Kabanata 3

1146 Words
Ang Kabulaanan Ilang buntong-ng-bula pa’y nagpatuloy na muli si Konsehal Pabebe sa kaniyang masidhing ipinapahayag. “Paumanhin po sana sa biglaang pagbulwak ng aking damdamin… Kaya naman, mga kagalang-galang na Konsehal, mga kapuwa ko taklobo, sa dalawang opisyal na panauhing pandangal ng Konseho, sina Reyna Kanaken ng Kanluraning Bakawan at Reyna Kanimo ng Katimugang Bakawan, at sa aking mga ka-tubigang-lalang, nais kong muling ipabatid sa inyo, sa emergency session na ito, na sa unang pagkati pa lamang ng dagat kahapon ng madaling-araw at natuklasan nga ng mga bantay na siyokoy ang malansang pangyayaring nawawala ang ating mahal na Haring Dagat, agad naming inatasan ni Konsehal Lumot si Heneral Palikpik-Tainga na bumuo ng isang lupon upang hanapin siya sa loob at labas ng kaharian, at sa lalong madaling-panahon ay maibalik agad sa kaniyang poder ang ating dakilang pinuno.” Bumulwak mula sa mga hanay ng mga taklobong Konsehal ang isang nakapangingilabot na uri ng katahimikan. Isang bukas-sara ng hasang pa’y may isang matandang tinig ang humingi ng pahintulot kay Konsehal Pabebe upang makapagsalita. Si Konsehal Lumot. Agad namang sumenyas si Konsehal Pabebe sa minority seafloor leader na malaya na siyang makakapagsalita sa nagaganap na pagpupulong. Bahagyang bumuka ang bungangang talukab ng pinakamatandang taklobong konsehal upang mabulang ibulalas sa lahat ang kaniyang madaling-anurin na saloobin. “Maawaing Amansinaya na tagapaglikha ng lahat ng Mga Tubigan at sa kaniyang bugtong na anak na si Bathalon na Panginoon ng Kalautan! Dumating na ang pinangangambahang araw ng lahat! Sa loob ng isang buwan at limang araw, at ayon na rin sa itinakda sa Batas ng Dagat, kapag hindi natin mahanap at maibalik sa kaniyang trono ang mahal na Haring Dagat ng Ayisa ay mapipilitan tayong ideklara na bakante ang nasabing posisyon…” Dahil sa dagsa-dagsang bula, halos umugong at mayanig ang buong bulwagan ng mabanaag na simboryo. Wika nga, nabalot ng kabulaanan ang buong Simboryo. Lalo naman nilakasan ni Konsehal Lumot ang kaniyang nilulumot ngunit kapit-tulos na tinig. “At kung maidedeklarang bakante ang trono, batid naman ninyo na inuutusan tayo bilang isang lupon, sa ilalim ng Batas ng Dagat, na ideklara ang paglalatag ng pukotlaot sa ating kaharian sa lalong madaling panahon! O, kung wala na talagang ibang paraan, ay maaari naman tayong magpasa ng isang batas…” Halos pumutok ang buong Simboryo ng Ayisa sa mga bula-bulaan ng mga taklobong Konsehal, habang ang mga sundalong siyokoy naman ay hindi mapakaling nagsitunguhan sa mga lagusan upang seguruhing maayos ang pagpupulong lalo na sa paghantong nito sa isang yugtong hindi na maiiwasan ng Konseho. Sandaling itinaas ni Konsehal Pabebe ang kaniyang talukab upang manahimik at huminahon muna ang lahat. “Katahimikan muna,” ang bungad ng majority seafloor leader. “Masyado pang maaga upang pag-usapan ang bagay na iyan, kagalang-galang na Konsehal Lumot. Sa ganang akin, habang hindi pa nakalalarga’t nakababalik ang lupon na inatasan ni Heneral Palikpik-Tainga upang hanapin ang Haring Dagat, wala pa tayong basehan upang kumilos at magpasiya man lamang bilang isang korte ng Konseho.” Mahahalata sa mga pagtungo ng talukab ng karamihan sa mga Konsehal ang agad na pagsang-ayon sa ipinahayag ni Konsehal Pabebe. At bilang panghuling paalala ng majority seafloor leader sa lahat, “Kaya, bilang mainam na payo sa ating lahat na nandirito, ay bumalik muna tayo sa ating mga pang-araw-araw na tungkulin at gawain sa ngayon. At tinitiyak ko sa inyong lahat na sa sandaling magbigay ng anumang ulat ang ating butihing Heneral sa amin ni Konsehal Lumot ay magpapatawag kaming muli ng emergency session. The Council of the Clams is now hereby declared in recess until further notice.” Agaran namang binitbit ng mga piping sirena’t siyokoy ang kaniya-kaniyang among taklobo upang lumabas na sa simboryo, habang si Konsehal Pabebe’y nanatili sa kaniyang kinatitindigan, at nananatili sa kaniyang tabi ang walang-imik na Diwatang Tamuneneng na nasa anyo ng isang kabayong-dagat, na tila malungkot na nakamasid lamang sa mga kaganapan habang ito’y nasa loob ng isang hawlang akwaryo. Iniangat ng punong-dagat ang kaniyang itaas na talukab at, sa isang sulok ng kaniyang paningin, ay nabanaag niya ang masiglang hagikgikan ng dalawang nilalang na dugong-bakawan na nakaupo sa galeriya na dapat yata’y nakikiramay ngayon sa matinding dinaranas ng buong Kaharian ng Ayisa. Hindi pa nakalalapit sa mga lagusan ng Simboryo ang karamihan sa mga nagsidalo sa pagpupulong ay may biglang sumisid-langoy na siyokoy palapit kay Konsehal Pabebe upang may mabula-bulang ibulong sa tainga ng punong-dagat. Ang mahinang pagbulong nito sa tainga ng naghihintay na taklobong Konsehal ay naging mas malakas pa sa pagputok ng bulkan sa kailaliman ng dagat. “Lalarga na sa Sulo ng Dagat ang lupon ni Heneral Palikpik-Tainga!” Sa deklarasyong ito, hindi na napigilan ni Kokoy ang sarili at muling inihipan ang kaniyang budyong. Ang Abismo Dahil sa patuloy na pagbuhos ng buhangin, bato, at koral ng mga Desilturero sa palibot ng Nauwi Jiao ay may nalikhang lambak sa gitna ng pulo-puluan. Isang malalim na lambak na tila isang abismo. Kung maglalakas-loob tayo upang lusungin at sisirin ang abismong ito, matutuklasan natin na ito’y may lamang tubig. Tubig-dagat! Sa biglang pagkapukaw ng ating kamalayan, mababatid natin na ang malalim na abismong ito na nalikha ng mga bundok ng koral, bato’t buhangin sa palibot ng pulo-puluan ay isang piitan. At sino ang ikinulong sa kulungang ito? Walang iba kundi ang haring dagat ng Ayisa! Sa abismong ito ay tila walang nakatatakas na tunog at liwanag. Tila wala ring pagkilos sa abismong ito. Subalit, teka… mula sa pinakailaliman ng tubig-dagat na ikinulong sa malalim at malawak na lambak nito, may isang nilalang: isang bula na hugis-tao, nakalugmok sa pinakagitnang sahig ng abismo, nakatungo ang ulunan sa pagitan ng mga binti, nakaposas ang mga paa't kamay ng mga tanikalang buhangin. Subalit, sa sandaling ito, marahang itinaas ng nilalang na ito ang kaniyang ulo, mababanaag natin sa halos di-maaninaw na bulang wangis nito ang isang tahimik na pagtangis. Sa sandaling ito, hindi na nakatiis ang nilalang at ito’y nagpakawala ng isang patak ng luha sa animo’y kawalan ng abismo. Isang patak ng luha na imbis na pumatak paibaba ay naging isang bula sa ilalim ng tubig, may pagsalapid at malumanay na sumisid paitaas, patungo sa pang-ibabaw na saray, mabagal sa simula ang paglangoy, subalit nang makabuwelo nang husto’y tila wala nang makapipigil pa sa hangarin: ang humingi ng saklolo! Sa isang munting bula na ito nakapaloob ang paghingi ng saklolo ng Hari ng Dagat ng Ayisa! At ang munting bula’y nagtagumpay na makaahon sa pang-ibabaw na saray ng dagat, at sa paglaya nito mula sa kailaliman ng tubig ay agad inagaw mula sa nalikhang tabsing at niyakap ito ng isang naligaw na hangin – at ang bula ay naging bulong na ngayo’y tangay-tangay sa bagwis ng isang magiting na hangin! Pumailanlang ang hangin, papalayo nang papalayo sa abismo, sa lambak na nilikha ng mga tila robot ang pagkilos na mga Desilturero, papalayo nang papalayo, tungo sa panginorin ng saklolo, sa parola ng Isla Batong-Apog!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD