Present Day
“Oh, Nida, bakit gising ka pa?” si Cecil iyon ang kanyang amo.
Mula sa pagkakupo sa magandang bakal na garden set ang tiningnan ni Nida ang mabait niyang amo.
Isang retired teacher si Cecil at siya ay kinuha nito para makasama sa bahay mula nang magtungo ng Amerika si Portia, ang pamangkin nito.
“Hindi kasi ako makatulog, ate,” iyon ang isinagot niya saka ngumiti.
Nilapitan siya ni Cecil saka ito naupo sa silyang katapat ng okupado niya.
“Pwede mong i-share sa akin kung anuman ang gumugulo sa isip at puso mo,” anitong nakangiti.
“Paano mo nalaman, ate? Gaano ba ako kadaling basahin?” ang nakangiti parin niyang tanong.
Nagkibit ng balikat nito ang babae. “Mabuti kang tao, Nida. At dahil doon ay hindi narin ako nahirapang ilapit ang puso ko sa iyo. Pamilya ang turing ko sa iyo kahit sabihin mong wala pang isang taon mula nang magkakilala tayo.”
Tumango siya saka tumitig sa mukha ni Cecil. Pagkatapos noon ay nag-iinit ang sulok ng mga matang nagyuko siya ng ulo para itago ang pamumuo ng kanyang mga luha.
“H-Hindi ko kasi makalimutan ang tungkol sa anak ko,” pagsisimula niya.
Tumango lang si Cecil saka nanatiling tahimik at tila naghihintay lang sa iba pa niyang gustong sabihin.
“Hindi ko makakalimutan ang tuwang nakita ko sa mukha ng babaeng kumuha sa kanya nang araw na iyon,” aniya.
THIRTY-ONE YEARS AGO…
MATAPOS mailagay ang sulat sa loob ng kahon ay iniwan na ni Nida ang kanyang anak. Pero hindi niya lubusang iniwan ang simbahan na iyon. Dahil sa halip na lumabas ay lumipat lang siya at lumuhod sa luhuran kabilang hanay ng upuan. Katapat ng kung saan nakapatong ang kahon.
Ilang sandali lang at nakita niyang pumasok sa malaking pinto ng simbahan ang isang babae at isang lalaki.
Sa paraan ng pagbibihis ng mga ito ay halatang maganda ang estado sa buhay.
Hindi rin niya tiyak kung sinadya ba ng pagkakataon o talagang kagustuhan ng Diyos. Noon kasi biglang umiyak si Jake.
Kung gaano katindi ang pagpipigil niya sa sarili para lapitan at kargahin ang anak, hindi niya masabi. Tiniis niya iyon at ipinagdasal na sana ay kunin ng magandang babaeng iyon ang anak niya. Dahil nakita niyang rumehistro sa mukha nito ang pagtataka kasabay ng pagtingala nito sa kasamang lalaki.
“Oh, Arturo, tingnan mo, a baby boy,” anang babae.
Gusto sana niyang manatiling pinanonood ang eksenang iyon. Pero hindi niya ginawa. Sa halip ay nanatili siyang nakaluhod sa luhuran at nagdarasal. At sa kalaunan, hindi narin niya napigilan ang muling mapaiyak.
“Pwede ba natin siyang kunin? Sa tingin mo?”
Ang narinig niyang tanong ng babae sa ngayon ay sigurado siyang asawa nito.
“P-Pero, baka naman---.”
“Sige na, sa tingin ko iniwan ito ng ina nito rito gawa ng isang malalim na dahilan. Hindi ko siya huhusgahan dahil alam ko at nakatitiyak ako na walang ina ang maghahangad na mawalay sa sarili nitong anak,” ang mabait na paliwanag ng babae sa kasama nito sa tono na nangungumbinsi.
“P-Pero paano kung hanapin siya ng nanay niya?”
“Sa tingin mo, sinong ina ang mag-iiwan ng bata sa ganitong--- Tingnan mo, parang may sulat yata?” anitong iniabot sa kasama ang iniwan niyang sulat doon.
Tinanggap iyon ng lalaki na tinawag ng babae sa pangalang Arturo. Binuksan at binasa.
“Mukhang tama ka nga, Vivian,” pagkatapos nitong basahin ni Arturo ang liham ay iyon ang sinabi nito.
Mula sa pagkakayuko habang takip ang kanyang mukha ay nakita ni Nida na lalong naging maganda at maaliwalas ang bukas ng mukha ni Vivian sa sinabi ng kasama nito. Ilang sandali pa ay buong pananabik na nitong kinuha mula sa loob ng kahon si Jake na hanggang ngayon ay umiiyak parin.
Hindi alam ni Nida nang mga sandaling iyon kung anong emosyon ang pipiliin niyang maramdaman. Dahil ang totoo, nahahati sa dalawa ang puso niya.
Alam niyang sa piling ng mag-asawang ito ay magiging mas maganda ang kinabukasan ng anak niya. Mailalayo niya sa posibleng hindi magandang kayang gawin ni Renato.
Pero sa kabilang banda, ay ang tuluyan na niyang pagkakawalay rito.
Siguro nga ginawan siya ng hindi maganda ng ama ni Jake.
Pero wala siyang galit na nararamdaman sa kanyang anak. Dahil dugo at laman niya ang batang iyon. Karugtong ng kanyang buhay. At ngayon, kahit hindi niya aminin, parang gusto narin niyang bawiin ang anak niya sa mag-asawang iyon.
“Parang kailan lang, malungkot na malungkot ako, alam mo ba?”
Iyon ang masayang sambit ng babae saka nakangiting tinitigan ang bata. “Napakagwapo mong bata. Ano kaya ang pwede kong ibigay na pangalan na babagay sa iyo?”
“Jake,” iyon ang isinagot ng asawa nito na nakita ni Nida na ngiting-ngiti dahil nga sa marahil ay kasiyahan na nasa mukha ngayon ng kabiyak nito.
“Jake?” tanong ni Vivian.
“Iyon ang pangalan na nakaburda sa lampin niya,” sagot ni Arturo saka itinuro ang bahagi ng lampin kung saan nakaburda ang pangalan ng bata.
“Yeah, isang napakagwapong pangalan. Jake, Jake Rellama. And someday, tatawagin kang Doctor Jake Rellama, ang pinaka-gwapong doktor sa balat ng lupa,” tila ba nangangarap na hinimig ni Vivian saka hinalikan ang mukha ng sanggol na biglang tumahan matapos nitong gawin iyon.
Humaplos sa puso ni Nida ang mainit na damdamin dahil sa nangyari at nakita niyang iyon. Gusto niyang magselos pero hindi niya maramdaman iyon. Siguro nga kahit wala pang isip si Jake, kahit wala itong alam na ibang gawin kundi ang umiyak lang ng umiyak kapag nagugutom, parang na-sense nito ang kabutihang taglay ng babaeng may kalong dito ngayon.
“I think he likes you,” amuse ang sinabi ng lalaki saka hinaplos ang magandang buhok ng mestisahin nitong asawa.
“Anak, aalagaan kita at mamahalin na parang tunay na akin. Hindi mo mararamdaman na iba ka, na hindi kita kadugo, dahil ako ang nanay mo at hindi kita pababayaan, kasi ibinigay ka sa amin ng Diyos,” ani Vivian saka muling hinalikan ang anak niya pagkatapos ay niyakap ito.
Ilang sandali lang pagkatapos niyon ay lumabas na ang mag-asawa mula sa malaking simbahan na iyon. Kasama si Jake at ang mismong kahon kung saan niya ito iniwan at kung saan nila ito natagpuan.
Naghintay lang ng sandali si Nida at saka na siya tumayo at pasimpleng sinundan ang mag-asawa.
Inabot at inihatid ng tanaw niya ang mga ito habang patuloy ang naging pagbalong ng kanyang mga luha.
Nang makita niyang sa isang magarang kotse sumakay ang dalawa ay lalo siyang nakaramdaman ng kapanatagan ng kalooban.
Magiging maganda ang buhay ng anak niya. Magiging isang mahusay itong doktor balang araw.
Sa naisip ay mapait na napangiti si Nida.
Hindi man siya maging bahagi ng tagumpay ni Jake balang araw. Alam niyang sa puso niya, at higit sa lahat, alam ng Diyos ang totoong dahilan kung bakit niya ito nagawa.