ISABELLA:
BUONG maghapon akong natulog at bumawi ng lakas. Ang usapan kasi namin ni Dos ay bukas niya ako ipapakilala sa kapatid niya. Sana lang talaga ay kasing bait ni Dos ang Kuya niya. Hindi ko tuloy maiwasang kabahan dahil malaking kumpanya ang papasukan ko. Pakiramdam ko ay hindi ako nababagay magtrabaho doon. Pero dahil malaki-laki din ang kikitain kong singkwenta mill sa loob ng isang buwan ay pagsisikapan ko talaga ang trabaho. Idagdag pang hindi agrabyado ang katawan ko sa oras ng trabaho ko. Pwede na akong makatulog ng payapa sa gabi.
Masakit pa rin ang kaselanan ko hanggang ngayon. Pero pinipilit kong gumalaw ng normal dahil baka makahalata ang mga kapatid ko. Ayoko ng dagdagan ang mga alalahanin ni Tatay. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa nagkakamalay si Nanay. Pero ang sabi naman ng mga doctor nito ay stable na si ito. Hinihintay na lang na magkamalay siya para malaman kung may iba pang complication sa pagkakabunggo niya.
Naalala ko naman ang hudas na sumagasa sa ina ko. Masama na ang maghiganti pero. . . gagawin ko ang lahat para maparusahan ito ng nararapat. Alam kong malaking tao ito pero wala akong pakialam. Sisingilin ko siya sa ginawa niya sa ina ko. Wala siyang puso. Wala siyang kunsensya. Paano niya naatim na iwanan ang isang matanda na naghihingalo sa gitna ng kalye dahil sa pagbangga niya? Dahil sa kapabayaan niya? Ginawa niyang hayop ang ina ko. Dahil ba mahirap lang kami kaya balewala lang ang halaga ng buhay namin?
KINABUKASAN ay maaga na akong gumayak. Kailangan ko pa kasing maghanda ng agahan ng mga kapatid ko. At alasyete ay susunduin na ako dito ni Dos. Nakakahiya naman sa kanya na paghihintayin ko pa siya pagdating dito. Habang nagsa-sangag ng kaning lamig ay sinasabayan ko na ring mag-kape. Nahihimbing pa naman ang mga kapatid ko sa kani-kanilang silid. Mabuti na lang at hindi sakit sa ulo ang mga ito. Nauunawaan nila ang istado ng buhay namin at pinagbubutihan ang pag-aaral. Hindi sila maluho at nagagawa ding tumulong sa mga magulang namin kapag weekend kung saan wala silang pasok sa eskwelahan. Sila ang suma-sideline para sa kanilang allowance sa araw-araw. Bagay na malaking tulong sa amin nila Nanay at Tatay.
Pero dahil sa nangyari kay Nanay ay posibleng hindi ko na sila pabalikin sa pagtatrabaho. Maigi ng dito na lamang sila sa bahay at si Tatay na muna ang mag-aalaga sa ina namin. Ang sabi kasi ng doctor ni Nanay ay possible na hindi na makalakad ng maayos si Nanay, dala na rin ng katandaan nito. Kaya kahit nasa fifty thousand pesos ang buwanang sahod ko ay kailangan ko pa ring dumiskarte sa weekend para may extra income din kami.
Mabilis ang kilos ko habang naghahanda ng agahan ng mga kapatid ko. Kailangan ko pang maghanda dahil sa pagpasok ko ngayon sa bagong trabaho ko. Sa kapatid ni Dos. Ngayon pa nga lang ay kinakabahan na ako. Na baka hindi ako qualified o magugustuhan ng kapatid niya. Kailangan kong makuha ang trabahong iyon. Malaking tulong din ang magiging monthly salary ko doon para sa mga kapatid ko at pang-araw-araw naming pamilya.
Alam kong hindi sapat ang fifty thousand pesos a month para sa mga kakailanganin naming pamilya sa isang buwan. Kaya kailangan ko ring sumideline ng ibang raket kapag wala akong trabaho.
Hindi na rin kasi makakapagtrabaho si Nanay sa kondisyon nito. Kaya kailangan kong mag-double kayod para hindi na mahirapan si Tatay. 'Di na baleng ako ang magkanda kuba-kuba sa kakatrabaho. Hwag lang ang mga magulang ko. Lahat kaya kong tiisin. Kung kinakailangang gawin kong araw ang gabi ay gagawin ko. Mai-provide ko lamang ang mga pangangailangan ng pamilya ko.
MATAPOS kong maihanda ang agahan ay gumayak na rin ako. Natataranta pa ako na humagilap ng maisusuot dahil luma naman na ang mga damit ko. Nakakahiyang hindi ako presentable tignan sa unang araw ko sa trabaho.
Hindi naman kasi ako bumibili ng gamit ko. Komportable ako sa mga lumang damit ko dahil presentable naman ang mga ito at disente tignan kahit luma na. Nakagat ko ang ibabang labi. Wala na akong oras. Pero nahagilap ko na lahat ng damit ko sa drawer ko at walang mapiling maganda.
Napabuga ako ng hangin na nasapo ang noo. Lintek naman oh! Unang araw ko pa lang sa trabaho pero heto at namomroblema na ako ng maisusuot. Paano ako makakatagal doon kung maski suotin kong damit ay wala ako?
Lumabas ako na nakatapis lang ng tuwalya sa katawan at nagtungo sa silid ni Eivon. Kumatok muna ako bago pinihit ang seradula ng pinto nito. Naabutan ko namang nahihimbing pa ito sa kanyang kama.
"Eivon?"
"Ate?" pupungas-pungas na sagot nito.
Pilit akong ngumiti na napakamot sa ulo ko. Nangunotnoo naman ito na napakusot-kusot ng mga mata at napaupo na rin ng kama. Napaupo ako sa gilid ng kama na napatitig dito at alanganing ngumiti.
"Uhm. . . hihiram sana ako ng dress mo. Okay lang ba? Unang araw ko kasi sa trabaho eh," nakangiwing saad ko.
Napangiti naman itong bumangon at nag-inat-inat pa ng mga braso bago nagtungo ng durabox nito. Kagat ang ibabang labi na nakamata lang ako dito. Si Eivon kasi ang sumunod sa akin. Nasa kolehiyo na ito sa kursong HRM. Halos pareho na rin kami ng hubog ng katawan dahil mas matangkad pa nga ito sa akin. Ako ang panganay pero ako naman ang pinakabansot sa aming magkakapatid. Nagmana kasi ako sa Nanay. Habang ang mga ito ay kay Tatay nagmana ng katangkaran. Mabuti na lang at nakuha din namin ang mistisong kulay ni Tatay. Maging ang magandang ilong at mga mata nito. Kaya may mga itsura naman kaming magkakapatid.
"Pwede na ba ito, Ate?" anito na itinaas sa harapan ko ang isang white sleeveless dress.
Napalunok ako dahil maiksi 'yon pero maganda naman at kitang bago pa. Pero hindi ako sanay na nagsusuot ng mga revealing na damit. Napansin naman nito na natutulala ako sa damit na binibigay nito.
"Ito kasi ang pinakabago eh. Ibebenta ko nga sana dahil masyadong maiksi sa akin. Alam mo naman sina Tatay," saad nito.
"Sige. . . salamat, Eve. Gumayak ka na rin. Mahuli ka pa sa klase mo," sagot ko na kinuha ang dress dito.
Lumabas na ako ng silid nito at nagmamadaling bumalik ng silid ko para maayusan ang sarili. Hinayaan ko lang na nakalugay ang mahaba at bagsak kong buhok. Polbo at liptint lang din ang gamit ko dahil hindi naman ako palaayos na babae. Gumagamit lang ako nito kapag napasok ng trabaho para maging presentable ang itsura. Napangiti ako na mapatitig sa salamin na kaharap ko. May kakapalan ang kilay naming magkakapatid at malalantik din ang mga pilikmata namin na minana namin kay Tatay. Kaya kahit konting ayos lang ay lumilitaw na ang ganda namin. Kaya naman panay ang pagpapaalala ng mga magulang namin sa aming magkakapatid dahil kaliwa't-kanan din naman ang nagtatangkang ligawan kami. Puro kasi kami mga babae. Kaya iniingatan kami ng mga magulang namin.
Ng makuntento na ako sa ayos ko ay dinampot ko na ang shoulder bag ko at nagsuot ng two inches na black sandal ko, bago lumabas ng silid. Hindi na ako nagulat na mabungaran dito sa sala si Dos na ngayo'y nagkakape habang kinukulit na ng bunso namin.
"Dos, good morning!"
Napalingon ang mga ito sa akin na napangiti at tumayo.
"Good morning too. Ang blooming natin ah," kindat pa nito na pinasadaan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Nahihiya naman akong ngumiti na naglakad palapit sa mga ito.
"Hindi naman. May mahabang tulog lang," kindat kong ikinatawa nito.
Bumaling ako sa bunso namin na nagniningning pa ang mga mata habang nakatitig kay Dos. Ang batang 'to. Pinapahalata naman masyado na tipo ang pulis na kaharap. Naka-uniporme kasi si Dos kaya naman mas lalong gwumapo ang datingan nito.
"Anong oras na, Eden? Hindi ba't may pasok ka, hmm?" saad ko sa bunso naming napangiwi.
Namula pa ang pisngi nito na nagkatinginan sila ni Dos at nginitian siya nito sabay haplos sa kanyang ulo.
"H-hinihintay kasi kita, Ate. Nakakahiya naman kay Kuya Dos na wala siyang kasama dito," palusot pa nito na halatang nahihiya.
"Hmfpt, sige na. Maligo ka na doon. Baka ma-late ka pa sa school niyo," saad kong ginulo ito sa buhok.
"Opo. Bye, Kuya Dos," pagpapa-cute pa nito kay Dos na napakindat sa kanya.
"Bye, baby. Maligo ka na doon," ani Dos na ginulo pa sa buhok si Eden.
Naiiling na lamang akong napasunod ng tingin ditong nagtungo na ng kusina at impit pang napapairit. Halatang kinikilig ang bata. Kaloka! Uunahan pa ako kay Captain Dos eh.
"Pagpasensiyahan mo na. Makulit talaga ang isang 'yon," saad ko ditong napangiti.
"Okay lang. Ang saya nga niyang kakwentuhan eh. Hindi kayo mauubusan ng topic sa pagkamadaldal niyang bata," sagot nito na inubos na ang kape.
"Tara na?" aniko na ikinangiti nitong tumango.
"Tara."
Lumingon ako sa kusina at kitang kumakain na ang mga kapatid ko. Napangiti ako na tinawag ang mga ito.
"Eivon, Elijah, Eden, aalis na kami!" may kalakasan ang boses kong saad.
Lumingon ang mga ito na napakaway pa sa amin ni Dos. Inakay ko naman na itong lumabas ng bahay dahil baka maipit pa kami sa traffic. Ma-late pa ito sa trabaho eh. Nakakahiya.
Habang naglalakad kami ng iskinita ay hindi maiwasang magbulungan ang mga kapitbahay namin na makita kami ni Dos na magkasama. Nanunudyo pa nga ang iba na kinikilig sa amin. Marahil ay iniisip nilang karelasyon ko si Dos. Well. . . sana nga.
Natigilan naman ako na mabungaran ang ilang mga kalalakihan dito sa labasan na pinapalibutan ang magarang yellow ferrari dito. Namamangha ang mga ito na gustong-gustong haplusin ang kotse.
"Boss!"
Sabay-sabay pa ang mga itong sumaludo kay Dos na malingunan kami at nagsitabi. Napangiti naman si Dos sa mga ito na isa-isang kinamayan pa ang mga itong parang kabarkada niya lang. Napaka-friendly nga niyang tao at hindi matapobre, katulad sa ibang mga anak mayaman.
KABADO ako habang paakyat kami ni Dos sa floor kung saan naroon ang opisina ng Kuya nito. Nahihiya tuloy ako na magtrabaho dito dahil kitang kahit mga janitress lang ay magagara ang uniporme. Hindi ko naman alam na isa sa mga nangungunang kumpanya dito sa bansa ang pagtatrabahuan ko. Hindi ko tuloy mapigilang manliit sa sarili ko na hindi nababagay sa kumpanyang ito.
"Hey, relax, hmm?" anito.
Napahinga ako ng malalim na pilit ngumiti dito. Nandidito na kasi kami sa floor kung saan iisa lang ang pinto.
"K-kinakabahan kasi ako eh," pagtatapat ko na napa-shake-shakes ng mga kamay kong naninigas.
Natawa naman ito na ikinabusangot ko.
"No worries, nasa likod mo ako," kindat nito na inakbayan na ako.
Pilit kong pina-normal ang itsura na binuksan na nito ang pinto. Isang napakalawak namang opisina ang bumungad sa amin. Na parang studio type na ang itsura. May sala, kusina, banyo at silid. Nakagat ko ang ibabang labi dahil puting-puti ang tema ng buong silid. Kahit mga kagamitan. Hindi ko tuloy maiwasang maalala ang white mansion na pinagdalhan sa akin at sapilitang inangkin ng Don na may-ari ng lupain namin sa compound.
Kinilabutan ako sa lamig nitong silid at sa nakabibinging katahimikan. Inakay naman ako ni Dos sa sulok nitong opisina kung saan ang office table ng magiging amo ko. Napapalunok ako habang papalapit kami sa Kuya nitong abala sa pagpirma ng mga papeles sa harapan nito.
"Hey, dude!" ani Dos.
Saka naman ito nag-angat ng mukha at nagtama ang mga mata namin. Nanigas ako na namilog ang mga mata na makilala ito! Maging ito ay bakas ang kagulatan sa mukha na nakatulalang napatayo habang nakamata sa akin. Inakay naman ako ni Dos palapit sa table nito.
"She's the one I was talking to you, Kuya. Meet, Isabella Leighton. Um, sweetheart, this is my older brother, Typhus Del Mundo. Siya ang magiging amo mo dito."
"A-ano? a-amo ko?" mahinang bulalas ko.
"Hoy, Typhus, binabalaan kita.'Yang mga titig mo, umayos ka." May kadiinang pagbabanta pa nito sa kapatid na napangisi.
Nakilala niya kaya ako? Pero paano? Hindi naman niya alam ang pangalan, maski ang buong mukha ko. Pero bakit nagulat siya? Na parang. . . namumukhaan niya ako?