Kabanata 3 - Pagsilay

1027 Words
Makalipas ng ilang araw ay napapansin ko na mas dumarami ang umaaligid sa aking kambal. Mas nawawalan ako ng pagkakataon na makapag-usap kami sa school. "Ang gwapo talaga ni Charlie at Rinniel," sigaw ng isang babae. Nagtaka ako kung bakit biglaan iyon sinabi ng babae. Napatingin ako kung saan siya papaunta, halatang nagmamadali pa. "Hindi kayo papatulan ng kapatid ko," bulong ko sa sarili ko. Alam ko ang tipo ni Charlie sa isang babae. Napag-uusapan din naman namin iyon. Open naman kami sa isa't-isa kaya alam niya na si Rinniel ang dahilan kung bakit ako pumasok dito. Napansin ko na umiwas agad si Charlie sa mga babae. Mabilis itong nagtungo sa kaniyang classroom. Natawa na lamang ako sa kaniyang sitwasyon. Kung nasa ibang bansa siguro kami, hindi niya kailangan pang umiwas sa mga babae. Naging sikat si Charlie dahil nakasama siya sa cover ng isang magazine. Naging modelo siya ng aming kumpanya at napag-alaman na siya rin ang tagapagmana nito. Masaya ako para sa kapatid ko. Deserve niya ang ma-recognize dahil sa talento at talino niya. Alam ko kung gaano kahirap ang nararanasan niya ngayon. Nag-aaral siya rito habang pag-uwi naman ay tinuturuan na siya sa pagpapatakbo ng business. Naisipan ko ulit maglakad sa may Engineering building. Alam ko na rin ang schedule ni Rinniel dahil kumalat iyon sa internet. Nasilip ko siya sa kaniyang room. Seryoso itong nakikinig habang ang mga kabarkada niya ay parang may kalokohang pinag-uusapan. Napalingon ito sa gawi ko kaya agad akong nagkunwari na naglalakad. Bakit laging sumasakto? "Tiningnan niya ako!" irit ng isang babae sa aking likod. Akala ko pa naman ay sa akin tumingin si Rinniel. Assuming lang pala talaga ako. Kung hindi ako nerd, mapapansin niya kaya ako? Kung alam niyang ako si Chanel Morissette, may pag-asa kaya na kausapin niya ako? Pinalabas ni Charlie na nasa ibang bansa ang kaniyang kambal. Iyon talaga ang napag-usapan namin kaya iyon din ang alam ng iba tungkol sa akin. Nilingon ko ang babaeng umirit dahil parang may napansin akong kakaiba. Napakaganda niya. Sino nga bang hindi mapapalingon sa kaniya? Nakatutuwa rin makakita ng mga babaeng ganito kaganda. Kaya ko namang ayusin ang sarili ko pero masaya na ako kung ano ang katauhan ko ngayon. Umupo ako sa isang upuan na kita pa rin si Rinniel. Nagpanggap ako na nagbabasa ulit ng libro. "Nabalitaan ko na lilipat si Keanna Keymer dito sa Torreon ah? Iyong pinsan ni Charlie," saad ng kasamahan ng babaeng umirit. Naunahan pa nila akong makabalita sa aking pinsan. Mas malala pa pala sila sa akin. Hindi ko naman inaalam ang family background ni Rinniel. Ayos na ako na nakikita ko siya. Pinsan ko si Keanna. Hindi kami ganoon kalapit sa isa't-isa. Bata pa lamang ay ayoko na sa ugali niya. Mahilig siya sa pangbu-bully pero sana naman ay nagbago na siya. Ang huling kita pa namin ay hindi pa ganito ang itsura ko. Tiyak na hindi na niya ako makikilala. "Oo, iyong magandang model? Maganda nga, maarte naman," saad ng isa pang babae. "True! I don't like her. For sure na kaya lamang siya sumikat dahil sa parents ni Charlie. Isa pa, tiyak na magkakagusto siya kay Rinniel kung makikita niya ito," ika ng babaeng umirit kanina. Hindi ko nagawang malaman ang mga pangalan nila. Sa boses na lamang ako bumabase. Tatalo silang nag-uusap. Natapos ang klase nila Rinniel. Hindi ko rin naman magagawang makalapit sa kaniya gawa ng mga bodyguards. Pinanood ko na lamang siyang umalis. Nagulat ako nang umupo si Rinniel sa tabi ko. Nagpanggap na lamang ulit ako na nagbabasa ng libro at walang pakialam sa nangyayari. "Sir, hindi po ba kayo pupunta sa private room para sa inyo? Marami pong nakatingin sa iyo," tanong ng isa niyang bodyguard. "May ten minutes lang ako na vacant. Baka ma-late pa ako," sagot ni Rinniel. Napatingin ako sa aking relo. Nakalimutan ko na may susunod akong klase. Pupunta pa ako sa building namin kaya dapat na akong umalis. Inilagay ko ang libro sa aking bag. Saktong napatingin ako kay Rinniel na pinapanood ang aking ginagawa. Tumango lamang ako sa kaniya, sabay mabilis na naglakad palayo sa kaniya. Kita ko ang irap ng ibang mga babae sa akin. Hindi rin siguro nila inaasahan na tatabi sa isang katulad ko si Rinniel. Pagkatapos ng klase ay dumiretso na ulit ako sa bahay. Naabutan ko si Charlie na parang natatawa sa akin kaya napakunot ang aking noo. "May problema ba?" tanong ko. "Nakita ko na tumabi sa iyo si Rinniel. Kilig na kilig ka siguro kanina. Muntik na kita tawagan para paalalahanan ka na may klase ka pa," asar niya sa akin. May kopya siya ng classes ko. Binabantayan niya talaga ako. Alam ko naman na para sa akin din ang mga ginagawa niya. "Alam mo na iyon," sagot ko sa kaniya. "By the way, hindi ko alam na lilipat pala si Keanna na Torreon University. Narinig ko lamang mula sa mga babaeng nag-uusap kanina." "Ang alam ko ay gustong makatrabaho ni Keanna si Rinniel sa pagmomodelo. Gumagawa siya ng paraan para ma-recognize nito. Mukhang may kalaban ka na kay Rinniel ah?" sagot niya na may halong pang-aasar pa rin. Parehas pala kami ni Keanna ng gusto. Kaso anong palag ko sa kaniya kung isang modelo siya at isang hamak na nerd lang ang tingin sa akin ni Rinniel? "Well, tanggap ko naman kung hindi ako magugustuhan ni Rinniel. Isa lamang ako sa humahanga sa kaniya," saad ko. "Ang defensive mo, Chanel Morissette. At tsaka imposible talagang magustuhan ka ni Rinniel kung hindi mo aayusin ang sarili mo. Ilang beses ko nang sinasabi sa iyo na bumalik ka na sa dati mong pananamit," saad ni Charlie. Sumimangot ako sa kaniya. Sambit ko, "Ako ay masaya na sa kung ano ang itsura ko ngayon. Ayoko rin ng atensiyon ng mga tao, lalo na at kilala pa ang pamilya natin." Umiling na lamang si Charlie. Itinaas niya ang kaniyang mga kamay at sinabing suko na siya sa kakulitan ko. Ayoko rin namang maging pabigat sa kanila. Kaya ko namang protektahan ang aking sarili sa pamamagitan nitong mga ginagawa ko. Hindi ko kailangang maging maganda para patunayan na magiging successful ako balang araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD