Maxine Avila’s POV
“Max!” napakislot ako sa tawag ng kaibigan ko na si Klea.
“Ms. Avila!” narinig kong dumagundong sa buong classroom na tawag ng professor ko. Hindi ko na tuloy nagawang lumingon sa classmate at bestfriend ko na si Klea sa pagtawag nito.
Bigla akong pinagpawisan ng malapot dahil nang magtama ang mga mata namin ng professor ko ay madilim ang tingin nito sa akin. Halatang galit. Kinabahan ako. Napalunok ako sabay pinasadahan ng tingin ang classroom at halos lahat ng classmates ko ay nakatingin sa akin. Nilingon ko naman si Klea at kagat nito ang ibabang labi habang ang mata at nag-aalala sa akin at parang sinasabi na ‘you’re in trouble’. Matapos ay muli akong tumingin sa professor ko na lumapit na sa tapat ko.
“S-sir—”
“Ms. Avila!” putol ng professor ko sa sasabihin ko sana, “First day of class ay binabastos mo na agad ako? Why are you not listening on my lecture!?”
Nagulat naman ako na sa dami ng classmate ko ay natandaan agad nito ang apelyido ko. Siguro ay dahil ako ang pinakaunang na-introduce kanina sa klase. Ito ang mahirap eh, kapag nasa letter ‘A’ nagsisimula ang surname ay laging napupunta sa row 1. Ayan tuloy at pansinin ang galaw ko dahil nasa harap lang ang professor ko.
“S-sir, p-pasensya na po!” Kinakabahan akong napatayo. “I think I have an emergency call.”
Nawala lang naman sandali ang atensyon ko sa klase dahil sa sunod-sunod na vibrate ng cellphone ko. Wala naman talaga akong balak sagutin kung sino man ang tumatawag pero gusto ko lang sana na patayin iyong cellphone para hindi na ako ma-distract. Kaso nahuli na pala ako ni Sir.
“Hindi pa nagsisimula ang klase ay nagsabi na ako na i-turn off niyo ang mga cellphone niyo!” singhal naman ng professor ko. Pakiramdam ko ay namumula na ako dahil sa pagkapahiya sa buong klase. Hindi pa naman ako sanay na pinapahiya sa harap ng maraming tao. “So bakit mo sinasabi na may emergency call ka? You didn’t listen to my instructions a while ago Ms. Avila. Oh, baka naman boyfriend mo lang iyang tumatawag kaya hindi ka nag-off ng cellphone?” dagdag pa ni Sir.
Natigilan naman ako sa sinabi ng prof ko. Boyfriend? Ayos din mag-assume itong si Sir, huh? Hindi ba pwedeng kamag-anak ang tumawag? Boyfriend agad? Ni hindi nga ako nagkaka-boyfriend pa dahil pinagbabasted ko ‘yung mga manliligaw ko.
Lahat ng nagtangka, basted!
Ayoko ng boyfriend na makakasira lang sa pangarap ko na makatapos ng pag-aaral. Panata ko kasi sa sarili ko na magtapos muna ng pag-aaral bago mag-boyfriend. Sa hirap ba naman ng buhay namin ay uunahin ko pa ang pagjo-jowa? No way! Mas gusto ko na umahon muna sa hirap. Iahon sa hirap ang pamilya ko.
Ngayon pa ba na graduating na ako? Sa edad kong twenty-two years old ay dapat lang na no’ng last year pa ako tapos sa pag-aaral. Eh ‘di sana ay nagtatrabaho na ako ngayon. Kaso sa hirap ng buhay ay napilitan akong maghinto ng isang school year. Sobrang gipit kasi kami nila Mama two years ago. ‘Yung small business na tinayo namin matapos mamatay si papa ay bumagsak kaya ako na lang ang nag-sacrifice na maghinto. Mas makapal din kasi ang mukha ko sa pag-raket at gusto kong tumulong kay mama muna. Iyong kapatid ko na si Margaux ang nagpatuloy muna sa pag-aaral kaya naging one-year lang ang gap namin sa eskwela. Third year college na ito ngayong pasukan at ako naman ay fourth year na sa kursong B.S. Customs Administration.
Mabuti na lang talaga ay nakapasok pa si Mama sa isang office bilang admin staff. Clerical job naman ang hinahanap sa trabaho at may experience naman kasi ang mama ko dahil nag-o-opisina ito dati bago nakilala si Papa. Idagdag pa na kakilala ni Mama ang may-ari ng kumpanya kaya madaling napasok sa work kahit more than decade na na-stop sa trabaho.
Seven years ago nang mamatay ang Papa ko dahil sa atake sa puso. Simula noon ay naging hirap na rin si Mama na itaguyod kaming dalawang magkapatid Hindi rin kasi sapat ang kita sa small business namin kapag college ang pinapa-aral. Pero mabuti at nakakaraos kahit paano sa pagiging isang kahig isang tuka namin dahil hindi naman sapat din ang kita ni Mama simula ng nag-oopisina na ito.
Madalas talaga ay negative at puro utang kami. Kaya nga kami ni Margaux ay marunong na rumaket sa pamamagitan ng pagbebenta ng kung ano-ano. Minsan yema, polvoron, etc, at dinadala sa school.
“Ano, Miss Avila!?” muli akong napakislot sa tanong ni sir. “Boyfriend mo ba ang istorbo sa klase?”
Muli akong napalunok sabay yuko.
“I’m s-sorry, Sir,” tanging nasambit ko na lang at hindi sinagot ang tanong ng sir. Narinig ko na lang ang malalim na buntong hininga ni Sir.
“Fine! Just turn off your cp now at mag-concentrate sa lesson.”
Pagkasabi ni Sir ay muli akong umupo. Tumalikod na si Sir sa akin at muling naglakad sa kinatatayuan nito sa gitna ng room kanina.
“Okay ka lang, Max?” mahinang tawag ni Klea at agad akong ngumiti ng tipid dito.
Binuksan ko na ang bag ko at kinuha ang cellpone ko para patayin. Sakto na nag-vibrate muli ang cp ko at nakita ko ang tumatawag. Bigla akong napakunot ng noo dahil sa nakita kong pangalan ng nag-register doon.
Ate Betty?
Bakit naman tumatawag ang kapit-bahay kong si Ate Betty sa akin? Bigla akong kinabahan pero napilitan akong patayin ang cellphone habang nagta-try pa rin na tumawag ang kapit bahay ko.
Binuhos ko ang atensyon sa klase kahit nahirapan ako. Medyo distracted rin kasi ako sa miscall ng kapit bahay namin kaya napapa-isip ako.
Mukhang pinag-initan na ako ng prof ko dahil dalawang beses ako nito pinatayo at may itinanong tungkol sa subject. First day pa naman ng class at hindi pa ako aware sa tinuturo nito kaya hindi tuloy ako nakakasagot at napapahiya sa klase.
Hanggang sa wakas ay natapos na ang klase namin. Nagpaalam na ang professor namin na tinapunan ako ng kakaibang tingin bago tuluyang lumabas. Agad kong kinuha ang bag at binuksan iyon para kunin ang cellphone. Nagmamadali kong pinindot ang power button.
“Maxine!” tawag ni Klea. Lumingon ako sa kaibigan ko habang hinihintay ang tuluyan na pagbukas ng cellphone ko.
“Huh?”
“Type ka siguro ni prof,” may halong panunukso na sabi ni Klea.
“Tsk, ikaw talaga, Klea. Nakita mo naman na mukhang badtrip sa akin.”
“Hindi ah, mukhang nagpapapansin lang ‘yun. Pero in fairness, ha. Gwapo si Sir.” Tila naman itong kaibigan ko ang may type talaga sa professor namin dahil ramdam ko ang kilig nito. Napailing na lang ako dito.
“Ang tanda tanda na no’n, Klea. Mukhang nasa forties na ‘yung si Sir. Huwag mo nang pagnasaan.” Tudyo ko naman sa kaibigan.
Binaling ko na ang tingin sa cellphone na sa wakas ay bumukas na. Tila may sasabihin pa sa akin si Klea pero nag-excuse na ako rito para tawagan na si Ate Betty.
Pagtayo ko ay hindi pa sinasadyang may bumunggo sa akin at agad na humawak sa beywang ko.
“Ooopps! I’m sorry Ms. Rosales,” sambit ng isa kong classmate na nakangiti sa akin.
“Hindi Rosales ang apelyido ko, “masungit na sabi ko matapos humiwalay agad sa lalaki.
“Sorry again, parang mas bagay kasi sa’yo ang apelyidong Rosales.” Kumunot ang noo ko lalo na nang nilahad ng classmate ko ang kamay nito. Napatingin ako roon. “By the way, I’m Marco Rosales.”
“Ayiehhh....” “Oh my goshhh!” halos mabingi naman ako sa hiyawan ng mga classmates ko na halatang kinilig sa banat nitong Marco.
As usual, may pumorma agad sa akin sa first day ng klase pa lang. Napailing na lang ako.
“Hi Marco, I’m Maxine Avila.” Walang gana ako na nakipag handshake. Inagaw ko agad ang kamay ko nang maramdam ang pagpisil nito sa palad ko. “Excuse me, I need to call my boyfriend.” Sambit ko sa natigilan na lalaki sabay alis.
Hmpp. Mga lalaki talaga!
Narinig ko ang tuksuhan ng mga classmate ko doon sa Marco na napahiya dahil sa tangka na pagpapa-cute. Hindi ko na lang pinansin hanggang sa makarating ako sa may pinto ng classroom at lumabas.
Agad ako na nag-dial ng number ni Ate Betty na agad rin na sinagot ng babae.
“Hello Ate Be—"
“Max!” agad putol ni Ate Betty sa sabihin ko. “Umuwi ka na ngayon din!”
Biglang tinambol ng kaba ang dibdib ko. Bakit? Sino ba ito para pauwiin ako? Unless may emergency. Biglang nanginig ang tuhod ko sa isipin na iyon.
“A-ate, bakit? Anong nang—”
“Huwag kang mabibigla...” mas lalo akong pinapakaba ni Ate Betty dahil parang nag-alangan ito na magsalita. “Ang Mama mo at si Margaux, patay na!”
Bigla kong naibagsak ang cellphone na sahig pagkarinig sa sinabi ni Ate.
Patay?
Bigla akong napahawak sa dibdib kasabay ng pagdilim ng paningin ko. Parang narinig ko na lang na may nagtilian sa paligid kasabay ng pagtapik sa mukha ko habang tinatawag ang pangalan ko hanggang sa tuluyan na akong kinain ng dilim...
_ _ _
“MAX, KUMAIN ka naman, please.”
Nakagat ko ang ibabang labi sa narinig mula sa kaibigan kong si Klea. Pero wala man lang akong lakas na tingnan ito. Nanlalata ako. Nanghihina dahil sa halos apat na araw na akong puyat. Hindi ko na matandaan kung sa loob ng apat na araw na iyon ay ilang beses akong kumain. Parang isang beses na lang isang araw para lang hindi tuluyan na matumba.
“Max,” mahinang tinig ni Klea muli.
Dahan-dahan akong tumingin kay Klea. Alam kong bakas sa mukha ko ang sobrang lungkot. Pero habang narito ako sa lamay ay bihira na lang akong umiyak. Siguro naubos na ang luha ko lalo na nung unang araw na nalaman ko na namatay na ang mama ko at nag-iisang kapatid.
“K-klea, mamaya na siguro ako kakain.”
Pilit na ngumiti sa akin si Klea sabay hawak sa kamay ko at pinisil iyon.
“Magpakatatag ka, Maxine, hah?”
Magpakatatag? For what reason? Ulila na akong lubos sa isang iglap lang. Iniwan na nga kami ni Papa at tatlo na lang kaming mag-iina ang magkakasama. Pero bakit naman iniwan ako ni mama at Margaux? Parang ang unfair naman ng buhay? Magkakasama sila tapos ako dito nag-iisa?
Nagulat ako na biglang tumulo ang luha ko na si Klea mismo ang nagpahid. May naiwan pa pala akong luha na iluluha.
“Klea, hindi ko na alam kung paano magpapatuloy...” nagsimulang yumugyog ang balikat ko kasabay ng paghikbi.
“Shhhhh...” alo sa akin ng kaibigan ko.
Ilang sandali pa ay napakalma naman ako ni Klea at napilit na kumain kahit kaunti. Kailangan ko rin kasi para bukas dahil libing na nila mama at Margaux. Mamayang huling lamay ay expect ko rin na maraming tao at magsisipunta na ang mga kamag-anak mula sa side ni Mama at Papa.
Siyempre paulit ulit na kwento na naman ako kung ano ang ikinamatay nina Mama at Margaux. Kung pwede nga lang na i-record ko na lang eh para hindi na ako mag-consume ng maraming energy sa pagsasalita.
Bigla na naman bumalik sa akin ang alaala nang marinig ang balita mula kay Ate Betty. Naalala ko pa na nahimatay na lang ako no’n. Paggising ko ay nasa school clinic ako. Muli akong tumawag kay Ate Betty. Pinanalangin ko na panaginip lang ang narinig ko. Pero totoo ang lahat. Patay na sina mama at Margaux. Pinatay!
Papasok si Margaux sa university na pinapasukan namin. Sa hapon kasi ang schedule ng klase nito habang si mama naman ay nag-halfday sa opisina kaya sabay silang pumasok. Sa kasamaang palad ay hinoldap ang sinasakyang jeep nila. Nanlaban daw si mama nang ayaw nitong ibigay ang bag nito ay binaril si mama at pati na rin si Margaux ng mga holdaper. Apat na pasahero ang namatay sa insidente na iyon.
Nahuli naman agad ang mga holdaper at narecover ang mga gamit nila Mama at Margaux.
Ngayon hindi ko na alam kung saan ako pupulutin. Nangungupahan lang kami at si Mama ang breadwinner. Paano ako mabubuhay? Wala akong trabaho. Nag-aaral pa lang. Kapag huminto ako ay mas mahihirapan akong makakuha ng magandang trabaho. Saan ako kukuha ng pambayad sa renta? Marami pa naman na kamag-anak. Pero karamihan doon ay salat din sa buhay. Hindi rin ako papayag na maging pabigat. Ito nga lang lamay ay kung sino-sino na ang nilapitan ko para makatulong sa expenses.
“Maxine,” bigla naman akong napatingin nang muli akong tinawag ni Klea. May inilabas ito sa bag nito na agad ibinigay sa akin. “Ito na nga pala ang cellphone ni Margaux na pina-charge mo sa akin kahapon.”
Bigla ko naman naalala ang cellphone ng kapatid ko. Na-recover ito mula sa mga holdaper na nakakulong na ngayon.
“Salamat, Klea,”
Agad kong binuksan ang cellphone ni Margaux. Narito kasi naka-save ang number ng boyfriend nitong si Ethan. Mabuti na lang talaga at na-recover itong CP ni Margaux dahil wala naman akong number ng boyfriend nito para ipaalam ang nangyari kay Margaux.
Halos dalawang taon ng magkarelasyon si Ethan at Margaux. Nang una ay inilihim pa nga sa akin ng kapatid ko ang tungkol dito. Nahihiya ito na nauna pa raw itong mag-boyfriend kesa sa akin. Hindi naman ako nagtampo at hindi ko naman pwede na pigilan ang nararamdaman ng kapatid ko. Pinangaralan ko lang ito na dapat alam nito ang limitation.
Hindi na namin pinaalam pa kay Mama ang tungkol kay Ethan dahil ayaw rin kasi ng ina ko na mag-boyfriend kami habang nag-aaral. Okay naman dahil mukhang hindi nakakahalata si Mama. Pinakilala rin naman ni Margaux ng pormal si Ethan sa akin at nagustuhan ko ito para sa kapatid dahil nakita ko na mahal at marespeto ito kay Margaux. Kasing edad ko si Ethan. Mas matanda lang ako ng dalawang buwan pero tinatawag pa rin ako nitong ‘ate’ as sign of respect.
Nagkakilala si Ethan at Margaux sa fastfood na pinag-part time ni Margaux ng summer vacation. Nagka-inlove-an ang dalawa. Love at first sight raw sabi ng kapatid ko. Ewan ko kung totoo. Ako naman kasi ay hindi naniniwala sa love-at fisrt-sight. Huling beses na nakita ko si Ethan ay mga dalawang buwan na ang nakakaraan. Nag -celebrate kami sa pagtatapos ng klase at may trabaho na rin daw itong Ethan sa isang company.
Though hindi ko totally alam ang family background ng boyfriend ni Margaux, hindi naman ako nag-alinlangan sa pakikipagrelaston ni Margaux dahil magaan ang loob ko sa lalaki na hindi nito sasaktan ang kapatid ko. Talagang perfect pair din ang dalawa kapag nakikita ko silang magkasama. Bagay sila dahil maganda rin ang kapatid ko at gwapo si Ethan.
Ngayon ay hindi ko alam kung paano ipapaalam sa nobyo ni Margaux ang nangyari.
Pagkabukas ko pa lang ng cellphone ay bumungad na ang halos umabot sa one hundred unread messages. Tiningnan ko ang preview at nakita ko na mula kay Ethan ang mga messages. Hindi ko pinagkaabalahan na buksan ang mga iyon dahil gusto kong igalang ang privacy ng kapatid ko.
Agad na lang akong nag-dial ng number ni Ethan. Dalawang ring pa lang ay narinig ko na ang pagsagot ng tawag sa kabilang linya.
“Hello, babe.” Sagot ng baritonong boses. “Finally, tumawag ka na! Nag-aalala ako sa’yo. Nagtatampo ka pa ba sa akin?”
Agad akong napahawak sa bibig ko. Mukhang may tampuhan pa ang mag-jowa. Sayang at hindi na sila magkaka-ayos dahil wala na si Margaux.
“E-ethan,” basag na ang boses ko.
“B-babe?”
“This is, Maxine.”
“Oh, A-ate. S-sorry. Akala ko si Marg ang sumagot. Pwede mo bang ibigay sa kany—”
“Ethan, I’m sorry.” Tuluyan na akong napaiyak. “My sister is dead...” sambit ko sabay hagulgol.
Hindi ko na narinig na nagsalita si Ethan at bagkus ay parang may narinig akong nabasag o bumagsak na bagay sa kabilang linya.