyon sa card. Isa pala itong business card. Kunot-noo kong binasa iyong nakasulat.
"Vallejo Group..." saad ko sa aking sarili. Binasa ko iyong address. Mukhang hindi naman ito malayo mula rito. Sa mahigit dalawang taon kong palaboy-laboy sa Maynila ay nakabisado ko na ang mga lugar.
Naisipan kong tingnan ang likuran ng business card kahit alam kong wala namang nakasulat doon. Ngunit nagkamali ako. Nanlaki ang aking mga mata at napatakip pa ng bibig nang mabasa sa aking isip ang nakasulat.
Sell yourself in exchange for a good life.
Second year college lamang ang natapos ko pero alam ko naman kung ano ang ibig sabihin ng nakasulat rito.
Ibebenta ko ang sarili ko para sa ikagaganda ng buhay ko?
Anong ibig sabihin niyon? Kailangan kong ibenta ang kaluluwa ko? Hindi iyon ang ninanais kong mangyari sa akin. Ngunit sa sitwasyon ko ngayon...
Gusto kong umahon sa buhay. Gusto kong ayusin ang hindi ko nagawa noon para sa sarili ko. At higit sa lahat, gusto kong ipakita sa pamilya ko na kinaya kong bumangon. Gusto kong maging proud pa rin sila sa akin kahit na ang kapalit ay ibebenta ko ang aking pagkatao sa taong hindi ko kilala.
Ganito talaga siguro. Mayroong mga taong pinalad sa buhay at mayroon din mga tao na katulad ko. Kailangang dumaan sa patalim para makaahon.
Napahawak ako sa bracelet ng kapatid ko. Gusto ko pa ring tuparin iyong mga ipinangako ko sa kanya.
Tumayo ako at inayos ang aking maruming kulay itim na bestida habang patuloy sa pagbuhos ang malakas na ulan. Nagsimula akong lumakad sa gilid ng kalsada dala iyong backpack ko. Hindi ko alam kung ilang oras akong lumalakad hanggang sa nakarating ako sa tapat ng isang malaking puting gate.
Pinindot ko iyong doorbell. Wala pang limang minuto ay bumukas iyong gate at lumabas iyong lalaki na nag-abot ng business card sa akin kanina.
Napansin ko naman na mayroong isang matipunong lalaki na nakasuot ng itim na fitted shirt. Nakatayo lamang siya sa terrace ng napakalaking modern house, tila pinapanood ang nangyayari dito sa ibaba.
Siya ba ang may-ari ng business card?
Inalukan akong payungan ng lalaking nakasuot ng black suit ngunit nagsalita ako. "Tinatanggap ko ang nasa likod ng business card. Ibebenta ko ang sarili ko kapalit ng maayos na buhay na ibibigay ninyo sa akin."
Sa halip na sagutin niya ako ay tiningnan niya iyong matipunong lalaki na nakatayo sa terrace. Tumango itong lalaki na nakasuot ng black suit sa kanya na para bang senyales ito. Pagkatapos at humarap siyang muli sa akin.
"Please, meet the person who owns the business card," wika nito.
Tumingin ako sa may terrace. Hindi ko namalayang nakatitig pala sa akin iyong matipunong lalaki. Doon lamang ako nakaramdam ng kaba.
Siya ba ang bibili sa akin?