“HANGGANG KAILAN KA ganyan? Nagkaanak na tayo siya pa rin ang hinahanap mo. Kunting kibot, iyak agad. Kunting kibot, siya agad. Ano lang ba ako sa iyo? Ano lang ba kami ng anak mo? Aqua, may anak din kayo ni Rius na kailangan ka. Pero bakit parang naiwan ka pa rin sa iyong nakaraan? Harapin mo naman kami na iyong kasalukuyan,” sabi ni Taurus. Naririnig ko ang lungkot sa boses niya.
Napatayo ako sa kinauupuan ko at hinarap siya. Pinunasan ko ang luha sa mga mata ko para makita nang malinaw ang mukha niya. Gusto ko siyang titigan. Gusto ko siyang sigawan. Gusto ko siyang saktan. Hindi niya alam kung paano ang mawalan ng mahal sa buhay kaya wala siyang karapatan na kwestiyunin ako.
Walang masama kung nagkakaganito ako. Mahal ko ang taong hinahanap ko. Oo, nandiyan na siya sa buhay ko. Pero hindi ko naman kayang pigilan ang sarili ko na maalala ang unang lalaking iniibig ko.
“Wala kang karapatan para kwestiyunin mo ako nang ganyan, Taurus!” sigaw ko.
“Karapatan?” Nagsimula ng mangilid ang luha sa mga mata niya. “Baka nakalimutan mo na asawa mo ako? Baka nakalimutan mo na ama ako ng anak natin? Baka nakalimutan mo na pinili kitang makasama hanggang sa huling hininga ko. Kung alam mo lang, ang dami kong karapatan sa iyo. Pero ikaw itong tinanggalan ako kahit buhay pa ako. Ako itong buhay! Ako! Ako! Ak—”
Sinampal ko siya. “Kaibigan ka ba talaga? Paano mo nasabi iyan!?”
“Kaibigan ako. Totoong kaibigan ako. Pero masisisi mo ba ako kung pati patay ay pinagseselusan ko? Aqua, kung mananatili kang ganyan, mas mabuti pang maghiwalay na tayo! Pagod na ako sa iyo. Pagod na ako sa pag-iintindi sa iyo. Pagod na akong pumapangalawa sa iyo. Pagod na ako maging anino ng kaibigan ko. Pagod na pagod na pagod na pagod na ako,” sabi ni Taurus habang hindi mapigilan na mapahagulgol.
Tumalikod ako sa kanya. “Sinabihan na kita noong una pa lang na hindi pa ako tapos sa una ko. Pero ang tigas mo. Pinilit mo ang sarili mo. Ang sabi mo, maiintindihan mo ako. Tapos ano ito? Ayaw mo na? Lahat na lang ba ng lalaking mahal ko, iiwan ako?”
Napatakip ako sa bibig ko habang walang tigil sa pagpatak ang luha sa mga mata ko. Nasasaktan lang ako na tuluyan na siyang sumuko sa akin.
“Bakit parang kasalanan ko pa, Aqua! Ginawa ko naman ang lahat sa iyo. Ilang taon na ba? Hanggang kailan ako magtitiis? Oo, ako ang nagpupumilit na maging tayo dahil umaasa ako na mapapasaya kita. P-Pero hindi! H-Hindi ako sapat sa iyo! H-Hindi ako makakasingit diyan sa puso mo kahit anong gawin ko!”
Nilingon ko siya. “Mahal kita, Taurus. Sinubukan ko at nagawa ko.”
“Mahal ba talaga? Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit palaging nasasaktan ako? Akala ko kung mabibigyan kita ng anak, kahit papaano ay may dahilan ka ng sumaya sa piling ko. Pero hindi ganoon ang nangyari. Mas malala ang nangyari dahil dalawa na kami ng anak natin na parang hindi nag-exist sa mundo mo. Palagi na lang si Juju na panganay mo. Si Juju! Si Jujo! Si Jujo!”
Napataas ang kilay ko. “P-Pati ba naman anak namin ni Rius pinagseselusan mo?”
“Hindi ako nagseselos dahil mahal ko rin ang bata. Anak na ang turing ko sa kanya. Pinapaalala ko lang sa iyo na nandito pa kaming dalawa ni Pieces sa buhay mo. Aqua, parang awa mo na. Bigyan mo naman ako ng dahilan na hindi sumuko sa iyo, oh?”
Ipinikit ko ang mga mata ko. “Tama na rin siguro iyong sinabi mo na maghiwalay na muna tayo. Ayaw ko maging unfair sa iyo. Mahal kita pero nasasaktan kita nang hindi ko sinasadya. Hahanapin ko na lang muna ang sarili ko.”
Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang mukha niya. Hinahaplos ko ito habang walang tigil sa pagpatak ang luha sa mga mata ko.
“Sana sa oras na mahanap ko na ang sarili ko, nandiyan ka pa, mahal ko. S-Sana n-nandiyan ka pa,” mahinang sabi ko.