1
“Ano ba naman ‘yan, Aurora! Bakit ka naman bumili ng rebulto na ‘to? At— susko po! Bakit nakalabas ‘yong ano?”
Inirapan ko na lang si Sharlene habang inaayos ang espasyo na paglalagyan ng bagong rebulto na binili ko galing sa antique shop. Gawa ‘yon sa kamagong at rebulto ‘yon ng isang lalaki na may malalaking pakpak ng ibon, habang natitig lang ito sa harapan at may hawak na sibat. Maliban sa hubo’t hubad ang sculpture kagaya ng kadalasang makikita sa mga museum, wala na akong ibang makitang kakaiba ro’n.
OA lang talaga ang kaibigan kong kung umasta e akala mo hindi pa nakakakita ng ano.
“Fallen angel daw ‘yan, sabi ng may-ari ng antique shop. Nagandahan ako sa itsura kaya binili ko na.”
Bahagyang dinuro ni Sharlene ang sentido ko. “‘Yan, ‘yan ka na naman d’yan sa mga hilig mo! Kung hindi ka naghahanap ng bampira o ng taong-lobo, demonyo naman ang pinagpapantasyahan mo! Masyado na yatang naluto ng Gothic Romance ‘yang isip mo!”
Inirapan ko siya. “E ano naman ngayon? Kesa naman nand’yan ako sa labas at kumakarengkeng.”
“Gaga, treinta ka na! Onti na lang, wala ka na sa kalendaryo. Hindi ba dapat kumiri ka na ngayon?”
“Ih, ayoko. Manloloko lang ‘yang mga lalaki na ‘yan.” Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga at naupo sa sofa. “Isa pa, alam mo naman kung anong kinahinatnan ng nanay ko, ‘di ba? Ayoko lang magaya sa kanya.”
Nagkibit-balikat si Sharlene at tumabi sa ‘kin. “Kunsabagay. Pero Oryang, ‘di naman lahat ng lalaking makikilala mo e gano’n. May mababait pa rin naman d’yan. Bigyan mo lang ng chance.”
Pusong bato. ‘Yan ang madalas na tawag sa ‘kin ng mga katrabaho ko sa hotel na pinapasukan namin ni Sharlene. Maliban kasi sa wala akong ibang kinakausap kung ‘di ang kaibigan ko, hindi ko rin pinapansin ang mga nagtatangkang umakyat ng ligaw. Maski ang nagpapalipad-hangin, tumitiklop kaagad sa kasupladahan ko.
Hindi naman ako pangit, at masisiguro ko rin na may itsura naman ako kahit papaano. Sadyang… ayoko lang. Na-trauma na yata ako sa mga magulang ko, kaya naging mantra ko na sa sarili ko na hinding-hinding-hindi na ako gagaya kay Mama. May anak, bugbog-sarado, at kumakain ng mura tatlong beses sa isang araw.
Kung bibigyan lang din ako ng gano’ng klaseng lalaki, huwag na lang.
“Ah, bata. Tulungan mo na lang akong iayos ‘tong mga gamit ko nang makaluto na ‘ko. May pasok na naman bukas, dapat makapag-ayos na ‘ko para wala na akong iisipin.”
Bagong bili ang bahay na tinitirahan ko ngayon kahit na may kalumaan na. Ibinenta lang ‘yon ng tiyahin ko sa ‘kin dahil na rin balak na niyang mangibang-bansa. Ako naman, sawa na mangupahan kaya um-oo na ako kaagad at hindi na tiningnan pa kung may multo ba o engkanto sa bahay. Isa pa, malapit lang ‘yon sa pinagtatrabahuhan kong hotel kung saan isa akong Housekeeping Manager. Aarte pa ba ako kung makakatipid ako ng todo?
“Pero Oryang, sigurado ka bang walang sabit ‘tong bahay na ‘to? Sa itsura pa lang kasi, parang… jusko!”
Inirapan ko si Sharlene kahit na may punto naman siya. May kalumaan na rin kasi ang lugar, at matagal na iyong hindi naaasikaso ng tita ko. Madalas niya namang ipa-maintain ngunit dala na rin ng edad ng bahay, hindi na maiiwasan na mapag-iwanan ng panahon ang disenyo nitong parang modernong bahay-kubo. Wala namang kaso sa ‘kin ‘yon. Ang mahalaga, may matitirahan.
“Sira, ‘wag mo na ‘kong takutin. Iniisip ko na nga lang na may housemates akong hindi ko nakikita, e.”
Mabilis na lumipas ang oras, siguro dala na rin ng dami ng inasikaso naming gamit ni Sharlene. Nang matapos ay ipinagluto ko siya ng hapunan bago siya tuluyang umalis. Magkaiba kasi ang shift namin para sa linggong ito kaya naman dumiretso na siya sa hotel, habang ako naman ay naghahanda na para sa pagtulog.
Matapos kong maligo ay nagsuot ako ng pantulog bago bumaba ng hagdan. Nagsalin ako ng wine sa baso habang hinahayaan ang aking sarili na dalawin ng antok. Matagal na rin akong ganito. Walang tulog, walang kausap…
Hindi naman ako nakakaramdam ng lungkot. Siguro nahihirapan dahil mag-isa lang ako at walang katuwang kung kailangan ko, pero mas madalas, hindi ko naman iniinda na wala akong boyfriend.
Sa pag-iisip-isip ay hindi ko napigilan ang sarili ko na mapatingin sa salamin. Wala akong ibang suot kung hindi ang isang puting bestidang pantulog na may lace sa bandang dibdib na yumayakap sa hubog ng aking katawan. Mahina akong natawa. Siguro nga ay nahihibang na ako. O baka tinatamaan sa mga salitang iniwan ni Sharlene kanina. O ng alak?
Binuksan ko ang lumang CD player na iniwan ng aking tiyahin at nagsalang ng isang lumang tugtuging madalas kong pakinggan noong buhay pa si Mama. May kung anong lumukob sa akin noong gabing ‘yon na nag-udyok sa aking sumayaw sa saliw ng tugtugin. Habang nakapikit ay ‘di ko mapigilang isipin na may kasayaw ako, at ikinukulong niya ako sa kanyang matitipunong bisig. Isasandal ko ang aking ulo sa kanyang malapad na dibdib, habang dahan-dahan niyang ibinababa ang terante ng aking suot na bestida…
Biglang namatay ang player. Napadilat ako at bahagyang napaatras nang mapansin ko na nakayakap na pala ako sa bagong rebultong binili ko mula sa antique shop, ang rebulto ng fallen angel. Mahina akong natawa. Napailing. Napakaimposible namang magkaro’n ng lalaki sa bahay, maliban na lang kung biglang mabubuhay ‘tong rebulto na ‘to at isasayaw ako kagaya ng sa libro.
Nahihibang na yata talaga ako.
Hindi ko na hinintay pa na tuluyan akong lamunin ng kagagahan ko. Nag-umpisa na akong umakyat ng hagdan, habang pinapatay ang mga ilaw sa buong bahay. Malapit nang lumalim ang gabi at kailangan ko pang pumasok ng maaga bukas.
“Hay naku, Aurora. Para kang sira.”
Kaagad akong napapikit nang makahiga ako sa kama. Siguro ay dala na rin ng pinaghalong antok at pagod mula sa buong-araw na paglilipat ay mas mabilis akong nakatulog noong gabing ‘yon. Hindi naman ako malalim matulog kaya nang maramdaman ko ang marahang paghaplos sa aking pisngi ng isang mainit na palad ay kaagad akong napamulat ng mata.
“Sino ka?”
“Ako ang iyong panaginip, pinakamamahal kong Aurora.”