"Nakatapos din sa wakas!" bulalas ko habang nag-iinat. Nakaupo ako sa lapag at kaharap ang laptop na nakapatong sa center table. Sa sala ko naisipang tapusin ang sinusulat ko na kailangan kong maipasa bago magtanghali nang araw na iyon. Naghikab ako nang todo dahil sa sobrang antok. Wala pa akong tulog mula kagabi para lang matapos ang demand sa akin ng chief editor ko. "Magustuhan sana ng TV producer ang ipinasa ko. Pinagpuyatan ko 'to nang ilang gabi in almost one month!" Pinatunog ko ang mga daliri ko at minasahe dahil sa ngalay sa pagta-type.
Isa akong manunulat ng romance at romcom fiction stories sa isang sikat na online platform. Marami na rin akong nai-publish na akda hindi lang sa online kung hindi pati sa hard copy. Ilan sa mga libro ko ay nabibili sa leading bookstores nationwide at kadalasan ay nasa top selling list ang mga iyon. May isa na rin akong akda na naging pelikula at tumabo iyon sa takilya. Ang isang serye na naisulat ko ay kasalukuyang umeere tuwing gabi sa sikat na TV station.
Sikat ang mga akda ko, oo, pero hindi ako nagpapakilala sa mga tao. Kilala ako bilang Lustrous Kitten. Kahit ang mga malalapit na kaibigan at kaanak ko ay hindi alam kung sino ako. Tanging ang editor ko lang at ang kumpanya ang nakakakilala sa akin. Mas gusto ko ang tahimik na mundo dahil introvert ako. Mas gusto ko ang mapag-isa sa unit ko at magsulat maghapon, manood ng TV o magbasa ng mga libro kaysa gumala at mag-party. Marami ang curious sa akin bilang manunulat na nasa likod ng pangalang Lustrous Kitten pero wala akong planong magpakilala, at kung papalarin ay gusto kong magretiro sa pagsusulat pagtuntong ko ng trenta.
Kumuha ako ng unit sa isang medium class condo na nasa top floor, katas iyon ng mga kinita ko sa pagsusulat. Nagsimula akong maging independent sa pamilya ko para mas mamuhay nang tahimik habang nagsusulat. Sa edad kong beinte dos, masasabi kong successful na ako sa larangang napili ko. Nakatapos ako sa kursong Mass Communication pero hindi ko ito nagamit dahil nag-focus ako sa pagsusulat. Nagsimula akong kumita sa pagsusulat ng fiction stories mula noong eighteen pa lang ako at freshman sa college. Doon din ako kumukuha ng pandagdag sa tuition ko at hindi na humihingi pa ng allowance sa parents ko. Masaya ako dahil masasabi kong naitaguyod ko ang sarili sa sariling sikap.
Hindi kami mayaman. Ang mga magulang ko ay mga ordinaryong empleyado lang sa pabrika at mayroon akong limang nakatatandang kapatid. Nagawa ko na ring bilhan ng sariling lupa at bahay ang pamilya ko sa malapit na probinsya sa siyudad. Hindi iyon kalakihan pero sapat na para sa pamilya ko. Nagpapadala rin ako ng sustento sa kanila kada buwan. Masaya ako sa kasalukuyang takbo ng tahimik na buhay ko at wala akong planong baguhin ang kahit alin doon.
Nag-type ako sa laptop ng email sa editor ko at ini-attach ang isinulat kong bagong kuwento. Sila na ang bahalang mag-print doon.
Napangiti muna ako bago i-shut down ang laptop ko. "Oras na para matulog." Muli akong naghikab bago tumayo at nagtungo sa silid.
Naglinis ako ng katawan ko saka nagsuot ng pajamas. Nag-unat-unat pa ako para matunugin ang mga kasu-kasuan ko bago ko ninamnam ang lambot ng kama ko. Mahabang ngiti pa ang sumilay sa mga labi ko bago ako pumikit. Ang sarap sa pakiramdam na nakatapos ako ng bagong story.
Papalalim na sana ang tulog ko nang biglang nag-ring ang phone ko. Napabalikwas ako nang bangon. Nasapo ko ang sentido ko dahil kumirot iyon.
"Ah!" daing ko. "Bakit ko ba nakalimutang i-off ang phone ko?" Kinapa ko ang phone sa gilid ng unan ko habang hinihilot ng isang kamay ko ang kanang bahagi ng ulo ko.
"Hello?" Ni hindi ko na sinilip kung sino ang tumatawag.
"Rizy, kailangang narito ka sa script reading. Pumunta ka na sa RV Entertainment," matinis na tinig ng editor kong si Bobby.
"Sir Bob, hindi pa ako natutulog. Baka pwedeng iba na lang papuntahin n'yo ro'n, proxy ko, gano'n," reklamo ko.
"Ikaw ang writer kaya ikaw ang pumunta. Porke sikat ka na kaya uma-attitude ka," sermon nito.
"Sir Bob naman, di ako nag-a-attitude. Wala pa talaga akong tulog. Saka ayoko ngang magpakita sa ibang tao."
"Anong ginagawa ng face mask mo? Bilis na, pumunta ka na ro'n. Naroon si Harvey Villarama at gusto ng manager niya na kaharap ka sakaling may changes ang alaga niya. Mas mapapadali ang revision kapag gano'n. Susunduin ka ni Lily riyan." Si Lily ang manager ko at kasama lagi sa tuwing may meeting at book signing.
Nakakairita. Bakit ba masyado nilang binebeybi 'yung Harvey na 'yon?
"Oo na. Tatayo na nga eh." Hindi na ako nagpaalam sa editor ko. In-end call ko agad saka padabog na ibinagsak ang phone sa kama ko.
"Kainis!" Papadyak akong tumayo saka mabigat ang mga paang tinungo ang banyo. Iinom na lang ako ng pain killer.
"Huwag na huwag mag-a-attitude ang Harvey na 'yon mamaya, baka siya bagsakan ko ng sakit ng ulo ko." Binuksan ko ang medicine cabinet na nasa taas na bahagi ng sink saka ako kumuha ng pain killer. Binuksan ko ang bote saka lumabas ng banyo para kumuha ng isang basong tubig. Ininom ko ang gamot saka pumikit.
"Tumalab sana agad." Nakailang inhale at exhale ako bago ako kumilos para makapag-ayos. Bumalik na ako sa banyo para makaligo. Baka sakaling makatulong din ang malamig na tubig ng shower.
Matagal akong nagbabad sa malamig na tubig bago ko tinapos ang pagligo ko. Mabilisang pag-aayos ang ginawa ko at hindi na ako nag-make up. Naka-face mask na naman ako kaya hindi na kailangan niyon. Mata lang naman ang kita sa akin at natural ang long eye lashes ko. Makapal din ang kilay ko na nililinis ko lang ang mga sabog sa paligid. Kinuha ko ang pink face mask na pinasadya ko kaya't sukat na sukat iyon sa akin. May nakasulat na Lustrous Kitten sa kanang bahagi niyon saka maliit na sillhouette ng kitten sa tabi ng letter n. Isinilid ko 'yon sa back pack ko.
Puting blouse at black skinny jeans lang ang isinuot ko, terno ng silver necklace na may pink kitten na pendant, pasadya ko rin bilang trademark ng Luscious Kitten na pen name ko. Kinuha ko ang black hoodie jacket saka ko isinuot iyon para itago si Luscious Kitten sa paglabas ng condo. Sa kotse ko na aalisin ang jacket. Sneakers lang ang suot ko. Mas gusto kong komportable ako sa paglalakad ko at ayokong mag-tiis-ganda gamit ang heels.
Nang masipat kong okay na ang itsura ko ay bumaba na ako ng condo saka hinintay si Lily. Ilang saglit pa ay pumarada na ito sa tapat ko. Binuksan nito ang pinto ng passenger side.
"What took you so long?" tanong ko sa kaniya. Nasa late twenties na si Lily, naka-sleeveless dress ito na black. Maganda at sophisticated ang dating. Currently dating the executive producer of RV Entertainment.
"Sorry, girl, traffic sa highway. Hop in."
Sumakay na ako saka ikinabit ang seat belt. Sumandig ako saka pumikit.
"Headache?" tanong nito. "Lack of sleep?"
Tumango ako nang marahan habang nakapikit pa rin.
"Alam ko ang mood swings mo kapag wala kang tulog. Pagpasensyahan mo na ang pinsan ni Rick kapag nag-inarte mamaya."
Dumilat ako saka bumaling ang tingin sa kaniya. "Pinsan nga pala ng boyfriend mo si Harvey Villanueva. Sige, para sa 'yo, magtitimpi ako."
Hindi ko kilala nang personal si Harvey Villarama, pero napanood ko siya sa TV series nito na pinalabas gabi-gabi kamakailan lang. Mataas ang ratings niyon kaya't alam kong sikat ang gaganap na Blue Quintana sa script na ginawa ko na gagawing movie.
Ang kuwento ni Lily sa akin, mapili raw sa role na gagampanan ang sikat na artista at modelo. Ilang script na raw ang tinanggihan nito, at mamaya ay kikilatisin nito ang story ko. Strikto rin daw ito sa trabaho. Ayaw ng may nahuhuli dahil medyo moody tulad ko.
Huwag lang sana kaming magpang-abot mamaya.
Pumikit ako ulit saka sumandig. Kukuha ako ng tulog sa byahe. Sana traffic ulit para mahabang tulog ang manakaw ko.