Ayeza's POV
"Ayeza, nandito na ako!"
Pinunasan ko ang panghuling alak na dapat kong linisin at inilagay ito sa tamang lalagyan. Nilingon ko ang kaibigan ko na sumigaw ng pangalan ko at kakarating pa lamang.
"Oh Agatha. Na-lock mo ba ang apartment natin?" tanong ko sa kaibigan ko na kasama ko na halos sa buong buhay ko.
Parehas na kami ng walang pamilya ni Agatha. Hindi ko alam kung nasaan ang pamilya ko basta ang alam ko, isa ako sa mga batang trese dungis noon. Magkasama na rin kami noon pa man at sa isang apartment lang din kami tumira para tipid.
"Oo naman. Na-lock ko," nakangiting sagot nito sa akin. "Sige na magbihis ka na para makauwi ka na rin."
Parehas kasi kaming waitress sa bar na pinagtatrabahuhan namin. Palitan kasi ang shift naming magkaibigan. Ako sa alas-singko ng hapon hanggang alas-dose ng gabi at siya naman sa alas-dose ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
"Sige salamat," sambit ko.
Suot ang maikling palda at hapit na hapit na damit ay naglakad ako papunta sa isang kwarto kung saan para sa aming mga waitress ng bar na ito. Legal ang bar na pinagtatrabahuhan ko kaya walang problema.
Ito na rin ang pinakapasok na trabaho para sa tulad ko na second year college lang ang natapos. Hindi ko na kayang pag-aralin ang sarili ko kaya kahit gusto ko pang mag-aral ay huminto pa rin ako at nagtrabaho na lamang.
Pumasok ako sa kwarto na para sa aming mga waitress at agad tinungo ang maliit na locker at napapalibutan ng kalawang. Halos dalawang taon ko na rin ginagamit ang locker na ito. Dalawang taon na rin kasi ako rito bilang isang waitress.
Hinubad ko ang palda ko at ang hapit na hapit kong damit na sanay ko nang suotin. Kinuha ko ang pantalon ko at isinuot ito. Kasunod kong isinuot ay ang t-shirt kong pinakamaayos na mayroon ako.
Inalis ko ang pagkakatali ng buhok ko at hinayaan itong lumugay na umabot hanggang gitna ng bewang ko. Kinuha ko ang bag ko at sinabit ito sa balikat ko.
Lumakad ako papunta sa likod ng bar na pinagtatrabahuhan ko kung saan lumalabas at papasok ang mga waitress na katulad ko. Kami lamang ang pwedeng dumaan dito at bawal ang kahit na sinong customer.
"Patayin na natin 'to. Mukhang di na rin naman humihinga."
Agad na napintig ang tenga ko pagkalabas ko ng bar. Lumingon ako sa kanan ko kung saan ko narinig ang salitang iyon.
Nakita ko ang limang lalaki na pinaiikutan ang lalaking nakasalampak sa sahig. Duguan ang lalaki pero hindi ako nakaramdam ng kahit anong takot pero galit, oo. Galit sa mga masasamang tao na katulad ng mga taong itong.
"Hoy! Mga magnanakaw!" sigaw ko at lakas loob akong nag lakad palapit sa kanila. Hindi ko alintana ang mga hawak nilang dospordos na pwedeng ipalo sa akin.
May mga tao talagang handang pumatay ng tao basta makapagnakaw lang. Kung sino pa ang kapwa mo... siya pa ang papatay sa'yo.
"Umalis ka dito kung ayaw mong masaktan—"
Hindi ko na siya hinayaang matapos ang sasabihin niya at basta na lang tumalon sa lupa para sipain ang napakapangit niyang mukha.
"Anong masaktan?" nakangising saad ko. "Eh ikaw nga itong tulog ngayon."
Palakda ang lalaking sinipa ko at parang hindi isang lalaki dahil sa isang sipa ko lang tulog agad. Sayang lang ang malaki niyang katawan na napatumba lang ng paa ko sa isang sipaan.
Sanay na sanay kaya akong makipagsipaan dahil maraming mga lalaking bastos ngayon kaya tinuruan ko ang sarili ko kung paano manipa ng malakas. Walang taong magtatanggol sa akin kaya tinuruan ko ang sarili ko.
"Oh kayo?" saad ko sa iba pang mga lalaki na may mga hawak na dospordos na mukhang iyon ang ginamit pambubugbog sa lalaking ninakawan nila.
Hinanda ko ang kamao ko at ang mga binti ko para sipain sila muli.
"Pasalamat ka hindi ako pumapatol sa mga babae lang," saad ng mataba na napakaliit naman.
"Hindi ako babae lang," saad ko.
Umikot ako at agad na tumalon para tumama ang paa ko sa pagmumukha ng lalaking 'to. Sinigurado kong tatama ang pinaka takong ko sa kanya.
Walang pwedeng mag maliit sa pagiging babae ko. Hindi lang ako basta babae lang. Babae kami na kapatay lang ng mga lalaki dahil parehas lang naman kaming mga tao.
Sumalampak ang matabang lalaki at nauna ang pwet niya bago ang ulo. Nilapitan ko agad siya at agad tinapakan ang tapat ng dibdib niya. Masyadong pinapainit ng lalaking 'to ang ulo ko.
"'Yan ang huwag na huwag mong gagawin sa aming mga babae lalo na sa akin. Hindi ako pumapayag na basta mo na lang insultuhin nang hindi ka na nababawian."
Inalis ko ang paa ko sa ibabaw ng dibdib niya nang makita ko na naghihingalo na siya. Kahit naman pa paano ay mayroong awa pa rin ako sa kapwa ko, hindi tulad nila na gustong-gusto nang patayin ang ninakawan nilang lalaki.
"Alis na tayo! Patay na rin naman 'yang si Casino."
Mabilis silang kumaripas nang takbo at kinaladkad pa nila ang lalaking una kong napatulog. Mabilis naman akong nagtungo sa lalaking nakasalampak na ninakawan ng mga tambay na 'yun.
Hinanap ko agad ang pulso niya at nakahinga ako ng maluwag nang marinig ko ito pero sobrang bagal na at pahina na nang pahina.
"Sir, naririnig mo ba ko? Sir?" tanong ko.
Pinanatili kong kalmado ang boses ko habang dahan-dahan kong inaangat ang ulo niya papatong sa hita ko.
Ngayon ko lang nakita ng malapitan at malinaw ang mukha niya. Kahit puno ng dugo ang mukha niya, nakikita ko pa rin kung gaano ito kagwapo na may matangos pang ilong.
Ang puti niyang polo na kulang-kulang na ang butones ay puro dugo na rin.
Bumaba ang tingin ko sa pantalon niyong suot na puro dugo na rin at sira-sira pa ang pantalon na suot nito.
Mukhang grabe ang pambubogbog sa kanya at kanina pa yata siya binubugbog ng mga magnanakaw na 'yun. Kawawa naman ang mayamang 'to dahil napag-trip-an pa
"Sir? Sir? Dadalhin na kita sa ospital hah. Mabigat ka kaya gaanan mo ang sarili mo, ayos ba—"
"Hmmm," tanging himig nito.
Sinubukan niyang ibuka ang mga mata niya pero hindi niya magawa at mukhang hindi rin niya kayang magsalita.
Ngayon mas sigurado na ako na buhay pa talaga siya. Ayaw ko rin naman na may mamatay sa harapan ko at baka mamaya ako pa ang pagbintangan. Wala pa man din kaming CCTV dito sa likod ng bar.
"Bubuhatin na kita hah. Isasampay ko ang braso mo sa balikat ko hah," saad ko.
Masyado siyang malaking tao at hindi ko alam kung kakayanin ko bang mag-isa siyang dalhin sa ospital. Matangkad naman ako pero hindi naman mataba ang katawan ko.
"Hmm," tanging sagot niya.
"Okay, isa, dalawa, tatlo!"
Inilagay ko ang braso niya sa balikat ko at dahan-dahan na tumayo pero agad din kaming bumagsak at sa kasamaang palad sumakto pa ang mukha ko sa kanya kaya nagkalapat ang mga labi namin.
Nanlalaki ang mga mata ko habang nararamdaman ko ang malambot niyang labi na nakadikit sa labi ko. Nalasahan ko rin ang kaonting dugo na nagmumula sa labi niya.
Agad akong natauhan at umalis sa ibabaw niya. Napaupo ako sa sahig at napahawak sa labi ko habang nakatingin sa labi ng lalaking nakasalampak pa rin ngayon sa malamig na sahig at puno ng dugo.
Masyado akong nabigla at hindi ko alam ang gagawin ko sa kanya. Hindi ko siya kayang buhatin ng mag-isa lang ako dahil masyado siyang malaki.
Mabilis akong tumayo at tinalikuran ang lalaki pero palakad pa lang ako nang hawakan niya ang paa ko. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa sobrang bilis ng t***k dahil sa kaba.
Dahan-dahan akong lumingon sa kanya na nakapikit pa rin ang mga mata pero mahigpit ang pagkakahawak sa paa ko.
Akala ko tuluyan na siyang nakatulog pero hindi pa pala. Eh 'di ibig sahihin lang nito... Alam niya ang aksidenteng paghalik ko sa labi niya.
"Hindi ko sinasadya na halikan ka, promise! Aksidente lang ang nangyari at hindi ko sinadya!" natatarantang sigaw ko.
Wala akong masamang intensyon sa kanya lalo na ang halikan ang labi niya. Wala akong pagnanasa sa kanya 'no!
"D-d-don't l-l-leave m-m-me," aniya.
Nagkakanda utal-utal na siya para lang matapos ang sasabihin niya. Nakaya pa rin niyang makapagsalita hanggang sa matapos.
Lumuhod ako sa tabi niya at hinawakan ang kamay niyang nasa paa ko. Hinawakan niya rin ang kamay ko ng napakadiin.
"Hindi ako aalis. Manghihingi lang ako nang tulong. Saglit lang at babalik din naman ako agad," sambit ko.
Wala naman akong balak na takbuhan siya at iwanan na lang siya dito hanggang sa mamatay. Tatawag lang naman ako ng pwedeng tumulong sa akin dahil hindi ko talaga siya kayang dalhin mag-isa at baka bumagsak na naman kami parehas.
Inalis ko ang kamay niyang nakahawak sa kamay ko. Mabilis akong tumakbo papasok ng bar at agad kong nakasalubong si Agatha na may dalang tray na walang laman.
"Oh bakit ka pa bumalik dito—"
"Tulungan mo ko! Bilis!" natatarantang hiyaw ko.
Nabitawan niya ang tray na walang laman at basta ko na lang siyang hinila palabas ng bar. Mabuti na lang at sanay ako sa heels ko kaya hindi ako nadadapa sa mabilis kong pagtakbo palabas.
"Saan ba tayo pupunta?!" patanong na sigaw ni Agatha sa akin.
Hindi ko siya sinagot at basta ko na lang siya dinala sa lalaking iniwan ko sa labas.
Pagkalabas namin bar. Huminto kami sa pagtakbo naming dalawa at sunod-sunod ang mabibigat niyang paghinga habang nakatingin sa duguang katawan ng binatang hindi ko kilala.
"Ano 'to, Ayeza? Pumatay ka?! Diyos ko! Wala akong—"
"Tanga!" Binatukan ko ang ulo niya niya sa sobrang OA niyang tao. "Nakita ko lang 'yan dito at tinulungan ko kaya lang hindi ko kayang buhatin para madala ko sa ospital. Tulungan mo ko," sambit ko.
Lumuhod ako sa tabi ng lalaki at agad hinawakan ang braso niya pero napatigil ako nang hindi gumagalaw si Agatha sa kinatatayuan niya.
"Agatha! Ano ba? tutulungan mo ba ako o hindi?"
"Sorry, girl nakakawindang kasi," aniya.
Lumuhod na rin siya at pumuwesto sa kabilang bahagi ng lalaki. Magkaharap kami ngayon ni Agatha at kita ko pa rin sa mga mata niya ang pag-aalinlangan niya.
"Okay, bubuhatin natin siya. In one, two, three. Buhat!"
Sabay namin siyang inakbay sa mga balikat namin at agad kaming lumakad patungo sa sakayan.
Mabagal ang paglakad namin dahil masyadong mabigat at parehas pang maliit ang katawan namin ni Agatha. Pero pilit pa rin naming kinakaya hanggang sa makarating kami sa daanan ng mga taxi.
"Taxi!" sigaw ko nang may dumaan na taxi sa harapan namin.
"Taxi talaga, girl? Wala ka ngang pera tapos isasakay mo pa ang lalaking 'to sa taxi—"
"Manahimik ka nga diyan! Nag-aagaw buhay na nga 'yung tao tapos pinapairal mo pa 'yang pagiging kuripot mo tsaka ako naman ang gagastos!"
Huminto na ang taxi sa harapan namin at agad ko itong binuksan gamit ang isang kamay ko na hindi nakahawak sa binata.
Pinagtulungan namin na ipasok ni Agatha ang lalaki at ako naman ang sumunod na pumasok. Sinara ni Agatha ang pinto at mabilis naman na umandar ang taxi driver nang makita niya na duguan ang kasama ko.
"Ma'am sa ospital ko na yan dalhin hah!" natatarantang saad ni manong.
Mabilis ang pagmamaneho niya habang bumubusina siya kaya naman ang mga sasakyan sa harapan namin ay napapatabi.
"Opo manong!" sagot ko.
Bumaba ang tingin ko sa lalaki nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Hanggang ngayon hindi pa rin siya nawawalan ng ulirat kahit na parang ang dami ng dugo ang nawala sa kanya. Pati tuloy ang suot kong damit ay puro dugo na rin.
"Sir, huwag kang mamatay! Ayokong ma-interview sa balita o mapahamak hah!" kabadong sigaw ko.
Gusto ko lang naman siyang tulungan at wala sa isip kong mapagbintanga pa o makakakita ng patay sa harapan ko.
"D-d-don't l-l-leave m-m-me p-pl-please..."
Bakit ba salita pa nang salita ang sir na 'to? Ang kulit niya! Hindi ko naman kasi siya iiwanan. Kung gusto ko man siyang iwanan e 'di sana kanina pa ko wala dito sa taxi o kaya ay hindi ko na siya tinulungan.
"Hindi ako aalis sa tabi mo. Dito lang ako basta huwag kang mamatay dahil baka ako pa ang mapagbitangan," saad ko.
Mahirap na at wala akong matibay na ebidensya na hindi ako ang gumawa sa kanya nito kapag namatay siya.
"T-Thank y-you, A-Angel..."