NAG-PARK ako sa labas ng bahay ng mga magulang ko. Kanina ay may plano pa akong umuwi pero matapos kong makita na magkasama sina Mattheus at Elena ay nagdesisyon na akong dumiretso rito. Napatitig ako sa kumikislap na diamond sa aking daliri. Suot ko ang wedding ring namin ni Mattheus. Naalala ko ang nasaksihan ko sa kanina. Ang daming pumapasok sa utak ko at ang daming katanungan ang nabubuo rito. Bakit magkasama sina Mattheus at Elena? Akala ko ba ay hiwalay na silang dalawa? Akala ko ba ay hindi nakikipag-usap si Mattheus sa kanya? Tinawanan ko ang sarili. Baka sinabi niya lamang iyon para mapaniwala niya ako pero sa likod ko, may kung anong kademonyohan na siyang ginagawa. Tinanggal ko ang singsing at inihagis iyon sa passenger’s seat. Kinuha ko ang bag ko at lumabas ng sasakyan.