"MONICA, kumusta ang benta? Mukhang naubos na naman ang paninda mo hija?" iyon ang masayang bati kay Monica ni Aling Nida, ang kasambahay ng dati niyang teacher na si Ma'am Cecil.
"Oo nga po Aling Nida, pero may itinira akong isa para sa inyo ni Ma'am Cecil," aniyang nilapitan ang ginang saka iniabot rito ang isang liyanera ng leche flan.
Agad na nangislap ang mga mata ni Aling Nida dahil doon. Halatang nasiyahan ito at lihim iyong ikinatuwa ni Monica.
"Naku napakabait mo talagang bata hija. Maraming salamat, siguradong matutuwa si Ate Cecil dito," anito pa sa kanya.
Nginitian lang ni Monica ang sinabing iyon sa kanya ni Aling Nida saka na siya nagpaalam dito. May pasok pa kasi siya at ang pagtitinda niya ng leche flan ang masasabi niyang isa lang sa mga ekstrang pinagkakakitaan niya. Dahil bukod doon ay nagtitinda rin siya ng iba pang kakanin katulad ng cassava cake at bibingkang malagkit.
At dahil kaibigan narin niya ang consessionaire sa cafeteria ng ospital kung saan siya namamasukan bilang janitress ay pumapayag itong magpatinda rin siya doon ng mga kakanin at iba pang desserts na siya mismo ang nagluluto.
The Leche Flan Girl, iyon ang tawag sa kanya ng mga kaibigan niyang staff rin sa ospital. Hindi iyon para tuyain siya, ang totoo kasi maraming nagsasabi na masarap ang ginagawa at itinitinda niya leche flan kaya siya binansagan ng ganoon ng mga kasama niya sa trabaho.
Well, okay lang iyon. Ang mahalaga ay bumibili ang mga ito sa kanya at kumikita siya.
Mag-isa nalang kasi sa buhay si Monica at saktong katatapos lang ng kaniyang eighteenth birthday nang mamatay ang kaniyang Tita Sita dahil sa heat stroke.
Si Tita Sita ang matandang dalaga na tiyahin niya na siya ring nagpalaki sa kanya.
Oo, tiyahin niya ang nagpalaki sa kanya. Pinsan ito ng nanay niyang si Mila na hindi na niya alam kung nasaan. Ipinamigay kasi siya nito gawa nang hindi raw siya nito kayang buhayin. May isip na siya nang gawin iyon sa kanya ng nanay niya, limang taon na siya. Pero sa kabila nang katotohanang masakit ang ginawa nito sa kanya, dahil siguro pinalaki siya ng Tita Sita niya sa magagandang pangaral ay wala siyang kinimkim na kahit anong galit para sa nanay niya. Ang totoo, ang pagsisikap niyang ito ay para sa kanyang ina.
Gusto niyang mag-ipon ng sapat na pera para mahanap niya ito. O kung sakali man, gusto niyang kung sakali mang dumating ang pagkakataon at panahon na balikan siya nito alam niyang mabibigyan na niya ito ng magandang buhay.
Oo nga at hindi niya siguro obligasyon ang ganoon. Dahil para sa paniniwala ng iba ang mga magulang ang dapat na magbigay ng magandang kinabukasan sa kanilang mga anak. Pero iba kasi ang katwiran niya, iba rin ang paniniwala niya, at ang lahat ng iyon ay dahil sa magandang pagpapalaki sa kanya ni Tita Sita.
Nang makauwi ng bahay ay agad na inayos ni Monica ang mga leche flan na dadalhin naman niya sa ospital. Pang-gabi ang shift niya kaya iidilip muna siya ng kahit sandali lang para naman hindi siya mahilo mamaya habang naka-duty. Nasa kalagitnaan siya ng pagiging busy sa paglalagay ng mga dadalhing paninda nang makarinig siya ng magkakasunod na pagkatok sa kinakalawang at lumang gate ng bahay nila.
Malaki ang bahay na iyon kung tutuusin para sa kanya. Wala nang natitira pang kamag-anak ang tiyahin niya kaya sa kaniya niya iniwan at ipinamana ang bahay. Ang sabi pa nito sa kanya ay iyon nalang daw kasi ang natitirang alaala ng mga magulang nito kaya hindi nito pinabayaan ang bahay.
Dating empleyado sa isang ahensya ng gobyerno ang tiyahin niya. May mga pension ito at dahil mag-isa lang sa buhay ay masasabi niyang hindi ito hirap. Bukod pa iyon sa malaking naipon nito at magandang kita ng tindahan nito na minabuti niyang isara nalang mula nang mamatay ang tiyahin niya dahil nga hindi niya iyon maaasikaso.
"Monica, pwedeng pumasok?" si Conrad pala ang kumakatok.
Alanganin ang ngiti na pumunit sa mga labi ng dalaga. "Naku pasensya kana kasi pagod na pagod ako ngayon. Galing kasi ako sa talipapa, nagdeliver ako ng leche flan. Tapos ngayon kailangan ko nang umidlip sandali kasi may pasok ako mamaya sa ospital. Kung okay lang sana bumalik ka nalang sa susunod na araw para maasikaso kita?" ang magalang niyang tanong sa lalaki.
"Ah ganoon ba? Teka sandali," anito pa.
Sa puntong iyon ay napilitan si Monica na tunguhin ang gate at pagbuksan si Conrad. "Ano iyon?" tanong ulit niya.
"Ibibigay ko lang sana ito sa iyo, pinapabigay ni Mama," anitong ang tinutukoy ang ang dala nitong brown paper bag na iniabot nito sa kanya.
"Naku, pakisabi kay Kagawad salamat ah? Nakakahiya naman," aniya matapos mapag-alaman na dried fish at dilis pala ang laman ng paper bag.
Tumango lang si Conrad. "Okay lang, alam mo naman si Mama mga high school pa lang tayo eh botong-boto na sa iyo," ang mahangin na sagot ng binata saka na hinila pabukas ang pintuan ng magara nitong sasakyan.
Hindi na sumagot sa sinabing iyon ni Conrad si Monica. Kahit kung tutuusin ay nakaramdam siya ng bahagyang inis sa tono ng pananalita ng lalaki. Kaya naman sa halip ay kinawayan nalang niya ito bago itinaas ng binata ang salamin ng bintana ng kotse nito.
Artista si Conrad. Hindi man sikat na sikat katulad ng mga kinatitilian ngayon pero masasabi niyang napakagwapo parin at talagang mayaman. Isang Kagawad ng baranggay ang ina nito, si Tina at katulad ng sinabi sa kanya ng lalaki, gustong-gusto siya ng ginang.
Wala namang malisya sa kanya ang tungkol doon. Kaya kahit pa ganoon ang palaging sinasabi sa kanya ni Conrad ay hindi nalang niya ito pinapansin. Hinahayaan nalang niya ito sa ganoong pananalita dahil kahit naman kasi may pagka-mahangin talaga ang lalaki, mabait parin naman ito at iyon nalang ang tinitingnan niya.
Nang makaalis na ng tuluyan ang sasakyan ni Conrad ay pumasok narin siya.
May pasok pa siya at katulad ng sinabi niya kanina, kailangan niyang umidlip.
Alam naman niyang may gusto sa kanya si Conrad. Pero wala pa sa plano niya ang pagpasok sa ganoong relasyon. Dalawang taon na rin mula nang iwan siya ni Tita Sita. Ngayon ay twenty na siya at kung tutuusin ay malapit ng mag-twenty one, pero okay parin siya sa ganito. Okay lang sa kanya ang maging single, dahil mas priority niya ang kumita ng pera at makaipon.
Marami pa siyang plano sa buhay. Dahil bukod sa gusto niyang makita at makasama ang nanay niya. Kasama rin sa mga pangarap niya ang makapagpatuloy sa kolehiyo.
Hanggang second year college lang kasi ang naabot niya dahil nga namatay si Tita Sita. Business ang course niya at kasama iyon sa isa sa mga naging motivation niya para mas higit pang magsumikap sa pagnenegosyo. Naniniwala kasi siya na ang lahat naman ay nagsisimula sa maliit, baka ang simpleng Leche Flan Girl na katulad niya ay maging isang mayaman at matagumpay na negosyante rin, balang araw.