[FRANCELI]
29 Days.
Meron na lamang dalawampu't siyam na araw si Luthan dito sa lupa bago ang posibleng pagkawala niya. At kapag hindi siya nakakuha ng sapat na liwanag bago maubos ang 29 days na yun, kapag matamaan siya ng liwanag ng buwan, iyon ang magiging dahilan ng kanyang pagkawala nang tuluyan.
Ang hirap tanggapin ng katotohanang iyon, dahil parang kailan lang nang dumating sa buhay ko si Luthan tapos ngayon malapit na rin pala siyang mawala. Nakaramdam ako nang kakaibang lungkot, at ngayon pa lang parang gusto ko nang maglupasay. Ang mas nakalulungkot pa, kahit matupad ni Luthan ang wish ko ay hindi pa rin siguradong magiging tao siya. Kumbaga, kumakapit lang siya sa paniniwala niyang maliligtas siya kapag natupad niya ang hiling ko. Pero wala talagang may nakakaalam kung ano ang mangyayari sa kanya at yun ang hindi ko matanggap--- na gawin man ni Luthan ang lahat ay wala pa rin iyong kasiguraduhan.
Kaya umiyak ako nang bongga sa dibdib niya dahil nagi-guilty ako, ni hindi ko man lang inisip ang kapakanan niya. Sana pala hindi ko pinaalis kaagad si Ate Ella dahil kailangan na naming makuha ang liwanag niya s soon as possible.
"Franceli, tahan na," pag-alo ni Luthan at malungkot ko siyang tinitigan sa mga mata niya. "Wag ka nang umiyak, tanggap ko naman ang sitwasyon ko. Saka, hindi naman makatutulong sa'tin kung mag-aalala tayo nang husto."
Nagpahid ako ng luha ko at pinandilatan ko siya. "May 29 days ka na lang! Alam mo ba kung gaano na lang kaikli yun? Mukha lang marami yun pero mabilis na lilipas yun! May four weeks na lang tayo para maghanap ng mga lecheng bulalakaw na yan! Ang masaklap pa, hindi natin alam kung ilan pa sa kanila ang dapat nating kunan ng liwanag! What if trentang ex-shooting star pa pala ang kailangan nating remedyuhan ang kanilang love life, eh 'di kahit makakuha tayo ng liwanag sa isa sa kanila araw-araw ay kakapusin pa rin tayo sa oras!" Napaiyak na naman ako pero si Star Boy ay biglang natawa nang hindi ko alam ang dahilan.
"Hindi mo na kailangang alalahanin yun. Tatlo na lang ang kailangan nating kunan ng liwanag," sabi niya.
Nagliwanag naman ang mukha ko sa sinabi niya. "Talaga? Tatlo na lang?"
Tumango siyang nakangiti at nakahinga ako nang maluwag. "Paano mo nalaman ang tungkol diyan?"
"Basta."
Naguluhan ako dun, pero bahala na. "Kung tatlo na lang pala, eh 'di posible pa talagang matupad mo ang hiling ko, Luthan! At isang dating bulalakaw na lang ang kailangan nating hanapin dahil si Ate Ella na at 'yung nerdy guy sa school ang dalawa pa!"
Tumango siyang nakatitig sa'kin at napansin kong biglang lumungkot 'yung mukha niya. Naawa tuloy ako kasi posibleng nahihirapan pa rin siya sa sitwasyon niya.
"Luthan, paano mo naman nalaman na tatlo na lang ang kailangan nating ex-shooting star? Explain mo sa akin!"
"Ah eh, nalaman ko lang," sagot niya na nag-iwas ng tingin. Pakiramdam ko tuloy may tinatago pa rin siya sa'kin.
Hinawakan ko siya sa kamay niya. "Makinig ka, Luthan. Sorry kasi 'di ko naiisip ang kapakanan mo. Sorry kasi kahit sinabi mo na sa'kin na may deadline ka na ay hinayaan ko pa ring umalis si Ate Ella. Sorry kasi hindi ako masyadong nagi-effort. Sorry---"
Pero napatigil na ako sa pagsasalita kasi nilagay niya ang isang daliri niya sa labi ko. "Wag ka nang mag-sorry, Franceli. Hindi mo naman kasalanan ang nangyayari. Kasalanan ko ito kasi bumagsak ako rito sa lupa kahit hindi ko pa oras. Kasalanan ko kasi inakala kong madali lang tumupad ng hiling at maging tao. Masyado akong naging kampante na kakayanin ko lahat ng pagsubok. Kaya huwag mo nang sisihin ang sarili mo."
Nginitian ko siya nang malungkot. "Sorry pa rin. Minsan kasi hindi ko naiisip na buhay mo rin pala ang nakasalalay dito sa hiling ko. Feeling ko tuloy napaka-selfish ko. Ang iniisip ko lang ay kung paano ako mapapansin ni Reuben gayong ikaw ay lumalaban para sa buhay mo. Para sa existence mo."
Nginitian niya na rin ako. "Ayos lang. Sapat na sa'kin na malaman na matibay ang nararamdaman mo para kay Reuben. Kontento na ako na malamang hindi ka susuko sa pangongolekta ng liwanag hanggang sa dulo kasi wagas ang pagmamahal mo sa kanya. Panatag na ang loob ko kahit ano'ng mangyari sa'kin basta matupad ko ang hiling mo. Kasi alam kong sasaya ka na kapag matupad yun."
Natigilan ako sa sinabi niya. Napaisip kasi ako. Sasaya nga ba ako kapag mahalin na ako ni Reuben? Kahit alam kong maglalaho si Luthan?
"Uy, natulala ka na," sabi ni Luthan na nakangisi. "Ah, baka naiilang ka kasi wala akong suot na t-shirt. Teka, kukuha ako." Nagpunta siya sa cabinet niya para kumuha ng t-shirt. Napansin kong kay Kuya pa rin iyong susuotin niyang t-shirt at dumoble pa lalo iyong guilt ko.
Hindi ko man lang siya mabilhan ng damit, tapos siya, ako lagi ang inaalala. Tapos 'yung kinita niya sa modelling binili niya pa ng video cam para sa'kin. Tapos ako, wala man lang akong binili para sa kanya kahit 'birthday' niya raw ngayon.
"O, dito ka muna? Hindi ka pa matutulog?" inosente niyang tanong sa'kin. Ngumiti na lang ako. Gusto kong maiyak ulit pero pinigilan ko na.
"Luthan, 'di ba birthday mo ngayon? Sorry ulit! May pinamili pala kami ni Steph kanina para sa celebration mo dapat! Sorry kasi nakalimutan ko yun dahil kina Kuya at Ate Ella! Ang sama-sama ko!"
Umiling siya. "Ayos lang. Kung pagod ka na, 'wag ka nang magluto. Hindi ko naman totoong birthday eh..."
Lalo naman akong naawa. Maglalaho na lang siya eh 'di pa niya mararanasang mag-birthday. Kaya may naisip ako.
"Hindi pwede ito Luthan!" protesta ko. "Magsi-celebrate tayo. Gusto kong maranasan mong mag-birthday."
"Salamat," nahihiya niyang sagot. Bumaba na ako sa kusina para magluto. Gusto niyang tumulong pero tinanggihan ko siya kasi gusto kong pagsilbihan siya. He deserves to be treated. Kaya nanood na lang siya ng tv sa sala. Sina Kuya naman ay nagpaalam na sa'kin dahil ihahatid pa raw niya si Luna. Sa inis ko naman sa kanya dahil sa nangyari kanina, hindi ko sila pinapansin. Kaya eto namang si Kuya ay kinulit ako.
"Uy, Frans, 'wag ka namang ganyan. 'Wag mo naman akong dedmahin. Kahit naman may nagawa akong mali ay kasangga mo pa rin ako 'di ba?" Nilalambing niya ako pero mas lalo lang akong nainis.
"Umalis na nga kayo ni Luna! Nagluluto ako para kay Luthan, oh!" turo ko sa pagkaing nasa mesa. "Kuya, sige na. Bukas na lang tayo mag-usap. Pag-iisipan ko pa ang mga sasabihin ko sa 'yo bukas."
"Parang nakakatakot naman yan," sabi niya.
"Basta, bukas na! Asikasuhin ko muna itong pagkain! Ayoko munang makausap ka kasi imbiyerna pa ako sa mga kaganapan," dugtong ko pa at tumango si Kuya. Nagpaalam na siya at umalis na sila ni Luna. Baka gabihin na raw siya ng uwi kaya 'wag na raw namin siyang hintayin.
"Kapag yan Kuya nabuntis mo rin si Luna Anaesthesia ,wag ka na uuwi dito dahil ayokong tumira yan dito at panigurado mauubusan tayo ng supply ng kape! At Diyos ko, maawa ka naman sa'kin, ang magiging mga pamangkin ko sa 'yo puro panganay?"
Hindi ko alam kung narinig pa ba nina Kuya at Luna 'yung pinagsasabi ko pero wala na akong pakialam. Ang importante sa'kin ay makuha ko ang liwanag mula kay Ate Ella. At kung kinakailangan kong paghiwalayin sina Kuya at Luna makuha ko lang 'yung liwanag ay gagawin ko.
Para kay Luthan.
***
Hindi nagtagal at dumating si Steph na may dala ring pagkain at regalo para kay Luthan. Excited ngang binuksan ni Luthan iyong regalo at tumambad sa kanya ang iba't-ibang branded shirts. May regalo rin siya mula kina Daniella at Dean na pinaabot nila kay Steph. Isa iyong gitara na galing pa raw Cebu. Sinabi kasi ni Steph sa dalawa na birthday ngayon ni Luthan kaya niregaluhan nila si Star Boy. Balita pa ni Steph, mukhang official na yatang magjowa ang dalawa at natuwa naman ako dun kahit papano.
Tuwang-tuwa si Luthan sa gitara niya pati sa mga damit. Ako naman, bigla akong nainis sa sarili ko. Feeling ko kasi ako dapat ang nanguna sa pagregalo kay Luthan. Kahit pa sinabi ni Luthan kanina na sapat na raw na pinaghahandaan ko siya ng pagkain, hindi ko pa rin maiwasang malungkot na ako pa 'yung hindi nag-effort para sa kanya. Samantalang si Steph eh pinamalita pa sa iba na birthday ni Luthan para lang makatanggap siya ng maraming regalo. Pati damit niya si Steph ang bumili. Tapos si Kuya ibinili ng relo si Luthan. Kaya inis na inis ako sa sarili ko. Ngayon ko lang na-realize, hindi ko talaga kinokonsidera 'yung feelings ni Luthan. Puro ako tungkol sa sarili ko.
"Dahan-dahan naman sa pagtadtad ng bawang, besh," puna ni Steph na tumulong na sa'kin sa pagluluto. "Hindi ka naman halatang galit niyan."
"Sorry. May iniisip lang ako."
"Sino ba yan? Si Reuben o si Luthan?" nakangising tanong niya.
"Siyempre si Luthan, nakakalungkot kasing mawawala na siya," pag-amin ko. Si Steph na ang naggisa ng baboy sa kawali at nakatunghay na lang ako sa ginagawa niya.
"At least, concerned ka na kay Luthan. Pero nakakapanibagong hindi ka ngayon natataranta kay Reuben."
"Ha? Bakit, may dapat ba akong ikataranta?" tanong ko kasi hindi ko maintindihan 'yung tanong ni Steph.
Natawa siya sa'kin. "Besh, may lagnat ka ba? O humithit ka ba ng kung ano? Bakit parang oblivious ka lately sa mga happenings?"
Tinaasan ko siya ng kilay. "Wag ka nang magpaligoy-ligoy pa. Sabihin mo na 'yang gusto mong sabihin."
"Nagtataka lang ako. Hindi pa kasi kita nakausap about Reuben and the swimming incident, 'di ba? I mean, niligtas ka niya. Tapos siya 'yung nag-mouth to mouth sa 'yo. He just technically kissed you. Tapos hindi pa dun natatapos ang c****x. Sinuntok niya si Luthan kasi dapat daw inuna kang niligtas. Which means concerned siya sa 'yo..." Inabangan ni Steph ang reaction ko pero nakatulala lang ako sa kanya.
"O tapos?"
"Besh! Nasapian ka ba?" reklamo niya. "Si Reuben yun! Yung mahal na mahal mo ng higit sa isang dekada na! Yung lalaking kinababaliwan mo! Nagpapakita na siya ng motibo sa 'yo! Tapos ang isasagot mo sa'kin, Oh tapos? Aba, akala ko ba, lahat nang ginagawa mo ay para mahalin ka niya? So why so dedma?"
Tinamaan ako sa 'speech' ni Steph. Oo nga ano? Dapat namatay na ako sa kilig sa mga nangyari. Kasi si Reuben, mukhang natatauhan na!
Pero bakit hindi ako ngayon nai-excite? Bakit hindi ako masaya? Dahil ba kay Luthan? Dahil ba sa idea na kahit kami na ni Reuben kung sakali, ay hindi pa rin ako sasaya kasi maglalaho si Luthan? Ganun ba yun? Nadi-distract ba ako ni Luthan?
Umiling-iling si Steph. "Ang weird mo ngayon, besh. Kahit naman nag-aalala ka kay Luthan, inaasahan kong excited ka pa rin kapag si Reuben ang topic natin. Ni hindi mo nga napansin kanina sa school na absent siya."
Nanlaki naman ang mga mata ko. "Absent siya kanina?"
"See? Hindi mo nga napansin! Two days na siyang absent! In fact, mula ng birthday mo, hindi pa siya pumapasok! Eh 'di ba gusto ka niyang makausap nun?"
Tumango ako. "Bakit daw absent siya?"
"Nagkasakit daw," sagot ni Steph. "But I know better. Posibleng nahihiya yun sa 'yo. Malamang nagi-guilty yun kasi sinuntok niya si Luthan. At sa harapan mo pa mismo. Iisipin nun galit ka sa kanya."
Hindi na ako nagsalita. Ewan ko ba, ang weird ko nga. I should be happy, right? Na baka gusto na niya ako?
Pero bakit ganito?
"Ay, ano ba yan! Nasusunog na 'yung niluluto natin!" sigaw ni Steph at nagkumahog kaming dalawa na remedyuhan yung niluluto namin.
[LUTHAN]
Masaya ang naging 'birthday' ko. Nagsalo-salo kasi kaming tatlo nina Steph at Franceli. Marami silang niluto at lahat yun ay masasarap. Pero ang talagang ikinatuwa ko ay 'yung cake na hinanda ni Franceli na binudburan niya nang pagkarami-raming Milo. Tuwang-tuwa talaga ako doon.
Ang saya pala kasi na mag-birthday. Nilantakan ko talaga 'yung cake habang panay ang kanta ng dalawa ng Happy Birthday.
Ang sarap!
Talagang alam na alam ni Franceli kung paano ako pasasayahin! Panandalian ko ngang nakalimutan na bilang na ang mga araw ko.
"Ay naku besh, kahit pala kay Luthan ay totoo 'yung kasabihang The way to a man's heart is through his stomach. Sarap na sarap si Luthan sa cake na pinuno mo ng pagmamahal, ay, este Milo pala."
"Syempre dapat special ang cake niya kasi birthday niya," sagot ni Franceli na nakangiti sa'kin.
"Salamat dito, Franceli," sagot ko naman. "Ang sarap talaga," sabi ko pa.
Nagpatugtog naman si Steph at sumayaw siya. Tapos hinila ako ni Franceli at sumayaw na rin kaming tatlo. Tumatawa sila sa pagsayaw ko kasi hindi ko alam kung paano.
"Teka, kukunin ko 'yung video cam!" sigaw ni Franceli at umakyat siya papunta sa kwarto niya. Naiwan kami ni Steph sa sala.
"Luthan, nag-aalala sa 'yo si besh. Iniisip niyang mawawala ka na talaga..." Malungkot na ang mukha ni Steph."Grabe pa naman yun kung mag-alala, naprapraning yun."
Tumango ako. Nitong mga nakaraang araw kasi nagiging iyakin na rin si Franceli. Lalo na kapag nababanggit kong posibleng maglaho ako.
"Luthan, sabihin mo na kaya 'yung posibilidad na maliligtas ka ni besh, para ikaw ang piliin niya---"
Agad akong umiling. "Ayoko. Ayoko siyang saktan. At ayokong malito siya."
"Pero pwede mong mailigtas ang sarili mo! Malay mo naman, piliin ka ni besh. Malay mo, isakripisyo niya 'yung kaligayahan niya para sa 'yo. 'Wag mong solohin ito Luthan. Matutulungan ka ni besh."
Alam kong nag-aalala na rin sa'kin si Steph kaya niya ito sinasabi. Isang beses kasi, tinanong niya ako. Kung pwede pa raw bang mabago ang hiling ni Franceli. Kasi kung pwede naman daw, maaari ko raw hilingin kay Franceli na ibahin niya na lang 'yung hiling niya. Na ako na lang 'yung pagbigyan niya ng hiling niya. Na hilingin niyang maging tao ako.
Sabi ko kay Steph, posible nga 'yung mangyari. Na pwede pang baguhin 'yung hiling ni Franceli. Yun nga lang hindi ko alam kung paano ko mababago yun kung sakali, kasi ang kilala ng liwanag ko ay yung hiniling niya.
"Pero ayokong gamitin niya ang hiling niya para sa akin," sabi ko kay Steph. "Ayokong mawala sa kanya iyong pagkakataong mahalin siya ni Reuben."
"Bakit? Luthan, pwedeng isipin mo naman ang sarili mo? Tutal mukhang nagkakagusto na si Reuben kay besh. Hilingin mo na lang kay besh na gamitin niya 'yung hiling niya upang maging tao ka..."
"Ayokong magbaka-sakali, Steph," sagot ko. "Hanggang hindi ko nakikitang gusto na nga talaga ni Reuben si Franceli, hindi ko iisipin 'yang sinasabi mo."
"Pero Luthan---!"
"Buo na ang desisyon ko, Steph," dugtong ko pa. "Gagawin ko ang tungkulin ko bilang isang bulalakaw. Tutuparin ko ang hiling niya. At hanggang maaari, ayokong madamay kayo rito ni Franceli. Ayokong mapahamak kayo."
Nakita kong parang naluluha na si Steph at niyakap ko na lang siya para tumahan siya.
"Grabe kasi, Luthan. Bakit ba hindi mo iniisip ang sarili mo? Kung ako lang sana 'yung hihiling para sa 'yo, eh 'di hindi ka nahihirapan."
"Salamat sa pag-aalala."
Nagpahid na siya ng luha. "Ano ba yan, naiyak ako. Anyway, gusto kong sabihin sa 'yo ito, Luthan. Subukan mong kausapin si Franceli tungkol dito. Mabait naman yun. Uuwi ako nang maaga para makapag-usap pa kayo."
Nagsimula na nga siyang magligpit ng mga gamit niya sa sofa. Sakto namang bumaba si Franceli galing sa kwarto niya.
"Sorry, natagalan ako," sabi niyang mukhang nagtataka. Nakita niya yatang niyakap ko kanina si Steph. "Nahirapan akong hanapin 'yung video cam... Uy, Steph. Umiyak ka ba?"
Umiling naman si Steph. "Tears of joy. Eh kasi natutuwa akong nag-birthday si Luthan."
"Ang drama ha! 'Wag mo nga akong gayahin, Steph, sayaw na lang tayo!" Sumayaw nga ulit kami habang kinukunan kami ni Franceli ng video. Pero hindi nagtagal at umuwi na rin si Steph. Naiwan tuloy kami ni Franceli.
"Uy, inom tayo," pagyaya niya. "May binili kaming beer ni Steph kanina. Kukunin ko lang." Nagpunta siya sa kusina. Maya-maya ay bumalik siyang may dala ng alak. Inayos ko naman ang mesa kung saan kami mag-iinom.
"Ang daya ni Steph," saad niyang nakasimangot. "Umuwi na ang bruha. Siya pa naman ang malakas uminom."
"Franceli, ayokong uminom ka masyado ng alak."
"Ngek. Hayaan mo na ako ngayon. Gusto ko lang malasing," sagot niya at nagsalin na siya ng beer sa dalawang baso.
"Hindi magandang naglalasing ka... lalo na at babae ka..." sabi ko pa at nagtaas siya ng kilay.
"Aba, ano ito? Gender discrimination? Mga lalaki lang ba ang pwedeng lumaklak ng beer? Kayo lang ba ang pwedeng maglasing?"
"Hindi yun ang punto ko..." sabi ko at napatigil ako saglit. "Ayoko lang na makasanayan mo 'yung pag-iinom kapag may dinadala kang mabigat na problema. Babae ka at paano kung halimbawa masyado kang malasing sa labas? Paano kung pagsamantalahan ka ng mga loko-lokong lalaki?"
"Luthan, mali ang ganyang thinking. Kahit pa lasing ako at maglupasay sa labas nang hubad, kung walang mga manyak, hindi ako mapagsasamantalahan."
Tumango ako doon. "Tama ka naman. Ang problema, maraming loko-lokong lalaki sa palagid. Maraming halang ang kaluluwa na naglipana sa mundo niyong ito. Kaya kung pwede, huwag ka pa rin masyadong uminom kung mag-isa ka lang lalo na kung hindi mo ako kasama."
"Eh anong gusto mong gawin ko? Gusto ko lang namang takasan ang mga problema ko..."
"Ganyan kayo... Kapag may problema kayo, kadalasan gusto niyo lang takasan. Gusto niyong makawala sa problema. Kaya kayo umiinom. Naglalasing. Pero nakakatakas ba talaga kayo sa problema niyo? Nakakaisip ka ba ng solusyon kapag nalalasing ka?"
Binitawan niya 'yung baso niya. "Ayoko na ngang uminom. Kainis ka. Nagsermon ka na naman eh."
"Nag-aalala lang ako para sa 'yo. Hindi mo lang alam, marami na akong napanood na mga eksena dito sa lupa noong nasa langit pa ako. Mga taong naglalasing. Mga taong nagbibisyo. Gustong tumakas sa problema, imbes na harapin ito. Gustong makalimot. Pero nakakatakas nga ba sila? Nakakalimot nga ba sila? Hindi. Kasi kapag pinipilit mong makatakas, mas lalo mong nararamdamang nakakulong ka. Kapag pinipilit mong makalimot, mas lalo kang nakakaalala."
Tinitigan ako nang mabuti ni Franceli. "May point ka. Pero ganito kaming mga tao eh. Hindi mo na yun mababago."
"Kaya nga humihiling kayo sa mga bituin. Kasi kumakapit kayo kahit sa pinakaimposible. Kasi akala niyo hindi niyo kayang mabago ang kapalaran niyo."
"Ano ba yan, Luthan. Beer lang 'yung topic natin, napunta naman sa kalalimang yan 'yang mga pinagsasabi mo."
Natawa ako. "Gusto ko lang sabihin sa 'yo Franceli, na ayoko lang makita ka na kapag may problema ka, gusto mo lang makalimot. O makatakas. Gusto ko harapin mo 'yung sakit, o takot, o galit. Gusto kong intindihin mo kung bakit ka humantong sa ganun. Kung pano ka napunta sa ganun. Kasi kapag naintindihan mo ang problema mo, malalaman mo kung paano makabalik. Kung pano ito masolusyonan. Ayokong maging tulad ka ng milyong-milyong taong napanood kong namuhay na miserable o may hinanakit."
"Dumugo utak ko sa 'yo, Luthan. Ang weird pero alam kong tama ka. Sa dami ba naman ng taong napanood mo mula doon sa langit. Malamang nagsasawa ka na ngang makita silang magkamali, o mamuhay sa takot o kung ano pang ka-echosan."
Tumango ako. "Kaya nga ayokong maging tulad ka lang sa kanila."
"Pero 'di ba, gusto mo talagang maging tao? Bakit? Kahit nakikita mo kung gaano katanga ang mga tao sa pamumuhay nang tama?"
"Franceli, alam mo, dati, ayokong maging tao," pag-amin ko. "Kasi ayokong mamuhay sa ganito kagulong mundo. Kaso 'yung kaibigan ko, si Iris, gustong-gusto namang maging tao. Kasi raw, maswerte raw ang mga tao."
"Bakit? Kasi kaya naming umibig?" tanong ni Franceli.
"Oo at hindi. May kakayahan kasi kayong magdesisyon para sa sarili niyo. Nasa mga kamay niyo ang kapalaran niyo. Kung alam niyo lang kung gaano kalawak ang mga posibilidad ng kaya niyong gawin sa buong buhay niyo--- Yun ang gusto ni Iris. At naengganyo ako sa sinabi niya. Kasi kami, buong buhay namin maglalabas lang kami ng liwanag. Tapos kapag oras na namin, babagsak kami at tutupad ng hiling. Hindi na namin mababago yun. Yun lang ang buhay namin, Franceli."
"Kaya nang bumagsak ako, kahit labag iyon sa batas ng kalawakan, natuwa ako sa pakiramdam. Na ganun pala ang pakiramdam na ikaw ang pipili ng oras ng pagbagsak mo. Yung marami kang pwedeng gawin."
Tumango rin si Franceli. "Naiintindihan na kita. Kaya gusto mong maging tao dahil sa marami kang pwedeng maranasan. Eh 'yung si Iris, ganun din ba ang gusto niya? Asan na pala siya?"
"Bumagsak siya rito ilang taon na ang nakararaan at naging tao rin siya."
"Ah. Isinilang siya bilang tao. Which means ex-shooting star nga siya. Teka, Luthan, hanapin natin siya! Di ba may isa pa tayong kailangang hanapin?"
Natigilan ako doon sa tinuran niya.
"Ano Luthan?" interesadong tanong ni Franceli. "Nalaman mo ba kung kelan siya exactly bumagsak dito? Yung taon? Para malaman natin kung ilang taon na siya ngayon!"
"Siguro kaedad mo na siya ngayon," matipid na sagot ko na lang.
"Talaga? O eh 'di at least may idea na tayo ngayon sa itsura niya. Luthan, makikilala mo ba siya kapag makita mo siya?"
"Ha?" Nag-iwas ako ng tingin. "Ano kasi... Hindi ako sigurado kung dapat ko pa ba siyang hanapin..."
"Bakit naman?"
"Kasi nagkasundo kami noon. Na kung sakaling magkatagpo kami, at makilala namin ang isa't-isa..."
"Ano?" tanong niya pa.
"Magiging magkasintahan kami. At Franceli, parang... parang ayoko nang mangyari yun."
"Ha? Bakit?" naguguluhan niyang tanong.
"Kasi kung sakali mang maging tao ako at kaya ko nang umibig, ibang tao na ang gusto kong maging kasintahan..." At tinitigan ko si Franceli nang makahulugan.