Kabanata 2

1089 Words
Ang Biglaang Pagpupulong “Malapit na siyang pumasok,” gamit ang mental telepathy na likas sa kanila bilang sirena’t siyokoy, ito ang pabulong na sigaw ng nakatindig sa isang gilid ng arkong pintuan ng Simboryo ng Ayisa na si Rina, ang dalagitang sirena, sa kaniyang katapat na si Kokoy, ang binatilyong siyokoy. Pabulong lamang ang mental telepathy na sigaw ni Rina kay Kokoy upang hindi masyadong lumikha ng bula sa loob ng Simboryo kung saan kontrolado ang temperatura’t kulay ng tubig-dagat upang manatiling sariwa’t kaiga-igaya sa mga taklobong konsehal. Agad na kumilos si Kokoy nang marinig niya sa kaniyang isipan ang sinabi ni Rina. Dinukot ng binatilyo ang budyong na nakapaloob sa sisidlang nakasinturon sa kaniyang kaliskising baywang at iniumang na ito sa kaniyang bibig upang hiphan sa sandaling ibigay ng dalagitang sirena ang hudyat. “Simulan mo na, Koy, naririyan na si Konsehal Pabebe!” May pagsimangot na sinimulan nang ihipan ni Kokoy ang kaniyang budyong. May huwad na ngiti na gumuhit sa mga labi ni Rina. May regalya na pumasok sa entrada ang pinuno ng Konseho ng Mga Taklobo, si Konsehal Pabebe. Pagdaan ng konsehal sa arkong pintuan kung saan nasa magkabilang-balikat na niya si Rina at si Kokoy, tumaas ang lumuting kilay ng supladong pinuno ng Konseho na tila nauuyam sa presensya ng mga sirena’t siyokoy sa loob ng banal na Simboryo ng Ayisa. Subalit dahil sa likas na mapagkumbaba at matapat sa tungkulin ang mga piping sirena’t siyokoy, hindi na lamang ito pinansin nina Rina at Kokoy. Ilang saglit pa at sumara na ang mga bunganga ng mga taklobong konsehal at nagsipagbalikan na sa kani-kanilang mga kinauupuan sa Simboryo. Habang itinatanghal ni Kokoy ang imperyal na pagpasok ng pinuno ng Konseho sa pamamagitan ng pag-ihip sa trumpetang-dagat, ipinasok naman ng dalawang alagad na siyokoy, sa gawing kanan malayo sa arkong pintuan, ang mahiwagang Almeha ng Kadakilaan. Ang Alamat Ang Almeha ng Kadakilaan ay maisasalarawan bilang isang taklobong kakaiba ang laki’t bigat (dalawang siyokoy ang kailangan upang ito’y mabitbit!). At ang kaputiang taglay ng Almeha – makinis at makinang ang buong lawas nito. Nakapinid ang bunganga ng Almeha, at bumubukas lamang ito sa mga piling panahon na may nais itong ipahiwatig sa Haring Dagat at sa mga mamamayang-dagat ng Ayisa. Isa sa mga piling panahon na ito ang ika-21 na kaarawan ng Haring Dagat na magaganap sa susunod na buwan at limang araw simula kahapon nang unang matuklasan ng mga tanod na piping sirena’t siyokoy ang pagkawala ng tanging tagapagmana sa trono ng Ayisa. Sa taon ng Oso, sa ikapitong kabilugan ng buwan ng Uwak, sa ikalimang araw makaraan nito, ito ang ika-21 na kaarawan ng Haring Dagat. Sa takdang araw na ito ay may magaganap sa mahiwagang Almeha ng Kadakilaan, ang pamana ng lahi ng Ayisa, na siyang magtatakda sa tadhana ng buong kahariang-dagat. Sa takdang araw na ito ay tuluyan nang mapupunit at malulusaw ang nakasulat na alamat sa sinapupunan nito, at ito’y mapapalitan ng isang kuwintas – ang Kuwintas ng Perlas ng Dagat. Sa sandaling ito’y mabuo sa loob ng Almeha, bubukas ang malaking talukab nito at may puwersang iluluwa ang naturang kuwintas. Kung sinumang nilalang ang makasasalo nito bago pa ito sumayad sa buhanginan ng ilalim ng dagat sa loob ng Simboryo, ang nilalang na ito ang nakatakda at ang magiging tunay na “katalukab” ng Haring Dagat, at ang tanging may karapatan na suotin ang kuwintas na ito. At kapag naganap na ang dapat maganap – ang pag-aasawa ng hari – ay mapapatid na rin ang tanikalang sumpa ng pukotlaot hindi lamang sa Dagat ng Ayisa, kundi sa buong sangkaragatan. Ang Sumpa Sa kabilang banda naman, ang pukotlaot ay isang mala-lambat na sumpa’t patakarang sapilitang inilalatag ng buong Kaharian ng Dagat Ayisa sa kanilang sarili – at minsan nang naganap sa kasaysayan ng kanilang bayan. Isang pansamantalang paglilipat-bahay kumbaga, paluwas sa karagatan kung saan hindi sila masusundan ng mga daluyong, ng mga red tide at fish kill, ng mga polusyon, at ng karimarimarim na dredging ng mga tao. Sa mahaba at matagal na prosesong ito ay dadaan sa masalimuot na pagkati ang tubig-dagat, at magiging burak ang dati nang daluyan at lagusan ng sariwang tubig-dagat. Sa pambihirang pagkakataong ito ay maghahanap ng sangktwaryo ang mga mamamayang-dagat sa mga bakawan. Sa mahaba at mabagal na prosesong ito, marami sa mga taga-tubig-alat ang pinanghihinaan ng loob at kusang nasasawi sa paglalakbay pa lamang. Sa kanilang pamamalagi sa bakawang aampon sa kanila, ang lambat ay mananatiling nakalatag hanggang hindi humuhupa ang kababalaghan sa Dagat ng Ayisa. Ang isang di-sadyang idinudulot nito ay ang unti-unting paglamon nito sa pinakakalamnan ng tubigan, hanggang maging burak na ang buong nasasakupan nito. Sa isang banda, mahalaga ito upang sa muling pagdaloy ng malinis na tubig-alat, upang seguruhin na walang ni isang mikrobyong makamandag ang mahahalo sa bagong kahariang maaaring itayo muli sa naturang burak. Isang salindagat, kumbaga, at ayon na rin sa mga tao na pinag-aralan ang phenomenon na ito, ito ang tinatawag ng mga tagalupa na “seachange.” Isang nakapagpapabagong-buhay na pangyayari. Kaya naman kung ihahalo pa dito ang dagdag na hamon ng malupit at pabago-bago na panahon at iba pang mga likas na sagwil upang makalipat ang buong kaharian sa kanlungan ng isang mapagkalingang bakawan, mas malaki ang panganib na, makabalik man ang mga taga-tubig-alat sa Dagat ng Ayisa, hindi na rin magiging katulad ng kanilang dating kinagisnan ang kanilang uuwiang tahanan. Bagaman may isang paraan pa na hindi alam ng karamihan upang maiwasan ang paglalatag ng pukotlaot sa mga panahon ng matinding panganib. Isang paraan kung saan bubuksan ng mga taga-Dagat Ayisa, sa pamamagitan ng isang batas na maaaring ipasa ng Konseho ng Mga Taklobo sa panahon ng matinding panganib, ang kanilang kaharian upang daluyan na sila mismo ng mapag-arugang tubig mula sa mga karatig-karagatan. Isang paraan kung saan isasabatas nila na maaari nilang pahintulutan ang mga tagalupang tao ng arkipelago ng Nakar na gawin na nila ang kanilang nais gawin sa kahariang-tubig ng Ayisa – ang karimarimarim na dredging. Sa buong kasaysayan ng kahariang dagat ng Ayisa, minsan nang nagsara ang langit ng pag-asa nang sinapit nila ang sumpa ng unang pukotlaot sa kanila, na halos ikinaubos ng kanilang mga yamang-dagat, at iniwang binaluho ang malaking bahagi ng dating luntian at buhay na buhay na dagat. At sa pagkawala ng haring dagat ay muli na namang lumutang ang tanong ng bayan: Sino na ang magiging tagapagtanggol ng Ayisa laban sa pukotlaot? At sino na ang magiging bayani nila laban sa pinakamapanganib na nilalang na isinilang sa balat ng lupa – ang tao?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD