KABANATA 1 "YEAR BOOK"

1439 Words
"OKAY lang ako dito Tay, huwag ninyo akong intindihin," ang tumatawang sagot ni Erik habang kausap sa kabilang linya ang kaniyang ama na si Fidel na kasama ng kanyang ina na naiwan sa Canada. "Akin na nga, ibigay mo sa akin ang telepono at ako ang kakausap sa batang iyan," boses iyon ng nanay niyang si Aurora na naging dahilan kaya natawa pa ng mahina si Erik. "Nay, huwag mo nang awayin si Tatay, kayong dalawa na nga lang ang magkasama diyan," biro pa niya saka tumawa muli ng mahina habang ipinagpapatuloy ang pagbubukod ng puti at de-kolor sa mga damit na lalabhan niya. "Ano bang ginagawa mo diyan at hindi ka na bumalik dito? Aba mag-i-isang taon na mula nang magpaalam kang uuwi, kailan ka babalik dito? Ang lolo mo hindi na magkamayaw sa katatanong kung kailan raw babalik ang paborito niyang apo. Ni hindi namin alam kung ano ang isasagot namin ng Tatay mo," ang mahabang litanya ng nanay niyang na dahilan kaya muli na naman siyang natawa ng mahina. "Nay---," pero mabilis na nagawang putulin ng nanay niya ang lahat ng iba pa niyang gustong sabihin.  "Bakit mo ba ako pinagtatawanan? Hoy Enrique, baka nakakalimutan mo ang mga obligasyon mo rito? Sa negosyo ng lolo mo. Nahihirapan na ang pinsan mo na balikatin lahat ng trabaho. Magpasalamat ka nga at hindi ka kagaya ng ibang tao diyan na kailangan pang magpakahirap sa paghahanap ng trabaho at magpakakuba sa pagtatrabaho magkaroon lang ng magandang buhay. Ikaw nandito na sa iyo lahat parang wala lang!" ang pagpapatuloy na sermon sa kaniya ng kaniyang ina. Noon nakagat ni Erik ang pang-ibaba niyang labi para mapigilan ang muling pagkawala ng isang mahinang tawa. Alam kasi niya na oras na umabot sa pandinig ng nanay niya ang tawa na iyon ay lalong hahaba ang paglilitanya nito at sermon sa kaniya. Well, sanay na siya.  Ganoon talaga ang nanay niya mula noong bata pa siya. At kapag hindi ito nagalit at hindi siya nito sinermonan, ay alam niyang may kakaiba rito. Totoo naman ang sinabi nito, mag-i-isang taon na mula nang umalis siya nang Canada at magbalik ng Pilipinas. Iyon ay para sana ligawan at pakasalan si Keira. Ang matalik niyang kaibigan na ngayon ay masaya na sa buhay nito bilang may bahay ng isang mayaman na negosyante, si Charles Salveron. Nabuo ang plano na iyon para narin sa ikabubuti ni Nadine.  Ang dati niyang nobya sa Canada.  Katulad niya ay Canadian citizen rin ito. Pero hindi nagustuhan ng pamilya niya lalo na ng kaniyang Lolo na si Solomon ang ginawa niyang iyon.  Si Nadine kasi ay dating nobya nang pinsan niyang si Albert na nagpakamatay nang makipaghiwalay ang una sa huli. Alam niyang walang kasalanan si Nadine sa piniling desisyon ng pinsan niya kung tutuusin. Pero hindi rin niya masisisi ang pamilya niya na nasaktan ng labis dahil sa pagkawala ng minamahal nila sa buhay. Ang plano niya ay pakakasalan niya si Keira para makuha na ang parte niya na pamana sa kaniya ng kanyang Lolo Solomon.At ang pera na makukuha niya ay ang gagamitin niyang pambayad sa utang ng ama ni Nadine sa kaibigan nito na pinagkakautangan nito ng malaki.  Ganoon ba niya kamahal talaga si Nadine at nakahanda siyang gumawa ng hindi maganda para rito? Sa naisip ay napailing na lamang si Erik.  Pati ang sarili niyang matalik na kaibigan at kababata ay binalak pa niyang guluhin mula sa tahimik nitong pamumuhay dahil sa kasakiman niya.  Muli ay naramdaman ni Erik ang matinding kurot ng konsiyensya na parang nananatili sa dibdib niya at nagigising lang kapag naiisip niya ang tungkol sa plano niyang iyon sa nakalipas na taon.  Hindi pa niya naihihingi ng personal na kapatawaran ang tungkol roon kay Keira. Pero sa Panginoon Diyos? Walang gabi na hindi niya iyon sinambit sa kaniyang mga panalangin. "Enrique!" ang muli ay mataray na untag na naman sa kaniya ng nanay niya mula sa kabilang linya. "nakikinig ka ba sa akin? Ano bang ginagawa mo at parang hindi ka interesado sa sinasabi ko?" pagpapatuloy ni Aurora sa kapareho parin nitong tono. "Nay, nag-aayos kasi ako ng mga lalabhan kong damit kaya hindi ko kayo maasikaso ng mabuti," sagot niya saka tumawa. "pakisabi sa Lolo babalik ako diyan sa tamang panahon. Sa ngayon kasi ay busy pa ako dito at ine-enjoy ko pa ang pagiging Arkitekto ko," dugtong pa niya. Narinig niya ang malalim na buntong hininga ng kaniyang ina mula sa kabilang linya. Pagkatapos ay ang muli nitong pagsasalita. Pero sa pagkakataong ito ay sa mabait na tono.  "O siya sige,  pasensya ka na rin kung napagalitan na naman kita. Alam ko naman na mula pagkabata ay iyan ang talagang gusto mo. Nasasayangan lang naman kasi kami ng Tatay mo sa magandang buhay na naghihintay sa iyo rito anak. Kasi iyang pagiging Arkitekto ay pwede mo namang i-practice kahit kailan mo gusto. Ang negosyo ng Lolo mo ang kailangan mong mas higit na pagtuunan ng pansin sa ngayon, ang kailangan mong mas higit na pag-aralan," patuloy na pangaral ng nanay niya sa kaniya. Napangiti si Erik sa narinig. "Alam ko iyon Nay. At huwag kayong mag-alala, kahit nandito ako nakakagawa naman ako ng paraan para matulungan si Robert sa pagpapatakbo ng business at farm. Totoo iyon, gamit ang internet ay nagagawa parin niyang makipag-usap sa pinsan niyang si Robert tungkol sa pagpapatakbo nila ng Dairy Factory ng kanilang Lolo. Pati narin ang tungkol sa farm kung saan nila kinukuha ang gatas na ginagamit nila sa pagpo-produce ng mga dairy products katulad na lamang ng mga keso, yogurt, butter at marami pang iba. "Nay, kailangan ko na pong ibaba ito, maglalaba na kasi ako at mamaya naman ay maglilinis ako ng bahay. Wala kasi akong ibang libreng araw maliban ngayong araw ng Sabado," pagbibigay alam niya sa kaniyang ina. "O sige, ang mabuti pa humanap ka ng pwedeng taga-linis at taga-laba mo anak, para naman hindi mo na kailangang gawin ang mga bagay na iyan. Aba eh, pagod ka na nang isang linggo sa pagtatrabaho, pati ba naman ang mga ganiyan ay ikaw pa ang gagawa?" ngayon ay naramdaman niya ang concern sa tono ng kaniyang ina. "Hay, ang nanay ko talaga. Kaya mahal na mahal ko kayo at siguro iyon rin ang dahilan kaya mahal na mahal kayo ni Tatay," totoo iyon sa loob niya. "Nambola ka pa, sige na. Mag-iingat ka diyan at huwag mong pababayaan ang sarili mo," bilin pa nito bago tuluyang naputol ang linya. Naiiling habang nakangiting ibinaba ni Erik ang kaniyang telepono sa ibabaw ng kaniyang kama saka ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa. Ilang sandali pa at minabuti niyang isalang na ang mga puti niyang damit sa kaniyang automatic na washing machine.  Binili talaga niya iyon kahit kung tutuusin ay okay pa naman ang luma nilang washing machine na gamit pa nila noong bago sila nag-migrate pa-Canada.  Mas mainam kasi kapag automatic, habang nakasalang iyon ay may oras pa siya para makapagluto at maglinis ng bahay. Mas nakakatipid siya sa oras. Katulad nang dati ay minabuti niyang isabay na ang paglilinis ng bahay at pagluluto habang nakasalang ang kaniyang labada. Tutal kapag tumunog iyon ay isasampay nalang niya.  Sinimulan niya ang pagwawalis sa kaniyang silid nang mamataan ang lumang kabinet na nasa sulok ng kaniyang kwarto. Natatandaan niya, doon inilagay ng nanay niya noon ang lahat ng abubot niya kasama na ang kaniyang mga lumang libro at pati narin ang kaniyang high school year book. Sa huling naisip ay bigla ang sikdo ng kakaibang klase ng damdamin sa puso ni Erik. Kaya naman nilapitan niya iyon at binuksan. Mga libro at mga lumang notebooks, pati narin posters na dating nakadikit sa dingding ng kaniyang kwarto ang nasa loob ng kabinet. Pero iba ang pakay niya kaya hindi binigyang pansin ng binata ang lahat ng kaniyang unang nakita. Agad niyang dinampot ang isang may kakapalan na libro na matigas ang cover.  Iyon ang kanilang high school year book. Binuklat iyon ni Erik saka hinanap ang pahina kung saan siya naroroon at ang kaniyang Salutatory Speech.  Natawa pa siya ng mahina habang pinagmamasdan ang batang version ng kaniyang sarili na para bang iyon ang unang pagkakataon na nakakita siya ng lumang litrato niya noong high school. Gaya ng inaasahan, ang ambition na nakasulat doon ay To be an Architect.  No regrets dahil natupad niya ang kaniyang ambisyon sa buhay.  Nang magawi ang paningin niya kung saan isang magandang mukha naman ang bumati sa kaniya ay napangiti si Erik.  Si Mia Licerio, ang kanilang Class Valedictorian.  Ang babaeng kahit anong gawin niya ay hindi niya kinayang talunin sa lahat ng asignatura. Dahil totoong napakatalino nito.   Ambition: To be a Veterinarian. Hindi maunawaan ni Erik. Nasaan na kaya si Mia?  Nasaan na kaya ang nag-iisang babaeng kahit minsan ay hindi niya kinakitaan ng kahit kaunting paghanga sa mga mata sa tuwing tititigan niya ito.  Totoo iyon. Dahil sa tingin niya, ito lang ang nag-iisang babaeng immune at walang pakialam sa charm niya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD