Nakatitig sa estanteng salamin ng mamahaling damit sa labas ng isang boutique shop ang bente tres anyos na si Jada. Tuwing dumadaan siya sa tindahan na iyon bago umuwi galing sa trabaho ay hindi niya maiwasan na hindi mapatingin sa kulay lilac na mahabang damit na iyon na suot ng mannequin. Halos dalawang linggo na niyang nakikita sa display ang damit na iyon. Gandang-ganda siya rito, gusto niyang sukatin ang damit para sana malaman kung bagay ba sa kaniya ito, ngunit wala siyang lakas ng loob na gawin iyon. Bukod sa mahal ang damit, sa tingin niya ay hindi siya papayagan ng nagbabantay na sukatin ito kung hindi naman niya bibilhin.
Ni minsan sa buhay ni Jada ay hindi pa niya naranasan na makapagsuot ng magandang damit, hanggang pangarap na lang para sa kaniya ang bagay na iyon. Ang priyoridad niya sa ngayon ay magtrabaho nang magtrabaho para matulungan ang kaniyang nobyo na si Jacob na makapagtapos ng pag aaral. Sa umaga ay tindera siya sa isang hardware store na pag aari ng mayamang intsik sa kanilang lugar, at sa gabi naman ay taga hugas siya ng pinggan sa isang restobar.
Dalawang taon na silang nagsasama sa iisang bubong ni Jacob. Nangungupahan sila sa isang maliit na apartment malapit lang din sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Ulila na sa mga magulang si Jada, lumaki siya sa pangangalaga nang kaniyang Lola Nimfa. Nang siya ay labing anim na taong gulang pa lamang ay namatay sa atake sa puso ang kaniyang lola. Simula noon ay hindi na nakapag aral pa si Jada, hanggang highschool lang ang natapos niya.
Sa murang edad ay natuto siyang magtrabaho at mabuhay ng mag isa, hanggang sa makilala niya si Jacob, ang bagong pahinante sa hardware na pinagtatrabahuhan niya. Bente anyos na siya noon at si Jacob naman ay disiotso anyos pa lamang. Sa unang kita palang niya kay Jacob ay nakaramdam na siya nang matinding paghanga sa binata. Simpatiko ito, gwapo, magaling makisama, masayahin at laging nakangiti.
Hindi niya akalain na si Jacob ay may nararamdaman din para sa kaniya. Nagpahiwatig ito ng pag-ibig sa pamamagitan ng madalas na pagbibigay ng tsokolate, bulaklak at mumunting regalo. Palagi rin siyang hatid sundo nito sa kaniyang tinitirahan.
Makalipas ang halos dalawang buwang panunuyo, matapos nitong magtapat ng pag ibig sa kaniya ay agad din niyang tinugon ang pag-ibig nito.
Naging masaya at makulay ang buhay ni Jada nang dumating sa piling niya si Jacob.
-
Samantalang si Jacob naman ay tumakas lang sa kaniyang malupit na tiyahin na kumupkop sa kaniya simula pa noong iwan siya ng kaniyang ina rito. Limang taong gulang pa lamang siya noon. Sa loob ng labing tatlong taon ay hindi na nagpakita ang kaniyang ina at hindi nito tinupad ang pangakong babalikan siya.
Dahil hindi niya natagalan ang kalupitan nang kaniyang tiyahin ay napagpasiyahan niyang tumakas na lamang at magpakalayo-layo. Sa kaniyang paglalakbay ay napadpad siya sa Maynila at doon ay nakilala niya si Mang Tasyo nang tulungan niya itong kumpunihin ang nasirang truck na minamaneho nito.
Si Mang Tasyo ay nagtatrabaho rin bilang driver sa hardware na pinagtatrabahuhan ni Jada. Tinulungan siya nang mabait na ginoo na makapasok na pahinante sa hardware.
Mataas ang pangarap ni Jacob, gusto niyang makapagtapos ng pag aaral, kaya sa umaga ay nagtatrabaho siya at sa gabi naman ay nag aaral. Kumukuha siya ng kursong abogasya. Matalino si Jacob at madiskarte sa buhay. Sa murang edad ay ginagawa niyang unti-unting tuparin ang kaniyang mga pangarap.
Humahanga si Jada sa matinding determinasyon ng kaniyang nobyo. Sinusuportahan niya ito sa lahat ng nais nitong gawin sa buhay dahil alam niya na sa mabuting daan ang tinatahak nito. Si Jacob ay magandang impluwensya sa kaniya. Kahit mas matanda siya rito ng dalawang taon ay mas matured na ito kung mag isip kumpara sa kaniya.
Habang tumatagal ay nagiging mas mahirap na ang mga pinag aaralan nito sa eskwelahan at hirap na rin itong pagsabayin ang pag aaral at pagtatrabaho, kaya napagkasunduan nila ni Jada na sa apartment na tinitirahan na lamang ng dalaga siya manirahan para makalibre siya ng upa sa bahay.
Nang magkasama na sila sa iisang bubong ay nakikita ng dalaga ang paghihirap ng nobyo. Hindi biro ang trabaho nito bilang isang pahinante. Pagbubuhat ng sako-sakong semento, hollow blocks, mga kahoy at bakal ang araw-araw nitong ginagawa, ngunit hindi ito sumusuko, patuloy pa rin itong nagsisikap sa kaniyang pag aaral.
Nakaramdam nang matinding awa si Jada sa kaniyang nobyo. Halos wala na itong tulog at hindi na maasikaso ang sarili, kaya napagdesisyunan niya na patigilin na ito sa pagtatrabaho at mag-concentrate na lamang sa kaniyang pag-aaral. Siya na ang tumustos sa mga gastusin nito sa eskwelahan pati na ang mga gastusin nila sa bahay. Inako niya ang lahat ng responsibilidad dahil mahal na mahal niya si Jacob. Malaki ang tiwala niya na hindi nito sasayangin ang lahat ng pinaghirapan niya.
Pinagbuti naman ni Jacob ang kaniyang pag aaral, sinusuklian niya ng pagmamahal ang lahat ng sakripisyo ni Jada para sa kaniya.
Lumipas ang limang taon at nagbunga ang kanilang pagsisikap, ganap ng abogado si Jacob. Siya ang naging topnotcher sa bar exam at dahil doon ay pinag aagawan siya ng mga kompanya at madali siyang nakahanap ng magandang trabaho. Unti-unti ng umunlad ang buhay nila.
Pinakasalan ni Jacob si Jada at nagkaroon sila ng isang anak na lalaki. Tinupad ni Jacob ang pangarap ni Jada na makapag aral ng kolehiyo kaya si Jacob naman ngayon ang nagpaaral sa kaniyang asawa.
Kahit na nag aaral ng interior design ay hindi pa rin kinakalimutan ni Jada ang obligasyon niya bilang isang asawa at ina. Napagsasabay niya ang pag aaral at ang pagiging maybahay ng sikat na abogado na si Atty. Jacob Leviste
_
Masayang-masaya si Jada, matapos ang apat na taong pag aaral ay isa na siyang ganap na interior designer, hindi pa man ay may nag aabang ng trabaho sa kaniya.
Sa kaniyang graduation ay hindi niya inaasahan na dumalo ang kaniyang asawa at ang anak na si Justin.
"Congratulations, sweetheart!" masayang bati ni Jacob sa kaniya sabay abot ng pumpon ng mga bulaklak. Ang anak naman niyang si Justin ay may hawak din na isang tangkay ng puting rosas at inabot ito sa kaniya.
Malapad na ngiti ang isinukli niya sa kaniyang mag-ama. Binuhat niya ang kaniyang anak at hinalikan ito sa pisngi, samantalang yumakap siya asawa at masuyo naman siya nitong hinalikan sa labi.
"Maraming salamat, talagang na sorpresa ako sa pagdating ninyo. Hindi ko akalain na pupunta kayo sa graduation ko. Akala ko ba may naka-schedule kang importanteng trabaho ngayong araw?" aniya rito.
"That job can wait, but I can't miss being with you in the most memorable moments of your life, sweetheart. We are your only family and we can't just take you for granted. This occasion means a lot to you and I want you to celebrate that happiness with me and our son," sabi ni Jacob.
"I am speechless. I don't know what to say anymore. I am beyond grateful and blessed to have you and Justin in my life. I am so overwhelmed," mangiyak-ngiyak na sabi ni Jada.
Wala na siyang mahihiling pa, napaka perpekto na ng buhay niya. May cute at malusog na anak, may gwapo, matalino, mapagmahal at good provider na asawa.
Ang pangarap niya noong makapagsuot ng magandang damit ay hindi na lamang isang pangarap ngayon dahil halos lahat ng mga gusto niya ay meron siya at nabibili niya. Ngayon ang mamahaling bag na regalo ng kaniyang asawa ay dagdag na naman sa mga luxury brand na collection niya.
"That is not the only gift I have for you. Close your eyes, sweetheart. Don't open it until I say so," utos ni Jacob.
Nangunot naman ang noo ni Jada sa labis na pagtataka.
Kanina pagkatapos ng kaniyang graduation ceremony ay kumain silang mag asawa sa labas para mag-celebrate. Hindi niya akalain na pagdating sa bahay bukod sa mamahaling bag na regalo nito ay meron pa pala itong ibibigay na iba sa kaniya.
Gaya ng inutos nito ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Inalalayan siya ng asawa hanggang sa makalabas sila sa gate ng kanilang bahay.
"Anong sorpresa ba 'to?" tanong niya na may halong pag aalala at excitement.
"Just close your eyes, don't open it yet," anito.
Dahil masunurin siya sa asawa ay nanatili naman siyang nakapikit.
"Okay, open your eyes now," sabi nito.
Unti-unti niyang iminulat ang kaniyang mga mata.
Napaawang ang bibig niya ng makita ang puting mamahaling kotse na nakaparada sa harapan nila. Binalingan niya ng nagtatanong na tingin ang kaniyang asawa. Ayaw niyang papaniwalain ang sarili na para sa kaniya ang sasakyan na iyon dahil baka mali pala siya ng hinala at mapahiya lamang siya sa bandang huli.
"That car is yours, that's my graduation gift for you," pahayag ni Jacob.
"Huh! Totoo ba ang sinabi mo? Hindi ka ba nagbibiro?" paniniguradong tanong niya.
"Yes, it's true, sweetheart. Here's the car key for you to believe. Do you want you to try it? I am very much willing to be your first passenger," nakangiting sabi nito sabay taas ng kanang kamay na may hawak na susi.
Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilan pa ni Jada ang mapaiyak. Matagal na niyang gusto na magkaroon ng sariling sasakyan. Kahit na second hand lang ay sapat na sa kaniya, ngunit ang nasa harapan niya ngayon ay bagong-bago at kumikinang pa sa kintab. Sobra-sobra pa iyon sa simpleng sasakyan na pinapangarap niya.
Sinugod niya nang yakap ang asawa at sumubsob siya sa matipunong dibdib nito habang panay ang hikbi.
"What did I do to deserve all of this?" tanong niya sa asawa, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mapaniwalaan ang swerte na patuloy na dumarating sa buhay nila.
"Kung ano ako ngayon at kung ano ang meron tayo ngayon, ang lahat ng iyon ay dahil sa'yo at sa mga sakripisyo mo para sa akin at sa pamilya natin. You deserve everything in this world, sweetheart. Please, stop crying. You should be happy now."
"Yes, of course, I'm happy. I'm crying because of happiness. Thank you for always appreciating me. Thank you for loving me unconditionally, honey," taos puso niyang sabi sa asawa.
"Words is not enough to say how much I love you, sweetheart. I want you to feel that everyday. Thank you for always being there for me during my ups and down. Thank you for trusting me and believing in me. It's about time na maramdaman mo naman ang sukli sa lahat ng paghihirap mo sa akin."
"Ginawa ko ang lahat ng iyon dahil mahal kita at ni minsan ay hindi pumasok sa isip ko na humingi ng kapalit sa lahat ng ginawa ko. Nagtulungan tayo at hindi bumitaw sa isa't-isa kaya narito tayo ngayon."
"Tama ka, this is the fruit of our labor. Alagaan natin kung ano ang meron tayo ngayon at lalo pang pagyamanin. Higit sa lahat alagaan natin ang ating pagmamahalan. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal ko kayo ni Justin. Kayo ang buhay ko."
Nagdiwang ang puso ni Jada sa labis na kaligayahan dahil sa mga sinabing iyon ni Jacob.
Nang oras ding iyon ay sinubukang paandarin ni Jada ang sasakyan na regalo nito sa kaniya. Magkasama silang umikot sa buong village. Nawili sa pagda-drive si Jada kaya naman lumabas pa sila sa highway para ma-practice pa niya ng husto ang kaniyang napag aralan sa pagmamaneho.
Matapos ang masayang araw ay pagod at agad na nakatulog nang magkayakap ang mag asawa. Para kay Jada ang maramdaman lang ang katawan ng kaniyang asawa sa kaniyang tabi ay langit na para sa kaniya.
Mahal niya si Jacob at malaki ang respeto niya rito. Si Jacob ang nag iisang lalaki na inibig niya. Iniibig niya ito ng higit pa sa buhay niya.