HINDI alam ni Allen kung ano ang gagawin. Kanina pa siya ayaw pansinin ni Alyanna noong makabalik ito galing sa pagsama sa paghatid ng kaniyang kapatid. Akala niya kasi ay muli na naman itong pagagalitan dahil sa pagtakas niya kahapon, pero mukhang kinalimutan lang ito ng kaniyang nanay. O baka naman sinadya lang talaga nitong kalimutan.
Kanina sa dinner ay sabay-sabay silang kumain pero naging tahimik din 'yon. Kilala niya ang nanay na madaldal at alam niyang may mali kapag hindi niya ito nakita o narinig na may kausap. Ang Daddy niya naman ay hindi rin makausap dahil sa pagiging busy sa trabaho. Para bang lagi nitong hinahabol ang oras. Tumahimik na lang din si Allen at binilisan na lang ang pagkain. Nang matapos ay dumiretso na siya agad sa kaniyang kwarto.
Sakto naman ay nag-ring ang cellphone niya. Agad niya 'yong kinuha at napansin niyang tumatawag sa kaniya si Carolline. Kahit na mabigat ang nararamdaman niya simula pa kanina ay hindi niya mapigilang ma-excite. Siguro ay dahil iba talaga ang pakiramdam kapag kausap na 'yong taong mahal mo.
Bata pa lang ay magkaibigan na sina Allen at Carolline. Magkasama sila palagi lalo na at madalas silang nagkakasundo sa maraming bagay. Dahil doon ay unti-unting nahuhulog ang loob niya sa dalaga. Sino ba namang hindi? Maganda, sexy, matalino, masayahin, mabait at kahit sobrang kulit ni Carolline pagdating sa binata ay palagi niya itong nagugustuhan. Siguro ay iba talaga ang dating ni Carolline sa kaniya.
"Allen!" sigaw na pagbati ni Carolline nang masagot ng binata ang tawag nito. Maririnig sa kabilang linya ang mga sigawan ng tao at tunog ng mga sasakyan.
"Nasaan ka ba, Carolline? Bakit ang ingay naman dyan?" nagtatakang tanong ni Allen. Alam na nito kung nasaan ang dalaga pero iniisip niya na hindi ito umaalis mag-isa kapag wala siya o hindi siya kasama.
"Nandito sa Batangas," pasigaw na sagot ni Carolline. Tuloy pa rin ang mga sigawan ng mga tao sa lugar na 'yon kaya naman hindi rin masyadong nagkakaintindihan ang dalawa.
"Ang ingay dyan, Carolline. Wala ka bang mahanap na medyo tahimik naman?"
"Hindi kita marinig. Lakasan mo naman 'yong boses mo." Napailing na lang si Allen at sinunod ang sinabi ni Carolline.
"Ang sabi ko, wala ka bang mahanap na medyo tahimik dyan?!" pag-ulit na sabi ni Allen sa dalaga.
Agad niya naman itong narinig kaya naghanap ang dalaga ng medyo tahimik kung saan wala masyadong tao. Malabo na ang sigaw ng mga tao kay Allen dahil nakalayo naman si Carolline roon.
"Bakit ka ba nandiyan? Anong ginagawa mo sa Batangas, Carolline? Alam ba ito ng mga magulang mo?" nag-aalalang tanong ni Allen sa dalaga.
"Sinama kasi ako ng isa kong kaibigan na nakilala ko rin noong huling punta natin sa karera noong nakaraang linggo," paliwanag ni Carolline.
"Bakit sa Batangas? Napakalayo niyan sa Barrio Floresidad, Carolline. Alam ba 'yan ng magulang mo? Bakit ka naman umaabot sa ganyang kalayong lugar?" Naglakad si Allen papunta sa kaniyang balcony at doon pumwesto.
"Alam mo namang hindi ko talaga sinasabi sa kanila ang tungkol dito, Allen. Alam mo naman 'yon, hindi ba? Katulad nga ng sabi ko sa iyo ay sinama lang ako rito sa Batangas. Biglaan lang din kasi ang pagpunta kaya hindi ko na nasabi sa iyo. Ayoko rin kitang abalahin kasi medyo hindi pa kayo okay ni Tita Alyanna. Sabi ko naman kasi sa iyo na tigilan mo na 'yang bisyo mo sa alak at babae," pagsermon pa nito sa huli. Napangisi naman si Allen dahil sa pag-iba ni Carolline ng topic. Hindi niya rin mapigilang alalahanin 'yong nangyari kahapon sa kanila ng nanay niya. Alam niya namang magagawan niya rin 'yon ng paraan.
"Huwag mong ibahin 'yong usapan, Carolline. Bakit ka naman kasi sumama? Hindi ka naman sumasama kapag wala ako, hindi ba? Sinabi ko naman sa iyo dati na kapag pumupunta ka diyan ay dapat lagi mo akong kasama. Paano kapag may nangyaring masama sa iyo? Sino na lang magpapaliwanag sa kanila?" pag-aalala ni Allen sa dalaga. Natahimik naman saglit si Carolline at alam niyang mali 'yong ginawa niyang pagsama at hindi pagsabi kay Allen. "Paano 'yan, Carolline? Anong oras ka babalik dito sa Barrio Floresidad? Ihahatid ka pa rin ba ng taong nagsundo sa iyo kanina?"
Napayuko si Carolline at para bang maiiyak na ito dahil hindi niya alam ang gagawin noong malaman niyang hindi na siya mahahatid ng taong 'yon. Naramdaman niya naman 'yong saya kahit panandalian lamang 'yon. Kaso baka mag-alala na ang magulang niya kapag hindi pa siya makakauwi agad. Idagdag mo pa na hindi siya nakapagdala ng malaking pera para sana makauwi siya ng ligtas sa Floresidad kung sakaling maligaw man siya.
"Ayon nga ang problema, Allen. Nagkaroon kasi ng emergency si Jason kaya ang sabi niya hindi na ako maihahatid. Naiwan na nga lang akong mag-isa rito kasi umalis din siya agad."
"Gago pala 'yong lalaki na 'yon, eh!" pagmumura ni Allen. Sa pagsasalita pa lang ng binata ay ramdam na ni Carolline na galit na ito. "Bakit ka naman niya iiwan? Sinama-sama ka, dapat siya rin ang mag-uwi sa iyo dito."
"Hayaan mo na, Allen. Naiintindihan ko naman kung bakit hindi niya ako maihahatid. Valid naman 'yong reason niya, eh." Hindi naman napigilan ni Allen na mapahawak nang madiin sa bakal na malapit sa kaniya dahil sa inis. Ito na lang ang pinagbuntungan niya ng inis at galit sa nalaman.
"Bakit hindi man lang siya gumawa ng paraan? Puwede naman siyang maghanap ng ibang maghahatid sa iyo. Hindi 'yong iniiwan ka lang niya. Ikaw naman kasi itong sumasama kung kanino basta tungkol sa pagkarera. Sinabi ko naman sa iyo na hindi ka aalis kapag hindi ako kasama."
"S-sorry na," paghingi ng tawad ni Carolline. Narinig ni Allen ang pagbiyak ng boses ni Carolline at ilang saglit pa ay paghikbi na nito ang naririnig sa kabilang linya. Nawala ang inis ni Allen nang marinig 'yon. Para bang sumobra siya sa pag-aalala kay Carolline at hindi niya napansin na nasasaktan na ito.
"I-text mo sa akin ang address after this call. Susunduin din kita agad dyan."
"Paano si Tita Alyanna? Baka pagalitan ka na naman no'n." Pumasok na si Allen sa kaniyang kwarto at nagsuot lamang ng leather jacket. Kinuha niya rin ang susi ng kotse at wallet niya.
"That's not important. Mas valid naman ang reason ko kapag sinundo kita."
"Pero, Allen, bak---"
"No buts, Carolline. Hintayin mo ako dyan at susunduin din kita agad," pagputol nito sa sinasabi ng dalaga.
Pagkatapos sabihin ni Allen 'yon ay pinatay niya na ang tawag. Ilang minuto lang ay naka-recieve na siya ng text galing kay Carolline. Address 'yon kung nasaang lugar siya ngayon sa Batangas. Hindi na siya nagdalawang isip na sundan si Carolline. Kumuha ito ng jacket ni Carolline at lumabas na ng kwarto. Hindi niya naman nadatnan ang magulang niya sa sala kaya nagdire-diretso itong lumabas ng bahay. Pumunta ito sa sasakyan niya at nang makapasok ay agad niya rin 'yon pinaandar paalis, papunta sa lugar kung nasaan ang taong mahal niya.
Ilang oras ang naging biyahe ni Allen para makapunta sa Batangas. Mag-uumaga na nang makarating ito sa lugar na 'yon. Nakita niya si Carolline sa gilid ng pathway na nakaupo at naghihintay. Yakap nito ang sarili dahil sa sobrang lakas ng hangin na tumatama sa balat niya. Wala ng katao-tao sa lugar na 'yon at halata na dinaluhan ng maraming tao dahil makalat ang paligid nito. Napupuno ito ng mga bote ng alak at tubig.
Kinuha ni Allen ang jacket sa passenger seat at agad na lumabas ng sasakyan. Pagkababa pa lang ay hindi mapigilan ni Allen na lamigin. Naisip niya si Carolline na naghihintay simula pa kanina at alam niyang nilalamig na rin ito.
Hindi naman napansin ni Carolline ang pagbaba ng binata dahil sa ibang direction siya nakatingin. Nang makalapit si Allen ay nilagay niya ang jacket sa likuran ni Carolline para mabawasan ang lamig na nararamdaman nito. Nagulat si Carolline nang gawin niya 'yon at nang makita si Allen ay agad siyang napatayo at niyakap nang mahigpit ang binata.
"Akala ko hindi ka na darating," naiiyak na sabi ni Carolline. Niyakap din ito pabalik ni Allen at hinaplos ang kaniyang likuran para patahanin at pagaanin ang loob nito.
"Hindi ko gagawin na iwan ka, Carolline. Alam mo naman kung gaano ka kahalaga sa akin." Humiwalay si Allen sa pagkakayakap at pinunasan ang luha sa magkabilang pisngi ng dalaga. "Huwag ka nang umiyak. Nandito naman na ako."
Tumango ito at ngumiti bilang sagot. Sakto namang tumawag ang parents ni Carolline sa kaniya. Napatingin pa ang dalaga kay Allen bago sinagot ang tawag.
"Mom, bakit po?" sagot ni Carolline. "Kasama ko po si Allen ngayon. May pinuntahan lang po kami at pauwi na. "
Napatingin naman si Allen sa cellphone nang iabot ito sa kaniya ni Carolline.
"Kausapin ka raw ni Mommy," wika ng dalaga.
Mabilis naman itong kinuha ni Allen at nilagay sa kanang tenga niya. Lumayo rin siya ng ilang hakbang kay Carolline bago sagutin ang tawag.
"Hello po, Tita Jenny?" Napatingin naman si Allen kay Carolline nang tanungin siya kung totoo ba niyang kasama ang anak. "Yes po, magkasama po kami ngayon ni Carolline. Pauwi na rin po kami."
Nang marinig 'yon ay nakahinga naman ng maluwag ang nanay ni Carolline kaya pinaalalahanan niya na lang din ang dalawa na mag-ingat.
"Opo, mag-iingat po kaming dalawa. Thank you po." Pagkatapos magpaalam ng nanay ni Carolline ay pinatay na rin niya ang tawag. Binalik niya ang cellphone kay Carolline.
"Anong sabi?" kinakabahang tanong ni Carolline sa kaibigan. Wala kasing alam ang magulang nito sa hilig niya sa pagkarera kaya natatakot siya na baka may malaman.
"Sinabi ko na nasa Batangas ka at may dinaluhang karera," pagsisinungaling na sagot ni Allen. Nanlaki naman ang mga mata ni Carolline sa narinig. "Biro lang."
Naihampas ni Carolline ang kaliwang braso ni Allen dahil sa naramdamang kaba. Pinagloloko na naman siya ng binata at alam niyang dahil 'yon sa dahilan na hindi nito sinabi agad na nandito siya.
"Tsk," singhal ni Allen. "Let's go at baka hanapin na rin ako ng magulang ko."
Naunang naglakad si Allen pero napatigil ito nang hawakan ni Carolline ang braso niya.
"What about Tita Alyanna pala? Alam niya bang nandito ka sa Batangas? Hindi pa rin ba kayo okay?"
"Don't mind me. Ako ng bahala sa kanila." Si Allen naman ang humawak sa braso ni Carolline at hinila ito papunta sa sasakyan niya. Nang makapasok silang dalawa ay agad na rin nilang nilisan ang lugar.
Bago makauwi ay dumaan muna sila sa isang restaurant para makakain. Hindi na rin sila nagtagal doon dahil alam nilang pareho na silang hinahanap ng magulang. Nang nakauwi ay agad namang nagpasalamat si Carolline kay Allen dahil sa pagsundong ginawa nito. Hindi na siya pumasok pa kahit na inimbitahan pa itong kumain muna sa loob.
Magtatanghali na nang makabalik si Allen sa bahay nila. Sinalubong kaagad siya ng ilang mga maids at sinabi na maagang umalis ang magulang niya. Nagpahanda na lang ito ng pagkain at umakyat muna sa kwarto. Magpapalit na sana siya nang tumawag na naman sa kaniya si Carolline.
"Allen," bungad na pagbati nito. "Thank you sa paghatid mo kanina sa akin. Babawi talaga ako sa iyo, promise. Ilang beses mo na akong sinasalo sa mga katangahang ginawa ko."
"Buti alam mo," pang-aasar ni Allen sa kaniya. Tumawa naman ng mahina si Carolline sa kabilang linya.
"Kaya nga sobrang thankful ko na ikaw ang naging best friend ko. Baka kung iba 'yan ay pinabayaan at hinayaan lang ako roon." Napangiti si Allen dahil sa sagot ng dalaga. Kahit sa tawag ay malakas ang t***k ng puso niya. Iniisip nito na kailan kaya mapapansin ni Carolline ang feelings niya para sa kaniya?
"Wala 'yon. Lahat naman siguro tayo ay gagawin ang bagay na 'yon. Ayoko lang talaga na may nangyaring masama sa mga taong mahal ko," seryosong tugon nito.
"Yieee! I love you too, Allen! Mahal na mahal mo talaga ako, nu?" Napailing na lang si Allen at napapakamot sa ulo. "Oo nga pala. Aalis sina Mommy mamaya. Sasama sana ako kaso hindi na sila pumayag."
"Buti naman at para makapagpahinga ka na rin."
"Wow! Concern citizen 'yan?" pang-aasar pa nito. "Oo nga pala. Kumusta na kayo ni Tita Alyanna?"
"Okay na kami," pagsisinungaling ni Allen.
"Ayon! Mabuti naman kung ganoon. Huwag ka na kasing mangbabae at sundin mo na sila."
"Sinusunod ko naman, ah?" dahilan ni Allen.
"Madalas ka nga lang pasaway," natatawang ani ni Carolline. "Sige na at aalis na pala sina Mommy. Magpapaalam lang ako kasi matagal-tagal din silang makakauwi. Pumunta ka rito mamaya, ah."
"Oo na." Pagkatapos magpaalam sa isa't isa ay pinatay na rin nila ang tawag.
Naligo lang saglit si Allen at nagbihis. Nang matapos ay bumaba na ito para kumain. Naging mabilis lang ang pagkain niya dahil busog pa ito noong last na kain nila ni Carolline kanina. Pagkabalik sa kwarto ay napansin ni Allen ang napakaraming missed calls galing kay Carolline. Napapailing na lang si Allen dahil baka sobrang miss na siya nito.
Nakangiti pa siya nang tumawag pabalik kay Carolline. Hindi nito mapigilang mag-isip na baka may gusto na rin ang dalaga sa kaniya habang hinihintay nito sagutin ang tawag. Nang masagot na ni Carolline ang tawag ay nawala ang ngiti sa labi ni Allen nang marinig ang lakas ng hikbi nito.
"Anong nangyari sa iyo, Carolline?" kinakabahang tanong nito.
"A-Allen," naiiyak at pahinto-hinto na tawag ni Carolline sa pangalan ng kaibigan.
"What happened? Bakit ka umiiyak?" Napaupo sa kama at para bang nanghina si Allen nang marinig ang sinabi ni Carolline.
"Naaksidente ang sasakyan na sinasakyan nina Mommy. Wala na sila, Allen. Patay na ang mga magulang ko."