PARANG sinaksak ng ilang milyong karayom ang puso ni Lovie. Kitang-kita niya ang kanyang asawa na may kasamaang babae papasok sa isang motel. Naikuyom niya ang dalawang-kamao sa sobrang galit at sakit.
"Ayaw mo kasing maniwala sa akin." Narinig niya ang boses ng kaibigang si Eula.
"Minahal ko siya at ni minsan hindi ako tumingin sa iba, nagkulang ba ako bilang asawa, Eula?" Lumuluha niyang tanong sa kaibigan. Marahas na pinalis niya ang mga luhang kanina pa naglandas sa kanyang pisngi.
"Ikaw lang ang makakasagot ng tanong mong iyan, Lovie. Kayo ang nagsama sa iisang bubong malamang alam mo 'yon."
"Napakawalang-kwenta niya!" Inis niyang sabi.
"Mag-usap kayo ng asawa mo. Huwag kang sumugod doon, alalahanin mo ang reputasyon mo, Lovie."
"I won't lower myself for worthless people, Eula!"
Inis na naglakad na siya papunta sa sariling kotse. Nakasunod lang sa kanya ang kaibigang si Eula. Hindi pa rin tumitigil sa pagtulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata.
"Alam kong masakit pero kailangan mong lumaban Lovie para sa sarili mo. Kasalanan mo rin dahil pinagpilitan mong ipakasal ka sa lalaking iyan. Hindi mo masisisi si Kervy."
Pumasok siya sa loob ng kotse at naupo sa may driver seat. Sumunod sa kanya ang kaibigang si Eula na ngayo'y nakaupo na rin sa front seat.
"Alam kong mali ang ginawa ko, Eula. Alam kong kasalanan ko rin kaya ito nangyari sa marriage life ko. Kasalanan bang magmahal? Kasalanan bang mahalin ko ang isang Kervy Del Mundo?"
"Gaya ng sabi mo sa akin noon na sinabi sa'yo ni Kervy, harapin mo ang mga dapat mong asahan, at nangyayari na ngayon, Eula. Kaya please lang, ihanda mo na ang sarili mo. Nagsisimula pa lang si Kervy sa mga hakbang para patayin at durugin ang puso mo."
"Hindi ko ugali ang magpaka-martir pero kailangan kong harapin ang kabit ng asawa ko, Eula!" Maangas niyang tugon sa kaibigan.
"Hindi siya matatawag na kabit para sa mga mata ni Kervy, Lovie. Baka nakalimutan mong ikaw ang umagaw sa kanya?" Tila para iyong sampal para sa kanya ng marinig ang sinabi ng kaibigan.
"Ako pa rin ang asawa at ako ang pinakasalan. Kaya dapat lang na ipaglaban ko ang karapatan ko, Eula."
"Pero hindi mo hawak ang puso ni Kervy, at alam mong dehado ka pa rin, Lovie."
Naputol ang pag-uusap nila nang tumunog ang cellphone ni Lovie. Si Yaya Oding ang nasa kabilang linya. Inatake na naman ng asthma ang anak na si Marie.
"Papauwi na ako Yaya Oding, please hanapin mo ang inhaler ni Marie."
"Y—Yes, ma'am."
"Inatake na naman ba ng asthma niya si Marie?" takang-tanong ng kaibigan niyang si Eula.
"Oo, e. Duda ko baka nasobrahan na naman 'yon sa paglalaro. Sigurado akong kasama na naman ni Marie si Eunice. Iyong anak ni Atty. Merced."
"Iyon ba 'yong hottie neighbor niyo na crush ng buong kapitbahay?" Tila kinikilig na tanong ni Eula sa kanya.
"Excuse me, hindi ako kasali ron." Salubong ang kilay na sagot niya sa kaibigan. "T'saka may asawa na 'yon bruha."
"Ano naman ngayon? Crush lang naman hindi gagawing kabit tulad ng ginawa ng malandi at makating babaeng haliparot na kasa-kasama ng asawa mo," palatak ni Eula.
"Hmmm... kanina kung makapagsabi ka sa akin halos ipamukha mo sa akin na ako ang nang-agaw. Ngayon naman tila bumaliktad ang ihip ng hangin. So meaning, dito ka na naman pabor sa akin?" Taas kilay niyang tanong sa kaibigan.
"Mabuti na man at wala na akong makitang mga luha mula sa mga mata mo."
"Siyempre, tao lang ako at nasasaktan din. Na realize ko lang kasing hindi deserved na iyakan ang mga taong walang-kwenta at ambag sa buhay ko. Ayokong ma stress, gusto kong sila ang ma stress sa akin." Pahayag niya sa kaibigang si Eula.
"Teka, ano'ng plano mo?" takang tanong ni Eula sa kanya.
"Plano ko? Makikita mo rin ang gagawin ko. Kung paano maghiganti ang legal wife." Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
"Kinakabahan ako sa ngiti mong 'yan, Lovie. Kaloka kang babae ka," palatak ni Eula sa kanya.
Ang hindi alam ng kaibigan niyang si Eula. Umiiyak at nagdurugo ang kanyang puso. Ayaw niyang ipakita rito na masyado siyang weak. Kailangan niyang ipaglaban ang pagiging asawa niya kay Kervy alang-alang sa anak nilang si Marie na talaga namang kamukhang-kamukha niya.
Hindi naman nagtagal ay dumating na sila sa apartment ng kaibigan niyang si Eula. "Mauna na ako, ingat ka."
"Salamat. Alis na ako," aniya sa kaibigan at pinaharurot ng takbo ang sariling kotse patungo sa mansion kung nasaan ang kanyang anak na si Marie na ngayo'y inatake na naman ng asthma nito.
Pagkarating niya sa mismong mansion ay mabilis na nag-park siya sa malawak nilang garage kung saan makikita ang iba't ibang model ng ilang mga kotse.
Umibis siya mula sa sariling kotse at mabilis na naglakad papasok sa loob mismo ng mansion. Sinalubong agad siya ng ilang kawaksi.
"How's Marie?" tanong niya.
"Okay na po siya, ma'am. Huwag na po kayong mag-alala. Pero bukambibig niya po kayo."
Mabilis na pumanhik siya sa grand staircase ng mansion at nagmamadaling tinungo ang kwarto ng anak na si Marie.
Halos liparin ng kanyang mga paa ang sariling silid ng anak para lang marating iyon.
Nang sa wakas ay nasa tapat na siya sa mismong kwarto ni Marie ay binuksan niya ang pinto. Nabungaran niya si Yaya Oding na ngayo'y pinapatulog ang nakahiga niyang anak.
Bumalikwas agad ng bangon si Marie nang makita siya nito. "Mommy!" Bulalas ng limang taong gulang na batang babae.
"Baby..." Hindi niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. Naawa siya sa anak. "Narito na si mommy..."
"I have a longing for both you and daddy. Mom, could you please tell me where daddy is?" tanong ni Marie sa kanya.
"Sweetie, I apologize for your dad's absence. He's still busy at the office," tugon niya sa kanyang unica-hija.
Kitang-kita niya ang matinding kalungkutan sa anyo ng kanyang anak. Kahit hindi siya kayang bigyan ng pansin ni Kervy pero pagdating naman kay Marie ay maalaga ito.
Kapwa sila nagulat na mag-ina nang marinig ang tila nagmamadaling yabag at ang baritonong boses ni Kervy. Kitang-kita niya ang biglang pagkalas ng yakap ni Marie mula sa kanya.
"Daddy's here!" Masayang bulalas nito. Tila nabunutan ng tinik si Lovie nang malamang umuwi si Kervy para kay Marie.
"Sweetheart, are you alright?!" Dahan-dahang dumistansiya si Lovie mula sa pagkakayakap sa anak na si Marie. Lumapit sa kanila si Kervy.
"Hon, inatake raw siya ng asthma ulit?" tanong ni Kervy sa kanya, bakas sa anyo ang senseridad. Tumango siya rito.
Sa mga mata ni Marie isa silang perpektong mag-asawa. Pero ang totoo, para silang aso't pusa na hindi magka-sundo ni Kervy.
"I miss you, dad."
"I miss you more, sweetie."
Parang dinurog ang puso ni Lovie. Hanggang kailan ba sila ganito ni Kervy? Bilib din siya kay Kervy, kahit hindi totoo nitong anak si Marie ay minahal nito iyon.
Nabuntis kasi siya na hindi niya alam. At para pagtakpan ang kahihiyan ay pinikot niya ang lalaking mula pagka-bata ay pangarap na niya at walang iba kundi ang lalaking nasa harapan niya ngayon, si Kervy Del Mundo.